Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TALAMBUHAY

Pinagpala Dahil sa Pagsunod kay Jehova

Pinagpala Dahil sa Pagsunod kay Jehova

“Napakaganda ng aral na matututuhan natin kay Noe!” ang paliwanag ng aking ama. “Sinunod ni Noe si Jehova at mahal na mahal niya ang kaniyang pamilya, at nakaligtas sa Baha ang buong pamilya dahil pumasok silang lahat sa arka.”

IYAN ang isa sa mga kuwentong natatandaan ko sa tatay ko, isang simple at masipag na tao. Napakaimportante kay Tatay ng katarungan, kaya agad niyang nagustuhan ang mensahe ng Bibliya nang marinig niya ito noong 1953. Mula noon, sinikap niyang ituro sa amin na mga anak niya ang kaniyang natututuhan. Noong una, ayaw iwan ni Nanay ang paniniwalang Katoliko. Pero nang maglaon, tinanggap din niya ang mga turo ng Bibliya.

Mahirap para sa mga magulang ko na turuan kami. Hindi gaanong nakapag-aral si Nanay, at doble-kayod naman si Tatay sa bukid. Minsan sa pagod niya, nakakatulog na siya habang tinuturuan kami. Pero sulit ang pagsisikap niya. Ako ang panganay kaya tumulong ako sa pagtuturo sa mga kapatid ko—isang babae at dalawang lalaki. Kasama sa itinuturo ko sa kanila ang laging binabanggit ni Tatay—ang pagmamahal ni Noe sa kaniyang pamilya, na ipinakita niya sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos. Paborito ko ang kuwentong iyon sa Bibliya! Di-nagtagal, dumadalo na kaming lahat sa mga pulong sa Kingdom Hall sa lunsod ng Roseto degli Abruzzi, sa baybayin ng Adriatico sa Italya.

Onse anyos lang ako noong 1955 nang maglakbay kami ni Nanay nang malayo para dumalo sa kauna-unahan naming kombensiyon, sa Roma. Mula noon, itinuring kong pinakamagandang bahagi ng buhay bilang Kristiyano ang malalaking pagtitipong iyon.

Nang sumunod na taon, nagpabautismo ako at di-nagtagal ay pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Nang mag-17 anyos ako, naatasan ako bilang special pioneer sa Latina, sa timog ng Roma at mga 300 kilometro mula sa amin. Bagong lunsod iyon kaya hindi gaanong nag-aalala ang mga tao na baka mapintasan sila kung tanggapin man nila ang mensahe ng Bibliya. Napakasaya namin ng partner kong payunir dahil marami kaming naipamamahaging literatura sa Bibliya. Pero dahil bata pa ako, miss na miss ko ang pamilya ko! Gayunman, gusto kong gampanan ang iniatas sa akin.

Noong araw ng aming kasal

Nang maglaon, inatasan ako sa Milan para tumulong sa paghahanda ng “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na  Internasyonal na Asamblea noong 1963. Nagboluntaryo ako sa kombensiyon kasama ng marami, gaya ni Paolo Piccioli, isang kabataang brother na taga-Florence. Noong ikalawang araw ng kombensiyon, napakaganda ng pahayag niya tungkol sa pananatiling walang asawa. Naisip ko nga noon, ‘Hinding-hindi mag-aasawa ang brother na ito.’ Pero nagsulatan kami, at nalaman naming marami pala kaming pagkakapareho—ang aming tunguhin, pag-ibig kay Jehova, at matinding hangaring sundin siya. Nagpakasal kami ni Paolo noong 1965.

ENGKUWENTRO SA KLERO

Sampung taon akong regular pioneer sa Florence. Nakakatuwang makita ang pagsulong ng mga kongregasyon, lalo na ng mga kabataan. Nag-e-enjoy kami ni Paolo na makipagkuwentuhan sa kanila tungkol sa espirituwal at maglibang kasama nila, na madalas ay paglalaro ng paborito ni Paolo, ang soccer. Siyempre kahit na gustung-gusto kong laging makasama ang mister ko, nakita kong kailangan siya ng mga kabataang iyon at ng mga pamilya sa kongregasyon.

