Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Patuloy na Mamuhay Bilang “mga Pansamantalang Naninirahan”

Patuloy na Mamuhay Bilang “mga Pansamantalang Naninirahan”

“Pinapayuhan ko kayo bilang mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan na patuloy na umiwas mula sa mga pagnanasa ng laman.”​—1 PED. 2:11.

1, 2. Sino ang tinutukoy ni Pedro na “mga pinili,” at bakit niya sila tinawag na “mga pansamantalang naninirahan”?

 MGA 30 taon matapos umakyat sa langit si Jesus, lumiham si apostol Pedro sa “mga pansamantalang naninirahan na nakapangalat sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia, sa mga pinili.” (1 Ped. 1:1) Ang “mga pinili” na tinutukoy ni Pedro ay ang mga katulad niyang pinahiran ng banal na espiritu at binigyan ng “isang bagong pagsilang tungo sa isang buháy na pag-asa” upang mamahalang kasama ni Kristo sa langit. (Basahin ang 1 Pedro 1:3, 4.) Pero bakit pagkatapos ay tinawag din niya ang mga piniling ito bilang “mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan”? (1 Ped. 2:11) At yamang mga 1 lang sa bawat 650 aktibong Saksi sa buong daigdig ang nag-aangking pinili at pinahiran, ano ang kahulugan ng sinabi ni Pedro para sa atin sa ngayon?

2 Angkop na tawaging “pansamantalang naninirahan” ang mga pinahiran noong unang siglo. Gaya ng nalabi ng grupong ito na nabubuhay ngayon, pansamantala lang ang pamumuhay nila rito sa lupa. Si apostol Pablo, na miyembro din ng pinahirang “munting kawan,” ay nagpaliwanag: “Kung para sa atin, ang ating pagkamamamayan ay nasa langit, na mula sa dako ring iyon ay hinihintay natin nang may pananabik ang isang tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Kristo.” (Luc. 12:32; Fil. 3:20) Yamang ang “pagkamamamayan [ng mga pinahiran] ay nasa langit,” iiwan nila ang lupa pagkamatay nila at tatanggap sila ng imortal na buhay sa langit. (Basahin ang Filipos 1:21-23.) Kaya literal silang matatawag na “mga pansamantalang naninirahan” sa lupang pinamumunuan ni Satanas.

3. Anong tanong hinggil sa “ibang mga tupa” ang bumabangon?

3 Kumusta naman ang “ibang mga tupa”? (Juan 10:16) Hindi ba mayroon silang matibay at maka-Kasulatang pag-asa na permanenteng manirahan sa lupa? Oo, ang lupa ang magiging tahanan nila magpakailanman! Pero maaari din silang tawagin ngayon bilang mga pansamantalang naninirahan. Sa anong diwa?

“ANG BUONG SANGNILALANG AY PATULOY NA DUMARAING”

4. Ano ang hindi kayang lunasan ng mga lider ng daigdig?

4 Hangga’t umiiral ang napakasamang sistema ni Satanas, lahat ng tao, kabilang na ang mga Kristiyano, ay patuloy na magdurusa dahil sa paghihimagsik ni Satanas kay Jehova. Mababasa natin sa Roma 8:22: “Alam natin na ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.” Hindi ito kayang lunasan ng mga lider ng daigdig, mga siyentipiko, at mga nagkakawanggawa.

5. Ano ang ipinasiya ng milyun-milyon mula noong 1914, at bakit?

5 Kaya naman mula noong 1914, milyun-milyon ang nagpasiyang magpasakop kay Kristo Jesus, ang Haring iniluklok ng Diyos. Hindi nila gustong maging bahagi ng sistema ni Satanas. Ayaw nilang maging tagasuporta ng sanlibutan ni Satanas. Sa halip, ginagamit nila ang kanilang buhay at mga tinataglay para sa Kaharian ng Diyos.​—Roma 14:7, 8.

