Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Jesus—Parisan ng Kapakumbabaan

Si Jesus—Parisan ng Kapakumbabaan

“Nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo ay dapat din ninyong gawin.”​—JUAN 13:15.

1, 2. Noong huling gabi ni Jesus sa lupa, anong mahalagang aral ang itinuro niya sa kaniyang mga apostol?

 HULING gabi na ni Jesus sa lupa, at kasama niya ang kaniyang mga apostol sa silid sa itaas ng isang bahay sa Jerusalem. Habang naghahapunan, tumayo si Jesus at inilagay sa tabi ang kaniyang mga panlabas na kasuutan. Nagbigkis siya ng tuwalya. Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa isang palanggana at pinasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at tinuyo ang mga iyon ng tuwalya. Saka niya isinuot ang kaniyang mga panlabas na kasuutan. Bakit ito ginawa ni Jesus?​—Juan 13:3-5.

2 Ipinaliwanag niya mismo: “Alam ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? . . . Kung ako, bagaman Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo rin ay dapat na maghugas ng mga paa ng isa’t isa. Sapagkat nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo ay dapat din ninyong gawin.” (Juan 13:12-15) Sa paggawa nito, tinuruan ni Jesus ang mga apostol ng mahalagang aral na tatatak sa kanilang isip at magpapakilos sa kanila na maging mapagpakumbaba sa darating na mga araw.

3. (a) Sa dalawang pagkakataon, paano idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng kapakumbabaan? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

3 Hindi ito ang unang pagkakataong idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng kapakumbabaan. Bago nito, nang magpakita ng espiritu ng pagpapaligsahan ang ilang apostol, kumuha si Jesus ng isang bata, inilagay ito sa tabi niya, at sinabi sa kanila: “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito salig sa aking pangalan ay tumatanggap din sa akin, at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa kaniya na nagsugo sa akin. Sapagkat siya na gumagawing gaya ng isang nakabababa sa gitna ninyong lahat ang siyang dakila.” (Luc. 9:46-48) Nang maglaon, ganito ang sinabi ni Jesus sa mga Pariseo na naghahangad ng katanyagan: “Ang bawat isa na nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa at siya na nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.” (Luc. 14:11) Maliwanag, gusto ni Jesus na maging mapagpakumbaba ang kaniyang mga tagasunod, ibig sabihin, mababa ang pag-iisip at hindi mapagmapuri ni arogante man. Para matularan siya, suriin natin ang kaniyang halimbawa ng kapakumbabaan. Makikita rin natin kung bakit kapaki-pakinabang ang katangiang ito hindi lang sa nagpapamalas nito, kundi pati sa iba.

“HINDI AKO BUMALING SA KABILANG DIREKSIYON”

4. Paano naging mapagpakumbaba ang bugtong na Anak ng Diyos bago siya naging tao?

4 Bago pa man pumarito sa lupa, mapagpakumbaba na ang bugtong na Anak ng Diyos. Napakaraming taon ang ginugol niya sa piling ng kaniyang makalangit na Ama. Ganito ang sabi ng aklat ng Bibliya na Isaias tungkol sa malapít na kaugnayan ng Anak sa Ama: “Binigyan ako ng Soberanong Panginoong Jehova ng dila ng mga naturuan, upang malaman ko kung paano sasagutin ng salita ang pagód. Nanggigising siya uma-umaga; ginigising niya ang aking pandinig upang makarinig na gaya ng mga naturuan. Binuksan ng Soberanong Panginoong Jehova ang aking pandinig, at ako, sa ganang akin, ay hindi naging mapaghimagsik. Hindi ako bumaling sa kabilang direksiyon.” (Isa. 50:4, 5) Gustung-gustong matuto ni Jesus mula sa tunay na Diyos. Naging mapagpakumbaba siya at maingat na nakinig sa itinuturo sa kaniya ni Jehova. Tiyak na pinagmasdan din niya kung paano nagpakita si Jehova ng awa sa makasalanang sangkatauhan!

