Sumunod at Makinabang sa Sinumpaang Pangako ng Diyos
“Yamang hindi . . . maipanumpa [ng Diyos] ang sinumang mas dakila, ay ipinanumpa niya ang kaniyang sarili.”—HEB. 6:13.
1. Paano naiiba ang salita ni Jehova sa salita ng makasalanang mga tao?
SI Jehova ang “Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Hindi laging mapagkakatiwalaan ang makasalanang mga tao, pero “imposibleng magsinungaling ang Diyos.” (Heb. 6:18; basahin ang Bilang 23:19.) Laging nagkakatotoo ang mga layunin niya para sa sangkatauhan. Halimbawa, ang lahat ng sinabi ng Diyos na gagawin niya sa pasimula ng bawat yugto ng paglalang ay “nagkagayon nga.” Kaya nang matapos ang ikaanim na araw ng paglalang, “nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.”—Gen. 1:6, 7, 30, 31.
2. Ano ang araw ng kapahingahan ng Diyos, at bakit niya ito ‘ginawang sagrado’?
2 Matapos tingnan ang kaniyang mga gawang paglalang, inihayag ng Diyos na Jehova ang pasimula ng ikapitong araw. Hindi ito isang araw na may 24 na oras, kundi isang mahabang yugto ng panahon kung kailan nagsimula siyang magpahinga sa paglalang ng iba pang mga bagay sa lupa. (Gen. 2:2) Hindi pa tapos ang araw ng kapahingahan ng Diyos. (Heb. 4:9, 10) Hindi isinisiwalat ng Bibliya kung kailan ito eksaktong nagsimula. Nangyari ito ilang panahon pagkatapos lalangin ang asawa ni Adan na si Eva, mga 6,000 taon na ang nakararaan. Malapit na ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo, kung kailan matutupad ang layunin ng Diyos na ang lupa ay maging paraiso magpakailanman at mapuno ng sakdal na mga tao. (Gen. 1:27, 28; Apoc. 20:6) Makatitiyak ka ba sa gayong maligayang kinabukasan? Oo! Dahil “pinasimulang pagpalain ng Diyos ang ikapitong araw at ginawa itong sagrado.” Garantiya ito na anumang problema ang bumangon, siguradong magkakatotoo ang layunin ng Diyos pagsapit ng katapusan ng araw ng kaniyang kapahingahan.—Gen. 2:3.
3. (a) Ano ang naganap sa pasimula ng araw ng kapahingahan ng Diyos? (b) Paano tatapusin ni Jehova ang rebelyon?
3 Pero may masamang nangyari sa pasimula ng araw ng kapahingahan ng Diyos. Isang anghel, si Satanas, ang kumalaban sa Diyos. Binigkas niya ang kauna-unahang kasinungalingan at nilinlang si Eva, kung kaya sumuway ito kay Jehova. (1 Tim. 2:14) Nahikayat naman ni Eva ang kaniyang asawa na sumali sa rebelyon. (Gen. 3:1-6) Pero kahit sa napakasamang yugtong iyon ng kasaysayan ng uniberso, nang pag-alinlanganan ang pagiging totoo ng mga salita ng Diyos, ipinasiya ni Jehova na hindi niya kailangang manumpa para tiyaking matutupad ang kaniyang layunin. Sa halip, bumanggit siya ng pananalitang mauunawaan sa kaniyang takdang panahon. Sinabi niya kung paano tatapusin ang rebelyon: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo [si Satanas] at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya [ang ipinangakong Binhi] ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.”—Gen. 3:15; Apoc. 12:9.
IPINANATANG SUMPA—GARANTIYA NA TOTOO ANG ISANG BAGAY
4, 5. Anong kaayusan ang ginagamit ni Abraham kung minsan?
4 Sa maagang bahaging iyon ng kasaysayan ng tao, lumilitaw na wala sa bokabularyong ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ang panunumpa para patunayang totoo ang isang bagay. Ang sakdal na mga nilalang na umiibig at tumutulad sa Diyos ay hindi kailangang manumpa dahil lagi silang nagsasabi ng totoo at may tiwala sila sa isa’t isa. Pero nagbago ang kalagayan nang magkasala at maging di-sakdal ang mga tao. Nang lumaganap ang pagsisinungaling at panlilinlang, ang mga tao ay kailangan nang manumpa para patunayang totoo ang mahahalagang bagay.
