Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talambuhay

Magkakaibigan sa Loob ng 60 Taon

Magkakaibigan sa Loob ng 60 Taon

Isang gabi noong tag-araw ng 1951, apat na binata, na pawang mahigit 20 anyos lang, ang nakatayo sa magkakatabing phone booth sa Ithaca, New York, E.U.A., at sabik na nag-long distance sa Michigan, Iowa, at California. May maganda silang ibabalita!

ILANG buwan bago nito, noong Pebrero, dumating sa South Lansing, New York, ang 122 payunir para mag-aral sa ika-17 klase ng Paaralang Gilead. Kasama sa mga magmimisyonero sina Lowell Turner at William (Bill) Kasten na parehong taga-Michigan, si Richard Kelsey na taga-Iowa, at si Ramon Templeton na taga-California. Di-nagtagal, naging matalik na magkakaibigan ang apat na ito.

Mula kaliwa pakanan: Sina Richard, Lowell, Ramon, at Bill ay naging magkakaibigan sa Gilead

Pagkaraan ng mga limang buwan, sabik na sabik ang mga estudyante nang ipatalastas na darating si Brother Nathan Knorr mula sa pandaigdig na punong-tanggapan para magbigay ng pahayag sa kanila. Naipahiwatig ng apat na brother na gusto nilang maglingkod nang magkakasama sa iisang bansa​—kung posible. Malalaman na ba nila ngayon kung saan sila aatasan bilang mga misyonero? Oo!

Tumindi ang pananabik ng mga estudyante nang simulang ipatalastas ni Brother Knorr ang kanilang mga atas sa ibang bansa. Unang tinawag sa plataporma ang apat na magkakaibigang ninenerbiyos. Nakahinga sila nang maluwag nang malaman nilang magkakasama sila! Pero saan? Nagulat at nagpalakpakan ang mga kaklase nila nang ipatalastas na ipadadala sila sa Alemanya.

Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay humanga sa katapatang ipinakita ng mga Saksi sa Alemanya mula 1933 noong panahon ng rehimen ni Hitler. Naaalaala ng marami sa mga estudyante na tumulong sila sa paghahanda ng mga damit at ng suplay na nagmula sa isang organisasyong nagkakawanggawa. Ang mga panustos na ito ay ipinadala sa mga kapatid sa Europa pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Ang bayan ng Diyos sa Alemanya ay huwaran sa kanilang pananampalataya, determinasyon, lakas ng loob, at pagtitiwala kay Jehova. ‘Ngayon, makikilala na namin nang personal ang minamahal na mga kapatid na ito,’ ang naalaala ni Lowell. Hindi kataka-takang sabik na sabik sila at di-makapaghintay na ibalita ito sa kanilang mga mahal sa buhay!

PATUNGONG ALEMANYA

Si Ramon habang nagtuturo sa Kingdom Ministry School

Noong Hulyo 27, 1951, tumulak ang bapor na Homeland mula sa daungan nito sa East River ng New York, at ang apat na magkakaibigan ay nagsimulang maglayag nang 11 araw patungong Alemanya. Bago nito, si Brother Albert Schroeder, isa sa mga instruktor ng Gilead at naging miyembro ng Lupong Tagapamahala nang maglaon, ay nagturo sa kanila ng simpleng mga pangungusap sa wikang Aleman. At dahil marami silang kasamang Aleman sa barko, baka marami pa silang matututuhan. Pero iba’t ibang diyalekto pala ng Aleman ang sinasalita ng mga pasahero. Talagang nakalilito!

Noong Agosto 7, Martes nang umaga, matapos ang nakahihilong paglalakbay sa dagat, nakarating din sila sa Hamburg, Alemanya. Nalungkot silang makita ang bakas na iniwan ng digmaan anim na taon pa lang ang nakararaan. Magdamag silang nagbiyahe sakay ng tren patungong Wiesbaden, ang lokasyon ng tanggapang pansangay noon.

