Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Hindi Ninyo Alam ang Araw Ni ang Oras”

“Hindi Ninyo Alam ang Araw Ni ang Oras”

“Patuloy kayong magbantay, kung gayon, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”​—MAT. 25:13.

1-3. (a) Anong mga sitwasyon ang tutulong sa atin na maunawaan ang aral sa dalawang talinghaga ni Jesus? (b) Anong mga tanong ang sasagutin natin?

 IPAGPALAGAY mong hinilingan ka ng isang kilaláng opisyal na ipagmaneho siya papunta sa isang mahalagang appointment. Pero ilang minuto bago mo siya sunduin, nalaman mong di-sapat ang gas ng sasakyan mo. Kaya nagmadali kang magpagasolina. Dumating siya sa tagpuan, pero hindi ka niya nakita. At dahil nagmamadali siya, nagpahatid siya sa iba. Pagdating mo, nalaman mong nakaalis na siya. Ano ang madarama mo?

2 Ipagpalagay mo naman na ikaw ang opisyal. Pumili ka ng tatlong tao na aatasan mo sa isang mahalagang gawain. Ipinaliwanag mo ito sa kanila, at tinanggap nila ito. Pero pagbalik mo nang maglaon, nalaman mong dalawa lang sa kanila ang gumawa ng iniatas mo. Ang masaklap pa, nagdadahilan ang isa na hindi gumanap ng kaniyang atas. Ang totoo, ni hindi man lang niya sinubukang gawin ang ipinagagawa mo sa kaniya. Ano ang madarama mo?

3 Sa kaniyang mga talinghaga tungkol sa mga dalaga at tungkol sa mga talento, gumamit si Jesus ng katulad na mga sitwasyon para ipakita kung bakit sa panahon ng kawakasan, may mga pinahirang Kristiyano na magiging tapat at maingat pero may ilan na hindi. a (Mat. 25:1-30) Idiniin niya ang aral sa mga talinghagang ito sa pagsasabi: “Patuloy kayong magbantay, kung gayon, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras”​—samakatuwid nga, kung kailan aktuwal na pupuksain ni Jesus ang sanlibutan ni Satanas. (Mat. 25:13) Maikakapit din natin ang payong iyan sa ngayon. Paano tayo makikinabang sa patuloy na pagbabantay, gaya ng ipinayo ni Jesus? Sino ang mga napatunayang handa para sa kaligtasan? At ano ang magagawa natin ngayon para patuloy tayong makapagbantay?

ANG MGA PAKINABANG NG PATULOY NA PAGBABANTAY

4. Bakit ang ‘pananatiling gising’ ay hindi nangangahulugan ng pagbabantay sa oras?

4 Sa ilang gawain, gaya ng pagtatrabaho sa pabrika, pagkonsulta sa doktor, o pagsakay sa ilang uri ng pampublikong transportasyon, kailangan tayong sumunod sa tamang iskedyul. Pero sa ibang sitwasyon, gaya ng pag-apula sa sunog o pagliligtas sa mga biktima ng sakuna, ang pagtingin-tingin sa orasan ay makagagambala, o mapanganib pa nga. Sa ganitong mga sitwasyon, mas mahalagang magpokus sa gawain kaysa sa alamin ang oras. Sa katulad na paraan, ang ating gawaing pangangaral ay tumutulong sa mga tao na malaman ang mga paglalaan ni Jehova para sa kaligtasan. Lalong nagiging mahalaga ang gawaing ito dahil papalapit na nang papalapit ang wakas ng sistemang ito. Para makapanatiling gising bilang mga Kristiyano, hindi natin kailangang bantayan ang oras. Sa katunayan, ang hindi pagkaalam sa eksaktong araw o oras ng pagdating ng wakas ay may di-kukulangin sa limang pakinabang.

5. Paano nasisiwalat ang laman ng ating puso dahil hindi natin alam ang araw o oras?

5 Una, dahil hindi natin alam kung kailan darating ang wakas, maipakikita natin kung ano talaga ang laman ng ating puso. Sa katunayan, binibigyang-dangal tayo ni Jehova dahil hinahayaan niya tayong magpasiya kung mananatili tayong tapat sa kaniya o hindi. Naglilingkod tayo kay Jehova dahil mahal natin siya, hindi lang dahil gusto nating makaligtas sa wakas ng sistemang ito at magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Basahin ang Awit 37:4.) Kasiya-siya sa atin ang paggawa ng kaniyang kalooban, at alam nating tinuturuan tayo ng Diyos para sa ating kapakinabangan. (Isa. 48:17) At hindi pabigat sa atin ang kaniyang mga utos.​—1 Juan 5:3.

