Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Masigasig Ka ba sa Maiinam na Gawa’?

‘Masigasig Ka ba sa Maiinam na Gawa’?

“Si Kristo Jesus [ay] nagbigay ng kaniyang sarili para sa atin upang . . . linisin para sa kaniyang sarili ang isang bayan na katangi-tanging kaniya, masigasig sa maiinam na gawa.”TITO 2:13, 14.

1, 2. Anong pantanging karangalan ang taglay ng mga Saksi ni Jehova? Ano ang nadarama mo hinggil dito?

NAPAKALAKING karangalan para sa isang tao na kilalanin ang kaniyang nagawa. Halimbawa, ang ilan ay tumanggap ng Nobel Prize dahil sa masigasig nilang pagtataguyod ng kapayapaan sa pagitan ng naglalabanang mga bansa. Pero wala nang mas hihigit pang karangalan kaysa sa maisugo ng Diyos para tulungan ang mga tao na magkaroon ng mapayapang kaugnayan sa kanilang Maylalang!

2 Bilang mga Saksi ni Jehova, tayo lamang ang may ganiyang pantanging karangalan. Sa pangunguna ng Diyos at ni Kristo, nakikiusap tayo sa mga tao na “makipagkasundo . . . sa Diyos.” (2 Cor. 5:20) Ginagamit tayo ni Jehova para mapalapít sa kaniya ang mga tao. Bilang resulta, milyun-milyon mula sa mahigit 235 lupain ang natulungang magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos at ng pag-asang buhay na walang hanggan. (Tito 2:11) Taglay ang sigasig, inaanyayahan natin ang “sinumang nagnanais [na] kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apoc. 22:17) Dahil pinahahalagahan natin ang atas na ito at masikap itong ginagampanan, angkop tayong tawagin na isang bayang “masigasig sa maiinam na gawa.” (Tito 2:14) Talakayin natin ngayon kung paano tayo magiging masigasig sa maiinam na gawa para matulungan ang mga tao na maging malapít kay Jehova. Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng ating gawaing pangangaral.

TULARAN ANG SIGASIG NI JEHOVA AT NI JESUS

3. Ano ang tinitiyak sa atin ng pananalitang “mismong sigasig ni Jehova”?

3 May kinalaman sa isasagawa ng pamamahala ng Anak ng Diyos, sinasabi ng Isaias 9:7: “Ang mismong sigasig ni Jehova ng mga hukbo ang gagawa nito.” Idiniriin ng mga salitang iyan na interesadung-interesado ang ating makalangit na Ama sa kaligtasan ng mga tao. Maliwanag, ipinahihiwatig din niyan na dapat tayong magpakita ng buong-pusong suporta, sigla, at sigasig sa ating bigay-Diyos na atas bilang mga tagapaghayag ng Kaharian. Ang ating  masidhing pagnanais na tulungan ang mga tao na makilala ang Diyos ay repleksiyon ng sigasig ni Jehova. Bilang mga kamanggagawa ng Diyos, ginagawa ba natin ang ating buong makakaya sa pangangaral ng mabuting balita?1 Cor. 3:9.

4. Paano nagpakita si Jesus ng sakdal na halimbawa ng sigasig sa ministeryo?

4 Nagpakita rin si Jesus ng sakdal na halimbawa ng sigasig sa ministeryo. Sa kabila ng pagsalansang, nanatili siyang masigasig sa pangangaral hanggang sa wakas ng kaniyang buhay sa lupa. (Juan 18:36, 37) Dahil alam niyang malapit na siyang magdusa at mamatay, lalo siyang nagsikap na tulungan ang mga tao na makilala si Jehova.

5. Paano kumilos si Jesus kaayon ng kaniyang ilustrasyon tungkol sa puno ng igos?

5 Halimbawa, noong taglagas ng 32 C.E., inilahad ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa isang tao na may puno ng igos sa kaniyang ubasan. Hindi namunga ang punong iyon sa loob ng tatlong taon. Nang sabihin ng may-ari sa tagapag-alaga ng ubasan na putulin ang puno, humingi ito ng panahon para malagyan iyon ng pataba. (Basahin ang Lucas 13:6-9.) Kakaunti pa lang noon ang mga alagad na naging bunga ng pangangaral ni Jesus. Pero gaya ng ipinakita sa ilustrasyon tungkol sa tagapag-alaga ng ubasan, ginamit ni Jesus ang natitirang maikling panahon—mga anim na buwan—para pag-ibayuhin ang pangangaral niya sa Judea at Perea. Ilang araw bago siya mamatay, tumangis si Jesus para sa kaniyang mga kababayan na ‘nakinig pero walang pagtugon.’Mat. 13:15; Luc. 19:41.