Si Richard habang gumagamit ng Addressograph sa Bethel sa Wiesbaden

Kinaumagahan, nakilala nila si Hans, na may tipikal na pangalang Aleman. Siya ang kauna-unahang kapatid na nakilala nila sa Alemanya. Ipinagmaneho niya sila mula sa istasyon ng tren patungong Bethel. Isang medyo istrikta at may-edad nang sister na hindi marunong mag-Ingles ang sumalubong sa kanila. Iniisip siguro ng sister na ito na magkakaintindihan sila kung lalakasan niya ang pagsasalita. Pero habang lumalakas ang boses niya, lalo silang hindi magkaintindihan. Sa wakas, dumating si Brother Erich Frost, ang lingkod ng sangay, at binati sila sa wikang Ingles. Laking pasasalamat nila.

Noong katapusan ng Agosto, sa Frankfurt am Main, dumalo ang apat sa kanilang kauna-unahang kombensiyon sa wikang Aleman na may temang “Malinis na Pagsamba.” Lalong nagningas ang kanilang sigasig sa pagmimisyonero at pagnanais na mangaral dahil 47,432 ang pinakamataas na bilang ng dumalo at 2,373 ang nabautismuhan. Pero makalipas ang ilang araw, ipinaalam sa kanila ni Brother Knorr na mananatili sila sa Bethel at aatasang magtrabaho roon.

Dahil sa naranasan nilang kagalakan sa kanilang atas, lubusan silang nakumbinsi na alam ni Jehova kung ano ang pinakamabuti

Dati, pinalampas ni Ramon ang pagkakataong maglingkod sa Bethel sa Estados Unidos dahil pagmimisyonero ang nasa puso niya. Hindi rin sumagi sa isip nina Richard at Bill ang paglilingkod sa Bethel. Pero dahil sa naranasan nilang kagalakan sa kanilang atas, lubusan silang nakumbinsi na alam ni Jehova kung ano ang pinakamabuti. Isang katalinuhan ngang magpaakay sa kaniya sa halip na sundin ang personal na kagustuhan! Kapag natutuhan ng isa ang aral na ito, magiging maligaya siya sa paglilingkod kay Jehova saanman at anuman ang atas na ibigay sa kaniya.

VERBOTEN!

Tuwang-tuwa ang marami sa pamilyang Bethel na may makakasama silang mga Amerikano dahil makapagpapraktis sila ng Ingles. Pero isang araw sa dining room, gumuho ang pangarap na ito. Si Brother Frost, na karaniwang masigla, ay nagsimulang magsalita sa wikang Aleman tungkol sa isang bagay na tila seryoso. Walang-imik ang karamihan sa pamilya, habang nakatitig sa kanilang mga plato. Kahit hindi nauunawaan ng mga bagong-salta ang sinasabi, unti-unti nilang nahiwatigan na tungkol ito sa kanila. Kaya nang bumulalas si Brother Frost ng “VERBOTEN!” (“Bawal!”) at ulitin ito nang mas malakas bilang pagdiriin, ninerbiyos sila. Anong kasalanan kaya ang nagawa nila?

Si Brother Frost (kanan) at ang iba pa kasama si Brother Knorr (kaliwa)

Pagkakain, ang lahat ay nagmamadaling bumalik sa kani-kanilang kuwarto. Nang maglaon, ipinaliwanag ng isang brother: “Para matulungan ninyo kami, kailangang matuto kayo ng Aleman. Kaya sinabi ni Brother Frost na hangga’t hindi pa kayo marunong, VERBOTEN ang pakikipag-usap sa inyo sa wikang Ingles.”

Masunurin naman ang pamilyang Bethel. Ang kaayusang ito ay nakatulong sa apat na baguhan na matuto ng wikang Aleman. Natutuhan din nila na ang payo ng isang maibiging brother, kahit na mahirap sundin sa umpisa, ay kadalasang para sa ating ikabubuti. Masasalamin sa payo ni Brother Frost ang malasakit niya sa organisasyon ni Jehova at ang pag-ibig niya sa mga kapatid. a Di-nakapagtatakang napamahal siya sa apat na magkakaibigan!