6. Ano ang nadarama ng Diyos kapag naglilingkod tayo sa kaniya udyok ng pag-ibig, at bakit?

6 Ikalawa, ang di-pagkaalam ng araw o oras ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong mapagalak ang puso ni Jehova. Kapag naglilingkod tayo sa kaniya udyok ng pag-ibig at hindi dahil sa petsa o gantimpala, natutulungan natin si Jehova na sagutin ang walang-batayang pagtuya ng kaaway niyang si Satanas. (Job 2:4, 5; basahin ang Kawikaan 27:11.) Alam natin ang lahat ng pagdurusang idinulot ng Diyablo, kaya naman malugod nating itinataguyod ang soberanya ni Jehova at tinatanggihan ang masamang pamamahala ni Satanas.

7. Bakit mo gustong maging mapagsakripisyo?

7 Ikatlo, dahil naglilingkod tayo nang hindi nakatingin sa espesipikong petsa, napasisigla tayong maging mapagsakripisyo. Sa ngayon, may mga taong hindi kumikilala sa Diyos pero naniniwala rin na hindi na magtatagal ang sanlibutang ito. At dahil takót sila sa paparating na kapahamakan, ganito ang saloobin nila: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo.” (1 Cor. 15:32) Sa kabaligtaran, hindi tayo natatakot. At hindi natin ibinubukod ang ating sarili para pagbigyan ang makasariling mga hangarin. (Kaw. 18:1) Sa halip, itinatatwa natin ang ating sarili at ginagamit ang ating panahon, lakas, at iba pang taglay natin para ibahagi sa iba ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Basahin ang Mateo 16:24.) Nasisiyahan tayong maglingkod sa Diyos, lalo na kapag natutulungan natin ang iba na makilala siya.

8. Anong halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita na kailangan tayong lubusang manalig kay Jehova at sa kaniyang Salita?

8 Ikaapat, ang di-pagkaalam ng araw o oras ay nakatutulong sa atin na lubusang manalig kay Jehova at maging masikap sa pagkakapit ng kaniyang Salita. Dahil hindi tayo sakdal, may tendensiya tayong manalig sa ating sarili. Nagbabala si Pablo sa lahat ng Kristiyano: “Siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.” Binanggit niya ang 23,000 Israelita na sumuway kay Jehova at namatay noong malapit na silang pumasok sa Lupang Pangako. Sinabi ni Pablo: “Isinulat ang mga ito bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.”​—1 Cor. 10:8, 11, 12.

9. Paano mapatitibay ng mga pagsubok ang ating pananampalataya at ang ating kaugnayan sa Diyos?

9 Ikalima, ang di-pagkaalam kung kailan darating ang wakas ay tumutulong sa atin na matuto sa mga pagsubok at mapatibay ang ating pananampalataya. (Basahin ang Awit 119:71.) Talagang ‘mapanganib at mahirap pakitunguhan’ ang mga huling araw ng sistemang ito. (2 Timoteo 3:1-5) Marami sa sanlibutan ni Satanas ang napopoot sa atin, kaya maaari tayong pag-usigin dahil sa ating pananampalataya. (Juan 15:19; 16:2) Kung mapagpakumbaba tayo at hihingin natin ang patnubay ng Diyos sa panahon ng pagsubok, madadalisay ang ating pananampalataya na parang dumaan sa apoy. Hindi tayo susuko. Sa halip, magiging mas malapít tayo kay Jehova.​—Sant. 1:2-4; 4:8.

10. Paano maaaring mabilis na lumipas ang panahon?

10 Puwedeng magtinging mabilis o mabagal ang paglipas ng panahon, depende sa atin. Kapag abala tayo at hindi nakabantay sa relo, parang napakabilis ng oras. Sa katulad na paraan, kapag okupado tayo sa kapana-panabik na gawaing ibinigay ni Jehova, darating ang wakas nang mas mabilis kaysa sa inaasahan natin. Hinggil sa bagay na ito, magandang halimbawa ang karamihan sa mga pinahiran. Magbalik-tanaw tayo sa mga pangyayari matapos iluklok si Jesus bilang Hari noong 1914 at tingnan natin kung paano naging handa ang ibang pinahiran samantalang ang ilan ay hindi.