6. Bakit natin dapat pag-ibayuhin ang gawain natin sa ministeryo?

6 Yamang napakalapit na ang wakas, hindi ba mahalagang pag-ibayuhin natin ang ating pangangaral? (Basahin ang Daniel 2:41-45.) Isa ngang pribilehiyo na maging Saksi ni Jehova! Tayo lamang sa lupa ang nag-aalok ng tunay na solusyon sa mga problema ng sangkatauhan. Kamakailan, isang kolumnista sa pahayagan ang nagsabi na imposibleng masagot ang tanong na “Bakit dumaranas ng masasamang bagay ang mabubuting tao?” Pananagutan at pribilehiyo natin bilang Kristiyano na ibahagi sa lahat ng gustong makinig ang mga sagot ng Bibliya sa mga tanong na gaya nito. Taglay natin ang lahat ng dahilan para maging ‘maningas sa espiritu’ habang isinasagawa ang atas na ito mula sa Diyos. (Roma 12:11) Pagpapalain ng Diyos ang ating masigasig na pag-eebanghelyo at matutulungan natin ang iba na makilala at mahalin si Jehova.

NAGPAPARANGAL KAY JEHOVA ANG ESPIRITU NG PAGSASAKRIPISYO

7, 8. Paano nagpaparangal kay Jehova ang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili?

7 Ipinakikita ng mga karanasan ni apostol Pablo na puwede tayong makaranas ng “mga gabing walang tulog” at “mga panahong walang makain” dahil sa ministeryo. (2 Cor. 6:5) Ang mga pananalitang iyan ay naglalarawan ng pagsasakripisyo sa sarili. Ipinaaalaala nito sa atin ang mga payunir na bagaman kailangang magtrabaho ay inuuna ang ministeryo. Ang ating tapat na mga misyonero din ay ‘nagbubuhos ng kanilang sarili tulad ng isang handog na inumin’ para maglingkod sa banyagang mga lupain. (Fil. 2:17) Nariyan din ang masisipag nating elder na kung minsan ay napupuyat o hindi nakakakain dahil sa pangangalaga sa mga tupa ni Jehova. Isipin din ang mga may-edad at maysakit na gumagawa ng buo nilang makakaya para makadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at makapaglingkod sa larangan. Nag-uumapaw ang ating puso sa pagpapahalaga kapag naiisip natin ang pagsasakripisyo ng mga lingkod na ito ng Diyos. Ang gayong mga pagsisikap ay nakaaapekto sa pangmalas ng iba sa ating ministeryo.

8 Sa isang liham sa Boston Target ng Lincolnshire, United Kingdom, isang di-Saksing mambabasa ang nagsabi: “Nawawalan na ng pananampalataya ang mga tao sa mga relihiyon . . . Ano ba ang ginagawa sa maghapon  ng mga ministrong ito ng simbahan? Tiyak na hindi sila lumalabas na gaya ng ginawa ni Kristo at pumupunta sa mga tao . . . Ang tanging relihiyon na waring nagmamalasakit ay ang mga Saksi ni Jehova, na lumalabas at pumupunta sa mga tao at talagang nakikibahagi sa pangangaral ng katotohanan.” Sa daigdig na ito kung saan laganap ang pagpapalugod sa sarili, ang ating pagsasakripisyo sa sarili ay nagbibigay ng malaking karangalan sa Diyos na Jehova.Roma 12:1.

Ang pagkanaroroon mo sa ministeryo ay isa nang matibay na patotoo sa mga nagmamasid

9. Ano ang makatutulong sa atin na manatiling masigasig sa maiinam na gawa sa ating ministeryo?

9 Pero ano ang puwede nating gawin kung tila nababawasan ang sigasig natin sa ministeryo? Makatutulong ang pagbubulay-bulay sa naisasagawa ni Jehova sa pamamagitan ng pangangaral. (Basahin ang Roma 10:13-15.) Ang kaligtasan ay nakadepende sa pagtawag sa pangalan ni Jehova taglay ang pananampalataya, pero hindi iyan magagawa ng mga tao malibang mangaral tayo sa kanila. Dahil dito, napakikilos tayong manatiling masigasig sa maiinam na gawa at maging masikap sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian.