6. Sa anong diwa masasabing dayuhan ang mga Saksi ni Jehova?

6 Ang mga Saksi ni Jehova na nakatira sa mahigit 200 bansa ay mga mamamayang masunurin sa batas. Pero saanman sila nakatira, namumuhay silang parang mga dayuhan. Nananatili silang neutral sa mga isyu sa pulitika at lipunan. Ngayon pa lang, itinuturing na nila ang kanilang sarili bilang mga mamamayan ng bagong sanlibutang ipinangako ng Diyos. Natutuwa sila na malapit nang matapos ang kanilang pansamantalang paninirahan sa di-sakdal na sanlibutang ito.

Hindi natin sinisikap na isalba ang sanlibutan ni Satanas. Itinataguyod natin ang bagong sanlibutan ng Diyos

7. Paano magiging permanenteng naninirahan ang mga lingkod ng Diyos? Saan sila maninirahan?

7 Malapit nang gamitin ni Kristo ang kaniyang awtoridad para puksain ang napakasamang sistema ni Satanas. Aalisin ng sakdal na gobyerno ni Kristo ang kasalanan at pagdurusa sa lupa. Aalisin din nito ang lahat ng rebelde sa soberanya ni Jehova. Pagkatapos, ang mga tapat na lingkod ng Diyos ay permanenteng maninirahan sa Paraisong lupa. (Basahin ang Apocalipsis 21:1-5.) Sa panahong iyon, ang sangnilalang ay lubusang “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”​—Roma 8:21.

ANO ANG INAASAHAN SA MGA TUNAY NA KRISTIYANO?

8, 9. Ano ang ibig sabihin ni Pedro nang sabihin niyang “umiwas mula sa mga pagnanasa ng laman”?

8 Ipinaliwanag ni Pedro kung ano ang inaasahan sa mga Kristiyano nang sabihin niya: “Mga minamahal, pinapayuhan ko kayo bilang mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan na patuloy na umiwas mula sa mga pagnanasa ng laman, na siya mismong nakikipagbaka laban sa kaluluwa.” (1 Ped. 2:11) Ang payong ito ay para sa mga pinahirang Kristiyano, pero kapit din ito sa ibang mga tupa ni Jesus.

9 May ilang pagnanasa na hindi naman masama kapag sinasapatan ayon sa kalooban ng Maylalang. Sa katunayan, ang mga ito ay nakadaragdag ng kasiyahan sa buhay. Halimbawa, normal na pagnanasa ang masiyahan sa pagkain at inumin, maglibang, at makihalubilo sa mabubuting kaibigan. Normal din ang magnasa ng seksuwal na kaluguran sa sariling kabiyak. (1 Cor. 7:3-5) Pero ang tinutukoy ni Pedro ay ang “mga pagnanasa ng laman” na “nakikipagbaka laban sa kaluluwa.” Sa ilang bersiyon ng Bibliya, tinukoy ito bilang “masasamang hilig ng katawan” (Magandang Balita Biblia) o “makasalanang pagnanasa” (New International Version). Maliwanag na kailangan nating kontrolin ang anumang pagnanasa na salungat sa kalooban ni Jehova at makasisira sa ating kaugnayan sa kaniya. Kung hindi, manganganib ang ating kaluluwa, o buhay.

10. Ano ang ilan sa pamamaraang ginagamit ni Satanas para maging bahagi ng sanlibutang ito ang mga Kristiyano?

10 Gusto ni Satanas na pahinain ang determinasyon ng mga tunay na Kristiyano na patuloy na mamuhay bilang “mga pansamantalang naninirahan” sa kasalukuyang sistema. Gusto niya tayong maging materyalistiko, mahulog sa imoralidad, maghangad ng katanyagan, maging “maka-ako,” at maging nasyonalistiko. Pero tandaan natin na mga silo ito ni Satanas. Kung lalabanan natin ang masasamang pagnanasa na ito, ipinakikita natin na ayaw nating maging bahagi ng balakyot na sanlibutan ni Satanas. Pinatutunayan natin na tayo ay “mga pansamantalang naninirahan” sa sanlibutang ito. Ang talagang gusto natin ay permanenteng manirahan sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos. At pinagsisikapan nating makamit iyan.

MAINAM NA PAGGAWI

11, 12. Ano ang turing ng ilang tao sa mga banyaga? Ano ang pananaw ng ilan tungkol sa mga Saksi ni Jehova?