NAPATUNAYANG HANDA ANG MGA PINAHIRAN

11. Pagkatapos ng 1914, bakit inisip ng ilang pinahiran na nagluluwat ang Panginoon?

11 Alalahanin ang mga talinghaga ni Jesus tungkol sa mga dalaga at tungkol sa mga talento. Kung alam ng mga dalaga o ng mga alipin sa mga talinghagang iyon kung kailan darating ang kasintahang lalaki o ang panginoon, hindi na sana nila kailangan pang patuloy na magbantay. Pero hindi nila alam iyon, kaya kailangan silang maging handa. Bagaman maraming taon nang batid ng mga pinahiran na ang 1914 ay isang mahalagang taon, hindi nila lubusang nauunawaan kung ano ang mangyayari. At nang hindi mangyari ang inaasahan nila, inisip nilang nagluluwat ang Kasintahang Lalaki. Ganito ang sinabi ng isang brother nang maglaon, “Ang ilan sa amin ay taimtim na nag-akalang aakyat na kami sa langit noong unang linggo ng Oktubre na iyon [noong 1914].”

12. Paano ipinakita ng mga pinahiran na sila ay tapat at maingat?

12 Isip-isipin kung gaano kahirap maghintay sa pagdating ng wakas at pagkatapos ay hindi ito dumating! Hindi lang iyan. Dumanas din ng pagsalansang ang mga kapatid dahil sa Digmaang Pandaigdig I. Halos mapahinto ang gawaing pangangaral, at para bang nakatulog ang mga pinahiran. Pero noong 1919, ginising sila ng isang panawagan! Dumating na si Jesus sa espirituwal na templo ng Diyos para magsiyasat. May ilan na hindi nakapasa sa pagsisiyasat na ito kung kaya naiwala nila ang pribilehiyong maglingkod sa Hari. (Mat. 25:16) Hindi sila naging masikap sa paglalagay ng espirituwal na langis sa kanilang mga lampara, katulad ng mangmang na mga dalaga. At gaya ng makupad na alipin, hindi sila handang magsakripisyo para sa Kaharian. Pero karamihan sa mga pinahiran ay nagpakita ng di-natitinag na pagkamatapat at masidhing pagnanais na paglingkuran ang kanilang Panginoon sa mahihirap na taóng iyon ng digmaan.

13. Ano ang saloobin ng uring alipin pagkaraan ng 1914? Ano ang saloobin nila ngayon?

13 Pagkaraan ng 1914, ganito ang naging paliwanag ng The Watchtower: “Mga kapatid, tayong may tamang saloobin sa Diyos ay hindi nabibigo sa anumang kaayusan Niya. Hindi natin ninanais na ang ating kalooban ang mangyari; kaya kung nakita man natin na nagkamali tayo sa ating inaasahan noong Oktubre, 1914, nagagalak naman tayo at hindi binago ng Panginoon ang Kaniyang Plano para sa atin. Hindi natin nais na gawin Niya iyon. Nais lamang natin na maunawaan ang Kaniyang mga plano at mga layunin.” Ang ganitong kapakumbabaan at debosyon ay taglay pa rin ng mga pinahiran ng Panginoon. Hindi sila nag-aangking kinasihan, pero determinado silang gawin ang gawain ng Panginoon dito sa lupa. At “isang malaking pulutong” ng “ibang mga tupa”​—mga Kristiyanong may makalupang pag-asa​—ang tumutulad sa kanilang sigasig at pagiging mapagbantay.​—Apoc. 7:9; Juan 10:16.

PINATUTUNAYAN NATING HANDA TAYO

Kahit sa mahihirap na sitwasyon, patuloy na humanap ng espirituwal na pagkain

14. Paano tayo nakikinabang sa pagsunod sa aliping inatasan ng Diyos na maglaan ng espirituwal na pagkain?

14 Gaya ng mga pinahirang Kristiyano, ang alistong mga miyembro ng malaking pulutong ay patuloy na sumusunod sa tapat at maingat na aliping inatasan ng Diyos na maglaan ng espirituwal na pagkain. Para bang patuloy nilang pinupunan ang kanilang suplay ng espirituwal na langis mula sa Salita ng Diyos at sa kaniyang espiritu. (Basahin ang Awit 119:130; Juan 16:13.) Dahil dito, sila’y handa para sa pagbabalik ni Kristo at aktibo kahit sa harap ng mahihirap na pagsubok. Halimbawa, sa isang kampong piitan ng mga Nazi, iisa lang ang Bibliya ng mga kapatid. Kaya nanalangin sila para sa karagdagang espirituwal na pagkain. Di-nagtagal, nabalitaan nila na isang bagong kapipiit na brother ang nakapagpuslit sa kampo ng ilang bagong isyu ng Ang Bantayan na itinago niya sa loob ng kaniyang artipisyal na binting kahoy. Nang maglaon, ganito ang ikinuwento ni Ernst Wauer, isang pinahirang brother na kasama sa mga nakaligtas: “Tinulungan kami ni Jehova sa isang kagila-gilalas na paraan upang masaulo ang mga kaisipan sa mga artikulo na nakapagpapatibay.” Sinabi pa niya: “Sa kasalukuyan, napakadaling kumuha ng espirituwal na pagkain, ngunit atin bang pinahahalagahan iyon sa tuwina? Ako’y nagtitiwala na si Jehova ay may saganang mga pagpapala na nakalaan para sa mga nagtitiwala sa kaniya, nananatiling tapat, at kumakain sa kaniyang hapag.”