NAAAKIT ANG MGA TAO SA DIYOS DAHIL SA MAINAM NA PAGGAWI

Napapansin ng iba ang iyong katapatan at kasipagan

10. Paano natin nailalapít ang mga tao kay Jehova sa pamamagitan ng ating mainam na paggawi?

10 Hindi sapat ang ating sigasig sa ministeryo para matulungan ang mga tao na mapalapít sa Diyos. Bahagi rin ng masisigasig na gawa ang mainam na Kristiyanong paggawi. Idiniin ni Pablo ang kahalagahan ng ating paggawi nang isulat niya: “Sa anumang paraan ay hindi kami nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod, upang ang aming ministeryo ay huwag makitaan ng pagkakamali.” (2 Cor. 6:3) Ang ating mabuting pananalita at matuwid na paggawi ay gumagayak sa turo ng Diyos, anupat ginagawang kaakit-akit sa iba ang pagsamba kay Jehova. (Tito 2:10) Sa katunayan, madalas tayong makarinig ng positibong mga resulta kapag napapansin ng taimtim na mga tao ang ating tulad-Kristong paggawi.

11. Bakit natin dapat isaalang-alang at ipanalangin ang magiging epekto ng ating paggawi?

 11 Pero puwede ring kabaligtaran ang maging epekto ng ating pagkilos. Kaya kapag tayo ay nasa trabaho, bahay, o paaralan, iniiwasan nating may maipintas ang iba sa ating ministeryo at paggawi. Kung sasadyain nating gumawa ng kasalanan, maiwawala natin ang kaugnayan natin kay Jehova magpakailanman. (Heb. 10:26, 27) Dahil dito, dapat tayong manalangin at isaalang-alang kung ano ang ating ginagawa at kung ano ang ipinakikita ng ating paraan ng pamumuhay. Habang bumababa ang pamantayan sa moral ng sanlibutang ito, mas nakikita ng taimtim na mga tao ‘ang pagkakaiba sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.’ (Mal. 3:18) Oo, ang ating Kristiyanong paggawi ay mahalaga sa pakikipagkasundo ng mga tao sa Diyos.

12-14. Paano nakaaapekto sa pangmalas ng iba sa ating ministeryo ang pagbabata natin ng mga pagsubok sa pananampalataya? Magbigay ng halimbawa.

12 Sa liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, sinabi niyang dumanas siya ng mga kapighatian, kahirapan, pambubugbog, at pagkabilanggo. (Basahin ang 2 Corinto 6:4, 5.) Kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok sa pananampalataya, ang ating pagbabata ay makatutulong sa mga nagmamasid na tanggapin ang katotohanan. Halimbawa: Ilang taon na ang nakararaan, tinangkang lipulin ng mga mananalansang ang mga Saksi ni Jehova sa isang lugar sa Angola. Hinagupit nila ang dalawang bautisadong Saksi at 30 interesado hanggang sa duguan na ang mga ito. Hindi nila pinatawad kahit ang mga babae at bata. Gusto nilang takutin ang mga tagaroon para huwag makinig sa mga Saksi ni Jehova, kaya pinilit nila ang mga ito na panoorin ang pagpapahirap sa mga Saksi. Pero pagkatapos nito, marami sa mga tagaroon ang humiling ng pag-aaral sa Bibliya sa mga Saksi. Bilang resulta, nagpatuloy ang pangangaral, maraming tao ang tumanggap ng katotohanan, at pinagpala ang mga kapatid.

13 Ipinakikita ng halimbawang iyan kung gaano kalaki ang epekto sa iba ng ating paninindigan sa mga simulain ng Bibliya. Malamang na marami ang naipagkasundo sa Diyos dahil sa lakas-loob na paninindigan ni Pedro at ng iba pang apostol. (Gawa 5:17-29) Sa kaso natin, puwedeng tanggapin ng ating mga kaeskuwela, katrabaho, o kapamilya ang katotohanan kapag nakita nila ang ating paninindigan sa harap ng pagsalansang.

14 Laging may mga kapatid na pinag-uusig. Halimbawa, sa Armenia, mga 40 brother ang nakabilanggo dahil sa kanilang neutralidad. At posibleng marami pa ang makukulong sa susunod na mga buwan. Sa Eritrea, 55 lingkod ni Jehova ang nakakulong, ang ilan ay mahigit 60 anyos pa nga. Sa South Korea, mga 700 Saksi ang nakabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya. Ganiyan ang sitwasyon ng mga kapatid sa lugar na iyan sa loob ng 60 taon. Ipanalangin natin na ang katapatan ng mga kapatid na ito na pinag-uusig ay makapagbigay-kaluwalhatian sa Diyos at makatulong sa iba na tanggapin ang katotohanan.Awit 76:8-10.

