Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Brazil

Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Brazil

ILANG taon na ang nakararaan, si Rúbia (1), isang sister na 30 anyos na ngayon, ay dumalaw kay Sandra (2), isang payunir sa isang maliit na kongregasyon sa timugang Brazil. Habang naroon siya, may isang bagay na talagang nakaantig at nagpabago sa kaniyang buhay. Ano iyon? Alamin natin.

“HINDI AKO MAKAPANIWALA”

“Isinama ako ni Sandra sa Bible study niya. Habang nag-aaral kami, sinabi ng babae: ‘Sandra, tatlong babaing katrabaho ko ang gustong magpa-Bible study, pero sinabi ko na kailangan nilang maghintay. Alam kong punung-puno na ang iskedyul mo sa taóng ito.’ Hindi ako makapaniwala. Ang mga taong gustong matuto tungkol kay Jehova ay kailangang magpalista at maghintay! Sa kongregasyon namin, hirap na hirap akong makakita ng kahit isang study. Nang mismong sandaling iyon, sa bahay ng Bible study, nadama ko na gusto kong tulungan ang mga kababayan niya. Di-nagtagal, umalis ako sa malaking siyudad na tinitirhan ko at lumipat sa bayan kung saan nagpapayunir si Sandra.”

Ano ang sumunod na nangyari? Sinabi ni Rúbia: “Pagkalipas lang ng dalawang buwan doon, 15 na ang Bible study ko​—at sa maniwala kayo o hindi, di-nagtagal ay mayroon na rin akong listahan ng mga gustong magpa-study, gaya ni Sandra!”

PINAG-ISIPAN NIYA ANG KANIYANG MINISTERYO

Dinalaw ni Diego (3), isang brother na ngayon ay mahigit 20 anyos, ang ilang payunir sa Prudentópolis, isang maliit na bayan sa timugang Brazil. Malaki ang epekto sa kaniya ng pagdalaw na ito; sa katunayan, naudyukan siyang pag-isipan ang kaniyang ministeryo. Paliwanag niya: “Sa aming kongregasyon, gumugugol lang ako ng iilang oras sa ministeryo buwan-buwan. Pero nang dalawin ko ang mga payunir na iyon at marinig ang kanilang mga karanasan, hindi ko maiwasang ikumpara ang kanilang kasiyahan sa aking kawalang-sigla sa ministeryo. Nang makita kong napakasigla at napakaligaya nila, naisip kong sana’y maging makabuluhan din ang buhay ko.” Nagpayunir si Diego pagkatapos ng pagdalaw na iyon.

Ikaw ba ay isang kabataang Saksi katulad ni Diego? Nangangaral ka ba at dumadalo sa pulong pero parang naging rutin na lang at nakababagot ang ministeryo? Kung oo, makagagawa ka ba ng mga pagbabago sa iyong buhay para matikman mo ang kasiyahang dulot ng paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan sa mga mamamahayag ng Kaharian? Siyempre pa, baka mahirap iwan ang komportableng buhay. Pero marami nang kabataan ang gumawa niyan. Naglakas-loob silang baguhin ang kanilang mga tunguhin at hangarin para mas makapaglingkod kay Jehova. Tingnan naman natin ang halimbawa ni Bruno.

MAESTRO O MINISTRO?

Ilang taon na ang nakararaan, si Bruno (4), 28 anyos na ngayon, ay nag-aaral sa isang sikat na paaralan ng musika. Tunguhin niyang maging konduktor ng orkestra. Sa katunayan, napakahusay niya kung kaya ilang beses na siyang inanyayahang maging konduktor ng isang symphony orchestra. Napakagandang karera ang naghihintay sa kaniya. Pero inilahad ni Bruno: “Parang may kulang sa buhay ko. Inialay ko na ang sarili ko kay Jehova, pero alam kong hindi ko naibibigay ang lahat sa kaniya, kaya nakokonsiyensiya ako. Ipinanalangin ko ito kay Jehova, at nakipag-usap din ako sa makaranasang mga brother sa kongregasyon. Matapos pag-isipan ang aking kalagayan, ipinasiya kong unahin ang ministeryo, huminto sa pag-aaral ng musika, at maglingkod kung saan mas kailangan ang mga mangangaral ng Kaharian.” Ano ang naging resulta?

