Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Inyong Oo ay Mangahulugang Oo

Ang Inyong Oo ay Mangahulugang Oo

“Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi.”​—MAT. 5:37.

1. Ano ang sinabi ni Jesus hinggil sa panunumpa, at bakit?

 KADALASAN, hindi kailangang manumpa ang mga tunay na Kristiyano. Sinusunod nila ang sinabi ni Jesus: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo.” Ibig sabihin, dapat tuparin ng isang tao ang kaniyang ipinangako. Bago iyan, sinabi ni Jesus: ‘Huwag kang manumpa sa paanuman.’ Kinokondena niya ang nakaugalian ng maraming tao na panunumpa na walang intensiyong tuparin ang kanilang pangako. Kapag “lumabis” sa Oo o Hindi ang isang nangangako, ipinakikita niyang hindi siya mapagkakatiwalaan at sa gayo’y nasa impluwensiya ng “isa na balakyot.”​—Basahin ang Mateo 5:33-37.

2. Ipaliwanag kung bakit hindi laging mali ang manumpa.

2 Ipinakikita ba ng mga salita ni Jesus na laging mali ang manumpa? Imposible! Gaya ng natutuhan natin sa nakaraang artikulo, may mga pagkakataong sumumpa ang Diyos na Jehova at ang kaniyang matuwid na lingkod na si Abraham. Kahilingan din ng Kautusan ng Diyos ang panunumpa para malutas ang ilang problema. (Ex. 22:10, 11; Bil. 5:21, 22) Kaya baka ang isang Kristiyano ay kailangang sumumpa na magsasabi siya ng katotohanan kapag tumetestigo sa hukuman. O sa ilang pambihirang pagkakataon, ang isang Kristiyano ay maaaring kailangang sumumpa para tiyakin ang kaniyang intensiyon o para lutasin ang isang problema. Sa katunayan, nang panumpain si Jesus ng mataas na saserdote, hindi siya tumutol kundi nagsabi ng katotohanan sa harap ng Judiong Sanedrin. (Mat. 26:63, 64) Pero hindi kailangang manumpa si Jesus kahit kanino. Gayunman, para idiin na maaasahan ang kaniyang sinasabi, malimit niyang banggitin: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo.” (Juan 1:51; 13:16, 20, 21, 38) Tingnan natin kung ano pa ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jesus, ni Pablo, at ng iba pa na ang Oo ay nangahulugang Oo.

SI JESUS​—ANG PINAKAMAHUSAY NA HALIMBAWA

Mula bautismo hanggang kamatayan, tinupad ni Jesus ang ipinangako niya sa kaniyang Ama

3. Sa panalangin, ano ang ipinangako ni Jesus sa Diyos? Paano tumugon ang kaniyang makalangit na Ama?

3 “Narito! Ako ay dumating . . . upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos.” (Heb. 10:7) Iyan ang sinabi ni Jesus nang iharap niya ang kaniyang sarili sa Diyos para tuparin ang lahat ng inihula tungkol sa ipinangakong Binhi, pati na ang ‘pagsugat [ni Satanas] sa kaniyang sakong.’ (Gen. 3:15) Siya lang ang nagboluntaryong bumalikat ng gayon kabigat na pananagutan. Mula sa langit, ipinahayag ni Jehova ang kaniyang lubos na pagtitiwala sa kaniyang Anak, at hindi Niya hinilingan si Jesus na manumpang tuparin ang kaniyang ipinangako.​—Luc. 3:21, 22.

