Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Paaralang Teokratiko—Katibayan ng Pag-ibig ni Jehova

Mga Paaralang Teokratiko—Katibayan ng Pag-ibig ni Jehova

SI Jehova ang ating “Dakilang Tagapagturo.” (Isa. 30:20) Pag-ibig ang nagpapakilos sa kaniya na turuan at sanayin ang iba. Halimbawa, udyok ng masidhing pag-ibig, ipinakikita niya kay Jesus “ang lahat ng bagay na kaniya mismong ginagawa.” (Juan 5:20) Ang pag-ibig ni Jehova sa atin, na kaniyang mga Saksi, ang nag-uudyok sa kaniya na bigyan tayo ng “dila ng mga naturuan,” habang nagsisikap tayong purihin siya at tulungan ang iba.​—Isa. 50:4.

Bilang pagtulad sa pag-ibig ni Jehova, ang Teaching Committee ng Lupong Tagapamahala ay gumagamit ng sampung paaralang teokratiko para sanayin ang mga kapatid na may pagnanais at nasa kalagayan na magpatala. Itinuturing mo bang katibayan ng pag-ibig ni Jehova ang mga paaralang ito?

Pakisuyong basahin ang maikling sumaryo tungkol sa kasalukuyang mga paaralang teokratiko at ang mga komento ng ilang nakinabang na rito. Pagkatapos, tanungin ang iyong sarili, ‘Paano ako makikinabang sa edukasyong ito na nagmumula sa Diyos?’

MAKINABANG SA TEOKRATIKONG PAGSASANAY

Bilang “Diyos ng pag-ibig,” naglalaan si Jehova ng pagsasanay na nagbibigay ng kahulugan sa ating buhay, naghahanda sa atin na harapin ang mga pagsubok, at tumutulong sa atin na lubusang masiyahan sa ating ministeryo. (2 Cor. 13:11) Tulad ng unang-siglong mga alagad, tayo ay lubusang sinanay para tumulong sa iba, anupat “itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay” na iniutos sa atin.​—Mat. 28:20.

Kahit hindi tayo makapag-aral sa lahat ng paaralang ito, maaari tayong makinabang sa isa o higit pa sa mga ito. At maikakapit natin ang inilalaang salig-Bibliyang mga instruksiyon. Magiging mas mabisa rin tayo sa ministeryo kung gagawa tayong kasama ng mga lingkod ni Jehova na tumanggap ng mahusay na pagsasanay.

Tanungin ang iyong sarili, ‘Nasa kalagayan ba akong magpatala sa alinman sa mga paaralang ito?’

Itinuturing ng mga mananamba ni Jehova na isang pribilehiyo na sumuporta at maturuan sa mahahalagang paaralang ito. Ang pagsasanay na tinatanggap mo ay lalo sanang maglapít sa iyo sa Diyos at tumulong sa iyo na gampanan ang iyong mga pananagutan sa kaniya, lalo na ang apurahang atas na ipangaral ang mabuting balita.