Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Patuloy na Lumapit kay Jehova

Patuloy na Lumapit kay Jehova

“Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—SANT. 4:8.

1, 2. (a) Ano ang “mga pakana” ni Satanas? (b) Ano ang tutulong sa atin na maging malapít sa Diyos?

NILALANG ng Diyos na Jehova ang mga tao na may pangangailangang maging malapít sa kaniya. Pero gusto ni Satanas na isipin nating hindi natin kailangan si Jehova. Iyan ay kasinungalingang itinataguyod ni Satanas mula pa nang dayain niya si Eva sa hardin ng Eden. (Gen. 3:4-6) Sa buong kasaysayan, marami ang nag-aakalang hindi nila kailangan ang Diyos.

2 Maaari nating iwasan ang silo ni Satanas. Sa tulong ng Bibliya, alam natin ang kaniyang “mga pakana.” (2 Cor. 2:11) Sinisikap ni Satanas na ilayo tayo kay Jehova sa pamamagitan ng pagtukso sa atin na gumawa ng maling pagpapasiya. Pero gaya ng ipinakita ng naunang artikulo, maaari tayong gumawa ng tamang pagpapasiya pagdating sa karera, paglilibang, at pamilya. Tatalakayin ng artikulong ito kung paano natin mapananatili sa tamang lugar ang teknolohiya, kalusugan, pera, at pagmamalaki para patuloy tayong maging ‘malapít sa Diyos.’—Sant. 4:8.

TEKNOLOHIYA

3. Ipaliwanag kung paano maaaring gamitin sa mabuti o masamang paraan ang teknolohiya.

3 Sa buong daigdig, parami nang parami ang gumagamit ng mga electronic device. Malaking tulong ang mga ito kung gagamitin sa tamang paraan. Pero kung hindi, maaari tayong ilayo ng mga ito sa ating makalangit na Ama. Halimbawa, nariyan ang mga computer. Ang magasing binabasa mo ay isinulat at inilathala sa tulong ng mga computer. Ginagamit din ang mga ito sa research, komunikasyon, at maging sa paglilibang. Pero kung mahilig tayo sa mga computer, baka maubos ang panahon natin sa mga ito. Napakaraming advertisement na may-katusuhang humihikayat sa mga tao na kailangan nilang magkaroon ng pinakabagong gadyet. Sa kagustuhang makabili ng isang uri ng tablet computer, palihim na ibinenta ng isang kabataan ang isa sa kaniyang kidney. Napakalaking kamangmangan!

4. Ano ang ginawa ng isang brother para mapagtagumpayan ang kaniyang labis-labis na pagko-computer?

 4 Mas malaking kamangmangan na ipagpalit ang iyong malapít na kaugnayan kay Jehova sa maling paggamit ng teknolohiya. “Alam kong sinasabi ng Bibliya na ‘bilhin natin ang naaangkop na panahon’ para sa espirituwal na mga gawain,” ang sabi ni Jon, isang brother na malapit nang mag-30 anyos. * “Pero pagdating sa mga computer, ang kalaban ko ay ang sarili ko.” Madalas abutin ng hatinggabi si Jon sa pag-i-Internet. “Kapag mas pagod ako, mas mahirap huminto sa pakikipag-chat o panonood ng maiikling video—pati na ang mga di-angkop,” ang sabi niya. Para mapagtagumpayan ito, isinet ni Jon ang kaniyang computer na mag-shut down kapag oras na para matulog.—Basahin ang Efeso 5:15, 16.

Mga magulang, tulungan ang inyong mga anak na gamitin nang tama ang teknolohiya

5, 6. (a) Ano ang pananagutan ng mga magulang sa kanilang mga anak? (b) Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng mabubuting kasama?

5 Mga magulang, hindi ninyo kailangang kontrolin ang bawat galaw ng inyong mga anak, pero kailangan ninyong subaybayan ang paggamit nila ng computer. Huwag ninyo silang hayaang pumasok sa mga Web site na nagtatampok ng imoralidad, espiritismo, at mararahas na video game, o makipagkaibigan sa masasamang kasama sa Internet para lang hindi nila kayo abalahin. Kung pababayaan ninyo sila, baka isipin nila, ‘Wala namang pakialam sa ginagawa ko sina Daddy at Mommy, kaya siguro okey lang.’ Bilang mga magulang, pananagutan ninyong ipagsanggalang ang inyong mga anak—pati na ang mga tin-edyer—sa anuman na maaaring maglayo sa kanila kay Jehova. Kahit ang mga hayop ay makikipaglaban para protektahan ang kanilang mga anak. Isip-isipin kung ano ang gagawin ng inang oso kapag may nagtangkang manakit sa kaniyang mga anak!—Ihambing ang Oseas 13:8.