4. Paano pinatunayan ni Jesus na ang kaniyang Oo ay nangangahulugang Oo?

4 Laging tinutupad ni Jesus ang kaniyang ipinangako​—ang kaniyang Oo ay nangangahulugang Oo. Hindi niya hinayaang magambala siya sa kaniyang bigay-Diyos na atas na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian at gawing alagad ang lahat ng inilapit ng Diyos sa kaniya. (Juan 6:44) Pinatutunayan ng Bibliya na talagang ginawa ni Jesus ang kalooban ng Diyos: “Gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyon ay naging Oo sa pamamagitan niya.” (2 Cor. 1:20) Si Jesus ang pinakamahusay na halimbawa ng isa na tumupad ng kaniyang pangako sa Ama. Talakayin naman natin ang halimbawa ng isa na nagsikap tumulad kay Jesus.

SI PABLO​—MAY ISANG SALITA

5. Anong halimbawa ang iniwan sa atin ni apostol Pablo?

5 “Ano ang gagawin ko, Panginoon?” (Gawa 22:10) Ito ang taimtim na sinabi ni Pablo, kilala noon bilang Saul, nang magpakita sa kaniya sa pangitain ang niluwalhating Panginoong Jesus para pahintuin siya sa pag-uusig sa mga alagad ni Kristo. Dahil sa pangyayaring ito, pinagsisihan ni Saul ang kaniyang mga ginawa. Nagpabautismo siya at tinanggap ang pantanging atas na magpatotoo sa mga bansa tungkol kay Jesus. Mula noon, “Panginoon” na ang tawag ni Pablo kay Jesus, at kumilos siya kasuwato nito hanggang sa wakas ng kaniyang buhay sa lupa. (Gawa 22:6-16; 2 Cor. 4:5; 2 Tim. 4:8) Ibang-iba si Pablo sa mga taong sinabihan ni Jesus: “Bakit nga ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon! Panginoon!’ ngunit hindi ninyo ginagawa ang mga bagay na sinasabi ko?” (Luc. 6:46) Oo, inaasahan ni Jesus na ang lahat ng tatanggap sa kaniya bilang Panginoon ay tutupad sa kanilang ipinangako, gaya ni apostol Pablo.

6, 7. (a) Bakit binago ni Pablo ang plano niyang muling dumalaw sa Corinto? Bakit walang batayan ang kaniyang mga kritiko para kuwestiyunin kung nagsasabi siya ng totoo? (b) Ano ang dapat nating maging pangmalas sa mga nangunguna sa atin?

6 Masigasig na ipinangaral ni Pablo ang mensahe ng Kaharian sa buong Asia Minor hanggang sa Europa, anupat nagtatag ng maraming kongregasyon at muling dinalaw ang mga ito. May mga pagkakataong kailangan niyang manumpa para patunayang totoo ang isinulat niya. (Gal. 1:20) Nang akusahan si Pablo ng ilang taga-Corinto na hindi siya mapagkakatiwalaan, isinulat niya bilang pagtatanggol: “Mapananaligan ang Diyos na ang aming pananalita na sinasalita sa inyo ay hindi Oo at gayunma’y Hindi.” (2 Cor. 1:18) Nang isulat niya ito, nakaalis na si Pablo sa Efeso at naglalakbay na sa Macedonia patungong Corinto. Noong una, plano niyang dumalaw-muli sa Corinto bago pumunta sa Macedonia. (2 Cor. 1:15, 16) Pero gaya ng mga naglalakbay na tagapangasiwa sa ngayon, paminsan-minsan ay kailangang gumawa ng pagbabago sa ruta. Ginagawa iyon hindi dahil sa kapritso kundi dahil sa ilang di-inaasahang pangyayari. Sa kaso ni Pablo, ang pagpapaliban niya ng pagdalaw sa kongregasyon sa Corinto ay para sa ikabubuti nila. Sa anong paraan?

