Linangin ang Saloobin ng Isang Nakabababa
“Siya na gumagawing gaya ng isang nakabababa sa gitna ninyong lahat ang siyang dakila.”—LUC. 9:48.
1, 2. Anong payo ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga apostol, at bakit?
NOON ay taóng 32 C.E. Nasa distrito ng Galilea si Jesus nang bumangon ang suliranin. Nagtatalo ang mga apostol niya kung sino ang pinakadakila sa kanila. Ganito ang iniulat ni Lucas sa kaniyang Ebanghelyo: “Isang pagkakatuwiranan ang pumasok sa gitna nila may kinalaman sa kung sino ang magiging pinakadakila sa kanila. Si Jesus, sa pagkaalam sa pangangatuwiran ng kanilang mga puso, ay kumuha ng isang bata, inilagay ito sa tabi niya at sinabi sa kanila: ‘Ang sinumang tumatanggap sa batang ito salig sa aking pangalan ay tumatanggap din sa akin, at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa kaniya na nagsugo sa akin. Sapagkat siya na gumagawing gaya ng isang nakabababa sa gitna ninyong lahat ang siyang dakila.’ ” (Luc. 9:46-48) Naging mapagpasensiya si Jesus, pero may-katatagan niya silang pinayuhan na maging mapagpakumbaba.
2 Kaayon ba ng karaniwang saloobin ng unang-siglong mga Judio ang payo ni Jesus na gumawi bilang isang nakabababa? O kabaligtaran ito? Hinggil sa kalakaran noong panahong iyon, ganito ang paliwanag ng Theological Dictionary of the New Testament: “Sa lahat ng bagay, laging usapin kung sino ang mas dakila, at ang pagbibigay ng kaukulang karangalan sa bawat isa ay seryosong bagay na laging nagdudulot ng kabalisahan.” Pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga apostol na maging iba sa mga tao noong panahon nila.
3. (a) Ano ang ibig sabihin ng paggawi bilang isang nakabababa? Bakit mahirap itong gawin kung minsan? (b) Anong mga tanong ang bumabangon tungkol sa paglilinang ng saloobin ng isang nakabababa?
3 Ang salitang Griego na isinalin bilang “isang nakabababa” ay nangangahulugang isa na mahinhin, mapagpakumbaba, hamak, di-pansinin, o walang gaanong halaga at impluwensiya. Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga apostol na maging mapagpakumbaba at mahinhin gaya ng isang bata. Kapit din ang payong iyan sa mga tunay na Kristiyano sa ngayon. Pero sa ilang sitwasyon, baka mahirapan tayong gumawi bilang isang nakabababa. Ang mga tao ay may tendensiyang maging mapagmataas, kaya baka maghangad tayo ng katanyagan. Dahil sa palasak na pakikipagpaligsahan at espiritu ng sanlibutan, baka tayo’y maging egotistiko, palaban, o mapagsamantala. Ano ang makatutulong sa atin na linangin ang saloobin ng isang nakabababa? Bakit masasabing ang ‘isang nakabababa sa gitna natin ang siyang dakila’? Sa anong mga pitak ng buhay tayo dapat magpakita ng kapakumbabaan?
“O ANG LALIM NG KAYAMANAN AT KARUNUNGAN AT KAALAMAN NG DIYOS!”
4, 5. Ano ang mag-uudyok sa atin na linangin ang kapakumbabaan? Magbigay ng halimbawa.
4 Ang isang paraan para malinang ang kapakumbabaan ay ang pagmumuni-muni sa kadakilaan ni Jehova kung ihahambing sa atin. Ang totoo, “hindi maaarok ang kaniyang unawa.” (Isa. 40:28) Ganito ang komento ni apostol Pablo hinggil sa ilang aspekto ng karingalan ni Jehova: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!” (Roma 11:33) Napakalaki na ng isinulong ng kaalaman ng tao mula nang isulat ni Pablo ang mga salitang iyan mga 2,000 taon na ang nakararaan. Pero totoo pa rin iyan. Gaano man karami ang nalalaman natin, dapat tayong magpakumbaba dahil walang limitasyon ang puwede nating matututuhan tungkol kay Jehova, sa kaniyang mga gawa at mga daan.
