Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ingatan ang Iyong Mana—Gumawa ng Matalinong mga Pasiya

Ingatan ang Iyong Mana—Gumawa ng Matalinong mga Pasiya

“Kamuhian ninyo ang balakyot, kumapit kayo sa mabuti.”ROMA 12:9.

1, 2. (a) Ano ang nakatulong sa iyo na magpasiyang maglingkod sa Diyos? (b) Anu-ano ang maaari nating itanong tungkol sa ating espirituwal na mana?

MILYUN-MILYON sa atin ang gumawa ng matalinong pasiya na maglingkod sa Diyos na Jehova at maingat na sumunod sa mga yapak ni Jesu-Kristo. (Mat. 16:24; 1 Ped. 2:21) Ang ating pag-aalay sa Diyos ay isang seryosong pasiya. Hindi tayo nag-alay dahil lang sa mangilan-ngilang tekstong natutuhan natin. Sa halip, masusi nating pinag-aralan ang Salita ng Diyos at pinatibay ang ating pananampalataya sa manang ipinangako ni Jehova sa mga ‘kumukuha ng kaalaman tungkol sa kaniya at sa isa na kaniyang isinugo, si Jesu-Kristo.’Juan 17:3; Roma 12:2.

2 Para mapanatili ang ating katayuan bilang Kristiyano, dapat tayong gumawa ng mga pasiyang nakalulugod sa ating makalangit na Ama. Kaya tatalakayin natin ngayon ang mahahalagang tanong na ito: Ano ang ating mana? Ano ang dapat nating maging pangmalas dito? Ano ang dapat nating gawin para tiyak na matatanggap natin ang ating mana? Ano ang makatutulong para makagawa tayo ng matalinong mga pasiya?

ANO ANG ATING MANA?

3. Anong mana ang tatanggapin (a) ng mga pinahiran at (b) ng “ibang mga tupa”?

3 Isang maliit na grupo ng mga Kristiyano ang umaasang tatanggap ng “isang walang-kasiraan at walang-dungis at walang-kupas na mana”—ang napakaespesyal na pribilehiyo na mamahalang kasama ni Kristo sa langit. (1 Ped. 1:3, 4) Para matanggap ang manang iyon, kailangan silang “maipanganak muli.” (Juan 3:1-3) Ano naman ang mana ng milyun-milyong “ibang mga tupa” ni Jesus na gumagawang kasama ng kaniyang pinahirang mga tagasunod  sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos? (Juan 10:16) Ang ibang mga tupa ay tatanggap ng mana na hindi nakamit ng makasalanang sina Adan at Eva—walang-hanggang buhay sa paraisong lupa kung saan wala nang pagdurusa, kamatayan, o dalamhati. (Apoc. 21:1-4) Nang nasa pahirapang tulos si Jesus, ipinangako niya sa isang manggagawa ng kasamaan: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Makakasama kita sa Paraiso.”Luc. 23:43.

4. Anong mga pagpapala ang tinatamasa na natin ngayon?

4 Ngayon pa lang, natatamasa na natin ang ilang pagpapala na bahagi ng ating mana. Dahil nananampalataya tayo sa “pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus,” panatag tayo at may malapít na kaugnayan sa Diyos. (Roma 3:23-25) Malinaw nating nauunawaan ang magagandang pangako ng Bibliya sa hinaharap. Bukod diyan, maligayang-maligaya tayo dahil naging bahagi tayo ng isang maibiging pandaigdig na kapatiran. At isang napakalaking pribilehiyo na maging Saksi ni Jehova. Laking pasasalamat nga natin sa ating mana!

5. Ano ang sinisikap gawin ni Satanas sa mga lingkod ng Diyos? Ano ang makatutulong sa atin na makatayong matatag laban sa kaniyang mga pakana?

5 Gayunman, para hindi natin maiwala ang ating mana, dapat tayong maging alisto sa mga silo ni Satanas. Noon pa man, tinutukso na niya ang mga lingkod ng Diyos na gumawa ng maling mga pasiya para maiwala ang kanilang mana. (Bil. 25:1-3, 9) Dahil alam ni Satanas na biláng na ang mga araw niya, pinatitindi niya ang kaniyang mga pagsisikap na iligaw tayo. (Basahin ang Apocalipsis 12:12, 17.) Para ‘makatayo tayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo,’ dapat nating patuloy na pahalagahan ang ating mana. (Efe. 6:11) Hinggil dito, may matututuhan tayong mahahalagang aral sa naging pangmalas ng anak ni Isaac na si Esau.

HUWAG TULARAN SI ESAU

6, 7. Sino si Esau, at anong mana ang nakalaan para sa kaniya?