7 Ilang panahon matapos niyang gawin ang orihinal niyang plano, nakatanggap si Pablo ng nakababahalang balita na kinukunsinti ng kongregasyon sa Corinto ang pagkakabaha-bahagi at imoralidad. (1 Cor. 1:11; 5:1) Para ituwid ang mga bagay-bagay, nagbigay siya ng matinding payo sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto. Pagkatapos, sa halip na maglayag mula Efeso patungong Corinto, nagpasiya si Pablo na bigyan ang mga kapatid ng panahong maikapit ang kaniyang payo para kapag dumating siya, mas magiging nakapagpapatibay ang pagdalaw niya. Para tiyakin sa kanila na ito ang totoong dahilan kung bakit nagbago ang kaniyang mga plano, isinulat ni Pablo sa kaniyang ikalawang liham: “Tinatawagan ko ang Diyos bilang saksi laban sa aking sariling kaluluwa na upang paligtasin nga kayo kung kaya hindi pa ako pumapariyan sa Corinto.” (2 Cor. 1:23) Huwag sana tayong maging gaya ng mga kritiko ni Pablo. Sa halip, magpakita tayo ng matinding paggalang sa mga inatasang manguna sa atin. Tinupad ni Pablo ang kaniyang ipinangako. Tularan natin siya, gaya ng pagtulad niya kay Kristo.​—1 Cor. 11:1; Heb. 13:7.

IBA PANG MAHUHUSAY NA HALIMBAWA

8. Anong halimbawa ang iniwan sa atin ni Rebeka?

8 “Handa akong sumama.” (Gen. 24:58) Iyan ang simpleng sagot ni Rebeka sa kaniyang ina at kapatid para ipakitang handa siyang lisanin ang kanilang tahanan nang mismong araw na iyon at maglakbay nang mahigit 800 kilometro kasama ng isang estranghero para maging asawa ng anak ni Abraham na si Isaac. (Gen. 24:50-58) Ang Oo ni Rebeka ay nangahulugang Oo. Naging mabuti siyang asawa ni Isaac at tapat na lingkod ni Jehova. Sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay, nanirahan siya sa mga tolda bilang dayuhan sa Lupang Pangako. Ginantimpalaan siya ng Diyos dahil sa kaniyang katapatan at naging ninuno siya ng ipinangakong Binhi, si Jesu-Kristo.​—Heb. 11:9, 13.

9. Paano tinupad ni Ruth ang kaniyang ipinangako?

9 “Hindi, kundi kasama mo kaming babalik sa iyong bayan.” (Ruth 1:10) Ito ang paulit-ulit na sinasabi ng mga balong Moabita na sina Ruth at Orpa sa kanilang balong biyenan na si Noemi, na naglalakbay pabalik sa Betlehem mula sa Moab. Dahil sa paghimok ni Noemi, bumalik si Orpa sa kaniyang sariling lupain. Pero ang Hindi ni Ruth ay nangangahulugang Hindi. (Basahin ang Ruth 1:16, 17.) Nanatili siya sa piling ni Noemi kahit hindi na niya muling makikita ang kaniyang pamilya, at tinalikuran niya ang huwad na pagsamba ng Moab. Nagbata siya bilang isang tapat na mananamba ni Jehova. Kaya naman pinagpala siya na maging isa sa lilimang babaing binanggit ni Mateo sa talaangkanan ni Kristo.​—Mat. 1:1, 3, 5, 6, 16.

10. Bakit isang mabuting halimbawa para sa atin si Isaias?

10 “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isa. 6:8) Bago ito sinabi ni Isaias, nakita niya sa isang maluwalhating pangitain si Jehova na nakaupo sa Kaniyang trono sa ibabaw ng templo ng Israel. Habang pinagmamasdan ang tanawing ito, narinig ni Isaias ang tinig ni Jehova: “Sino ang aking isusugo, at sino ang yayaon para sa amin?” Naghahanap si Jehova ng tagapagsalitang isusugo niya para maghayag ng mensahe sa kaniyang masuwaying bayan. Tinupad ni Isaias ang kaniyang pangako​—ang kaniyang Oo ay nangahulugang Oo. Sa loob ng mahigit 46 na taon, tapat siyang naglingkod bilang propeta, anupat naghatid ng matitinding pagtuligsa pati na ng kamangha-manghang mga pangako tungkol sa pagsasauli ng tunay na pagsamba.