11 Ipinaliwanag pa ni Pedro kung ano ang inaasahan sa mga Kristiyanong “pansamantalang naninirahan.” Sinabi niya sa talata 12: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na sinasalita nila laban sa inyo na gaya ng mga manggagawa ng kasamaan, luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksi.” Kung minsan, ang mga banyaga, o mga naninirahan sa ibang bansa, ay pinipintasan. Baka ituring silang masasamang tao dahil lang sa naiiba ang kanilang pagsasalita, pagkilos, pananamit, o hitsura pa nga. Pero kung mainam ang kanilang paggawi, makikita ng iba na walang basehan ang mga akusasyon sa kanila.

12 Sa katulad na paraan, ang mga tunay na Kristiyano ay naiiba sa mga tagasanlibutan pagdating sa pagsasalita, pagpili ng libangan, pananamit, at pag-aayos. Dahil dito, baka ang ilan ay ‘magsalita nang laban’ sa kanila. Pero maaari din silang papurihan ng iba dahil sa kanilang paraan ng pamumuhay.

13, 14. Ano ang ibig sabihin ng pananalitang “ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito”? Magbigay ng mga halimbawa.

13 Oo, ang ating mainam na paggawi ay tutulong sa iba na makitang walang basehan ang mga akusasyon sa atin. Kahit si Jesus, ang kaisa-isang taong nagpakita ng sakdal na pagkamasunurin sa Diyos, ay naging biktima ng maling paratang. Sinabi ng ilan na siya’y “isang taong matakaw at mahilig uminom ng alak, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan.” Pero dahil sa kaniyang mainam na paggawi, napatunayang hindi siya ganoong klase ng tao. “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito,” ang sabi ni Jesus. (Mat. 11:19) Ganiyan din sa ngayon. Halimbawa, para sa mga taong nakatira malapit sa Bethel sa Selters, Germany, kakatwa ang paraan ng pamumuhay ng mga kapatid na naglilingkod sa Bethel. Pero ipinagtanggol sila ng mayor doon: “May sariling paraan ng pamumuhay ang mga Saksing naglilingkod doon, pero hinding-hindi sila nakakagambala sa komunidad.”

Nakatulong ang katotohanan sa Bibliya para magkaisa ang pamilyang ito sa Russia

14 Ganiyan din ang naging konklusyon kamakailan may kaugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa Moscow, Russia. Maraming ibinabatong paratang sa kanila. Pero noong Hunyo 2010, ang European Court of Human Rights sa Strasbourg, France, ay nagbaba ng ganitong desisyon: “Nakita ng Korte na hindi makatuwiran ang panghihimasok [ng Moscow] sa karapatan [ng mga Saksi ni Jehova] sa kalayaan sa relihiyon at sa pagtitipon. Ang mga lokal na hukuman ay walang naiharap na ‘matibay at sapat’ na katibayan na ang organisasyong umapela” ay nagkasala, halimbawa, ng pagsira ng mga pamilya, pag-uudyok sa mga tao na magpakamatay, o pagtangging magpagamot. Sinabi rin ng korte na ginamit ng lokal na mga hukuman ang mahihigpit na batas ng Moscow para gipitin ang mga Saksi ni Jehova.

WASTONG PAGPAPASAKOP

15. Anong simulain sa Bibliya ang sinusunod ng mga tunay na Kristiyano sa buong daigdig?

15 Ang mga Saksi ni Jehova, hindi lang sa Moscow kundi sa buong daigdig, ay sumusunod sa isa pang kahilingang binanggit ni Pedro para sa mga Kristiyano. Isinulat niya: “Alang-alang sa Panginoon ay magpasakop kayo sa bawat gawa ng tao: maging sa hari bilang nakatataas o sa mga gobernador.” (1 Ped. 2:13, 14) Ang mga tunay na Kristiyano ay hindi bahagi ng napakasamang sanlibutang ito. Pero gaya ng tagubilin sa kanila ni Pablo, kusang-loob silang nagpapasakop sa mga pamahalaang inilagay ng Diyos “sa kanilang relatibong mga posisyon.”​—Basahin ang Roma 13:1, 5-7.