6 Halos 4,000 taon na ang nakararaan, sina Isaac at Rebeka ay nagkaanak ng kambal—sina Esau at Jacob. Lumaki ang kambal na magkaiba ang ugali at hilig. “Si Esau ay naging lalaking marunong mangaso, isang lalaki sa parang, ngunit si Jacob ay isang lalaking walang kapintasan, na tumatahan sa mga tolda.” (Gen. 25:27) Ayon sa tagapagsalin ng Bibliya na si Robert Alter, ang salitang Hebreo na isinaling “walang kapintasan” ay “nagpapahiwatig ng katapatan o kawalang-sala pa nga.”

7 Noong 15 anyos na sina Esau at Jacob, namatay ang lolo nilang si Abraham, pero nanatiling buháy ang pangako ni Jehova kay Abraham. Nang maglaon, inulit ni Jehova kay Isaac ang pangakong iyon. Sinabi Niya na sa pamamagitan ng binhi ni Abraham, pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili. (Basahin ang Genesis 26:3-5.) Isiniwalat ng pangakong iyon na ang Mesiyas—ang tapat na “binhi” na tinutukoy sa Genesis 3:15—ay magmumula sa angkan ni Abraham. Dahil si Esau ang panganay ni Isaac, siya ang may legal na karapatan sa pangakong iyon. Napakaganda ngang mana ang nakalaan para kay Esau! Pero pinahalagahan ba niya ito?

Huwag isapanganib ang iyong espirituwal na mana

8, 9. (a) Ano ang pinili ni Esau kapalit ng kaniyang mana? (b) Pagkalipas ng maraming taon, ano ang natanto ni Esau hinggil sa kaniyang pasiya? Ano ang naging reaksiyon niya?

8 Isang araw, pag-uwi ni Esau mula sa parang, nadatnan niyang “nagpapakulo si Jacob ng nilaga.” “Dalian mo, pakisuyo,” ang sabi ni Esau, “bigyan mo ako ng isang subo ng mapula—ng mapulang iyan, sapagkat ako ay pagod!” Sinabi ni Jacob: “Ipagbili mo muna sa akin ang iyong karapatan sa pagkapanganay!” Ano ang isinagot ni Esau? Sinabi niya: “Ano ang pakinabang sa akin ng pagkapanganay?” Oo, mas pinili pa ni Esau ang mangkok ng nilaga kaysa sa kaniyang karapatan sa  pagkapanganay! Para gawing legal ang pagbili niya sa pagkapanganay, iginiit ni Jacob: “Sumumpa ka muna sa akin!” At hindi naman nag-atubili si Esau. Pagkatapos nito, “binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilagang lentehas, at siya ay kumain at uminom. Pagkatapos ay tumindig siya at yumaon. Sa gayon ay hinamak ni Esau ang pagkapanganay.”Gen. 25:29-34.

9 Pagkalipas ng maraming taon, nang pakiramdam ni Isaac ay malapit na siyang mamatay, kumilos si Rebeka para matiyak na matatanggap ni Jacob ang pagkapanganay na ipinagbili ni Esau. Nang matanto ni Esau kung gaano kamangmang ang ginawa niyang pasiya, nagmakaawa siya kay Isaac: “Pagpalain mo ako, ako rin naman, ama ko! . . . Hindi ka ba naglaan ng pagpapala para sa akin?” Nang sabihin ni Isaac na hindi na niya mababawi ang pagpapalang naibigay na kay Jacob, “inilakas ni Esau ang kaniyang tinig at tumangis.”Gen. 27:30-38.

10. Ano ang naging pangmalas ni Jehova kina Esau at Jacob, at bakit?

10 Sa ulat na ito, ano ang makikita nating saloobin ni Esau? Na mas mahalaga sa kaniya na masapatan ang kaniyang makalamang mga pagnanasa kaysa sa makamit ang mga pagpapala sa hinaharap na bahagi ng kaniyang mana. Hindi pinahalagahan ni Esau ang kaniyang pagkapanganay, at maliwanag na wala siyang tunay na pag-ibig sa Diyos. Hindi rin niya inisip ang magiging epekto ng kaniyang pagkilos sa mga inapo niya. Pero iba si Jacob. Malaki ang pagpapahalaga niya sa kaniyang mana. Halimbawa, sinunod niya ang tagubilin ng kaniyang mga magulang sa pagpili ng mapapangasawa. (Gen. 27:46–28:3) Dahil handa si Jacob na maghintay at magsakripisyo bilang pagsunod sa kanila, pinagpala siyang maging ninuno ng Mesiyas. Ano ang naging pangmalas ng Diyos kina Esau at Jacob? Sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Malakias: “Inibig ko si Jacob, at si Esau ay kinapootan ko.”Mal. 1:2, 3.