5 Hindi natin maaarok ang mga daan ng Diyos. Ang pagkaalam sa bagay na iyan ang tumulong kay Leo a na gumawi bilang isang nakabababa. Noong kabataan pa siya, mahilig siya sa siyensiya. Dahil gusto niyang maunawaan ang pisikal na uniberso, nag-aral siya ng astrophysics at nakabuo ng mahalagang konklusyon. Sinabi niya: “Batay sa pag-aaral ko, nakita ko na hindi sapat ang kasalukuyang mga teoriya ng siyensiya para lubusan nating maunawaan ang uniberso. Kaya nag-aral naman ako ng abogasya.” Sa paglipas ng panahon, si Leo ay naging district attorney at pagkatapos ay naging isang hukom. Nang maglaon, siya at ang kaniyang asawa ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Tinanggap nila ang katotohanan, nag-alay, at nagpabautismo. Ano ang nakatulong kay Leo na gumawi bilang isang nakabababa kahit mataas ang pinag-aralan niya? Walang pag-aatubili siyang sumagot, “Naunawaan ko na gaanuman karami ang alam natin tungkol kay Jehova at sa uniberso, marami pa tayong kailangang matutuhan.”
6, 7. (a) Anong kahanga-hangang halimbawa ng kapakumbabaan ang ipinakita ni Jehova? (b) Paano “pinadadakila” ng kapakumbabaan ng Diyos ang isang tao?
6 May isa pang bagay na tutulong sa atin na maging mapagpakumbaba: Si Jehova mismo ay nagpapakita ng kapakumbabaan. Sinasabi ng Bibliya na tayo ay “mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:9) Isip-isipin iyan! Si Jehova, ang Diyos na walang-kapantay sa kadakilaan, ay nagbibigay-dangal sa atin sa pamamagitan ng pagkakaloob sa atin ng pagkakataong maisagawa ang ating ministeryo gamit ang kaniyang Salita, ang Bibliya. At bagaman si Jehova ang nagpapalago sa mga binhing itinatanim at dinidiligan natin, binigyan niya tayo ng marangal na papel bilang mga kamanggagawa niya. (1 Cor. 3:6, 7) Talagang kahanga-hanga ang kapakumbabaan ng Diyos! Ang halimbawa ni Jehova ay tiyak na magpapasigla sa atin na gumawi bilang isang nakabababa.
7 Napakalaki ng epekto kay David ng kapakumbabaan ng Diyos. Umawit siya kay Jehova: “Ibibigay mo sa akin ang iyong kalasag ng kaligtasan, at pinadadakila ako ng iyong kapakumbabaan.” (2 Sam. 22:36) Kinilala ni David na anumang kadakilaang natamo niya sa Israel ay utang niya sa kapakumbabaan ni Jehova—sa pagpapakababa ng Diyos para magbigay-pansin sa kaniya. (Awit 113:5-7) Ganiyan din naman tayo. Pagdating sa mga katangian, abilidad, at pribilehiyo, ano ba ang mayroon tayo na “hindi [natin] tinanggap” mula kay Jehova? (1 Cor. 4:7) Ang taong gumagawi bilang isang nakabababa ay nagiging “dakila” dahil nagiging mas kapaki-pakinabang siyang lingkod ni Jehova. (Luc. 9:48) Tingnan natin kung paano.
‘ANG ISANG NAKABABABA SA GITNA NINYO AY DAKILA’
8. Paano nakaaapekto sa saloobin natin sa organisasyon ni Jehova ang kapakumbabaan?
8 Kailangan natin ang kapakumbabaan para maging kontento sa organisasyon ng Diyos at masuportahan ang kaayusan ng kongregasyon. Isaalang-alang natin ang halimbawa ng kabataang babae na si Petra. Lumaki siya sa pamilyang Saksi. Pero dahil gusto niyang siya ang laging nasusunod, lumayo siya sa kongregasyon. Pagkaraan ng ilang taon, muli siyang umugnay sa kongregasyon. Masaya na siya ngayon sa loob ng organisasyon ni Jehova at handang sumuporta sa mga kaayusan nito. Ano ang nagbago? “Para maging masaya ako sa loob ng organisasyon ng Diyos,” ang isinulat niya, “ang dalawang pinakamahalagang katangian na kailangan kong maunawaan at linangin ay ang kapakumbabaan at kahinhinan.”
