Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ipinahihiwatig ba ng mga salita ni Jesus sa Mateo 19:10-12 na ang mga nagpasiyang manatiling walang asawa ay tumanggap ng kaloob ng pagiging walang asawa sa makahimalang paraan?
Pansinin ang tagpo nang magsalita si Jesus tungkol sa pagiging walang asawa. Nang tanungin siya ng mga Pariseo tungkol sa pagdidiborsiyo, nilinaw ni Jesus ang pamantayan ni Jehova sa pag-aasawa. Bagaman pinahintulutan ng Kautusan ang isang lalaki na gumawa ng isang kasulatan ng diborsiyo para sa asawa nito kung makasumpong siya ng “isang bagay na marumi” sa kaniya, hindi ito ang orihinal na kaayusan ng Diyos. (Deut. 24:1, 2) Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.”—Mat. 19:3-9.
Pagkarinig dito, sinabi ng mga alagad: “Kung gayon ang kalagayan ng isang lalaki sa kaniyang asawa, hindi marapat ang mag-asawa.” Sumagot si Jesus: “Hindi lahat ng tao ay naglalaan ng dako para sa pananalitang ito, kundi yaong mga may kaloob lamang. Sapagkat may mga bating na ipinanganak na gayon mula sa bahay-bata ng kanilang ina, at may mga bating na ginawang bating ng mga tao, at may mga bating na ginawang bating ang kanilang sarili dahil sa kaharian ng langit. Siya na makapaglalaan ng dako para rito ay maglaan ng dako para rito.”—Mat. 19:10-12.
May mga ipinanganak na bating dahil isinilang silang may depekto o naging bating dahil sa aksidente o dahil pinutulan sila ng sangkap sa pag-aanak. Pero mayroon ding iba na ginawang bating ang kanilang sarili. Kahit maaari silang mag-asawa, nagpakita sila ng pagpipigil sa sarili at nanatiling walang asawa “dahil sa kaharian ng langit.” Gaya ni Jesus, pinili nilang manatiling walang asawa para maiukol ang kanilang sarili sa Kaharian. Hindi sila isinilang na may kaloob ng pagiging walang asawa ni ipinagkaloob man ito sa kanila. Sa halip, naglaan sila ng dako para dito. Ibig sabihin, sinikap nilang matamo ang kaloob na ito.
Batay sa sinabi ni Jesus, ipinaliwanag ni apostol Pablo na bagaman katanggap-tanggap sa Diyos ang paglilingkod ng lahat ng Kristiyano—may asawa man o wala—ang mga walang asawa na ‘panatag sa kanilang puso,’ o kontento na sa kanilang kalagayan, ay “mas mapapabuti.” Bakit? Ang mga may-asawa ay kailangang maglaan ng kanilang panahon at lakas para mapalugdan at maasikaso ang kanilang kabiyak. Sa kabaligtaran, ang mga Kristiyanong walang asawa ay makapagpopokus sa paglilingkod sa Panginoon. Itinuturing nila ang kanilang kalagayan bilang isang “kaloob” mula sa Diyos.—1 Cor. 7:7, 32-38.
Kung gayon, hindi sinasabi ng Kasulatan na ang mga Kristiyano ay tumatanggap ng kaloob ng pagiging walang asawa sa makahimalang paraan. Sa halip, nililinang nila ito sa pamamagitan ng hindi pag-aasawa para maitaguyod ang Kaharian nang walang abala. Sa dahilang ito, marami ang nagpapasiya na manatiling walang asawa, at makabubuting patibayin natin sila.