11. (a) Ano ang matututuhan ng mga Kristiyano sa ngayon sa ulat ng Bibliya hinggil kay Esau? (b) Bakit iniugnay ni Pablo sa pakikiapid ang naging pagkilos ni Esau?

11 May matututuhan ang mga Kristiyano sa ngayon sa ulat ng Bibliya hinggil kay Esau. Nagbabala si apostol Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya: “Huwag magkaroon ng sinumang mapakiapid o ng sinumang hindi nagpapahalaga sa mga bagay na sagrado, tulad ni Esau, na kapalit ng isang pagkain ay ipinamigay ang kaniyang mga karapatan bilang panganay.” (Heb. 12:16) Kapit pa rin sa mga Kristiyano sa ngayon ang babalang iyan. Dapat nating panatilihin ang ating pagpapahalaga sa sagradong mga bagay para hindi tayo madaig ng makalamang mga pagnanasa at hindi natin maiwala ang ating espirituwal na mana. Pero bakit iniugnay ni Pablo sa pakikiapid ang naging pagkilos ni Esau? Dahil kung ang isa ay makalaman gaya ni Esau, magiging  mas madali sa kaniyang ipagpalit ang sagradong mga bagay sa bawal na mga pagnanasa, gaya ng pakikiapid.

IHANDA ANG IYONG PUSO NGAYON

12. (a) Paano tayo tinutukso ni Satanas? (b) Anu-anong halimbawa sa Bibliya ang makatutulong sa atin kapag napapaharap tayo sa tukso?

12 Bilang mga lingkod ni Jehova, hindi natin inilalagay ang ating sarili sa nakatutuksong sitwasyon na maaaring umakay sa seksuwal na imoralidad. At kapag napapaharap tayo sa mga tukso, nananalangin tayo sa Diyos na Jehova para tulungan tayong manindigan. (Mat. 6:13) Sinisikap nating panatilihin ang ating katapatan sa gitna ng sanlibutang napakababa ng moralidad. Pero hindi tumitigil si Satanas sa pagsisikap na pahinain ang ating espirituwalidad. (Efe. 6:12) Siya ang diyos ng napakasamang sistemang ito ng mga bagay kaya alam niya kung paano sasamantalahin ang ating makalamang mga pagnanasa—nag-uumang siya ng mga tukso na karaniwan sa di-sakdal na mga tao. (1 Cor. 10:8, 13) Paano kung malagay ka sa isang sitwasyong aakay sa iyo na gumawa ng imoralidad? Ano ang gagawin mo? Gagayahin mo ba si Esau at sasabihin: ‘Dalian mo! Gusto ko niyan!’ O lalabanan mo ang tukso at tatakas ka, gaya ng ginawa ng anak ni Jacob na si Jose nang akitin siya ng asawa ni Potipar?Basahin ang Genesis 39:10-12.

13. (a) Paano tumutulad kay Jose ang marami sa ngayon, pero paano naman tumutulad kay Esau ang ilan? (b) Ano ang dapat nating gawin para hindi tayo matulad kay Esau?

13 Marami sa ating mga kapatid ang napaharap din sa mga tukso. Ang karamihan ay kumilos nang may karunungan gaya ni Jose at pinasaya ang puso ni Jehova. (Kaw. 27:11) Pero ang ilan ay tumulad kay Esau at isinapanganib ang kanilang espirituwal na mana. Sa katunayan, marami ang nasasaway o natitiwalag taun-taon dahil sa seksuwal na imoralidad. Napakahalaga ngang ihanda ang ating puso ngayon—bago pa malagay sa pagsubok ang ating katapatan! (Awit 78:8) May dalawang hakbang na tutulong sa atin para malabanan ang tukso at makagawa ng matalinong mga pasiya.

MAGBULAY-BULAY AT PATIBAYIN ANG ATING DEPENSA

Pinatitibay natin ang ating depensa kapag hinahanap natin ang karunungan ni Jehova

14. Anu-anong tanong ang dapat nating bulay-bulayin para matulungan tayong ‘kamuhian ang balakyot’ at ‘kumapit sa mabuti’?