5. Bilang Miguel na arkanghel, paano nagpakita ng kapakumbabaan at kahinhinan si Jesus sa pakikitungo sa Diyablo?

5 Hindi lahat ng nilalang sa langit ay may saloobing kapareho ng sa bugtong na Anak ng Diyos. Nariyan ang anghel na naging Satanas na Diyablo. Sa halip na matuto mula kay Jehova, nagpadaig siya sa mga ugaling kabaligtaran ng kapakumbabaan​—labis na pagpapahalaga sa sarili at pagmamapuri​—at naghimagsik pa nga laban kay Jehova. Sa kabaligtaran, kontento si Jesus sa kaniyang posisyon sa langit at hindi niya inabuso ang kaniyang awtoridad. Bilang Miguel na arkanghel, si Jesus ay hindi nagmalabis sa awtoridad nang ‘magkaroon siya ng pakikipaghidwaan sa Diyablo tungkol sa katawan ni Moises.’ Sa halip, nagpakita siya ng kapakumbabaan at kahinhinan. Ipinaubaya niya sa Kataas-taasang Hukom ng uniberso, si Jehova, ang paglutas sa mga bagay-bagay sa Kaniyang paraan at takdang panahon.​—Basahin ang Judas 9.

6. Paano ipinakita ni Jesus ang kapakumbabaan nang tanggapin niya ang atas na maging Mesiyas?

6 Tiyak na kasama sa mga bagay na natutuhan ni Jesus sa langit ang mga hula tungkol sa magiging buhay niya sa lupa bilang Mesiyas. Kaya naman, malamang na alam na niyang daranas siya ng mga pagdurusa. Pero tinanggap pa rin ni Jesus ang atas na mamuhay sa lupa at mamatay bilang ipinangakong Mesiyas. Bakit? Ganito ang isinulat ni apostol Pablo para idiin ang kapakumbabaan ng bugtong na Anak ng Diyos: “Bagaman umiiral sa anyong Diyos, [si Jesus] ay hindi nag-isip na mang-agaw, samakatuwid nga, na siya ay maging kapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasawangis ng tao.”​—Fil. 2:6, 7.

BILANG TAO, “NAGPAKABABA SIYA”

Paano tayo nakikinabang sa kapakumbabaan ni Jesus?

7, 8. Sa anong mga paraan nagpakita ng kapakumbabaan si Jesus noong bata pa siya at noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa?

7 Sumulat si Pablo: “Nang masumpungan [ni Jesus] ang kaniyang sarili sa anyong tao, nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.” (Fil. 2:8) Mula noong bata pa siya, nagbigay si Jesus ng parisan ng kapakumbabaan. Bagaman di-sakdal ang mga magulang niyang sina Jose at Maria, “patuloy siyang nagpasakop sa kanila.” (Luc. 2:51) Anong inam na halimbawa para sa mga anak! Tiyak na pagpapalain sila ng Diyos dahil sa kusang-loob na pagpapasakop sa kanilang mga magulang.

8 Bilang adulto, nagpakita ng kapakumbabaan si Jesus sa pamamagitan ng paggawa ng kalooban ni Jehova, hindi ang sa kaniya. (Juan 4:34) Sa kaniyang ministeryo, ginamit ni Jesu-Kristo ang pangalan ng Diyos at tinulungan ang mga taong taimtim na magtamo ng tumpak na kaalaman tungkol sa mga katangian at layunin ni Jehova para sa sangkatauhan. Namuhay rin siya ayon sa kaniyang itinuturo tungkol kay Jehova. Halimbawa, sa modelong panalangin, ito ang unang bagay na binanggit ni Jesus: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mat. 6:9) Sa gayon, tinuruan ni Jesus ang mga tagasunod niya na unahin ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova. Ganiyan mismo ang ginawa niya. Nang papatapos na ang kaniyang ministeryo sa lupa, nanalangin siya kay Jehova: “Ipinakilala ko sa kanila [mga apostol] ang iyong pangalan at ipakikilala ito.” (Juan 17:26) Bukod diyan, laging ibinibigay ni Jesus kay Jehova ang kapurihan sa mga naisasagawa niya sa kaniyang ministeryo sa lupa.​—Juan 5:19.

9. Ano ang inihula ni Zacarias hinggil sa Mesiyas, at paano ito tinupad ni Jesus?

9 Hinggil sa Mesiyas, ganito ang inihula ni Zacarias: “Magalak kang lubos, O anak na babae ng Sion. Sumigaw ka nang may pagbubunyi, O anak na babae ng Jerusalem. Narito! Ang iyong hari ay dumarating sa iyo. Siya ay matuwid, oo, ligtas; mapagpakumbaba, at nakasakay sa asno, isa ngang hustong-gulang na hayop na anak ng asnong babae.” (Zac. 9:9) Natupad ito nang pumasok si Jesus sa Jerusalem bago ang Paskuwa noong taóng 33 C.E. Ang pulutong ay naglatag sa daan ng kanilang mga panlabas na kasuutan at ng mga sanga ng punungkahoy. Sa katunayan, nagkagulo ang buong lunsod sa pagpasok niya. Pero kahit pinupuri siya ng madla bilang kanilang Hari, mapagpakumbaba pa rin si Jesus.​—Mat. 21:4-11.