11. (a) Bakit mahalagang tuparin natin ang ating mga pangako? (b) Magbigay ng mga babalang halimbawa ng mga taong hindi nagsabi ng totoo.

11 Bakit ipinasulat ni Jehova sa Bibliya ang nabanggit na mga halimbawa? At gaano ba kahalaga na ang ating Oo ay mangahulugang Oo? Nagbababala ang Bibliya na ang mga taong “bulaan sa mga kasunduan” ay “karapat-dapat sa kamatayan.” (Roma 1:31, 32) Ang Paraon ng Ehipto, si Haring Zedekias ng Juda, at sina Ananias at Sapira ay mga indibiduwal na binanggit sa Bibliya na ang Oo ay hindi nangahulugang Oo. Lahat sila ay napahamak at nagsilbing mga babalang halimbawa sa atin.​—Ex. 9:27, 28, 34, 35; Ezek. 17:13-15, 19, 20; Gawa 5:1-10.

12. Ano ang makatutulong sa atin na maging tapat sa ating mga pangako?

12 Nabubuhay tayo sa “mga huling araw” kung kaya napalilibutan tayo ng mga taong “di-matapat,” na “may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.” (2 Tim. 3:1-5) Hangga’t maaari, iwasan natin ang gayong masasamang kasama. Sa halip, regular tayong makipagtipon sa mga taong nagsisikap na ang kanilang Oo ay mangahulugang Oo.​—Heb. 10:24, 25.

ANG IYONG PINAKAMAHALAGANG OO

13. Ano ang pinakamahalagang Oo ng isang tagasunod ni Jesu-Kristo?

13 Ang pinakamahalagang pangako na puwedeng gawin ng isa ay ang pag-aalay ng kaniyang sarili sa Diyos. Ang mga gustong magtatwa ng kanilang sarili para maging alagad ni Jesus ay maaaring magsabi ng Oo sa tatlong espesipikong pagkakataon kapag tinanong sila tungkol sa kanilang intensiyon. (Mat. 16:24) Kapag iniinterbyu ng dalawang elder ang isang indibiduwal na gustong maging di-bautisadong mamamahayag, tatanungin nila siya, “Talaga bang gusto mong maging isang Saksi ni Jehova?” Sa kalaunan, kapag sumulong siya sa espirituwal at gusto na niyang magpabautismo, kakausapin siya ng mga elder at tatanungin, “Personal ka na bang nakapag-alay kay Jehova sa panalangin?” At panghuli, sa araw ng bautismo, ang mga kandidato ay tatanungin, “Salig sa hain ni Jesu-Kristo, pinagsisihan mo na ba ang iyong mga kasalanan at inialay ang iyong sarili kay Jehova upang gawin ang kaniyang kalooban?” Kaya naman sa harap ng mga saksi, ang mga baguhang ito ay magsasabi ng Oo hinggil sa kanilang pangakong paglingkuran ang Diyos magpakailanman.

Tinutupad mo ba ang iyong pinakamahalagang Oo?

14. Anong mga tanong ang dapat nating pag-isipan sa pana-panahon?

14 Ikaw man ay isang bagong bautisado o matagal nang naglilingkod sa Diyos, kailangan mong tanungin ang iyong sarili sa pana-panahon: ‘Bilang pagtulad kay Jesu-Kristo, patuloy ko bang tinutupad ang aking pinakamahalagang Oo? Ginagawa ko bang pangunahin sa buhay ko ang pangangaral at paggawa ng alagad bilang pagsunod kay Jesus?’​—Basahin ang 2 Corinto 13:5.