NATUTUTO TAYO SA ATING MGA KAIBIGAN

Nang magbakasyon kami sa Switzerland noong 1952

Ang mga kaibigang may takot sa Diyos ay makapagtuturo sa atin ng mahahalagang aral na tutulong sa atin na maging mas malapít kay Jehova. Maraming natutuhan ang apat na magkakaibigan mula sa napakaraming tapat na kapatid sa Alemanya. Pero natuto rin sila sa isa’t isa. Ganito ang paliwanag ni Richard: “Medyo may alam na sa Aleman si Lowell at mabilis siyang natuto, samantalang kaming tatlo ay nangangapa. At dahil siya ang pinakamatanda sa grupo, sa kaniya kami nagtatanong pagdating sa wika at siya ang inaasahan naming mangunguna sa amin.” Naalaala naman ni Ramon: “Tuwang-tuwa ako nang ialok sa amin ng isang brother na Swiso ang kaniyang bahay sa Switzerland para matuluyan namin sa aming unang bakasyon pagkatapos na makaisang taon sa Alemanya! Dalawang linggo kaming magpapahinga sa pagsasalita ng Aleman! Pero nakalimutan kong kasama namin si Lowell. Iginiit niyang basahin at talakayin namin ang pang-araw-araw na teksto tuwing umaga​—sa wikang Aleman! Wala akong nagawa dahil talagang mapilit siya. Pero natuto kami ng isang mahalagang aral. Sumunod ka sa pangunguna ng mga taong nagmamalasakit sa iyo, kahit kung minsan ay hindi ka sang-ayon. Sa paglipas ng maraming taon, nakinabang kami sa pagkakaroon ng ganitong saloobin at naging mas madali sa amin na magpasakop sa teokratikong tagubilin.”

Natutuhan din ng magkakaibigan na pahalagahan ang magagandang katangian ng bawat isa, gaya ng sinasabi sa Filipos 2:3: ‘May kababaan ng pag-iisip, ituring ninyo na ang iba ay nakatataas sa inyo.’ Kaya naman madalas lapitan ng tatlo si Bill para asikasuhin ang mga bagay na sa palagay nila’y siya ang pinakamahusay na makagagawa. “Kapag may mahahalaga o mahihirap na hakbang na kailangang gawin para ayusin ang ilang problema,” ang naalaala ni Lowell, “kay Bill kami tumatakbo. Eksperto siya sa pagharap sa di-kaayaayang mga sitwasyon na alam naming dapat naming harapin, pero kulang kami ng lakas ng loob o kakayahan.”

MALILIGAYANG PAG-AASAWA

Ang pundasyon ng kanilang pagkakaibigan ay ang pag-ibig kay Jehova at sa buong-panahong ministeryo, kaya desidido silang makahanap ng mapapangasawa na handang unahin si Jehova sa kanilang buhay. Dahil sa buong-panahong paglilingkod, natutuhan nila na ang pagbibigay ay mas kasiya-siya kaysa sa pagtanggap at na dapat unahin ang Kaharian kaysa sa personal na mga kagustuhan. Kaya pumili sila ng mga sister na nasa buong-panahong paglilingkod na. Isa-isa silang nagpakasal. Naging matatag at maligaya ang kani-kanilang pag-aasawa.

Para magtagumpay ang isang pagkakaibigan o pag-aasawa, kailangang kasama si Jehova sa ugnayang iyon. (Ecles. 4:12) Bagaman nabiyudo sina Bill at Ramon nang maglaon, naranasan nila ang kagalakan at suportang maibibigay ng tapat na asawa. Nararanasan pa rin nina Lowell at Richard ang ganitong suporta. Si Bill, na muling nag-asawa, ay naging matalino sa pagpili ng kabiyak para makapanatili siya sa buong-panahong paglilingkod.

