Natatandaan Mo Ba?
Nabasa mo bang mabuti ang nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:
Buhok ba ni Samson ang nagbigay sa kaniya ng lakas?
Hindi ang buhok ni Samson ang nagbigay sa kaniya ng lakas. Ang buhok niya ay sagisag ng kaniyang pantanging kaugnayan sa Diyos bilang isang Nazareo. Ang kaugnayang ito ay naapektuhan nang ahitin ni Delaila ang buhok ni Samson.—4/15, pahina 9.
Kung ihahalintulad sa ating literal na puso, anong tatlong bagay ang maaaring magkaroon ng mabuting epekto sa ating makasagisag na puso?
(1) Pagkain. Kung paanong kailangan ng ating literal na puso ang masustansiyang pagkain, kailangan din natin ng sapat at nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain. (2) Ehersisyo. Ang masigasig na pakikibahagi sa ministeryo ay tutulong para manatiling nasa kondisyon ang ating makasagisag na puso. (3) Kapaligiran. Mababawasan ang stress kung makikisama tayo sa mga kapananampalatayang nagmamalasakit sa atin.—4/15, pahina 16.
Kapag nagtaksil ang isang kabiyak, paano maibabalik ng mag-asawa ang tiwala nila sa isa’t isa?
Dapat silang (1) maging tapat sa isa’t isa; (2) magtulungan; (3) magbago; at (4) magsikap na alisin ang hinanakit, at ayusin ang kanilang relasyon.—5/1, pahina 12-15.
Sa isang pahayag sa libing, bakit hindi dapat ikapit ng tagapagsalita ang Awit 116:15 sa namatay?
Sinasabi ng tekstong ito: “Mahalaga sa paningin ni Jehova ang kamatayan ng kaniyang mga matapat.” Nangangahulugan ito na ang kamatayan ng lahat ng matapat sa Diyos ay napakalaking kawalan sa kaniya anupat hindi niya ito hahayaang mangyari. Hindi niya pahihintulutang malipol sa lupa ang kaniyang mga lingkod bilang isang grupo.—5/15, pahina 22.
Sino ang mga colporteur?
Bago ang taóng 1931, colporteur ang tawag sa mga payunir.—5/15, pahina 31.
Ano ang ilang salik na nagpapakitang ang Bibliya ay hindi basta ordinaryong aklat na isinulat ng mga tao?
Ang Bibliya ay naglalaman ng napakaraming hula na natupad. Nag-uulat ito ng tumpak na kasaysayan, hindi alamat. Kaayon ito ng siyensiya, at ang mga aklat nito ay magkakatugma. Praktikal ito sa ngayon.—6/1, pahina 4-8.
Saan tumutukoy ang pananalitang “lahat ng mga kahariang ito” sa Daniel 2:44?
Tumutukoy ito sa mga kaharian, o mga pamahalaan, na inilalarawan ng iba’t ibang bahagi ng imaheng metal na binigyang-kahulugan ni Daniel.—6/15, pahina 17.
Sa hula ng Bibliya, kailan naging ikapitong kapangyarihang pandaigdig ang Anglo-Amerika?
Umiral ang tambalang kapangyarihang pandaigdig na ito nang magkasamang kumilos sa kapansin-pansing paraan ang Britanya at ang Estados Unidos noong Digmaang Pandaigdig I.—6/15, pahina 19.
Paano pinatatawad at nililimot ng Diyos ang kasalanan ng mga nagsisisi?
Ganito ang sabi ni Jehova tungkol sa mga sinasang-ayunan niya: “Ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.” (Jer. 31:34) Salig sa pantubos, makapagpapatawad siya ng mga kasalanan. At kapag nagpatawad ang Diyos, nililimot niya ito sa diwa na hindi na niya aalalahanin ang mga kasalanang iyon para magparusa uli.—7/1, pahina 18.
Bakit natin mapaniniwalaan ang mga himalang nakaulat sa Bibliya?
Kadalasan, ang mga ito ay ginawa sa pampublikong lugar, hindi palihim. Simple lang ang mga ito. Walang espesyal na mga props. Ang mga ito ay ginawa para luwalhatiin ang Diyos, hindi ang mga tao. Iba’t ibang uri ng himala ang ginawa, at hindi ikinaila ng mga mananalansang na nangyari nga ang mga iyon. Ito ang mga dahilan para magtiwala tayo sa mga himalang nakaulat sa Bibliya.—8/1, pahina 7-8.