Mga Elder—Mapagiginhawa ba Ninyo ang “Kaluluwang Pagod”?
Medyo ninenerbiyos si Angela, * isang dalagang sister na mahigit 30 anyos. Dadalawin kasi siya ng mga elder. Ano kaya ang sasabihin nila sa kaniya? Totoo namang hindi siya nakadalo ng ilang pulong, pero pagod na pagod na kasi siya matapos ang maghapong pag-aalaga sa mga may-edad. Bukod sa araw-araw niyang mga álalahanín, nababahala rin siya sa kalusugan ng nanay niya.
Kung ikaw ang dadalaw kay Angela, paano mo patitibayin ang “kaluluwang pagod” na ito? (Jer. 31:25) Paano ka maghahanda para maging nakagiginhawa ang iyong pagpapastol?
PAG-ISIPAN ANG KALAGAYAN NG IYONG MGA KAPATID
Lahat tayo ay napapagod paminsan-minsan dahil sa ating trabaho o pag-aasikaso sa teokratikong mga atas. Halimbawa, “nanlupaypay” ang propetang si Daniel nang makatanggap siya ng isang pangitaing hindi niya maunawaan. (Dan. 8:27) Pero napatibay siya nang magpakita sa kaniya ang anghel na si Gabriel, isang mensahero ng Diyos. Binigyan siya nito ng unawa, tiniyak na dininig ni Jehova ang mga panalangin niya, at sinabing siya ay “lubhang kalugud-lugod” pa rin. (Dan. 9:21-23) Sa isa pang pagkakataon, ang mga nakaaaliw na salita ng isa pang anghel ay nagpalakas sa nanlulupaypay na propeta.—Dan. 10:19.
Kaya bago dumalaw sa isang kapananampalatayang pagod o nasisiraan ng loob, pag-isipan muna ang kaniyang kalagayan. Ano ang mga problema niya? Bakit nakapanghihina sa kaniya ang mga ito? Ano ang magagandang katangian niya? “Nagpopokus ako sa positibong katangian ng mga kapatid,” ang sabi ni Richard, na mahigit 20 taon nang elder. Sinabi pa niya, “Kapag pinag-iisipan ko muna ang kalagayan nila bago ako dumalaw, mas madaling makaisip ng pampatibay na angkop sa kanila.” Kung may kasama kang isa pang elder sa pagpapastol, puwede ninyong pag-usapan ang kalagayan ng kapatid bago kayo dumalaw.
GAWING PALAGAY ANG LOOB NG IYONG MGA KAPATID
Marahil sasang-ayon ka na kung minsan, nakakahiyang magkuwento tungkol sa sarili. Kaya hindi madali para sa ilang kapatid na maglabas ng niloloob sa dumadalaw na mga elder. Paano mo sila mapasisiglang magsalita? Baka makatulong ang pagngiti at ilang positibong komento. Kapag nagpapastol, karaniwan nang ganito ang unang sinasabi ni Michael, mahigit 40 taon nang elder: “Alam mo, malaking pribilehiyo para sa mga elder na madalaw ang mga kapatid sa tahanan nila at makilala sila nang higit. Kaya talagang hinintay ko ang araw na ito.”
Maaari mong ipasiya na sa pasimula pa lang ng pagdalaw ay taos-puso nang manalangin. Sa mga panalangin ni apostol Pablo, idiniin niya ang pananampalataya, pag-ibig, at pagbabata ng kaniyang mga kapatid. (1 Tes. 1:2, 3) Ang totoo, kung babanggitin mo ang iyong pagpapahalaga sa magagandang katangian ng iyong kapatid, inihahanda mo ang puso mo at ang puso ng iyong kapatid para sa nakapagpapatibay na pag-uusap. Makapagpapaginhawa rin ito sa kaniya. “Kung minsan, nakakalimutan natin ang mabubuting nagagawa natin,” ang sabi ni Ray, isang makaranasang elder. “Kaya kapag may nagpapaalaala nito sa atin, nagiginhawahan tayo.”
