‘Tiyakin Ninyo ang mga Bagay na Higit na Mahalaga’
‘Tiyakin ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga.’
1, 2. Anong hula tungkol sa mga huling araw ang nakapukaw sa kaisipan ng mga alagad ni Jesus? Bakit?
SINA Pedro, Santiago, Juan, at Andres ay kasama ng kanilang Panginoon. Ikinabahala nila ang sinabi ni Jesus hinggil sa pagkawasak ng templo. (Mar. 13:1-4) Kaya nagtanong sila: “Sabihin mo sa amin, Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mat. 24:1-3) Nagsimula si Jesus sa pagsasabi ng tungkol sa mga kaganapan, o kalagayan, na hindi lang magdudulot ng malalaking pagbabago sa buhay ng mga tao, kundi magiging palatandaan din ng mga huling araw ng balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas. Pero may isang partikular na kaganapan na malamang na nakapukaw sa kaisipan ng mga alagad ni Jesus. Pagkatapos niyang banggitin ang tungkol sa mga digmaan, kakapusan sa pagkain, at paglago ng katampalasanan, inihula ni Jesus ang isang magandang bagay na mangyayari sa mga huling araw. Sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”
2 Ipinangangaral na noon ng mga alagad ni Jesus ang mabuting balita ng Kaharian kasama ni Kristo. (Luc. 8:1; 9:1, 2) Malamang na naalaala nila ang sinabi niya: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Luc. 10:2) Pero paano sila mangangaral “sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa”? Saan manggagaling ang mga manggagawa? Kung puwede lang sana nilang makita ang mangyayari sa hinaharap habang nakaupo kasama ni Jesus noon! Tiyak na mamamangha silang makita ang katuparan ng mga salitang iyan na nababasa natin ngayon sa Mateo 24:14.
3. Paano natutupad ngayon ang Lucas 21:34? Ano ang dapat nating itanong sa sarili?
3 Natutupad na ang hulang iyan ni Jesus sa ngayon. Milyun-milyon ang sama-samang nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong lupa. (Isa. 60:22) Pero ipinahiwatig ni Jesus na sa mga huling araw, hindi magiging madali para sa ilan na unahin sa kanilang buhay ang pangangaral. Magagambala sila at ‘mapabibigatan.’ (Basahin ang Lucas 21:34.) Natutupad na rin ang mga salitang iyan. Nalilihis ang pokus ng ilang lingkod ng Diyos. Maaaring makita iyan sa mga desisyon nila may kinalaman sa trabaho, mataas na edukasyon, at materyal na mga bagay, pati na sa laki ng panahong ginugugol nila sa isport at paglilibang. Ang iba ay nanghihimagod dahil sa mga panggigipit at kabalisahan sa buhay. Tanungin ang sarili: ‘Kumusta ako? Makikita ba sa mga desisyon ko sa buhay na inuuna ko ang mga bagay na higit na mahalaga?’
4. (a) Ano ang ipinanalangin ni Pablo para sa mga Kristiyano sa Filipos, at bakit? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito at sa susunod? Paano tayo matutulungan ng mga ito?
4 Noong unang siglo, ang mga Kristiyano ay kailangang magsikap na unahin sa kanilang buhay ang espirituwal na mga bagay. Kaya ipinanalangin ni apostol Pablo ang mga taga-Filipos para “matiyak [nila] ang mga bagay na higit na mahalaga.” (Basahin ang Filipos 1:9-11.) Gaya ni apostol Pablo, karamihan ng Kristiyano noon ay “nagpapakita ng lalong higit pang lakas ng loob na salitain ang salita ng Diyos nang walang takot.” (Fil. 1:12-14) Sa ngayon, marami rin sa atin ang lakas-loob na nangangaral ng Salita ng Diyos. Pero lalong lalakas ang ating loob dahil tatalakayin sa artikulong ito kung paano ginagamit ni Jehova sa ngayon ang kaniyang organisasyon para matupad ang Mateo 24:14. Tutulungan tayo nito na maging mas masigasig sa gawaing pangangaral. Ano ang ginagawa ng organisasyon ni Jehova, at paano ito makapagpapakilos sa atin at sa ating pamilya? Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin kung ano ang makatutulong sa atin para makapagbata at makaalinsabay sa organisasyon ni Jehova.