5 Sa di-kukulangin sa tatlong pagkakataon, ginamit ng patriyarkang si Abraham ang kaayusan may kinalaman sa ipinanatang sumpa. (Gen. 21:22-24; 24:2-4, 9) Halimbawa, ginawa niya ito pagbalik niya mula sa matagumpay na pakikidigma laban sa hari ng Elam at sa mga kaalyado nito. Lumabas ang hari ng Salem at ang hari ng Sodoma para salubungin si Abraham. Si Melquisedec, na hari ng Salem, ay isa ring “saserdote ng Kataas-taasang Diyos.” Pinagpala niya si Abraham at pinuri ang Diyos sa pagtulong kay Abraham laban sa kaniyang mga kaaway. (Gen. 14:17-20) Pagkatapos, nang mag-alok ng gantimpala kay Abraham ang hari ng Sodoma dahil sa pagliligtas niya sa mga sakop nito, sumumpa si Abraham: “Itinataas ko ang aking kamay bilang panunumpa kay Jehova na Kataas-taasang Diyos, na Maygawa ng langit at lupa, na, mula sa isang sinulid hanggang sa isang sintas ng sandalyas, wala, wala akong kukunin mula sa anumang bagay na iyo, upang hindi mo sabihin, ‘Ako ang nagpayaman kay Abram.’”—Gen. 14:21-23.
ANG SINUMPAANG PANGAKO NI JEHOVA KAY ABRAHAM
6. (a) Anong halimbawa ang iniwan sa atin ni Abraham? (b) Paano tayo makikinabang sa pagkamasunurin ni Abraham?
6 Para sa kapakinabangan ng makasalanang sangkatauhan, nagbitiw rin ang Diyos na Jehova ng mga sumpa gamit ang mga pananalitang gaya ng “‘Buháy ako,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.” (Ezek. 17:16) Iniuulat ng Bibliya ang mahigit 40 pagkakataon na nanumpa ang Diyos na Jehova. Marahil ang pinakapamilyar na halimbawa ay ang panata ng Diyos kay Abraham. Sa loob ng maraming taon, gumawa si Jehova ng ilang pangako kay Abraham. Ipinakikita ng mga ito na ang ipinangakong Binhi ay magmumula kay Abraham sa pamamagitan ng anak niyang si Isaac. (Gen. 12:1-3, 7; 13:14-17; 15:5, 18; 21:12) Pagkatapos, inilagay ni Jehova si Abraham sa isang matinding pagsubok nang utusan Niya itong ihandog ang kaniyang pinakamamahal na anak. Agad na sumunod si Abraham at ihahandog na sana niya si Isaac nang pigilan siya ng isang anghel ng Diyos. Saka nagbitiw ang Diyos ng ganitong panata: “Ipinanunumpa ko ang aking sarili . . . na dahil sa ginawa mo ang bagay na ito at hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isa, tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi tulad ng mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat; at aariin ng iyong binhi ang pintuang-daan ng kaniyang mga kaaway. At sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahil pinakinggan mo ang aking tinig.”—Gen. 22:1-3, 9-12, 15-18.
7, 8. (a) Bakit nanumpa ang Diyos kay Abraham? (b) Paano makikinabang ang “ibang mga tupa” ni Jesus sa sinumpaang pangako ng Diyos?
7 Bakit nanumpa ang Diyos kay Abraham na magkakatotoo ang Kaniyang mga pangako? Para bigyang-katiyakan ang mga kasamang tagapagmana ni Kristo, na bumubuo sa pangalawahing bahagi ng ipinangakong “binhi,” at para patibayin ang kanilang pananampalataya. (Basahin ang Hebreo 6:13-18; Gal. 3:29) Gaya ng paliwanag ni apostol Pablo, si Jehova ay “pumasok taglay ang isang sumpa, upang, sa pamamagitan ng dalawang bagay na di-mababago [ang kaniyang pangako at ang kaniyang sumpa] na doon ay imposibleng magsinungaling ang Diyos, [tayo] ay magkaroon ng masidhing pampatibay-loob na manghawakan sa pag-asang inilagay sa harap natin.”
8 Hindi lang mga pinahirang Kristiyano ang nakikinabang sa ipinanatang sumpa ng Diyos kay Abraham. Sumumpa si Jehova na sa pamamagitan ng “binhi” ni Abraham, “pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Gen. 22:18) Kasama sa mga pinagpalang iyon ang masunuring “ibang mga tupa” ni Kristo na may pag-asang buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. (Juan 10:16) Makalangit man o makalupa ang iyong pag-asa, “manghawakan” ka roon sa pamamagitan ng patuloy na pagsunod sa Diyos.—Basahin ang Hebreo 6:11, 12.
