Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pahalagahan ang Pagkabukas-Palad at Pagkamakatuwiran ni Jehova

Pahalagahan ang Pagkabukas-Palad at Pagkamakatuwiran ni Jehova

“Si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang kaniyang kaawaan ay nasa lahat ng kaniyang mga gawa.”—AWIT 145:9.

1, 2. Anong pagkakataon ang bukás sa mga kaibigan ni Jehova?

“HALOS 35 taon na kaming kasal ng mister ko,” ang sabi ng Kristiyanong si Monika. “Kilaláng-kilalá na namin ang isa’t isa. Pero kahit maraming taon na ang lumipas, may bago pa rin kaming natutuklasan sa isa’t isa!” Tiyak na totoo rin iyan sa maraming mag-asawa at magkaibigan.

2 Nasisiyahan tayong mas makilala ang mga mahal natin. Pero sa lahat ng ating pakikipagkaibigan, wala nang hihigit pa sa pakikipagkaibigan natin kay Jehova. Hindi natin kailanman malalaman ang lahat tungkol sa kaniya. (Roma 11:33) Pero magkakaroon tayo ng pagkakataon at kagalakan na palalimin ang pagpapahalaga sa mga katangian ni Jehova magpakailanman.—Ecles. 3:11.

3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

3 Nakatulong sa atin ang nakaraang artikulo para lumalim ang ating pagpapahalaga sa pagiging madaling lapitan at pagiging hindi nagtatangi ni Jehova. Talakayin naman natin ngayon ang dalawa pang magandang katangian ni Jehova—ang pagkabukas-palad at pagkamakatuwiran. Makakatulong ito para lubusan nating makilala na “si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang kaniyang kaawaan ay nasa lahat ng kaniyang mga gawa.”—Awit 145:9.

BUKAS-PALAD SI JEHOVA

4. Ano ang kahulugan ng tunay na pagkabukas-palad?

4 Ano ang ibig sabihin ng pagkabukas-palad? Ganito ang sinabi ni Jesus sa Gawa 20:35: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” Sa pananalitang iyan ni Jesus, naibigay niya ang kahulugan ng tunay na pagkabukas-palad. Ang isang taong bukas-palad ay buong-pusong nagbibigay ng kaniyang panahon, lakas, at mga tinatangkilik para sa kapakanan ng iba—at masaya niyang ginagawa ito. Oo, ang pagkabukas-palad ay hindi nasusukat sa laki ng regalo, kundi sa motibo ng nagbibigay. (Basahin  ang 2 Corinto 9:7.) Wala nang mas bukas-palad pa kaysa sa ating “maligayang Diyos,” si Jehova.—1 Tim. 1:11.

5. Paano ipinakikita ni Jehova ang pagkabukas-palad?

5 Paano ipinakikita ni Jehova ang pagkabukas-palad? Pinaglalaanan niya ang lahat ng tao, kahit ang mga hindi sumasamba sa kaniya. Oo, “si Jehova ay mabuti sa lahat.” “Pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mat. 5:45) Iyan ang dahilan kung bakit masasabi ni apostol Pablo sa mga kausap niyang di-sumasampalataya na “gumawa [si Jehova] ng mabuti, na binibigyan kayo ng mga ulan mula sa langit at mabubungang kapanahunan, na lubusang pinupuno ang inyong mga puso ng pagkain at pagkagalak.” (Gawa 14:17) Maliwanag, si Jehova ay bukas-palad sa lahat ng tao.—Luc. 6:35.

6, 7. (a) Kanino higit na nalulugod maglaan si Jehova? (b) Magbigay ng halimbawa kung paano naglalaan si Jehova sa kaniyang tapat na mga mananamba.

6 Higit na nalulugod si Jehova na paglaanan ang kaniyang tapat na mga mananamba. Sinabi ni Haring David: “Isang kabataan ako noon, ako ay tumanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.” (Awit 37:25) Naranasan na ng maraming tapat na Kristiyano ang katunayan ng pangangalagang iyan ni Jehova. Pansinin ang halimbawang ito.