KUMIKILOS ANG MAKALANGIT NA BAHAGI NG ORGANISASYON NI JEHOVA
5, 6. (a) Bakit nagbigay si Jehova ng mga pangitain tungkol sa makalangit na bahagi ng kaniyang organisasyon? (b) Ano ang nakita ni Ezekiel sa pangitain?
5 Maraming bagay na hindi ipinasulat si Jehova sa kaniyang Salita. Halimbawa, hindi siya nagbigay ng mga detalye tungkol sa ating utak at uniberso, kahit na kamangha-mangha sana ang mga impormasyong iyon. Sa halip, ang inilaan ni Jehova ay impormasyong tutulong sa atin na maunawaan ang kaniyang layunin at kung paano mamumuhay kaayon nito. (2 Tim. 3:16, 17) Kaya naman kawili-wiling masulyapan ang di-nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova na inilalarawan sa Bibliya! Kapana-panabik na mabasa ang impormasyong ito sa mga aklat ng Bibliya na Isaias, Ezekiel, Daniel, at Apocalipsis. (Isa. 6:1-4; Ezek. 1:4-14, 22-24; Dan. 7:9-14; Apoc. 4:1-11) Para bang hinawi ni Jehova ang mga ulap at ipinasilip sa atin ang kalangitan. Bakit niya ginawa iyan?
6 Gusto ni Jehova na lagi nating tandaan na bahagi tayo ng kaniyang pansansinukob na organisasyon. Napakaraming ginagawa ng di-nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova para isakatuparan ang kaniyang kalooban. Halimbawa, nakita ito ni Ezekiel bilang isang malaking karo sa langit. Napakabilis nito at agad na nakapagbabago ng direksiyon. (Ezek. 1:15-21) Malayo ang nararating nito sa bawat pag-ikot ng mga gulong. Sa pangitain, nasulyapan din ni Ezekiel ang Sakay ng karo. Sinabi niya: “Mayroon akong nakitang tulad ng kisap ng elektrum, gaya ng anyo ng apoy sa buong palibot . . . Iyon ang anyo ng wangis ng kaluwalhatian ni Jehova.” (Ezek. 1:25-28) Talagang kamangha-mangha ang pangitain ni Ezekiel! Nakita niyang lubusang kontrolado ni Jehova ang Kaniyang organisasyon, anupat minamaniobra ang bawat kilos nito sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Angkop ngang paglalarawan kung paano kumikilos ang makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova!
7. Paano nakapagpapalakas ng loob natin ang pangitaing ibinigay kay Daniel?
7 May pangitain din si Daniel na makapagpapalakas ng loob natin. Nakita niya si Jehova bilang ang “Sinauna sa mga Araw” na nakaupo sa trono na may mga liyab ng apoy at may mga gulong. (Dan. 7:9) Gustong ipakita ni Jehova kay Daniel na kumikilos ang Kaniyang organisasyon para isakatuparan ang Kaniyang layunin. Nakita rin ni Daniel ang “isang gaya ng anak ng tao,” si Jesus, na binibigyan ng pangangasiwa sa makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova. Ang sakdal na pamamahala ni Kristo ay hindi panandalian. Ito ay “isang pamamahalang namamalagi nang walang takda na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.” (Dan. 7:13, 14) Pinakikilos tayo ng pangitaing ito na magtiwala kay Jehova at pahalagahan ang kaniyang naisasagawa. Ibinigay niya ang “pamamahala at dangal at kaharian” sa kaniyang Anak, si Jesus. Nagtitiwala si Jehova sa kaniyang Anak. Kaya makapagtitiwala rin tayo kay Jesus bilang ating Lider.