Marami rin kaming naging Bible study noon. Isa na si Adriana. Ibinahagi niya sa dalawang pamilya ang mga natutuhan niya. Nag-set sila ng miting sa isang pari para pag-usapan ang ilang doktrina ng simbahan gaya ng Trinidad at imortalidad ng kaluluwa. Tatlong prelado, o miyembro ng klero na may mataas na katungkulan, ang dumating. Napakakomplikado at hindi magkakasuwato ang mga paliwanag nila kaya kita agad ng aming mga Bible study ang kaibahan ng malinaw na turo ng Bibliya. Malaki ang nagawa ng miting na iyon. Nang maglaon, mga 15 sa dalawang pamilyang iyon ang naging Saksi.

Siyempre, iba na ngayon ang paraan natin ng pangangaral. Naging “eksperto” noon si Paolo sa mga engkuwentro sa mga pari—at maraming beses na nangyari iyon. May natatandaan akong isa na ginanap sa harap ng mga tagapakinig na hindi Saksi. Nalaman naming kinontsaba pala ng mga mananalansang ang ilan para magbangon ng mga tanong na maglalagay sa amin sa alanganin. Pero nag-iba ang takbo ng usapan. May nagtanong kasi kung tama bang makisangkot sa pulitika ang simbahan, na ilang siglo na nitong ginagawa. Nalagay sa alanganin ang mga pari. Tapos, bigla na lang namatay ang ilaw, at kinansela ang miting. Makalipas ang ilang taon, nalaman naming planado pala ang pagkawala ng kuryente sakaling masukol ang mga pari.

BAGONG ATAS SA PAGLILINGKOD

Sampung taon na kaming kasal ni Paolo nang anyayahan kami sa gawaing pansirkito. Maganda  ang trabaho ni Paolo kaya hindi madaling magpasiya. Pero matapos namin itong pag-isipan at ipanalangin, tinanggap namin ang bagong atas. Nag-enjoy kami kasama ng mga pamilyang nagpatulóy sa amin. Sa gabi, nag-i-study kami bilang grupo, tapos, tinutulungan ni Paolo ang mga bata sa kanilang homework, lalo na pagdating sa matematika. Mahilig magbasa si Paolo at gustung-gusto niyang ibinabahagi ang magaganda at nakapagpapatibay na bagay na nababasa niya. Madalas kaming mangaral kapag Lunes sa mga bayan na walang mga Saksi at nag-aanyaya sa mga tao sa isinaayos na pahayag kinagabihan.

Nag-e-enjoy kami kasama ang mga kabataan, madalas sa paglalaro ng paborito ni Paolo, ang soccer

Dalawang taon pa lang kami sa gawaing pansirkito, inanyayahan naman kaming maglingkod sa Bethel sa Roma. Inatasan si Paolo na mag-asikaso ng mga kasong legal, at sa Magazine Department naman ako. Hindi madaling mag-adjust, pero determinado kaming maging masunurin. Nakakatuwang makita ang unti-unting paglawak ng sangay at mabilis na pagdami ng mga kapatid sa Italya. Nang panahong iyon, legal na kinilala ng gobyerno ang mga Saksi ni Jehova sa Italya. Napakasaya namin sa ganitong paglilingkod.

Mahal ni Paolo ang trabaho niya sa Bethel

Habang naglilingkod kami sa Bethel, naging malaking isyu sa Italya ang paninindigan natin tungkol sa dugo. Noong unang mga taon ng 1980, naging kontrobersiyal ang isang kaso. Ibinibintang sa isang mag-asawang Saksi ang pagkamatay ng kanilang anak, kahit na ang totoo ay namatay ito dahil sa malalang sakit sa dugo na namamana ng maraming taga-Mediteraneo. Tinulungan ng mga kapatid sa Bethel ang mga abogado ng mag-asawang Saksi. Isang leaflet at espesyal na edisyon ng Gumising! ang ipinamahagi para malaman ng mga tao ang totoo at maintindihan ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa dugo. Noong mga buwan na iyon, madalas magtrabaho si Paolo nang 16 na oras kada araw at halos wala siyang pahinga. Ginawa ko ang makakaya ko para suportahan siya.

