Natatandaan Mo Ba?
Nabasa mo bang mabuti ang nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:
Paano natin iiwasan ang apoy ng walang-ingat na pananalita?
Dapat nating suriin ang ating puso. Sa halip na maging mapamintas sa ating kapatid, suriin kung bakit gayon ang ating saloobin. Pinipintasan ba natin siya para mas mapansin ang mabubuting bagay na nagawa natin? Ang pamimintas ay lalo lang magpapalala sa maigting na sitwasyon.—8/15, pahina 21.
Paano ipinakikita ng Kautusan ang pangmalas ng Diyos sa mga babae?
Ang mga babaing Israelita ay may malaking kalayaan at may karapatan sa edukasyon. Dapat silang parangalan at igalang, anupat ipinagsasanggalang ang kanilang mga karapatan.—9/1, pahina 5-7.
Yamang papalapit na ang araw ni Jehova, anong mga pangyayari ang malapit nang maganap?
Ipoproklama ang “Kapayapaan at katiwasayan!” Sasalakayin at pupuksain ng mga bansa ang Babilonyang Dakila. Sasalakayin ang bayan ng Diyos. Magaganap ang digmaan ng Armagedon, na susundan ng paghahagis kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo sa kalaliman.—9/15, pahina 4.
Ano ang mga pakinabang ng hindi pagkaalam kung kailan darating ang wakas?
Dahil hindi natin alam ang eksaktong araw o oras ng pagdating ng wakas, maipakikita natin kung ano talaga ang laman ng ating puso. Nagbibigay ito sa atin ng pagkakataong mapagalak ang puso ng Diyos. Napasisigla tayong maging mapagsakripisyo at tinutulungan tayong lubusang manalig sa Diyos at sa kaniyang Salita. Bukod diyan, napatitibay ng mga pagsubok ang ating pananampalataya.—9/15, pahina 24-25.
Paano natin magagamit ang Genesis 3:19 para mangatuwiran sa isang taong naniniwala sa impiyerno?
Sinasabi ng teksto na pagkamatay ni Adan, siya ay babalik sa alabok, at hindi mapupunta sa impiyerno.—10/1, pahina 13.
Saan sumasagisag ang “pitong bituin” sa kanang kamay ni Jesus na binanggit sa Apocalipsis 1:16, 20?
Sumasagisag ang mga ito sa pinahirang mga tagapangasiwa, at maaari ding tumukoy sa lahat ng tagapangasiwa sa kongregasyon.—10/15, pahina 14.
Paano haharapin ng isang pamilya ang pagkakautang?
Dapat pag-usapan ng mag-asawa ang tungkol sa kanilang utang nang tapatan at mahinahon. Makatutulong din kung aalamin nila ang kanilang badyet. Madaragdagan ba nila ang kanilang kita, o mababawasan ang kanilang gastusin bilang pamilya? Dapat nilang alamin kung alin ang kailangan nilang unang bayaran, at marahil, subukang makipag-usap sa mga pinagkakautangan tungkol sa pagbabayad. Pero dapat silang maging makatotohanan at magkaroon ng tamang pangmalas sa pera. (1 Tim. 6:8)—11/1, pahina 19-21.
Ayon sa Isaias 50:4, 5, paano nagpakita ng kapakumbabaan si Jesus?
Sinasabi ng mga talatang iyon na ang sinumang may “dila ng mga naturuan” ay hindi ‘babaling sa kabilang direksiyon.’ Naging mapagpakumbaba si Jesus at maingat na nakinig sa itinuturo sa kaniya ng kaniyang Ama. Gustung-gusto niyang matuto mula kay Jehova. Tiyak na pinagmasdan din niya kung paano nagpakita si Jehova ng kapakumbabaan at awa sa makasalanang sangkatauhan.—11/15, pahina 11.
Paano nagsilbing patotoo sa katapatan ng mga Saksi ni Jehova ang espesyal na selyo sa Estonia?
Noong 2007, naglabas ang National Post Office ng isang selyong nagtatampok sa paglipol ni Stalin sa mga Estonian. Ang bilang na 382 sa selyo ay tumutukoy sa bilang ng mga Saksi at ng kanilang mga anak na ipinatapon sa mga kampong piitan sa Russia noong 1951.—12/1, pahina 27-28.