Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Binibitay ba ng mga Israelita ang mga kriminal sa pamamagitan ng pagbibitin sa tulos?
Noong sinaunang panahon, ibinabayubay ng maraming bansa ang ilang kriminal sa isang tulos o poste. Itinatali o ipinapako ng mga Romano ang kriminal sa isang tulos, at hinahayaan ito roon sa loob ng ilang araw hanggang sa mamatay siya sa kirot, uhaw, gutom, at pagkahantad sa iba’t ibang elemento ng kalikasan. Para sa mga Romano, ang pagbabayubay ay isang kahiya-hiyang parusa na para lang sa mga pusakal na kriminal.
Kumusta naman sa sinaunang bansang Israel? Binibitay rin ba ng mga Israelita ang mga kriminal sa pamamagitan ng pagbibitin sa tulos? Ganito ang sinabi sa Kautusang Mosaiko: “Kung ang isang lalaki ay magkaroon ng isang kasalanang nararapat sa hatol na kamatayan, at pinatay siya, at ibinitin mo siya sa isang tulos, ang kaniyang bangkay ay hindi dapat manatili nang buong magdamag sa tulos; kundi dapat mo siyang ilibing sa araw na iyon.” (Deut. 21:22, 23) Maliwanag na noong panahon ng Hebreong Kasulatan, ang isang taong nararapat sa kamatayan ay kailangan munang patayin bago ibitin sa isang tulos o isang puno.
May kinalaman diyan, sinasabi sa Levitico 20:2: “Ang sinumang tao sa mga anak ni Israel, at sinumang naninirahang dayuhan na naninirahan bilang dayuhan sa Israel, na magbigay kay Molec ng sinuman sa kaniyang supling, ay papatayin nang walang pagsala. Pupukulin siya ng mga bato ng mga tao sa lupain hanggang sa mamatay.” Ang mga taong “may espiritung sumasanib o espiritu ng panghuhula” ay papatayin din. Paano? Sa pamamagitan ng ‘pagpukol sa kanila ng mga bato.’
Mababasa natin sa Deuteronomio 22:23, 24: “Kung may isang babaing dalaga na ipinakipagtipan sa isang lalaki, at masumpungan nga siya ng isang lalaki sa lunsod at sipingan siya, ilalabas nga ninyo silang dalawa sa pintuang-daan ng lunsod na iyon at pagpupupukulin ninyo sila ng mga bato, at dapat silang mamatay, ang babae sa dahilang hindi siya sumigaw sa lunsod, at ang lalaki sa dahilang hinamak niya ang asawa ng kaniyang kapuwa. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.” Kaya sa sinaunang Israel, pagbato ang pangunahing paraan ng pagbitay sa mga gumawa ng kahindik-hindik na krimen. *
Maliwanag na noong panahon ng Hebreong Kasulatan, ang isang taong nararapat sa kamatayan ay kailangan munang patayin bago ibitin sa isang tulos o isang puno
Sinasabi ng Deuteronomio 21:23 na ang “nakabitin ay isang bagay na isinumpa ng Diyos.” Tiyak na ang pagpapakita sa madla ng bangkay ng isang napakasamang tao na “isinumpa ng Diyos” ay nagkaroon ng malaking epekto sa mga Israelita, anupat nagsilbing babala sa kanila.
^ par. 6 Sinasabi ng maraming iskolar na sa ilalim ng Kautusan, ang isang kriminal ay pinapatay muna bago ibitin sa tulos ang bangkay nito. Pero ipinakikita ng ebidensiya na noong unang siglo, may ilang kriminal na ibinabayubay nang buháy ng mga Judio at sa tulos na namamatay.