Nang maglaon, nabigyan sila ng mga atas sa iba’t ibang bansa​—pangunahin na sa Alemanya, Austria, Luxembourg, Canada, at Estados Unidos. Gustuhin man ng apat na magkakaibigan, hindi na sila madalas magkasama-sama. Pero kahit magkakalayo sila, lagi silang nagbabalitaan, nakikipagsaya sa kanilang mga pagpapala, at nakikitangis sa kanilang mga pagdadalamhati. (Roma 12:15) Ang gayong mga kaibigan ay dapat pahalagahan at ipagpasalamat. Mahahalagang regalo sila mula kay Jehova. (Kaw. 17:17) Napakahirap makahanap ng tunay na mga kaibigan sa daigdig ngayon! Pero marami nito sa gitna ng mga tunay na Kristiyano. Bilang mga Saksi ni Jehova, kaibigan natin ang ating mga kapananampalataya sa buong daigdig, at lalo na ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo.

Ang apat na magkakaibigang ito ay dumanas din ng mga unos sa buhay​—pagkamatay ng kabiyak, stress dahil sa malubhang sakit, pag-aalalang kaakibat ng pag-aalaga sa may-edad nang mga magulang, hirap sa pagpapalaki ng anak habang nasa buong-panahong paglilingkod, pangambang dulot ng bagong teokratikong mga atas, at dumaraming problemang dulot ng pagtanda. Pero napatunayan nilang ang mga kaibigan​—malayo man o malapit​—ay nakatutulong sa mga umiibig kay Jehova na magtagumpay sa mga pagsubok.

WALANG-HANGGANG PAGKAKAIBIGAN

Napakahusay nga na sina Lowell, Ramon, Bill, at Richard ay nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova sa edad na 18, 12, 11, at 10. At sa mga edad na 17 hanggang 21, pumasok sila sa buong-panahong paglilingkod. Sinunod nila ang payo ng Eclesiastes 12:1: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan.”

Kung isa kang kabataang brother, tanggapin mo ang paanyaya ni Jehova na pumasok sa buong-panahong paglilingkod kung nasa kalagayan ka. At gaya ng apat na magkakaibigang ito, sa tulong ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova ay maaari mong maranasan ang kagalakan sa paglilingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito, distrito, o sona; paglilingkod sa Bethel, kasali na ang pagiging miyembro ng Komite ng Sangay; pagtuturo sa Kingdom Ministry School at Pioneer Service School; at pagpapahayag sa maliliit at malalaking kombensiyon. Tiyak na masayang-masaya ang apat na ito dahil libu-libo ang nakinabang sa kanilang gawain! At naging posible ang lahat ng ito dahil noong mga kabataan pa sila, tinanggap nila ang maibiging paanyaya ni Jehova na maglingkod sa kaniya nang buong kaluluwa.​—Col. 3:23.

Mula kaliwa pakanan: Sina Richard, Bill, Lowell, at Ramon ay nagkita-kita sa Selters nang ialay ang bagong mga gusali ng sangay noong 1984

Sa ngayon, muling naglilingkod sa tanggapang pansangay sa Selters, Germany sina Lowell, Richard, at Ramon. Nakalulungkot, namatay si Bill noong 2010 habang naglilingkod bilang special pioneer sa Estados Unidos. Dahil sa kamatayan, naudlot ang napakaespesyal na pagkakaibigang umabot nang halos 60 taon! Pero hindi kailanman kalilimutan ng Diyos na Jehova ang kaniyang mga kaibigan. Makatitiyak tayo na sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian, maisasauli ang bawat pagkakaibigan na pansamantalang pinutol ng kamatayan.

“Sa 60-taóng pagkakaibigan natin, wala akong matandaang pangit na alaala”

Bago namatay si Bill, sumulat siya: “Sa 60-taóng pagkakaibigan natin, wala akong matandaang pangit na alaala. Para sa akin, napakaespesyal ng pagsasamahan natin.” Ang tatlong kaibigan niya, na kumbinsidong magpapatuloy ang kanilang samahan sa bagong sanlibutan, ay mabilis na tumugon, “At nag-uumpisa pa lang tayo.”

a Inilathala ang makulay na talambuhay ni Brother Frost sa The Watchtower ng Abril 15, 1961, pahina 244-249.