Lumipat si Bruno sa bayan ng Guapiara (may populasyon na mga 7,000), mga 260 kilometro mula sa lunsod ng São Paulo. Napakalaking pagbabago nito. Ikinuwento niya: “Lumipat ako sa isang maliit na bahay na walang ref, TV, o Internet connection. Pero may mga bagay rito na wala sa akin noon​—mga taniman ng gulay at prutas!” Habang naglilingkod sa isang maliit na kongregasyon doon, minsan sa isang linggo ay nagbabaon si Bruno ng pagkain, tubig, at literatura at nagmomotorsiklo para mangaral sa liblib na mga lugar. Maraming tagaroon ang hindi pa napapangaralan ng mabuting balita. “Umabot sa 18 ang Bible study ko,” ang sabi niya. “Tuwang-tuwa ako kapag nakikita ko ang mga pagbabago sa buhay ng mga inaaralan ko!” Dagdag pa niya: “Nang pagkakataong iyon, naunawaan ko kung ano’ng kulang sa buhay ko​—ang matinding kasiyahang dulot ng pag-una sa Kaharian. Hindi ko mararanasan ito kung materyalistikong mga tunguhin ang itinaguyod ko.” Paano sinuportahan ni Bruno ang sarili niya sa Guapiara? Napangiti siya at nagsabi: “Nagtuturo ako ng gitara.” Maestro pa rin siya​—kahit paano.

“TALAGANG KAILANGAN KONG MANATILI RITO”

Halos ganito rin ang sitwasyon ni Mariana (5), mahigit 25 anyos na ngayon. Abogada siya at malaki ang suweldo niya. Pero hindi siya masaya. Sinabi niya: “Para akong ‘naghahabol sa hangin.’” (Ecles. 1:17) Pinasigla siya ng maraming kapatid na magpayunir. Matapos pag-isipan ito, si Mariana, kasama ang mga kaibigan niyang sina Bianca (6), Caroline (7), at Juliana (8), ay nagpasiyang tumulong sa isang kongregasyon sa Barra do Bugres, isang liblib na bayan malapit sa Bolivia at libu-libong kilometro ang layo mula sa kanilang lugar. Ano ang sumunod na nangyari?

Sinabi ni Mariana: “Tatlong buwan lang sana ako rito. Pero pagkatapos niyan, 15 na ang Bible study ko! Siyempre nangangailangan ng tulong ang mga inaaralan kong ito para sumulong sila sa katotohanan. Kaya naman wala akong lakas ng loob na sabihin sa kanila na aalis na ako. Talagang kailangan kong manatili rito.” Ganiyan nga ang ginawa ng apat na sister. Mas makabuluhan na ba ang buhay ni Mariana ngayon? Sinabi niya: “Napakasarap ng pakiramdam na ginagamit ka ni Jehova para tulungan ang mga tao na magbago. Masaya rin ako dahil ginagamit ko na ang aking panahon at lakas sa paggawa ng bagay na talagang kapaki-pakinabang.” Inilarawan ni Caroline ang damdamin nilang apat: “Sa gabi, kapag nakahiga na ako, nasisiyahan ako dahil ginamit ko ang sarili ko sa pagtataguyod ng Kaharian. Ang buhay ko ay umiikot sa pagtulong sa aking mga inaaralan sa Bibliya. Napakagandang makita ang pagsulong nila. Nararanasan ko ang katuparan ng mga salitang ito: ‘Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti.’”​—Awit 34:8.

Tiyak na natutuwa si Jehova na makita ang parami nang paraming kabataan sa buong daigdig na ‘kusang-loob na naghahandog ng kanilang sarili’ para mangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa liblib na mga lugar! (Awit 110:3; Kaw. 27:11) Saganang pinagpapala ni Jehova ang kusang-loob na mga manggagawang ito.​—Kaw. 10:22.