15. Sa anu-anong pitak ng buhay mahalaga na ang ating Oo ay mangahulugang Oo?

15 Para matupad natin ang ating pag-aalay sa Diyos, kailangan din nating maging tapat sa iba pang mahahalagang bagay. Halimbawa: May asawa ka na ba? Kung gayon, tuparin mo ang iyong mahalagang panata na mahalin at pakaibigin ang iyong kabiyak. Pumirma ka ba sa isang kontrata sa negosyo o sa isang aplikasyon para sa mga teokratikong pribilehiyo? Kung gayon, tuparin mo ang iyong mga pananagutan at pangako. Tumanggap ka ba ng paanyayang kumain kasama ng isa na di-gaanong nakaririwasa? Kung gayon, huwag mo itong kanselahin dahil lang sa may nagbigay ng mas magandang paanyaya. O pinangakuan mo ba ang isang nakausap mo sa bahay-bahay na babalik ka para bigyan siya ng karagdagang espirituwal na tulong? Kung gayon, ang iyong Oo ay dapat mangahulugang Oo. Tiyak na pagpapalain ni Jehova ang iyong ministeryo.​—Basahin ang Lucas 16:10.

MATUTULUNGAN TAYO NG ATING MATAAS NA SASERDOTE AT HARI

16. Ano ang dapat nating gawin kapag hindi tayo nakatupad sa ating ipinangako?

16 Sinasabi ng Bibliya na dahil hindi tayo sakdal, “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit,” lalo na sa ating pagsasalita. (Sant. 3:2) Paano kung hindi tayo nakatupad sa ating ipinangako? Sa Kautusan ng Diyos sa Israel, may maawaing probisyon para sa mga ‘nakapagsalita nang di-pinag-iisipan.’ (Lev. 5:4-7, 11) May maibiging probisyon din para sa mga Kristiyanong nakagawa ng gayong kasalanan. Kung ipagtatapat natin kay Jehova ang ating espesipikong kasalanan, kaaawaan niya tayo at patatawarin sa pamamagitan ng ating Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo. (1 Juan 2:1, 2) Pero para manatiling sinasang-ayunan ng Diyos, kailangan tayong magpakita ng mga bungang angkop sa pagsisisi. Halimbawa, huwag tayong mamihasa sa pagsira sa ating ipinangako. Gawin din natin ang ating buong makakaya na lutasin ang mga problemang dulot ng di-pinag-isipang pananalita. (Kaw. 6:2, 3) Siyempre, mas magandang mag-isip muna tayo nang mabuti bago magbitiw ng pangakong hindi naman natin kayang tuparin.​—Basahin ang Eclesiastes 5:2.

17, 18. Anong maluwalhating kinabukasan ang naghihintay sa lahat ng nagsisikap na ang kanilang Oo ay mangahulugang Oo?

17 Kamangha-mangha ang kinabukasang naghihintay sa lahat ng mananamba ni Jehova na nagsisikap na ang kanilang Oo ay mangahulugang Oo! Para sa 144,000 pinahiran, magkakaroon sila ng imortal na buhay sa langit, kung saan “mamamahala sila bilang mga hari na kasama [ni Jesus sa kaniyang Kaharian] sa loob ng isang libong taon.” (Apoc. 20:6) Para naman sa milyun-milyong iba pa, makikinabang sila sa isang makalupang paraiso sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ni Kristo. Doon, tutulungan silang magkaroon ng sakdal na pangangatawan at pag-iisip.​—Apoc. 21:3-5.

18 Pagkatapos ng Milenyong Paghahari ni Jesus, magkakaroon ng panghuling pagsubok. Tanging ang mga makapapasa sa pagsubok na iyon ang pahihintulutang manatili sa Paraiso. Doon, hindi na natin pagdududahan ang sinasabi ng iba. (Apoc. 20:7-10) Bawat Oo ay mangangahulugang Oo, at bawat Hindi, Hindi. Lahat ng nabubuhay sa panahong iyon ay magiging sakdal na tagatulad ng ating maibiging makalangit na Ama, si Jehova, ang “Diyos ng katotohanan.”​—Awit 31:5.