10. Ano ang pinatunayan ni Jesus sa pamamagitan ng pagkamasunurin niya hanggang sa kamatayan?

10 Ipinakita ni Jesu-Kristo ang kapakumbabaan at pagkamasunurin hanggang sa kaniyang kamatayan sa isang pahirapang tulos. Sa gayon, pinatunayan niya na ang mga tao ay makapananatiling tapat kay Jehova sa kabila ng pinakamatitinding pagsubok. Ipinakita rin ni Jesus na sinungaling si Satanas sa pagsasabing naglilingkod lang ang mga tao kay Jehova sa pansariling kadahilanan. (Job 1:9-11; 2:4) Ipinagtanggol din ni Kristo ang soberanya ni Jehova at ipinakitang nagtitiwala siya na ang pamamahala ni Jehova ang pinakamabuti. Tiyak na nagsaya si Jehova nang masaksihan niya ang ganap na katapatan ng kaniyang mapagpakumbabang Anak.​—Basahin ang Kawikaan 27:11.

11. Anong mga pag-asa ang binuksan ng haing pantubos ni Jesu-Kristo para sa mga taong nananampalataya?

11 Sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan sa pahirapang tulos, tinubos ni Jesus ang sangkatauhan. (Mat. 20:28) Dahil dito, mapapatawad ni Jehova ang ating mga kasalanan ayon sa kaniyang matuwid na mga kahilingan at mabibigyan tayo ng pagkakataong mabuhay magpakailanman. Sumulat si Pablo: “Sa pamamagitan ng isang gawa ng pagbibigay-katuwiran ang resulta sa lahat ng uri ng mga tao ay ang pagpapahayag sa kanila na matuwid para sa buhay.” (Roma 5:18) Ang kamatayan ni Jesus ay nagbukas ng pag-asang imortal na buhay sa langit para sa pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano at buhay na walang hanggan sa lupa para sa “ibang mga tupa.”​—Juan 10:16; Roma 8:16, 17.

AKO AY MAY ‘MABABANG PUSO’

12. Paano nagpakita ng kahinahunan at kapakumbabaan si Jesus sa mga taong di-sakdal?

12 Inanyayahan ni Jesus ang lahat ng “nagpapagal at nabibigatan” na pumaroon sa kaniya. Sinabi niya: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.” (Mat. 11:28, 29) Kapakumbabaan at kahinahunan ang nag-udyok kay Jesus na maging mabait at di-nagtatangi sa pakikitungo niya sa mga taong di-sakdal. Makatuwiran siya sa inaasahan niya sa kaniyang mga alagad. Pinapurihan sila ni Jesus at pinatibay-loob. Hindi niya ipinadama sa kanila na sila’y di-karapat-dapat at walang-silbi. At tiyak na hindi siya mabagsik ni mapaniil man. Sa kabaligtaran, tiniyak niya sa kaniyang mga tagasunod na kung lalapit sila sa kaniya at ikakapit ang kaniyang mga turo, magiginhawahan sila dahil ang kaniyang pamatok ay may-kabaitan at ang kaniyang pasan ay magaan. Kaya naman ang mga lalaki, babae, bata’t matanda ay komportable kapag kasama siya.​—Mat. 11:30.

Karapat-dapat tularan ang habag na ipinakita ni Jesus

13. Paano nagpakita si Jesus ng habag sa mga nasa kaawa-awang kalagayan?

13 Nahabag si Jesus sa karaniwang mga tao ng Israel dahil sa kanilang kaawa-awang kalagayan, at binigyang-pansin niya ang kanilang pangangailangan. Halimbawa, nasalubong niya malapit sa Jerico ang isang bulag na pulubing nagngangalang Bartimeo at ang isa pang bulag na kasama nito. Pilit silang humingi ng tulong kay Jesus, pero sinabihan sila ng pulutong na tumahimik. Napakadali sanang magbingi-bingihan sa pagmamakaawa ng mga taong bulag na ito! Pero ipinatawag sila ni Jesus, at sa pagkahabag, isinauli niya ang kanilang paningin. Oo, tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama na si Jehova sa pagpapakita ng kapakumbabaan at awa sa mga makasalanan.​—Mat. 20:29-34; Mar. 10:46-52.