8. Ano ang naging epekto kina Ezekiel at Isaias ng mga pangitaing mula kay Jehova? Ano ang dapat maging epekto nito sa atin?
8 Ano ang dapat maging epekto sa atin ng mga pangitaing ito tungkol sa di-nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova? Tulad ni Ezekiel, tiyak na manghang-mangha tayo sa naisasagawa ni Jehova. (Ezek. 1:28) Ang pagbubulay-bulay tungkol sa organisasyon ni Jehova ay magpapakilos sa atin kung paanong napakilos nito si Isaias. Nang magkaroon siya ng pagkakataong sabihin sa iba ang tungkol sa naisasagawa ni Jehova, hindi niya pinalampas iyon. (Basahin ang Isaias 6:5, 8.) May tiwala siya na nasa likod niya si Jehova at na mahaharap niya ang anumang hamon. Dapat din tayong mamangha at mapakilos ng pagsulyap natin sa di-nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova. Nakapagpapatibay na maging bahagi ng organisasyong abalang-abala sa paggawa ng kalooban ni Jehova!
ANG MAKALUPANG BAHAGI NG ORGANISASYON NI JEHOVA
9, 10. Bakit kailangan ang isang nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova?
9 Sa pamamagitan ng kaniyang Anak, nagtatag si Jehova ng kaayusan dito sa lupa na kumikilos kaayon ng di-nakikitang bahagi ng Kaniyang organisasyon. Kailangan ito para matupad ang gawaing inihula sa Mateo 24:14. Bakit? Isaalang-alang ang tatlong dahilan.
10 Una, sinabi ni Jesus na ang mga alagad niya ay mangangaral “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Ikalawa, kailangan ng mga kaayusan para mapaglaanan ng espirituwal na pagkain at mapangalagaan ang mga nakikibahagi sa gawaing ito. (Juan 21:15-17) Ikatlo, ang mga nangangaral ng mabuting balita ay kailangang magtipon para sumamba kay Jehova at maturuan kung paano mangangaral. (Heb. 10:24, 25) Para magawa ang mga iyan, kailangang maging lubos na organisado ang mga tagasunod ni Jesus.
11. Paano natin maipakikita ang ating suporta sa mga kaayusan ng organisasyon ni Jehova?
11 Paano natin maipakikita ang ating suporta sa mga kaayusan ng organisasyon ni Jehova? Ang isang mahalagang paraan ay ang lubusang pagtitiwala sa mga inatasan ni Jehova at ni Jesus na manguna sa gawaing pangangaral. Maraming bagay sa sanlibutan na puwede sanang makaagaw ng atensiyon ng mga nangunguna sa atin. Pero ano ba ang laging inuuna ng nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova?
INUUNA NILA “ANG MGA BAGAY NA HIGIT NA MAHALAGA”
12, 13. Paano isinasagawa ng mga elder ang kanilang atas? Bakit ito nakapagpapatibay sa iyo?
12 Ang makaranasang mga elder sa buong daigdig ay hinirang para organisahin at pangunahan ang pangangaral sa bansa kung saan sila naglilingkod. Kapag gumagawa sila ng mga desisyon, umaasa sila sa Salita ng Diyos anupat ginagawa itong ‘lampara sa kanilang paa at liwanag sa kanilang landas,’ at marubdob silang nananalangin para sa patnubay ni Jehova.