6 Tulungan ang inyong mga anak na makipagkaibigan sa huwarang mga Kristiyano, bata man o matanda. Tandaan din na kailangan kayo ng inyong mga anak! Kaya maglaan ng panahon para tumawa, maglaro, at gumawang magkakasama. Makatutulong ito para lahat kayo ay ‘maging malapit sa Diyos.’ *

KALUSUGAN

7. Bakit natin gustong manatiling malusog?

7 Madalas nating kumustahin ang kalusugan ng iba. Lahat tayo ay nagkakasakit mula nang hayaan nina Adan at Eva si Satanas na ilayo sila kay Jehova. Natutuwa si Satanas kapag nagkakasakit tayo dahil mahihirapan tayong maglingkod kay Jehova. At kung mamamatay tayo, hindi na tayo makapaglilingkod sa Diyos. (Awit 115:17) Kaya naman ginagawa natin ang ating makakaya para manatiling malusog. * At dapat din tayong magmalasakit sa kalusugan ng ating mga kapatid.

8, 9. (a) Paano natin maiiwasan ang labis-labis na pagkabahala sa kalusugan? (b) Ano ang pakinabang ng pagiging masaya?

 8 Pero mahalagang iwasan natin ang labis-labis na pagkabahala sa kalusugan. Ang ilan ay mas masigasig pa sa pagpo-promote ng mga diet, treatment, o health product kaysa sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos. Baka iniisip nilang nakatutulong sila sa iba. Gayunman, hindi tamang mag-promote ng mga health o beauty product o magrekomenda ng iyong mga ideya tungkol sa kalusugan bago o pagkatapos ng ating mga pulong sa Kingdom Hall o sa mga asamblea at kombensiyon. Bakit?

9 Nagtitipon tayo para talakayin ang espirituwal na mga bagay at magtamo ng kagalakan, isang aspekto ng banal na espiritu ng Diyos. (Gal. 5:22) Ang pag-aalok ng produkto o payong pangkalusugan—hinihiling man ito ng iba o hindi—ay taliwas sa layunin ng ating mga pagtitipon at makapag-aalis ng kagalakan ng iba. (Roma 14:17) Pananagutan ng bawat indibiduwal na magpasiya tungkol sa kaniyang kalusugan. Tandaan din na walang sinuman ang may solusyon sa lahat ng sakit. Kahit ang mga doktor ay tumatanda, nagkakasakit, at namamatay. Hindi mapahahaba ng labis-labis na pagkabahala sa kalusugan ang ating buhay. (Luc. 12:25) Sa kabilang dako, “ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling.”—Kaw. 17:22.

10. (a) Anong mga katangian ang maganda sa pangmalas ni Jehova? (b) Kailan natin makakamit ang sakdal na kalusugan?

10 Angkop din na mabahala tayo sa ating hitsura. Pero hindi natin dapat sikaping burahin ang lahat ng bakas ng pagtanda. Ang mga ito ay maaaring palatandaan ng pagkamaygulang, dignidad, at panloob na kagandahan. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya: “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.” (Kaw. 16:31) Ganiyan ang pangmalas ni Jehova, at dapat nating tularan iyan. (Basahin ang 1 Pedro 3:3, 4.) Kung gayon, katalinuhan bang sumailalim sa di-kinakailangan at peligrosong pagpaparetoke o iba pang pamamaraan para lang gumanda? “Ang kagalakan kay Jehova” ang pinagmumulan ng tunay na kagandahan, anuman ang ating edad o kalagayan ng kalusugan. (Neh. 8:10) Sa bagong sanlibutan lang tayo magiging lubusang malusog at muling babata. (Job 33:25; Isa. 33:24) Samantala, magpakita tayo ng karunungan at manampalataya sa mga pangako ni Jehova. Sa gayon, masisiyahan tayo sa buhay sa halip na labis na mabahala sa ating kalusugan.—1 Tim. 4:8.

PERA

11. Paano tayo mailalayo ng salapi kay Jehova?

11 Hindi masama ang pera, ni ang pagnenegosyo. (Ecles. 7:12; Luc. 19:12, 13) Pero ang “pag-ibig sa salapi” ay maglalayo sa atin kay Jehova. (1 Tim. 6:9, 10) “Ang kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay,” o labis na pag-aalala sa mga pangangailangan sa buhay, ay sasakal sa ating espirituwalidad. Ganito rin ang epekto ng “mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan,” o ang pag-aakala na ang kayamanan ay magdudulot ng namamalaging kaligayahan at katiwasayan. (Mat. 13:22) Idiniin ni Jesus na “walang sinuman” ang makapaglilingkod kapuwa sa Diyos at sa kayamanan.—Mat. 6:24.

