Talaga Bang si Josephus ang Sumulat Nito?
Sa Book XX ng Jewish Antiquities ng unang-siglong istoryador na si Flavius Josephus, tinukoy niya ang kamatayan ni “Santiago, kapatid ni Jesus na tinatawag na Kristo.” Kinikilala ng maraming iskolar na totoo ang mga pananalitang ito. Pero may ibang pananalita tungkol kay Jesus sa akda ring iyon na pinag-aalinlanganan ng ilan. Ang bahaging ito ng akda ay tinatawag na Testimonium Flavianum. Ganito ang mababasa roon:
“Nang mga panahong ito, nariyan si Jesus, isang pantas na tao, kung matatawag man siyang tao, sapagkat gumagawa siya ng kamangha-manghang mga gawa—isang guro ng mga taong malugod na tumatanggap sa katotohanan. Nahikayat niya ang marami sa mga Judio, at marami sa mga Gentil. Siya ang Kristo; at nang hatulan siya ni Pilato na ipako sa krus, udyok ng mga pangunahing lalaki sa gitna natin, hindi siya iniwan ng mga unang umibig sa kaniya, dahil nagpakita siyang buháy sa kanila noong ikatlong araw, kung paanong ito at ang sampung libong iba pang kamangha-manghang bagay tungkol sa kaniya ay inihula ng mga propeta ng Diyos; at ang tribo ng mga Kristiyano, na isinunod sa kaniyang pangalan, ay umiiral pa rin hanggang ngayon.”—Josephus—The Complete Works, isinalin ni William Whiston.
Noong huling bahagi ng ika-16 na siglo, nagsimula ang mainit na debate sa pagitan ng mga naniniwala sa bahaging ito ng akda at ng mga nag-aalinlangan na si Josephus ang sumulat nito. Isang Pranses na istoryador at dalubhasa sa klasikal na panitikan, si Serge Bardet, ang nagsikap na pag-aralan ang usaping ito na naging masalimuot sa nakalipas na mahigit apat na siglo. Inilathala niya ang kaniyang nasaliksik sa aklat na pinamagatang Le Testimonium Flavianum—Examen historique considérations historiographiques (Ang Testimonium Flavianum—Isang Pag-aaral at Pagsasaliksik sa Kasaysayan).
Hindi Kristiyanong awtor si Josephus. Isa siyang istoryador na Judio; kaya ang sentro ng kontrobersiya ay ang pagtawag niya kay Jesus bilang “ang Kristo.” Sa pagsusuri ni Bardet, iginiit niya na ang paggamit ng titulong ito ay katugmang-katugma ng “istilo ng mga Griego na paglalagay ng [pamanggit na] pantukoy sa pangalan ng mga tao.” Idinagdag pa ni Bardet na mula sa pangmalas ng isang Judeo-Kristiyano, “hindi imposibleng gumamit si Josephus ng terminong Christos,” sa halip, isa itong indikasyon na “may-kamaliang binale-wala ng karamihan sa mga kritiko.”
Posible kaya na ang akda ay dinagdagan na lang nang maglaon ng isang manghuhuwad, na gumaya sa istilo ni Josephus? Batay sa ulat ng kasaysayan at sa akda mismo, sinabi ni Bardet na imposibleng mangyari iyon. Kailangan ang manghuhuwad na “walang-katulad ang talento sa panggagaya,” sa ibang pananalita, isa na kasinghusay mismo ni Josephus.
Bakit may ganitong isyu? Bilang pagtukoy sa talagang problema, sinabi ni Bardet na “di-gaya ng karamihan sa mga sinaunang akda—pinag-aalinlanganan ang Testimonium dahil lang sa may kumuwestiyon dito.” Sinabi pa niya na ang mga paninindigan ng mga tao laban dito sa nakalipas na mga siglo ay udyok ng “ibang motibo” sa halip na ng makatuwirang pagsusuri sa akda, na pumapabor nang husto sa autentisidad nito.
Hindi pa alam kung magbabago ang opinyon ng ibang iskolar tungkol sa Testimonium Flavianum dahil sa pagsusuri ni Bardet. Pero nakumbinsi nito ang isang bantog na dalubhasa sa Helenistikong Judaismo at sinaunang Kristiyanismo na si Pierre Geoltrain. Matagal niyang itinuring na dagdag lang sa akda ni Josephus ang Testimonium. Pinagtawanan pa nga niya ang mga naniniwala rito. Pero nagbago ang opinyon niya. Sinabi niya na ang akda ni Bardet ang dahilan. Sinasabi ngayon ni Geoltrain na “wala nang dapat mangahas na tukuyin [ang Testimonium] bilang ‘di-kapani-paniwalang testimonya’ ni Josephus.”
Siyempre pa, may mas nakakukumbinsing dahilan ang mga Saksi ni Jehova para maniwalang si Jesus ang Kristo—ang ulat mismo ng Bibliya.—2 Tim. 3:16.