13 Gaya ng matatanda noong unang siglo, inuuna ng mga elder na nangangasiwa sa gawaing pangangaral ngayon ang “ministeryo ng salita.” (Gawa 6:4) Nagagalak sila sa pagsulong ng pangangaral ng mabuting balita sa lugar nila at sa buong daigdig. (Gawa 21:19, 20) Hindi sila nagtatakda ng napakaraming alituntunin. Sa halip, sinusunod nila ang Kasulatan at nagpapaakay sila sa banal na espiritu ng Diyos kapag gumagawa ng mga kaayusan sa ikasusulong ng gawaing pangangaral. (Basahin ang Gawa 15:28.) Sa paggawa nito, ang responsableng mga brother na ito ay magandang halimbawa para sa buong kongregasyon.
14, 15. (a) Anong mga kaayusan ang ginagawa para masuportahan ang gawaing pangangaral sa buong daigdig? (b) Ano ang nadarama mo sa iyong pribilehiyong mangaral?
14 Maraming brother ang abalang-abala sa paghahanda ng espirituwal na pagkain para sa ating mga publikasyon, pulong, at mga kombensiyon. Libu-libong boluntaryo ang nagsasalin ng espirituwal na pagkain sa mga 600 wika. Dahil dito, mas marami ang natututo ng “mariringal na mga bagay ng Diyos” sa kanilang sariling wika. (Gawa 2:7-11) Ang mga kabataang brother at sister ay nagpapagal sa pag-iimprenta ng ating mga publikasyon. Ang mga literaturang ito ay ipinamamahagi sa mga kongregasyon, kahit sa liblib na mga lugar.
15 Sa mga lokal na kongregasyon, maraming ginagawang kaayusan para makapagpokus tayo sa pangangaral ng mabuting balita. Halimbawa, libu-libo ang nagboboluntaryo sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at Assembly Hall, sa pagtulong sa mga naapektuhan ng likas na mga sakuna o sa mga napapaharap sa medical emergency, sa pag-oorganisa ng mga asamblea at kombensiyon, at sa pagtuturo sa mga teokratikong paaralan. Para saan ang lahat ng ito? Para maisaayos ang pangangaral ng mabuting balita, matulungan sa espirituwal ang mga mángangarál, at sumulong ang tunay na pagsamba. Talagang inuuna ng nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova ang mga bagay na higit na mahalaga!
TULARAN ANG HALIMBAWA NG ORGANISASYON NI JEHOVA
16. Ano ang mga puwede nating saliksikin para sa ating pampamilyang pagsamba o personal na pag-aaral?
16 Binubulay-bulay ba natin ang mga ginagawa ng organisasyon ni Jehova? Ang ilan ay naglalaan ng panahon sa kanilang pampamilyang pagsamba o personal na pag-aaral para magsaliksik tungkol sa mga bagay na ito, at saka nila binubulay-bulay ang mga ito. Halimbawa, kapana-panabik pag-aralan ang mga pangitain nina Isaias, Ezekiel, Daniel, at Juan. Marami tayong matututuhan tungkol sa organisasyon ni Jehova mula sa aklat na Mga Saksi ni Jehova
17, 18. (a) Paano ka nakinabang sa artikulong ito? (b) Anong mga tanong ang dapat mong itanong sa sarili?
17 Makabubuti sa atin ang pagbubulay-bulay sa naisasagawa ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Kasama ng kahanga-hangang organisasyon na ito, maging determinado nawa tayong unahin ang mga bagay na higit na mahalaga. Sa gayon, matutularan natin si Pablo, na sumulat: “Yamang taglay namin ang ministeryong ito ayon sa awa na ipinakita sa amin, hindi kami nanghihimagod.” (2 Cor. 4:1) Hinimok din niya ang kaniyang mga kamanggagawa: “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.”
18 May mga pagbabago ba tayong dapat gawin bilang mga indibiduwal o bilang pamilya para matiyak na inuuna natin ang mga bagay na higit na mahalaga? Mapasisimple ba natin ang ating buhay o mababawasan ang mga panggambala para makapagtuon ng pansin sa gawaing pangangaral? Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang limang bagay na tutulong sa atin na makaalinsabay sa organisasyon ni Jehova.