12. Ano ang ginagawa ng iba para mabilis na kumita ng pera? Paano natin maiiwasan ang mga ito?

12 Ang di-tamang pangmalas sa pera ay maaaring umakay sa maling paggawi. (Kaw. 28:20) Sa kagustuhang biglang yumaman, ang ilan ay natuksong tumaya sa lotto, o nakisangkot sa mga networking o pyramid scheme, at nag-recruit pa nga ng mga kapatid. Ang iba naman ay nadaya at namuhunan sa pag-aakalang kikita sila nang malaki. Huwag maging sakim. Gamitin ang katinuan ng isip. Kung masyadong maganda ang alok, malamang na hindi ito totoo.

13. Ano ang gusto ni Jehova na maging pangmalas natin sa salapi?

13 Kapag inuuna natin “ang kaharian at  ang kaniyang katuwiran,” pagpapalain ni Jehova ang ating pagsisikap na matamo ang ating pangangailangan. (Mat. 6:33; Efe. 4:28) Ayaw niya tayong magpakapagod sa trabaho anupat nakakatulog tayo sa pulong, o kaya naman ay nakaupo sa Kingdom Hall pero nag-aalala tungkol sa pera. Iniisip ng marami sa sanlibutan na ang tanging paraan para magkaroon ng maganda at maalwang kinabukasan ay ang pagkakamal ng salapi. Madalas ay pinipilit nila ang kanilang mga anak na magkaroon ng ganitong materyalistikong tunguhin. Ipinakita ni Jesus na di-makatuwiran ang ganitong kaisipan. (Basahin ang Lucas 12:15-21.) Marahil maaalaala natin si Gehazi, na nag-akalang puwede siyang maging sakim at kasabay nito ay mapanatili ang mabuting katayuan kay Jehova.—2 Hari 5:20-27.

14, 15. Bakit hindi matalinong umasa sa salapi para sa katiwasayan? Magbigay ng halimbawa.

14 May mga agila na nalulunod dahil ayaw nilang bitiwan ang isda na mas mabigat kaysa sa kaya nilang tangayin. Puwede kayang mangyari sa isang Kristiyano ang tulad niyan? “Napakaingat ko sa pera,” ang sabi ng elder na si Alex. “Kapag napasobra ang nakuha kong shampoo, ibinabalik ko ito sa lalagyan.” Pero nahumaling si Alex sa stock market, sa pag-aakalang kikita siya nang malaki, makapagre-resign, at makapagpapayunir. Kaya pinag-aralan niyang mabuti ang stock market at ginamit ang kaniyang ipon, pati ang salaping inutang niya, para bumili ng mga stock na diumano’y tataas ang halaga. Pero bumagsak ang halaga ng mga ito. “Gusto kong mabawi ang pera ko,” ang sabi ni Alex. “Naisip ko na kung maghihintay ako, tataas uli ang halaga ng mga stock ko.”

15 Ito na lang ang iniisip ni Alex. Hindi siya makapagpokus sa espirituwal na mga bagay, at hindi siya makatulog. Pero hindi na nakabawi ang kaniyang mga stock. Nalugi si Alex, at kinailangan niyang ibenta ang bahay niya. “Matinding sama ng loob ang naidulot ko sa pamilya ko,” ang pag-amin niya. Pero may natutuhan siyang mahalagang aral. “Alam ko na ngayon na mabibigo lang ang sinumang nagtitiwala sa sistema ni Satanas.” (Kaw. 11:28) Oo, ang pagtitiwala sa ating ipon, investment, o kakayahang kumita ng salapi sa sistemang ito ay paglalagak ng ating pag-asa sa “diyos ng sistemang ito” na si Satanas. (2 Cor. 4:4; 1 Tim. 6:17) Mula noon, pinasimple ni Alex ang kaniyang buhay “alang-alang sa mabuting balita.” Dahil dito, siya at ang kaniyang pamilya ay naging mas maligaya at mas malapít kay Jehova.—Basahin ang Marcos 10:29, 30.

PAGMAMALAKI

16. Bakit hindi laging masama ang pagmamalaki? Ano ang maaaring mangyari kung labis tayong nagpapahalaga sa sarili?

16 Hindi laging masama ang pagmamalaki. Halimbawa, dapat nating ipagmalaki na tayo ay mga Saksi ni Jehova. (Jer. 9:24) Dahil may paggalang tayo sa sarili, sinisikap nating gumawa ng mabubuting desisyon at sumunod sa matataas na pamantayan ng Diyos. Pero ang labis na pagpapahalaga sa ating mga opinyon o katayuan ay maaaring maglayo sa atin kay Jehova.—Awit 138:6; Roma 12:3.