MAGBAHAGI NG ESPIRITUWAL NA KALOOB
Tulad ni Pablo, maaari kang magbahagi ng “espirituwal na kaloob,” gaya ng isang punto sa Kasulatan, kahit na mula sa isang teksto lang. (Roma 1:11) Halimbawa, baka ang kapatid ay nade-depress at iniisip niyang wala siyang halaga, gaya ng salmista na inihambing ang sarili sa “sisidlang balat” na nangunguluntoy sa usok. (Awit 119:83, 176) Maaari mong ipaliwanag sa maikli ang ibig sabihin ng pananalitang iyon. Pagkatapos, sabihin mo sa kaniya na nagtitiwala kang ‘hindi niya nililimot’ ang mga utos ng Diyos.
Ang ilustrasyon naman tungkol sa nawalang baryang drakma ay maaaring makaantig sa isang sister na napalayo sa kongregasyon o nawalan ng sigasig sa paglilingkod. (Luc. 15:8-10) Ang nawalang barya ay posibleng bahagi ng isang pinakaiingatang kuwintas na binubuo ng mga baryang pilak. Puwede mong talakayin sa sister ang ilustrasyong ito para ipakitang mahalagang bahagi siya ng kongregasyong Kristiyano. Pagkatapos, puwede mong idiin kung gaano siya kahalaga kay Jehova bilang isa sa kaniyang maliliit na tupa.
Karaniwan na, gusto ng mga kapatid na magsabi ng opinyon nila tungkol sa isang ulat o teksto sa Bibliya. Kaya hindi lang ikaw ang dapat magsalita! Matapos basahin ang isang teksto na angkop sa kanilang sitwasyon, maaari mong idiin ang isang susing salita o parirala, at hilingan silang komentuhan ito. Halimbawa, matapos basahin ang Awit 23:3, maaaring itanong ng elder, “May mga pagkakataon ba na naranasan mong pinaginhawa ka ni Jehova?” Sa ganitong paraan, ‘makapagpapalitan kayo ng pampatibay-loob.’—Roma 1:12.
Puwede mo ring mapaginhawa ang isang kapatid kung pag-uusapan ninyo ang isang karakter sa Bibliya na ang buhay ay nahahawig sa sitwasyon niya. Ang isang kapatid na nalulungkot ay malamang na mapatibay sa karanasan nina Hana at Epafrodito, na nanlumo rin pero nanatiling mahalaga sa paningin ng Diyos. (1 Sam. 1:9-11, 20; Fil. 2:25-30) Bakit hindi mo subukang talakayin sa dinadalaw mo ang ilang mahuhusay na halimbawa sa Bibliya?
PATULOY NA ALALAYAN ANG MGA KAPATID
Maipakikita mong taimtim ang iyong malasakit sa mga kapatid kung patuloy mo silang aalalayan pagkatapos ng iyong pagdalaw. (Gawa 15:36) Bago ka umalis, baka puwede mo silang anyayahang samahan ka sa ministeryo. Isaalang-alang ang ginagawa ng isang makaranasang elder na si Bernard kapag muli niyang nakita ang kapatid na dinalaw niya kamakailan. Mataktika niyang ipinaaalaala rito ang ibinigay na payo. Tinatanong niya ito: “Kumusta, okey ka na ba?” Sa pagpapakita ng gayong personal na interes, malalaman mo kung kailangan niya ng higit pang tulong.
Ngayon higit kailanman, kailangang madama ng mga kapatid na pinagmamalasakitan sila, nauunawaan, at minamahal. (1 Tes. 5:11) Kaya bago magpastol, pag-isipan ang sitwasyon ng iyong kapatid. Ipanalangin ito. Pumili ng angkop na mga teksto. Sa gayon, makahahanap ka ng tamang mga salita para mapaginhawa ang “kaluluwang pagod”!
^ par. 2 Binago ang mga pangalan.