9. Ano ang pangmalas ng isang mapagpakumbaba sa inilalaang espirituwal na pagkain? Bakit nagiging mas kapaki-pakinabang siya dahil dito?
9 Ang isang mapagpakumbaba ay taos-pusong nagpapahalaga sa mga paglalaan ni Jehova, lakip na ang espirituwal na pagkain. Kaya naman, isa siyang masikap na estudyante ng Bibliya at masugid na mambabasa ng mga magasing Bantayan at Gumising! Tulad ng maraming tapat na lingkod ni Jehova, binabasa niya ang bawat bagong publikasyon bago ito ilagay sa kaniyang aklatan. Kung magpapakita tayo ng kapakumbabaan at pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral ng ating mga publikasyong salig sa Bibliya, susulong tayo sa espirituwal at mas magagamit tayo ni Jehova para paglingkuran siya.—Heb. 5:13, 14.
10. Paano natin maipakikita ang saloobin ng isang nakabababa sa loob ng kongregasyon?
10 May isa pang paraan kung paano nagiging “dakila” ang taong gumagawi bilang isang nakabababa. Sa bawat kongregasyon, may kuwalipikadong mga lalaki na hinirang ng banal na espiritu para maglingkod bilang mga elder. Sila ang gumagawa ng mga kaayusan para sa mga pulong ng kongregasyon, paglilingkod sa larangan, at pagpapastol. Kapag nagpapakita tayo ng saloobin ng isang nakabababa sa pamamagitan ng kusang-loob na pagsuporta sa mga kaayusang ito, nakadaragdag tayo sa kagalakan, kapayapaan, at pagkakaisa ng kongregasyon. (Basahin ang Hebreo 13:7, 17.) Kung naglilingkod ka bilang elder o ministeryal na lingkod, nagpapasalamat ka ba kay Jehova na pinagkatiwalaan ka niya ng ganiyang pribilehiyo?
11, 12. Anong saloobin ang tutulong sa atin na maging mas kapaki-pakinabang sa organisasyon ni Jehova? Bakit?
11 Ang isa na gumagawi bilang nakabababa ay “dakila,” o mas kapaki-pakinabang sa organisasyon ni Jehova, dahil siya’y nagiging mabuti at mabungang lingkod ng Diyos. Kinailangang payuhan ni Jesus ang mga alagad niya na gumawi bilang nakabababa dahil ang ilan sa kanila ay naimpluwensiyahan ng palasak na saloobin nang panahong iyon. Sinasabi sa Lucas 9:46: “Isang pagkakatuwiranan ang pumasok sa gitna nila may kinalaman sa kung sino ang magiging pinakadakila sa kanila.” Posible kayang magsimula tayong mag-isip na nakahihigit tayo sa mga kapananampalataya natin o sa ibang tao? Karamihan sa sanlibutan ay mapagmapuri at makasarili. Iwasan natin ang mga mapagmapuri at kumilos tayo nang may kapakumbabaan. Kung gagawin natin ito at uunahin ang kalooban ni Jehova, mas magiging nakapagpapatibay tayo sa ating mga kapatid.
12 Talagang nakapagpapatibay ang payo ni Jesus na gumawi bilang nakabababa. Hindi ba dapat nating sikaping ipakita ang saloobing ito sa lahat ng aspekto ng ating buhay? Talakayin natin ang tatlong espesipikong larangan.
SIKAPING GUMAWI BILANG ISANG NAKABABABA
13, 14. Paano maaaring gumawi ang asawang lalaki o babae bilang nakabababa? Paano ito makatutulong sa kanilang pagsasama?
13 Sa pagsasama ng mag-asawa. Iginigiit ng maraming tao sa ngayon ang kanilang karapatan at ipinaglalaban ito kahit masagasaan ang karapatan ng iba. Sa kabaligtaran, ang isang nakabababa ay ginagabayan ng saloobing binanggit ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Roma. Sinabi niya: “Itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.” (Roma 14:19) Ang taong gumagawi bilang isang nakabababa ay nagtataguyod ng kapayapaan sa lahat, lalo na sa kaniyang minamahal na kabiyak.