7 Mga ilang taon na ang nakalilipas, si Nancy na isang buong-panahong ministro ay napaharap sa isang problema. “Kailangan ko ng $66 kasi bayarán na ng renta kinabukasan,” ang sabi ni Nancy. “Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pera. Ipinanalangin ko ang problema ko, at saka pumasok sa trabaho ko bilang waitress. Hindi ko inaasahang marami ang magbibigay sa akin ng tip nang gabing iyon kasi karaniwan nang hindi matao kapag gan’ong araw. Nagulat ako na maraming kumain sa restawran nang gabing iyon. Nang tapos na ang trabaho ko, binilang ko ang natanggap kong tip, $66 lahat-lahat.” Kumbinsido si Nancy na naging bukas-palad si Jehova sa pagbibigay ng eksaktong kailangan niya.—Mat. 6:33.

8. Ano ang pinakadakilang kapahayagan ng pagkabukas-palad ni Jehova?

8 Ang pinakadakilang kapahayagan ng pagkabukas-palad ni Jehova ay ang haing pantubos ng kaniyang Anak. Inilaan niya ito para sa lahat. Sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Sa kontekstong ito, ang “sanlibutan” ay tumutukoy sa sangkatauhan. Oo, ang pinakadakilang kapahayagan ng pagkabukas-palad ni Jehova ay para sa lahat ng gustong tumanggap nito. Ang mga mananampalataya kay Jesus ay tatanggap ng saganang buhay—buhay na walang hanggan! (Juan 10:10) Hindi ba’t  napakatibay na patotoo iyan na bukas-palad si Jehova?

TULARAN ANG PAGKABUKAS-PALAD NI JEHOVA

Hinimok ang mga Israelita na tularan ang pagkabukas-palad ni Jehova (Tingnan ang parapo 9)

9. Paano natin matutularan ang pagkabukas-palad ni Jehova?

 9 Paano natin matutularan ang pagkabukas-palad ni Jehova? Si Jehova ay “saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.” Kaya tayo ay dapat na “handang mamahagi” sa iba, anupat nagdudulot ng kagalakan sa kanila. (1 Tim. 6:17-19) Natutuwa tayong gamitin ang ating mga tinatangkilik para magregalo sa mga mahal natin sa buhay at matulungan ang mga nangangailangan. (Basahin ang Deuteronomio 15:7.) Ano ang makatutulong sa atin na maging bukas-palad? Ganito ang ginagawa ng ilang Kristiyano: Sa tuwing tumatanggap sila ng regalo, humahanap sila ng pagkakataon na magbigay rin ng regalo sa iba. Isang pagpapala sa kongregasyong Kristiyano ang napakaraming kapatid na naglilinang ng espiritu ng pagkabukas-palad.

10. Ano ang isa sa pinakamaiinam na paraan para maging bukas-palad?

10 Ang isa sa pinakamaiinam na paraan para maging bukas-palad ay ang paggamit ng ating panahon at lakas para tulungan at patibayin ang iba. (Gal. 6:10) Kumusta tayo sa bagay na iyan? Tanungin ang sarili: ‘Handa ba akong makinig sa iba? Kapag may humihingi ng tulong sa akin, handa ba akong tumulong sa abot ng makakaya ko? Kailan ako huling nagbigay ng taimtim na komendasyon sa kapamilya ko o kapananampalataya?’ Kapag naging ‘kaugalian natin ang pagbibigay,’ mas mapapalapít tayo kay Jehova at sa ating mga kaibigan.—Luc. 6:38; Kaw. 19:17.

11. Ano ang ilang paraan para maging bukas-palad kay Jehova?

 11 Maaari din tayong maging bukas-palad kay Jehova. “Parangalan mo si Jehova ng iyong mahahalagang pag-aari,” ang payo ng Kasulatan. (Kaw. 3:9) Kasama sa “mahahalagang  pag-aari” ang ating panahon, lakas, at mga tinatangkilik, na magagamit natin sa paglilingkod sa kaniya. Kahit ang mga bata ay matuturuang maging bukas-palad kay Jehova. “Kapag nagbibigay ng donasyon ang pamilya namin sa Kingdom Hall, hinahayaan namin na ang mga bata ang maghulog sa kahon,” ang sabi ng tatay na si Jason. “Tuwang-tuwa sila, kasi gaya ng sabi nila, ‘may ibinibigay sila kay Jehova.’” Ang mga anak na nagbibigay nang may kagalakan kay Jehova habang bata pa ay malamang na magiging bukas-palad sa Kaniya hanggang sa paglaki nila.—Kaw. 22:6.