KAUGNAY NA MGA SUMPA NG DIYOS
9. Anong ipinanatang sumpa ang binitiwan ng Diyos nang ang mga inapo ni Abraham ay alipin sa Ehipto?
9 Pagkaraan ng ilang siglo, si Jehova ay muling nanumpa may kaugnayan sa mga pangako niya kay Abraham. Ginawa niya ito nang isugo niya si Moises sa mga inapo ni Abraham na noon ay alipin sa Ehipto. (Ex. 6:6-8) Ganito ang sinabi ng Diyos tungkol sa pangyayaring iyon: “Nang araw na piliin ko ang Israel, . . . itinaas ko ang aking kamay bilang panunumpa sa kanila upang ilabas sila mula sa lupain ng Ehipto patungo sa isang lupain na tiniktikan ko para sa kanila, isa na inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.”—Ezek. 20:5, 6.
10. Anong pangako ang binitiwan ng Diyos sa Israel matapos niya silang iligtas mula sa Ehipto?
10 Matapos niyang iligtas ang Israel mula sa Ehipto, muling nagbitiw si Jehova ng isang sinumpaang pangako sa kanila: “Kung mahigpit ninyong susundin ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kayo ay tiyak na magiging aking pantanging pag-aari mula sa lahat ng iba pang bayan, sapagkat ang buong lupa ay akin. At kayo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin at isang banal na bansa.” (Ex. 19:5, 6) Talagang natatangi ang katayuang inialok ng Diyos sa Israel! Nangangahulugan ito na ang masunuring mga indibiduwal mula sa bansang iyon ay maaaring gamitin ng Diyos bilang isang kaharian ng mga saserdote para sa ikapagpapala ng iba pa sa sangkatauhan. Nang maglaon, inilarawan ni Jehova ang ginawa niya para sa Israel nang pagkakataong iyon: “Nanumpa [ako] sa iyo at pumasok sa pakikipagtipan sa iyo.”—Ezek. 16:8.
11. Paano tumugon ang Israel nang anyayahan sila ng Diyos na maging piniling bayan niya?
11 Hindi inobliga ni Jehova ang Israel na manumpa na magiging masunurin sila. Hindi rin naman niya sila pinilit na tanggapin ang natatanging katayuang ito. Sa halip, kusang-loob nilang sinabi: “Ang lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.” (Ex. 19:8) Pagkaraan ng tatlong araw, ipinaalam ng Diyos na Jehova sa Israel kung ano ang hinihiling niya sa kaniyang piniling bansa. Una, binigkas sa kanila ang Sampung Utos. Sumunod, sinabi sa kanila ni Moises ang iba pang mga utos na nakaulat sa Exodo 20:22 hanggang Exodo 23:33. Paano tumugon ang Israel? “Ang buong bayan ay sumagot sa iisang tinig at nagsabi: ‘Ang lahat ng mga salita na sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.’” (Ex. 24:3) Pagkatapos, isinulat ni Moises ang mga utos sa “aklat ng tipan” at binasa iyon nang malakas para muling marinig ng buong bansa. Sa ikatlong pagkakataon, nanata ang bayan: “Ang lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin at maging masunurin.”—Ex. 24:4, 7, 8.
12. Paano tumugon si Jehova at ang kaniyang piniling bayan sa kanilang tipan?
12 Agad na tinupad ni Jehova ang mga pangako niya sa kaniyang tipan sa Israel sa pamamagitan ng pagsasaayos ng isang tolda ng pagsamba at isang pagkasaserdote na tutulong para makalapit sa kaniya ang makasalanang mga tao. Sa kabaligtaran, agad na nakalimutan ng Israel ang kanilang pag-aalay sa Diyos at “pinasakitan nila maging ang Banal ng Israel.” (Awit 78:41) Halimbawa, habang tumatanggap si Moises ng karagdagang tagubilin sa Bundok Sinai, nainip ang mga Israelita at nagsimulang mawalan ng pananampalataya sa Diyos, sa pag-aakalang pinabayaan sila ni Moises. Kaya gumawa sila ng ginintuang imahen ng isang guya at sinabi: “Ito ang iyong Diyos, O Israel, na nag-ahon sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.” (Ex. 32:1, 4) Pagkatapos ay nagdaos sila ng tinawag nilang “isang kapistahan para kay Jehova” at yumukod sila at naghain sa imaheng ginawa nila. Nang makita ito ni Jehova, sinabi niya kay Moises: “Sila ay lumihis nang dali-dali mula sa daan na iniutos kong lakaran nila.” (Ex. 32:5, 6, 8) Nakalulungkot na mula noon, nakaugalian ng Israel na gumawa ng mga panata sa Diyos at pagkatapos ay sirain ang mga iyon.—Bil. 30:2.