ISA NA NAMANG PAGBABAGO

Dalawampung taon na kaming kasal ni Paolo nang biglang magbago ang mga kalagayan. Kuwarenta’y uno na ako at 49 naman si Paolo nang sabihin kong buntis yata ako. Sa kaniyang diary, ganito ang isinulat niya nang araw na iyon: “Panalangin: Kung totoo po ito, tulungan n’yo po kaming manatili sa buong-panahong paglilingkod, hindi magpabaya sa espirituwal, at maging mabuting magulang at halimbawa sa aming anak. Higit sa lahat, tulungan n’yo po akong maisabuhay ang kahit 1 porsiyento lang ng ipinapahayag ko sa entablado sa mahigit 30 taon.” Mukhang dininig naman ni Jehova ang panalangin niya—at ang sa akin.

 Ang laki ng nagbago sa buhay namin pagkasilang ni Ilaria. Sa totoo lang, may pagkakataong nasisiraan kami ng loob, gaya ng sabi sa Kawikaan 24:10 “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” Pero sinuportahan at pinatibay namin ang isa’t isa.

Madalas sabihin ni Ilaria kung gaano siya kasaya na may mga magulang siyang Saksi na abalang-abala sa buong-panahong paglilingkod. Hindi niya kailanman nadamang napabayaan siya; lumaki siya sa isang normal na pamilya. Sa araw, ako ang kasama niya. Sa gabi pag-uwi ni Paolo, nakikipaglaro siya at tinutulungan si Ilaria sa homework nito kahit na may kailangan siyang tapusing trabaho. Inaabot tuloy siya nang alas dos o alas tres ng umaga. Laging sinasabi ni Ilaria, “Si Daddy ang best friend ko.”

Para matulungan namin si Ilaria na manatili sa daan ng katotohanan, hindi kami naging pabagu-bago sa pagdidisiplina sa kaniya, at minsan, kailangan din naming maging mahigpit. Natatandaan ko nang minsang awayin niya ang kalaro niya, ipinaliwanag namin sa kaniya mula sa Bibliya kung bakit mali iyon. Sinabihan din namin siyang mag-sorry sa kalaro niya kaharap kami.

Laging sinasabi ni Ilaria na hanga siya sa pag-ibig sa ministeryo ng kaniyang mga magulang. Ngayong may asawa na siya, mas naiintindihan na niya kung gaano kahalagang sundin si Jehova at ang Kaniyang patnubay.

MASUNURIN PA RIN KAHIT SA PANAHON NG KALUNGKUTAN

Noong 2008, nalaman ni Paolo na may kanser siya. Akala namin may tsansa siyang gumaling, at pinatibay pa nga ako ni Paolo. Kasabay ng pagkonsulta sa mahuhusay na doktor, magkakasama kaming pamilya na nananalangin kay Jehova at humihingi ng tulong para maharap ang problema. Pero nakita ko kung paano unti-unting nanghina ang isang lalaking dating malakas at masigla. Napakalaking dagok sa amin ang pagkamatay niya noong 2010. Pero gumagaan ang loob ko kapag inaalala ko ang mga nagawa namin sa loob ng 45 taon. Ibinigay namin kay Jehova ang pinakamainam. Alam kong hindi mawawalang-saysay ang ginawa namin. At sabik na sabik na akong makitang buhaying muli si Paolo, gaya ng pangako ni Jesus sa Juan 5:28, 29.

“Ako pa rin ang maliit na batang iyon na paborito ang kuwento ni Noe. Hindi nagbago ang determinasyon ko”

Ako pa rin ang maliit na batang iyon na paborito ang kuwento ni Noe. Hindi nagbago ang determinasyon ko. Gusto kong sundin si Jehova, anuman ang hilingin niya. Sigurado akong anumang hadlang, sakripisyo, at kawalan ay napakaliit lang kumpara sa napakagandang pagpapala na ibibigay ng mapagmahal nating Diyos. Napatunayan ko na ito—at tinitiyak ko sa inyo, sulit na sulit ito.