Ang Pinasimpleng Edisyon ng Watchtower—Bakit Inilathala?
SA LOOB ng maraming dekada, ang mga tao sa buong daigdig ay nagpahalaga at nakinabang sa salig-Bibliyang impormasyong inilalathala sa mga pahina ng Ang Bantayan. Noong Hulyo 2011, inilathala ang kauna-unahang isyu ng pinasimpleng edisyon para sa pag-aaral ng magasing ito sa wikang Ingles. Ipinaliwanag ng isyung iyon: “Ang bagong edisyong ito ay susubukan sa loob ng isang taon, at kung kapaki-pakinabang, patuloy itong ililimbag.”
Natutuwa kaming ipatalastas na patuloy itong ilalathala. Sa kalaunan, magkakaroon din ng pinasimpleng edisyon sa Pranses, Portuges, at Kastila.
KUNG BAKIT NAGUSTUHAN NG MARAMI
Ganito ang iniulat ng ilang kapatid sa Timog Pasipiko nang matanggap nila ang pinasimpleng edisyon: “Ngayon, talagang naiintindihan na ng mga kapatid ang Bantayan.” Sinabi pa sa isang liham: “Ang panahon na dating ginagamit sa paghahanap ng kahulugan ng mga salita at pag-unawa sa mga termino ay nagagamit na ngayon sa pag-unawa sa binanggit na mga teksto at kung paano nauugnay ang mga ito sa aralin.”
Sinabi ng isang sister na college graduate sa Estados Unidos: “Sa loob ng 18 taon, nagsasalita at nagsusulat ako gamit ang malalim na pananalita ng mga may mataas na pinag-aralan. Nasanay akong magsalita at mag-isip sa komplikadong paraan, kahit hindi naman kailangan. Nakita ko na dapat kong baguhin ang paraan ko ng pag-iisip at pagsasalita.” Isa na siyang mabisang ebanghelisador ngayon. Isinulat niya: “Malaking tulong sa akin ang pinasimpleng edisyon ng Watchtower. Napakagandang halimbawa nito kung paano
sasabihin ang mga bagay-bagay sa simpleng paraan.”Isang sister sa England na nabautismuhan noong 1972 ang sumulat hinggil sa pinasimpleng edisyon ng Watchtower: “Nang basahin ko ang kauna-unahang isyu, pakiramdam ko’y katabi ko si Jehova, nakaakbay sa akin, at magkasama namin itong binabasa. Para akong isang bata na binabasahan ng kaniyang tatay ng kuwento bago matulog.”
Ayon naman sa isang sister na Bethelite sa Estados Unidos na mahigit 40 taon nang bautisado, may natututuhan siyang bagong mga bagay dahil sa pinasimpleng edisyon. Halimbawa, sa kahong “Some Expressions Explained” sa isyu ng Setyembre 15, 2011, ang pananalitang “ulap ng mga saksi” sa Hebreo 12:1 ay binigyan ng ganitong paliwanag: “Hindi mabilang sa dami.” Sinabi niya: “Naging mas malinaw sa akin ang kahulugan ng tekstong iyon.” Tungkol naman sa lingguhang pagpupulong, sinabi niya: “Kahit binabasa lang ng mga bata ang sagot mula sa pinasimpleng edisyon, iba ang mga pananalita nito kaysa sa regular na edisyon ng Watchtower na ginagamit ng karamihan. Kaya naman, bago sa mga tagapakinig ang komento ng mga bata.”
Isa pang sister na Bethelite ang sumulat: “Sabik akong pakinggan ang komento ng maliliit na bata sa kongregasyon. Sa tulong ng pinasimpleng edisyon ng Watchtower, nakakasagot sila mula sa puso. Napapatibay ako sa mga komento nila.”
Isang sister na nabautismuhan noong 1984 ang nagsabi ng ganito tungkol sa pinasimpleng edisyon: “Pakiramdam ko, sinadya itong isulat
para sa akin. Napakadaling intindihin ng binabasa ko. Malakas na ang loob kong sumagot sa Pag-aaral sa Bantayan.”MALAKING TULONG SA MGA MAGULANG
Ganito ang sabi ng ina ng isang pitong-taóng-gulang na batang lalaki: “Dati, kapag naghahanda kami para sa Pag-aaral sa Bantayan, napakatagal at nakakapagod ipaliwanag sa kaniya ang maraming pangungusap.” Paano nakatulong ang pinasimpleng edisyon? Sumulat siya: “Nasorpresa ako dahil nakakasali na siya sa pagbasa ng mga parapo at talagang naiintindihan niya ang mga ito. Dahil magagaan lang ang salita at mas maiikli ang pangungusap, hindi siya nahihirapan. Kayang-kaya na niyang maghanda ng mga komento sa pulong kahit hindi ko siya tinutulungan, at buhos na buhos ang atensiyon niya sa magasin habang pinag-aaralan ito.”
Sumulat naman ang ina ng isang siyam-na-taóng-gulang na batang babae: “Dati, kailangan namin siyang tulungang maghanda ng mga komento niya. Ngayon, kaya na niya itong gawing mag-isa. Halos hindi na namin kailangang ipaliwanag o pasimplehin ang impormasyon. At dahil madali itong maintindihan, nadarama niya na talagang kasali na siya sa Pag-aaral sa Bantayan.”
ANO NAMAN ANG MASASABI NG MGA BATA?
Para sa maraming bata, ang pinasimpleng edisyon ng Watchtower ay ginawa para sa kanila. Ganito ang hiling ng 12-taóng-gulang na si Rebecca: “Sana ipagpatuloy po ninyo ang bagong edisyon!” Sinabi pa niya: “Gustung-gusto ko po ang seksiyon na ‘Some Expressions Explained.’ Kayang-kaya po itong intindihin ng mga bata.”
Ganiyan din ang nadarama ng pitong-taóng-gulang na si Nicolette: “Dati po, nahihirapan akong intindihin ang Watchtower. Ngayon, mas nakakasagot na po akong mag-isa.” Isinulat ng siyam-na-taóng-gulang na si Emma: “Malaking tulong po ito sa akin at sa kapatid kong anim na taóng gulang. Mas marami na po kaming naiintindihan ngayon! Salamat po!”
Maliwanag na marami ang nakikinabang sa edisyon ng Watchtower na gumagamit ng magagaan na salita at simpleng mga pangungusap. Kaya patuloy itong ilalathala kasama ng regular na edisyon, na isang napakagandang paglalaan mula pa noong 1879.