14 Halimbawa, baka magkaiba ang hilig ng mag-asawa pagdating sa libangan. Baka gusto ng asawang lalaki na nasa bahay lang siya at magbasa ng libro. Samantala, baka mas gusto ng asawang babae na kumain sa labas o dumalaw sa mga kaibigan. Hindi ba magiging mas madali para sa asawang babae na igalang ang kaniyang mister kung nakikita niya na may-kapakumbabaan nitong isinasaalang-alang ang kaniyang gusto at di-gusto, sa halip na ang pansariling kagustuhan lang nito? At tiyak na iniibig at pinahahalagahan ng asawang lalaki ang kaniyang misis na hindi naggigiit ng sariling kagustuhan! Talagang tumitibay ang buklod ng mag-asawa kapag pareho silang gumagawi bilang nakabababa.—Basahin ang Filipos 2:1-4.
15, 16. Anong saloobin ang pinasigla ni David sa Awit 131? Paano ito dapat makaapekto sa paggawi natin sa loob ng kongregasyon?
15 Sa loob ng kongregasyon. Gustong makuha agad ng maraming tao sa sanlibutan ang mga gusto nila. Nasusubok ang kanilang pasensiya kapag kailangan silang maghintay. Ang paglilinang sa saloobin ng isang nakabababa ay tumutulong sa atin na maghintay kay Jehova. (Basahin ang Awit 131:1-3.) Kung tayo’y mapagpakumbabang naghihintay kay Jehova, pagpapalain tayo. Makadarama tayo ng kapanatagan, kaaliwan, at kasiyahan. Kaya naman pinasigla ni David ang kaniyang mga kapuwa Israelita na matiising maghintay sa kanilang Diyos!
16 Mararanasan mo rin ang ganiyang kaaliwan kung mapagpakumbaba kang maghihintay kay Jehova. (Awit 42:5) Baka “nagnanasa [ka] ng isang mainam na gawa” kung kaya inaabot mo ang “katungkulan ng tagapangasiwa.” (1 Tim. 3:1-7) Siyempre pa, sa tulong ng banal na espiritu, gagawin mo ang lahat ng nararapat para malinang ang mga katangiang kailangan ng isang tagapangasiwa. Pero paano kung mas matagal ka nang naghihintay sa pribilehiyo kaysa sa iba? Ang isang nakabababa, na may-pagtitiis na naghihintay, ay patuloy na maglilingkod kay Jehova nang may kagalakan at magsasaya sa anumang atas na ibinigay sa kaniya.
17, 18. (a) Ano ang mga pakinabang ng paghingi ng tawad at pagpapatawad sa iba? (b) Ano ang iminumungkahi ng Kawikaan 6:1-5?
17 Sa ating kaugnayan sa iba. Maraming tao ang nahihirapang humingi ng tawad. Sa kabaligtaran, nililinang ng mga lingkod ng Diyos ang saloobin ng isang nakabababa sa pamamagitan ng pag-amin sa kanilang pagkakamali at paghingi ng tawad. Handa rin silang magpatawad sa mga nagkakasala sa kanila. Ang pagmamataas ay lumilikha ng pagkakabaha-bahagi at pagtatalo, pero ang pagpapatawad ay nagtataguyod ng kapayapaan sa loob ng kongregasyon.
18 Kailangan din nating magpakumbaba sa pamamagitan ng paghingi ng tawad kung hindi natin matupad ang isang kasunduan dahil sa mga sitwasyong hindi natin kontrolado. Bagaman posibleng may kasalanan din ang kabilang panig, kinikilala ng mapagpakumbabang Kristiyano ang kaniyang pagkukulang at handang aminin iyon.—Basahin ang Kawikaan 6:1-5.
19. Bakit natin dapat ipagpasalamat ang payo ng Bibliya na gumawi bilang isang nakabababa?
19 Laking pasasalamat natin sa pampasigla ng Kasulatan na linangin ang saloobin ng isang nakabababa! Mahirap gawin iyan kung minsan, pero ang pagsasaisip sa ating hamak na kalagayan kung ihahambing sa kadakilaan ng ating Maylalang, pati na ang pagpapahalaga sa kaniyang kapakumbabaan, ay tutulong sa atin na linangin ang magandang katangiang ito. Sa paggawa nito, mas magiging kapaki-pakinabang tayong mga lingkod ni Jehova. Nawa’y gumawi ang bawat isa sa atin bilang nakabababa.
a Binago ang mga pangalan.