15, 16. Paano pinagpala ang sigasig sa ministeryo ng isang mag-asawa? Ano ang matututuhan mo sa ganitong mga karanasan?

15 Abala rin ang ibang mga tupa sa gawain ng Panginoon bilang pagsuporta sa mga kapatid ni Kristo. (Mat. 25:40) Di-gaya ng balakyot at makupad na alipin sa talinghaga ni Jesus, handa silang magsakripisyo at magpagal para unahin ang interes ng Kaharian. Kuning halimbawa sina Jon at Masako. Nang anyayahan silang pumunta sa Kenya para mangaral sa mga Tsino roon, sa simula ay nag-atubili sila. Pero matapos ipanalangin at pag-isipan ang kanilang mga kalagayan, nagpasiya silang lumipat doon.

16 Saganang pinagpala ang kanilang pagsisikap. “Napakaganda ng ministeryo dito,” ang sabi nila. Nakapagpasimula sila ng pitong pag-aaral sa Bibliya. Nagkaroon pa sila ng maraming kapana-panabik na karanasan. Nasabi nila, “Araw-araw kaming nagpapasalamat kay Jehova na pinahintulutan niya kaming pumunta rito.” Ipinakita rin ng maraming kapatid na gusto nilang maging lubusang abala sa paglilingkod sa Diyos kailanman dumating ang wakas. Nariyan ang mga nagtapos sa Paaralang Gilead at naglilingkod bilang mga misyonero. Bakit hindi mo basahin ang isang halimbawa ng pantanging paglilingkod na iyan sa artikulong “Ginagawa Namin ang Aming Buong Makakaya!” na lumabas sa Ang Bantayan ng Oktubre 15, 2001? Habang binabasa mo ang tungkol sa maghapong gawain ng isang misyonero, pag-isipan kung paano mo mapalalawak ang iyong ministeryo para sa kapurihan ng Diyos at sa iyong kaligayahan.

PATULOY KA RING MAGBANTAY

Mabilis lumipas ang panahon kapag nakapokus tayo sa mga gawaing Kristiyano

17. Bakit isang pagpapala sa atin ang hindi pagkaalam sa araw o oras ng pagdating ng wakas?

17 Talagang isang pagpapala sa atin na hindi natin alam kung kailan ang eksaktong araw o oras ng wakas ng sistemang ito. Sa halip na madismaya o masiraan ng loob, lalo pa tayong napapalapít kay Jehova, ang ating maibiging Ama, habang abala tayo sa paggawa ng kaniyang kalooban. Dahil pinananatili natin ang ating kamay sa araro, wika nga, at iniiwasan ang mga pang-abala, maligaya tayo habang naglilingkod sa ating Panginoon.​—Luc. 9:62.

18. Bakit natin gustong manatiling tapat sa Diyos?

18 Palapit na nang palapit ang araw ng paghatol ng Diyos. Ayaw nating biguin si Jehova at si Jesus. Pinagkatiwalaan nila tayo ng mahahalagang pribilehiyo sa mga huling araw na ito. Pinahahalagahan natin ang tiwalang ipinakita nila sa atin!​—Basahin ang 1 Timoteo 1:12.

19. Paano natin mapatutunayan na handa tayo?

19 Ang pag-asa man natin ay sa langit o sa Paraiso sa lupa, maging determinadong manatiling tapat sa ating bigay-Diyos na atas na mangaral at gumawa ng alagad. Hindi pa rin natin alam ang eksaktong araw o oras ng pagdating ng araw ni Jehova, pero kailangan pa ba nating malaman iyon? Maaari tayong maging handa, at gagawin natin iyon. (Mat. 24:36, 44) Nakatitiyak tayo na hangga’t patuloy tayong nagtitiwala kay Jehova at inuuna ang kaniyang Kaharian, hindi tayo mabibigo.​—Roma 10:11.

a Tingnan ang Bantayan ng Marso 1, 2004, pahina 14-18.