DALAWANG KARAGDAGANG SUMPA
13. Anong sinumpaang pangako ang binitiwan ng Diyos kay Haring David? Ano ang kaugnayan nito sa ipinangakong Binhi?
13 Noong namamahala si Haring David, nagbitiw si Jehova ng dalawang karagdagang sinumpaang pangako para sa kapakanan ng mga masunurin sa kaniya. Una, sumumpa siya kay David na mananatili magpakailanman ang trono nito. (Awit 89:35, 36; 132:11, 12) Nangangahulugan ito na ang ipinangakong Binhi ay tatawaging “Anak ni David.” (Mat. 1:1; 21:9) Mapagpakumbabang tinawag ni David na “Panginoon” ang magiging inapo niyang ito dahil si Kristo ay hahawak ng mas mataas na posisyon.—Mat. 22:42-44.
14. Anong sinumpaang pangako ang binitiwan ni Jehova tungkol sa ipinangakong Binhi? Paano tayo nakikinabang dito?
14 Ikalawa, kinasihan ni Jehova si David na ihula na ang natatanging Hari na ito ay maglilingkod din bilang Mataas na Saserdote ng sangkatauhan. Sa Israel, magkahiwalay ang pagkahari at pagkasaserdote. Ang mga saserdote ay nagmula sa tribo ni Levi, at ang mga hari ay nagmula sa tribo ni Juda. Pero tungkol sa kaniyang maluwalhating tagapagmana, ganito ang inihula ni David: “Ang sinabi ni Jehova sa aking Panginoon ay: ‘Umupo ka sa aking kanan hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway bilang tuntungan ng iyong mga paa.’ Si Jehova ay sumumpa (at hindi siya magsisisi): ‘Ikaw ay isang saserdote hanggang sa panahong walang takda ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec!’” (Awit 110:1, 4) Gaya ng inihula ni David, namamahala na sa langit ang ipinangakong Binhi na si Jesu-Kristo. Naglilingkod din siya bilang Mataas na Saserdote ng sangkatauhan anupat tinutulungan ang mga nagsisisi na magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos.—Basahin ang Hebreo 7:21, 25, 26.
ANG BAGONG ISRAEL NG DIYOS
15, 16. (a) Anong dalawang Israel ang tinutukoy sa Bibliya, at alin sa mga ito ang pinagpapala ng Diyos sa ngayon? (b) Ano ang iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod tungkol sa panunumpa?
15 Dahil itinakwil ng bansang Israel si Jesu-Kristo, naiwala nila ang kanilang pinagpalang katayuan sa Diyos, pati na ang pag-asang maging “isang kaharian ng mga saserdote.” Gaya ng sinabi ni Jesus sa mga Judiong lider: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” (Mat. 21:43) Isinilang ang bagong bansang iyon noong Pentecostes 33 C.E. nang ibuhos ang espiritu ng Diyos sa mga 120 alagad ni Jesus na nagkatipon sa Jerusalem. Nakilala sila bilang “Israel ng Diyos” at di-nagtagal ay umabot sila nang ilang libo na binubuo ng mga taong nagmula sa bawat bansa sa daigdig noon.—Gal. 6:16.
16 Di-tulad ng likas na Israel, ang bagong espirituwal na bansa ng Diyos ay nagluluwal ng mabuting bunga dahil sa patuloy na pagsunod sa Diyos. Ang isa sa mga utos na sinusunod ng mga miyembro nito ay may kinalaman sa panunumpa. Noong nasa lupa si Jesus, ang panunumpa ay inaabuso ng mga tao. Nanunumpa sila nang may kabulaanan o kaya naman ay nanunumpa kahit tungkol sa napakaliliit na bagay. (Mat. 23:16-22) Itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Huwag [kang sumumpa] sa paanuman . . . Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi; sapagkat ang lumabis sa mga ito ay mula sa isa na balakyot.”—Mat. 5:34, 37.
Laging natutupad ang mga pangako ni Jehova
17. Anong mga tanong ang sasagutin sa susunod na araling artikulo?
17 Ibig bang sabihin, laging mali ang manumpa? Mas mahalaga pa, ano ang dapat nating gawin para ang ating Oo ay mangahulugang Oo? Sasagutin ng susunod na araling artikulo ang mga tanong na ito. Habang patuloy nating binubulay-bulay ang Salita ng Diyos, maudyukan nawa tayong patuloy na sumunod kay Jehova. Malulugod naman siyang pagpalain tayo magpakailanman, kaayon ng kaniyang sinumpaang pangako.