14 Ang unang hakbang ay ang pagbubulay-bulay sa magiging resulta ng ating paggawi. Ang lalim ng pagpapahalaga natin sa ating espirituwal na mana ay nakadepende nang malaki sa lalim ng ating pag-ibig kay Jehova, ang Tagapagbigay ng manang iyon. Tutal, kapag mahal natin ang isa, ayaw natin siyang masaktan. Gusto nating makamit ang pagsang-ayon niya. Kung gayon, makabubuting pag-isipan ang magiging epekto sa atin at sa iba kung magpapadala tayo sa marumi at makalamang mga pagnanasa. Dapat nating itanong: ‘Paano ito makaaapekto sa aking kaugnayan kay Jehova? Ano ang magiging epekto nito sa pamilya ko? Paano ito makaaapekto sa mga kapatid sa kongregasyon? Makatitisod kaya ako?’ (Fil. 1:10) Maaari din nating itanong: ‘Sulit ba ang ilang sandaling imoral na kaluguran sa laki ng magiging kabayaran nito? Gusto ko ba talagang matulad kay Esau, na tumangis nang may kapaitan nang matanto ang epekto ng kaniyang pagkakamali?’ (Heb. 12:17) Ang pagbubulay-bulay sa gayong mga tanong ay tutulong sa atin na ‘kamuhian ang balakyot’ at ‘kumapit sa mabuti.’ (Roma 12:9) Higit sa lahat, ang pag-ibig kay Jehova ang mag-uudyok sa atin na ingatan ang ating mana.Awit 73:28.

15. Ano ang magpapatibay ng ating depensa laban sa mga tukso na nagsasapanganib ng ating espirituwalidad?

15 Ang ikalawang hakbang ay ang pagpapatibay sa ating depensa. Maraming paglalaan si Jehova para patibayin ang ating depensa laban sa mga tukso sa sanlibutan na nagsasapanganib ng ating espirituwalidad. Kasali sa  mga paglalaang ito ang pag-aaral ng Bibliya, Kristiyanong pagpupulong, ministeryo, at panalangin. (1 Cor. 15:58) Sa tuwing ibinubuhos natin ang laman ng ating puso kay Jehova sa panalangin at nakikibahagi tayo nang lubusan sa ministeryong Kristiyano, pinatitibay natin ang ating depensa laban sa tukso. (Basahin ang 1 Timoteo 6:12, 19.) Ang tibay ng depensang ito ay nakasalalay nang malaki sa mga pagsisikap natin. (Gal. 6:7) Idiniriin ito ng ikalawang kabanata ng Kawikaan.

‘PATULOY MO ITONG HANAPIN’

16, 17. Paano tayo makagagawa ng matalinong mga pasiya?

16 Pinasisigla tayo ng Kawikaan kabanata 2 na magtamo ng karunungan at kakayahang mag-isip. Ang mga kaloob na ito ay tutulong sa atin na pumili sa pagitan ng tama at mali at kontrolin ang ating pagnanasa sa halip na magpadala rito. Pero magtatagumpay lang tayo kung magsisikap tayo. Sinasabi ng Bibliya: “Anak ko, kung tatanggapin mo ang aking mga pananalita at pakaiingatan mo sa iyo ang aking mga utos, upang magbigay-pansin sa karunungan ang iyong tainga, upang ikiling mo ang iyong puso sa kaunawaan; bukod diyan, kung tatawag ka ukol sa pagkaunawa at ilalakas mo ang iyong tinig ukol sa kaunawaan, kung patuloy mo itong hahanapin na gaya ng pilak, at patuloy mo itong sasaliksikin na gaya ng nakatagong kayamanan, kung magkagayon ay mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos. Sapagkat si Jehova ay nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig ay nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.”Kaw. 2:1-6.

17 Kung susundin natin ang sinasabi sa Kawikaan, makagagawa tayo ng matalinong mga pasiya. Makapaninindigan tayo laban sa mga tukso kung magpapahubog tayo sa mga pananalita ni Jehova, kung patuloy nating hihilingin ang patnubay ng Diyos sa panalangin, at kung patuloy nating sasaliksikin ang kaalaman sa Diyos na parang naghahanap tayo ng nakatagong kayamanan.

18. Ano ang determinado mong gawin, at bakit?

18 Si Jehova ay nagbibigay ng kaalaman, pagkaunawa, kaunawaan, at karunungan sa mga taong nagsisikap na matamo ang mga ito. Miyentras hinahanap at ginagamit natin ang mga ito, lalo tayong napapalapít sa Tagapagbigay nito, si Jehova. Ang matalik na kaugnayan naman natin sa Diyos na Jehova ang magsasanggalang sa atin kapag napapaharap tayo sa tukso. Kung malapít tayo kay Jehova at may takot sa kaniya, magsisikap tayong umiwas sa kasalanan. (Awit 25:14; Sant. 4:8) Mapakilos nawa tayo ng ating pakikipagkaibigan kay Jehova at ng karunungang ibinibigay niya para patuloy na gumawa ng matalinong mga pasiya. Sa gayon, mapasasaya natin siya at maiingatan ang ating mana.