15. Magbigay ng halimbawa kung paano puwedeng maakit ang iba sa katotohanan dahil sa ating pagiging tapat.

15 Ang ating pagiging tapat ay puwede ring makaakit sa iba sa katotohanan. (Basahin ang Hebreo 13:18.) Halimbawa, isang sister ang naglalagay ng pera sa ticket machine ng isang bus nang sabihin sa kaniya ng isang kakilala na hindi na niya kailangang magbayad dahil bababa naman siya agad. Ipinaliwanag ng sister na dapat pa rin siyang magbayad kahit malapit lang ang bababaan niya. Pagkatapos, bumaba na ang kakilala niya. Saka tinanong ng drayber ang sister, “Saksi ni Jehova ka ba?” Sinabi niya, “Opo. Bakit n’yo naitanong?” “Narinig ko ang usapan n’yo tungkol sa pagbabayad ng ticket, at alam kong kabilang ang mga Saksi ni Jehova sa iilang tao na nagbabayad ng ticket at tapat sa lahat ng bagay.” Pagkaraan ng ilang buwan, isang lalaki ang lumapit sa sister sa  pulong at nagsabi, “Natatandaan mo ba ako? Ako y’ong drayber ng bus na nakipag-usap sa iyo tungkol sa pagbabayad ng ticket. Dahil sa katapatan mo, nakipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.” Kapag nakikita ng mga tao na tayo ay tapat, nagtitiwala sila sa mabuting balitang ipinangangaral natin.

LAGING MAGPAKITA NG MGA KATANGIANG NAGPAPARANGAL SA DIYOS

16. Paano nakaaantig sa puso ng mga tao ang mga katangiang gaya ng mahabang pagtitiis, pag-ibig, at kabaitan? Magbigay ng halimbawa ng ginagawa ng mga lider ng huwad na relihiyon.

16 Nailalapít din natin ang iba kay Jehova kapag nagpapakita tayo ng mga katangiang gaya ng mahabang pagtitiis, pag-ibig, at kabaitan. Ang ilan na nagmamasid sa atin ay maaaring magkaroon ng pagnanais na matuto tungkol kay Jehova, sa kaniyang layunin, at sa kaniyang bayan. Ang saloobin at paggawi ng mga tunay na Kristiyano ay ibang-iba sa mga may pakitang-taong makadiyos na debosyon. May mga lider ng relihiyon na yumaman dahil sa panloloko sa kanilang kawan. Ginamit nila ang perang nakukulimbat nila para bumili ng magagarang bahay at sasakyan—at sa isang kaso pa nga, isang air-conditioned na kulungan ng aso. Ang totoo, maraming nag-aangking tagasunod ni Kristo ang hindi ‘nagbibigay nang walang bayad.’ (Mat. 10:8) Sa halip, katulad sila ng tiwaling mga saserdote sa sinaunang Israel. “Nagtuturo [sila] kapalit lamang ng isang halaga”—at karamihan ng itinuturo nila ay wala sa Kasulatan. (Mik. 3:11) Ang gayong paggawi ay hindi nakatutulong sa iba na makipagkasundo sa Diyos.

17, 18. (a) Paano natin napararangalan si Jehova kapag tinutularan natin ang kaniyang mga katangian? (b) Ano ang nagpapakilos sa iyo na magtiyaga sa maiinam na gawa?

17 Sa kabilang banda, ang tunay na mga turong Kristiyano at mabubuting gawa ay nakaaantig sa puso ng ating kapuwa. Halimbawa, habang nangangaral sa bahay-bahay, isang payunir na brother ang pinaaalis ng isang may-edad nang biyuda. Binanggit ng biyuda na nang tumunog ang doorbell, nasa kusina siya at nakatuntong sa isang hagdan para palitan sana ang bombilya. “Delikado po na mag-isa lang kayong gumagawa niyan,” ang sabi ng brother. Pinalitan niya ang bombilya at saka umalis. Nang malaman ng anak ng biyuda ang nangyari, humanga siya at hinanap ang brother para magpasalamat. Nang maglaon, ang anak na ito ay nag-aral ng Bibliya.

18 Bakit ka determinadong magtiyaga sa maiinam na gawa? Malamang, dahil alam mo na kapag nagpakita ka ng sigasig sa ministeryo at mainam na paggawi, napararangalan natin si Jehova at natutulungan ang iba na maligtas. (Basahin ang 1 Corinto 10:31-33.) Ang sigasig sa maiinam na gawa sa pangangaral ng mabuting balita at paggawi sa makadiyos na paraan ay udyok ng taimtim na pagnanais na magpakita ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. (Mat. 22:37-39) Kung masigasig tayo sa maiinam na gawa, magkakaroon tayo ng tunay na kagalakan at kasiyahan sa ngayon. Bukod diyan, makatitiyak tayo na darating ang panahon na ang lahat ng tao ay magpapakita ng sigasig para sa tunay na pagsamba sa karangalan ng ating Maylalang, si Jehova.