MAKATUWIRAN SI JEHOVA

12. Ano ang ibig sabihin ng pagkamakatuwiran?

12 Ang isa pa sa magagandang katangian ni Jehova ay ang pagkamakatuwiran. Ano ang ibig sabihin nito? Ang orihinal na salita na karaniwang isinasaling “makatuwiran” sa Bagong Sanlibutang Salin ay literal na nangangahulugang “mapagparaya.” (Tito 3:1, 2) Hindi laging iginigiit ng makatuwirang tao ang letra-por-letrang sinasabi ng batas, at hindi rin siya sobrang istrikto, sobrang higpit, o mabagsik. Sa halip, malumanay siyang makitungo sa iba, anupat isinasaalang-alang ang kanilang kalagayan. Handa siyang makinig sa sinasabi ng iba at, kung kinakailangan, nagpaparaya siya at hindi ipinipilit ang sarili niyang kagustuhan.

13, 14. (a) Paano ipinakikita ni Jehova ang pagkamakatuwiran? (b) Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagkamakatuwiran sa paraan ng pakikitungo ng Diyos kay Lot?

13 Paano ipinakikita ni Jehova ang pagkamakatuwiran? May-kabaitang isinasaalang-alang ni Jehova ang damdamin ng kaniyang mga lingkod, at kadalasan nang handa siyang pagbigyan ang kanilang mga kahilingan. Halimbawa, tingnan kung paano nakitungo si Jehova sa tapat na si Lot. Nang ipasiya ni Jehova na puksain ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra, binigyan niya si Lot ng malinaw na tagubiling tumakas sa mga bundok. Pero sa ilang kadahilanan, nakiusap si Lot na payagan siyang tumakas sa ibang lugar. Akalain mo, hiniling mismo ni Lot na baguhin ni Jehova ang Kaniyang mga tagubilin!—Basahin ang Genesis 19:17-20.

14 Baka sabihin ng isa na mahina ang pananampalataya ni Lot o masuwayin siya. Tutal, maililigtas naman ni Jehova si Lot kahit saang lugar, kaya walang basehan ang kaniyang takot. Pero talagang natatakot si Lot, kaya nagparaya si Jehova. Hinayaan niyang manganlong si Lot sa isang lunsod na pupuksain sana niya. (Basahin ang Genesis 19:21, 22.) Maliwanag, si Jehova ay hindi sobrang istrikto ni sobrang higpit man. Siya ay mapagparaya at makatuwiran.

15, 16. Paano makikita sa Kautusang Mosaiko ang pagkamakatuwiran ni Jehova? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulong ito.)

15 Pansinin ang isa pang halimbawa ng pagkamakatuwiran ni Jehova na makikita sa Kautusang Mosaiko. Kung ang isang Israelita ay walang kakayahang maghandog ng kordero o kambing, maaari siyang maghandog ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati. Pero paano kung napakahirap niya anupat hindi niya kayang maghandog ng kahit dalawang kalapati? Sa ganiyang kalagayan, pinahihintulutan ni Jehova ang nagdarahop na Israelita na maghandog ng kaunting harina. Pero pansinin ang mahalagang detalyeng ito: Hindi puwedeng karaniwang harina lang ang ihahandog niya, kundi “mainam na harina,” gaya ng ginagamit para sa espesyal na mga bisita. (Gen. 18:6) Bakit kailangang mainam na harina?—Basahin ang Levitico 5:7, 11.

16 Isipin mong isa kang mahirap na Israelita. Pumunta ka sa tabernakulo dala-dala ang iyong kaunting harina bilang handog. Nakita mo roon ang mayayamang Israelita na dala-dala ang kanilang handog na mga hayop. Baka mahiya ka dahil napakaliit ng halaga ng iyong harina. Pero naalaala mong mahalaga kay Jehova ang iyong handog. Bakit? Ang hinihiling ni Jehova ay mataas na uri ng harina. Kaya para bang sinasabi niya sa mahihirap na Israelita: ‘Alam kong hindi ninyo kayang maghandog tulad ng sa iba, pero alam ko ring ang  pinakamainam ang ibinibigay ninyo sa akin.’ Oo, nagpapakita si Jehova ng pagkamakatuwiran sa pagsasaalang-alang sa limitasyon at kalagayan ng kaniyang mga lingkod.—Awit 103:14.