“SINUMANG NAGBABABA NG KANIYANG SARILI AY ITATAAS”

14. Anong mga pakinabang ang idinulot ng kapakumbabaan ni Jesus?

14 Ang kapakumbabaan ni Jesu-Kristo ay nagdulot ng kagalakan at mga pagpapala sa marami. Nagalak si Jehova na makitang nagpapasakop ang kaniyang minamahal na Anak sa Kaniyang kalooban. Ang mga apostol at mga alagad ay naginhawahan sa kahinahunan at kababaan ng puso ni Jesus. Ang kaniyang halimbawa, mga turo, at maibiging komendasyon ay nagpasigla sa kanila na sumulong sa espirituwal. Ang karaniwang mga tao ay nakinabang sa kapakumbabaan ni Jesus dahil tumanggap sila ng kaniyang tulong, mga turo, at pampatibay-loob. Sa katunayan, dahil sa haing pantubos ni Jesus, ang lahat ng taong nananampalataya sa kaniya ay tatanggap ng mga pagpapala magpakailanman.

15. Paano nakinabang si Jesus sa pagiging mapagpakumbaba niya?

15 Kumusta naman si Jesus? Kapaki-pakinabang ba sa kaniya ang kapakumbabaan niya? Oo, dahil sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.” (Mat. 23:12) Naging totoo ang mga salitang ito sa kaniya. Ipinaliwanag ni Pablo: “Dinakila . . . ng Diyos [si Jesus] sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.” Dahil sa kapakumbabaan at katapatan ni Jesus noong nasa lupa siya, dinakila siya ng Diyos na Jehova at binigyan ng awtoridad sa mga nilalang sa langit at sa lupa.​—Fil. 2:9-11.

SI JESUS AY ‘SASAKAY ALANG-ALANG SA KATOTOHANAN AT KAPAKUMBABAAN’

16. Paano masasalamin ang kapakumbabaan ng Anak ng Diyos sa mga gagawin pa niya?

16 Masasalamin ang kapakumbabaan ng Anak ng Diyos sa mga gagawin pa niya. Inihula ng salmista kung paano kikilos si Jesus mula sa Kaniyang dinakilang posisyon sa langit laban sa Kaniyang mga kaaway. Umawit ang salmista: “Sa iyong karilagan ay magtagumpay ka; sumakay ka alang-alang sa katotohanan at kapakumbabaan at katuwiran.” (Awit 45:4) Sa Armagedon, hahayo si Jesu-Kristo alang-alang sa katotohanan, katuwiran, at kapakumbabaan. Ano ang mangyayari pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari kapag “pinawi na [ng Mesiyanikong Hari] ang lahat ng pamahalaan at ang lahat ng awtoridad at kapangyarihan”? Magpapakita pa rin ba siya ng kapakumbabaan? Oo, dahil “[ibibigay] niya ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama.”​—Basahin ang 1 Corinto 15:24-28.

17, 18. (a) Bakit mahalagang tularan ng mga lingkod ni Jehova ang parisan ng kapakumbabaan na ipinakita ni Jesus? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

17 Kumusta naman tayo? Tutularan ba natin ang ating Huwaran at magpapakita ng kapakumbabaan? Ano ang mangyayari sa atin kapag dumating ang hari na si Jesu-Kristo sa panahon ng Armagedon? Dahil hahayo siya alang-alang sa kapakumbabaan at katuwiran, tanging ang mga mapagpakumbaba at matuwid ang ililigtas niya. Kaya naman, mahalagang linangin natin ang kapakumbabaan. At kung paanong naging kapaki-pakinabang kay Jesu-Kristo at sa iba ang kaniyang kapakumbabaan, magiging kapaki-pakinabang din sa atin at sa iba ang pagpapakita natin ng katangiang ito.

18 Ano ang tutulong sa atin na tularan ang kapakumbabaan ni Jesus? Paano tayo magiging mapagpakumbaba sa kabila ng mga hamon na napapaharap sa atin? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang sagot sa mga tanong na ito.