Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maaliw at Mang-aliw

Maaliw at Mang-aliw

Dahil sa di-kasakdalan, nagkakasakit tayong lahat, ang ilan ay malubha pa nga. Kapag ganiyan ang ating kalagayan, paano natin ito haharapin?

Ang isang mahalagang tulong ay ang kaaliwang natatanggap natin mula sa ating kapamilya, kaibigan, at mga kapananampalataya.

Ang mabait at magiliw na pananalita ng ating kaibigan ay gaya ng pamahid na nagpapagaling at nakagiginhawa sa atin. (Kaw. 16:24; 18:24; 25:11) Pero ang mga tunay na Kristiyano ay hindi lang tumatanggap ng kaaliwan. Sinisikap din nilang ‘aliwin yaong mga nasa anumang uri ng kapighatian sa pamamagitan ng kaaliwan na ipinang-aaliw din naman sa kanila ng Diyos.’ (2 Cor. 1:4; Luc. 6:31) Ganiyan ang naranasan ni Antonio, isang tagapangasiwa ng distrito sa Mexico.

Nang ma-diagnose na mayroon siyang lymphoma, isang uri ng kanser sa dugo, nanlumo si Antonio. Sa kabila nito, sinikap pa rin niyang kontrolin ang kaniyang negatibong mga damdamin. Paano? Inaalaala niya ang mga awiting pang-Kaharian at inawit ang mga iyon para mabulay-bulay ang liriko. Nakatulong din nang malaki sa kaniya ang pananalangin nang malakas at pagbabasa ng Bibliya.

Pero ngayon, alam ni Antonio na ang isa sa pinakamalalaking tulong na natanggap niya ay mula sa mga kapananampalataya niya. Sinabi niya: “Kapag nababahala kaming mag-asawa, hinihilingan namin ang isang kamag-anak na elder sa kongregasyon na puntahan kami at manalangin kasama namin. Dahil dito, naaaliw kami at nagiging kalmado. Sa katunayan,” ang dagdag pa niya, “dahil sa suporta ng aming pamilya at mga kapananampalataya, madali naming napagtagumpayan ang negatibong mga damdamin.” Talagang nagpapasalamat siya na mayroon siyang maibigin at mapagmalasakit na mga kaibigan!

Ang isa pang tulong sa panahon ng kabagabagan ay ang banal na espiritu. Sinabi ni apostol Pedro na ito ay isang “walang-bayad na kaloob” mula sa Diyos. (Gawa 2:38) Napatunayang totoo iyan nang pahiran ng banal na espiritu ang maraming alagad noong Pentecostes 33 C.E. Pero lahat tayo ay maaaring tumanggap ng banal na espiritu. Walang katapusan ang suplay ng kaloob na ito, kaya lagi natin itong hilingin sa Diyos.—Isa. 40:28-31.

MAGPAKITA NG TAIMTIM NA MALASAKIT SA MGA NAGDURUSA

Si apostol Pablo ay dumanas ng maraming pagdurusa. Sa ilang pagkakataon, nalagay pa nga siya sa bingit ng kamatayan. (2 Cor. 1:8-10) Pero hindi takót mamatay si Pablo. Naaliw siya dahil alam niyang hindi siya pababayaan ng Diyos. Isinulat niya: “Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa amin sa lahat ng aming kapighatian.” (2 Cor. 1:3, 4) Hindi hinayaan ni Pablo na madaig siya ng awa sa sarili. Sa halip, humugot siya ng lakas mula sa mga pagsubok na iyon para maaliw rin niya ang ibang nagdurusa.

Nang makarekober si Antonio sa kaniyang karamdaman, naglingkod siyang muli bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Dati na siyang may malasakit sa kaniyang mga kapananampalataya. Pero silang mag-asawa ay lalong nagsikap na dalawin at patibayin ang mga maysakit. Halimbawa, matapos dalawin ang isang Kristiyano na may malubhang sakit, nalaman ni Antonio na ayaw nang dumalo ng brother na ito. “Hindi naman sa hindi na niya mahal si Jehova o ang mga kapatid,” ang sabi ni Antonio, “pero napakatindi ng epekto ng sakit niya, anupat pakiramdam niya’y wala na siyang silbi.”

Para mapasigla ang may-sakit na brother, hinilingan siya ni Antonio na manalangin sa isang salu-salo. Bagaman atubili, pumayag ang brother. Sinabi ni Antonio: “Napakaganda ng panalangin niya. Mula noon, parang nagbago ang disposisyon niya. Nadama niyang may silbi na siyang muli.”

Oo, lahat tayo ay nakaranas na ng iba’t ibang pagdurusa. Pero gaya ng sinabi ni Pablo, makatutulong ito para maaliw rin natin ang iba. Kung gayon, maging palaisip sa pagdurusa ng ating mga kapuwa Kristiyano at tularan ang ating Diyos na Jehova sa pang-aaliw sa iba.