16, 17. (a) Ano ang katibayan na hindi tayo kontra sa mga gobyerno? (b) Ano ang kinikilala ng ilang pulitiko?

16 Bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay namumuhay bilang “mga pansamantalang naninirahan” sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, hindi nila ito ginagawa bilang paglaban sa gobyerno o pagbatikos sa ibang tao. Kinikilala nila na ang bawat indibiduwal ay may kani-kaniyang opinyon pagdating sa pulitika o sa paglutas sa mga suliranin sa lipunan. Di-tulad ng ibang relihiyon, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikialam sa pulitika. Hindi nila dinidiktahan ang mga awtoridad kung paano pamamahalaan ang taong-bayan. Walang basehan na isiping maghahasik sila ng kaguluhan sa lipunan o magrerebelde sa gobyerno!

17 Kasuwato ng sinabi ni Pedro na “magbigay-dangal sa hari,” sinusunod ng mga Kristiyano ang mga lider ng gobyerno. Sa ganitong paraan, ipinakikita nila ang paggalang at karangalang nauukol sa mga ito. (1 Ped. 2:17) Kinikilala ng ilang opisyal na wala silang dahilan para isiping banta sa lipunan ang mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, ang pulitikong si Steffen Reiche, dating ministro ng gabinete sa estado ng Brandenburg, Germany, at naging miyembro ng parlamento sa bansang iyon, ay nagsabi: “Makikita sa paggawi ng mga Saksi ni Jehova sa mga kampo at bilangguan ang mga katangian na, ngayon gaya rin noon, ay napakahalaga para sa pag-iral ng demokratiko at konstitusyonal na estado: samakatuwid nga, ang kanilang paninindigan laban sa SS at ang kanilang habag sa mga kapuwa bilanggo. Ngayong tumitindi ang kalupitan laban sa mga banyaga at sa mga taong may naiibang ideolohiya o opinyon sa pulitika, lalong kailangan ng bawat mamamayan ng ating bansa ang mga katangiang ito.”

PAGPAPAKITA NG PAG-IBIG

18. (a) Bakit hindi kataka-takang iniibig natin ang buong samahan ng mga kapatid? (b) Ano ang napansin ng ilang tao sa mga Saksi ni Jehova?

18 Isinulat ni apostol Pedro: “Magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid, matakot sa Diyos.” (1 Ped. 2:17) Ang mga Saksi ni Jehova ay may-takot sa Diyos​—takót silang gumawa ng mga bagay na di-nakalulugod sa kaniya. Ito rin ang nag-uudyok sa kanila na gawin ang kaniyang kalooban. Maligaya silang maging bahagi ng pandaigdig na samahan ng mga kapatid na pawang naglilingkod kay Jehova. Hindi kataka-takang ‘iniibig nila ang buong samahan ng mga kapatid.’ Bihira na sa sanlibutan sa ngayon ang nagpapakita ng gayong pag-ibig na pangkapatid, kaya nagugulat ang ilang di-Saksi kapag naoobserbahan ito. Halimbawa, isang tour guide na nagtatrabaho sa isang travel agency ng Amerika ang namangha sa pag-ibig at pag-aasikaso ng mga Saksi na taga-Germany sa mga banyagang delegado sa isang internasyonal na kombensiyon doon noong 2009. Sinabi niya na ibang-iba ang mga Saksi sa lahat ng grupong nai-tour niya. Nang maglaon, ganito ang sinabi ng isa sa mga Saksi: “Masiglang-masigla siya at manghang-mangha habang nagkokomento tungkol sa atin.” Sa mga kombensiyong nadaluhan mo, nakarinig ka na rin ba ng gayong positibong mga komento tungkol sa mga Saksi?

19. Ano ang dapat maging determinasyon natin, at bakit?

19 Gaya ng natutuhan natin, ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova sa maraming paraan na talagang namumuhay sila bilang “mga pansamantalang naninirahan” sa kasalukuyang sistema ni Satanas. Maligaya nila itong ginagawa at determinado silang patuloy na gawin ito. Matibay ang kanilang pag-asa na malapit na silang permanenteng manirahan sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos. Pinananabikan mo ba iyan?