Sa halip na maghangad ng posisyon sa kongregasyon, masiyahan sa iyong ministeryo!

17, 18. (a) Magbigay ng mga halimbawa sa Bibliya ng mga taong mapagmapuri at mapagpakumbaba. (b) Ano ang ginawa ng isang brother para hindi siya mailayo ng kaniyang pride kay Jehova?

17 Sa Bibliya, may mga halimbawa ng mga taong mapagmapuri at mapagpakumbaba. Mapagpakumbabang umasa si Haring David sa patnubay ni Jehova, at pinagpala siya. (Awit 131:1-3) Pero ang mapagmapuring mga hari na sina Nabucodonosor at Belsasar ay pinarusahan ni Jehova. (Dan. 4:30-37; 5:22-30) Sa ngayon, may mga sitwasyon na maaaring sumubok sa ating kapakumbabaan. Halimbawa, si Ryan, isang 32-anyos na ministeryal na lingkod, ay lumipat sa ibang kongregasyon. “Akala ko irerekomenda agad ako bilang elder,” ang kuwento niya, “pero  lumipas ang isang taon na walang nangyayari.” Magagalit ba si Ryan o maghihinanakit, sa pag-aakalang hindi siya nirerespeto ng mga elder doon? Hihinto na ba siya sa pagdalo sa pulong at hahayaan ang kaniyang pride na mailayo siya kay Jehova at sa kongregasyon? Kung ikaw si Ryan, ano ang gagawin mo?

18 Nag-research si Ryan sa ating mga publikasyon tungkol sa tamang saloobin kapag hindi nangyari ang mga inaasahan. (Kaw. 13:12) “Nakita kong kailangan ko ng pagkamatiisin at kapakumbabaan. Kailangan ko ang pagsasanay ni Jehova.” Nagpokus si Ryan sa paglilingkod sa iba—sa kongregasyon at sa larangan. Di-nagtagal, marami na siyang masulong na Bible study. “Nang hirangin ako bilang elder makalipas ang isa’t kalahating taon, nagulat ako,” ang sabi niya. “Nawala na kasi ’yon sa isip ko dahil nag-e-enjoy na ako sa ministeryo.”—Basahin ang Awit 37:3, 4.

MANATILING MALAPÍT KAY JEHOVA!

19, 20. (a) Paano natin matitiyak na hindi tayo mailalayo kay Jehova ng mga ginagawa natin sa araw-araw? (b) Magbigay ng mga halimbawa ng mga nanatiling malapít kay Jehova.

19 Hindi masama ang pitong bagay na tinalakay natin dito at sa naunang artikulo. Ipinagmamalaki natin na mga lingkod tayo ni Jehova. Ang maligayang pamilya at mabuting kalusugan ay kaloob ni Jehova. Nauunawaan natin na mahalaga ang sekular na trabaho at pera para matugunan ang ating pangangailangan. Alam natin na ang paglilibang ay nakagiginhawa at ang teknolohiya ay kapaki-pakinabang. Pero tandaan natin na kung ang mga bagay na ito ay wala sa lugar, umuubos ng ating panahon, o nakahahadlang sa ating pagsamba, maaari tayong ilayo ng mga ito kay Jehova.

Huwag hayaan ang anuman na mailayo ka kay Jehova!

20 Iyan ang gustong mangyari ni Satanas. Pero mapoprotektahan mo ang iyong sarili at ang iyong pamilya! (Kaw. 22:3) Lumapit kay Jehova at manatiling malapít sa kaniya. Maraming halimbawa sa Bibliya na matutularan natin. Sina Enoc at Noe ay “lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Gen. 5:22; 6:9) Si Moises ay nanatiling “matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” (Heb. 11:27) Laging ginagawa ni Jesus ang kalugud-lugod sa kaniyang Ama, at pinagpala siya dahil dito. (Juan 8:29) Tularan ang mga halimbawang ito. “Lagi kayong magsaya. Manalangin kayo nang walang lubay. May kaugnayan sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo.” (1 Tes. 5:16-18) At huwag hayaan ang anuman na mailayo ka kay Jehova!

^ par. 4 Binago ang mga pangalan.

^ par. 6 Tingnan ang “Kung Paano Palalakihing Responsable ang mga Anak” sa Gumising! isyu ng Oktubre 2011.

^ par. 7 Tingnan ang “Limang Tip Para Maging Mas Malusog” sa Gumising!, isyu ng Marso 2011.