17. Anong uri ng paglilingkod ang tinatanggap ni Jehova?

 17 Mapatitibay tayong malaman na dahil sa pagkamakatuwiran ni Jehova, tinatanggap niya ang ating buong-kaluluwang paglilingkod. (Col. 3:23) Sinabi ni Constance, isang may-edad nang sister na Italyana: “Ang pakikipag-usap sa iba tungkol sa aking Maylalang ang siyang laging gustung-gusto kong gawin. Iyan ang dahilan kung bakit patuloy akong nangangaral at nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Kung minsan, nalulungkot ako na kaunti na lang ang nagagawa ko dahil sa aking kalusugan. Ngunit nauunawaan ko na alam ni Jehova ang aking mga limitasyon at mahal niya ako at pinahahalagahan niya ang kaya kong gawin.”

TULARAN ANG PAGKAMAKATUWIRAN NI JEHOVA

18. Ano ang isang paraan para matularan ng mga magulang ang pagkamakatuwiran ni Jehova?

18 Paano natin matutularan ang pagkamakatuwiran ni Jehova? Balikan natin ang naging pakikitungo ni Jehova kay Lot. Bagaman may awtoridad si Jehova, pinakinggan niya si Lot habang nagsasabi ng nadarama nito. Pinagbigyan din ng Diyos ang kahilingan ni Lot. Kung isa kang magulang, matutularan mo ba si Jehova? Puwede mo bang pakinggan ang kahilingan ng iyong mga anak at, kung posible, pagbigyan ang mga iyon? Kasuwato nito, binanggit ng Ang Bantayan, isyu ng Setyembre 1, 2007, na maaaring isama ng mga magulang ang kanilang mga anak kapag nag-uusap para magtakda ng mga tuntunin sa bahay. Halimbawa, gusto ng mga magulang na magtakda ng oras ng pag-uwi ng kanilang mga anak sa bahay, at karapatan naman nila iyon. Pero makabubuti kung pakikinggan din ng mga magulang kung ano naman ang masasabi ng kanilang mga anak tungkol sa itinakdang oras. Sa ilang kalagayan, maaaring baguhin ng mga magulang ang nakatakdang oras hangga’t hindi ito salungat sa mga simulain ng Bibliya. Kapag isinasaalang-alang ng mga magulang ang opinyon ng kanilang mga anak sa pagtatakda ng mga tuntunin sa bahay, mas mauunawaan ng mga anak ang mga tuntuning ito at mas susundin nila ang mga ito.

19. Paano nagsisikap ang mga elder na tularan ang pagkamakatuwiran ni Jehova?

19 Sinisikap ng mga elder sa kongregasyon na tularan ang pagkamakatuwiran ni Jehova sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa kalagayan ng mga kapatid. Tandaan na pinahalagahan ni Jehova kahit ang mga handog ng mahihirap na Israelita. Sa katulad na paraan, napakalimitado ng nagagawa sa ministeryo ng ilang kapatid, malamang na dahil sa kanilang problema sa kalusugan o pagtanda. Paano kung nasisiraan sila ng loob dahil sa kanilang limitasyon? May-kabaitang tinitiyak sa kanila ng mga elder na mahal sila ni Jehova dahil ibinibigay nila ang kanilang pinakamainam.—Mar. 12:41-44.

20. Ano ang ibig sabihin ng pagiging makatuwiran sa paglilingkod sa Diyos?

20 Siyempre pa, hindi natin gustong ipagkamali ang pagiging makatuwiran sa pagiging mabait sa sarili, anupat binabawasan ang ating paglilingkod sa Diyos. (Mat. 16:22) Hindi tayo magpaparelaks-relaks at pagkatapos ay sasabihing nagiging makatuwiran lang tayo. Sa halip, lahat tayo ay kailangang ‘magpunyagi nang buong-lakas’ sa pagsuporta sa kapakanan ng Kaharian. (Luc. 13:24) Kaya dapat tayong maging timbang. Nagpupunyagi tayo at hindi natin binabawasan ang paglilingkod natin. Sa kabilang banda, tandaan na hindi humihiling si Jehova ng higit sa makakaya natin. Kapag ibinibigay natin sa kaniya ang pinakamainam, makatitiyak tayong nalulugod siya. Hindi ba’t nakatutuwang maglingkod sa isang mapagpahalaga at makatuwirang Panginoon? Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang dalawa pang magandang katangian ni Jehova.—Awit 73:28.

“Parangalan mo si Jehova ng iyong mahahalagang pag-aari.”—Kaw. 3:9 (Tingnan ang parapo 11)

“Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa.”—Col. 3:23 (Tingnan ang parapo 17)