Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Huwag ‘Magngalit Laban kay Jehova’

Huwag ‘Magngalit Laban kay Jehova’

“Ang kamangmangan ng makalupang tao ang pumipilipit sa kaniyang lakad, kung kaya ang kaniyang puso ay nagngangalit laban kay Jehova mismo.”—KAW. 19:3.

1, 2. Bakit hindi natin dapat sisihin si Jehova sa mga problema ng sangkatauhan? Magbigay ng ilustrasyon.

IPAGPALAGAY nang isa kang asawang lalaki na masayang-masaya sa piling ng mabait mong asawa sa loob ng maraming taon. Pero isang araw pag-uwi mo, nadatnan mong napakagulo ng inyong bahay. Sira-sira ang mga muwebles, basag ang mga kasangkapan sa kusina, at punit-punit ang kurtina. Parang dinaanan ng bagyo ang bahay ninyo. Sasabihin mo ba, “Bakit ginawa ito ng asawa ko?” O itatanong mo, “Sino ang gumawa nito?” Tiyak na ang ikalawang tanong ang agad na papasok sa isip mo. Bakit? Dahil alam mong hindi gagawin ng mahal mong asawa ang gayong bagay.

2 Sa ngayon, ang tahanan ng sangkatauhan ay sinira ng polusyon, karahasan, at imoralidad. Bilang mga estudyante ng Bibliya, alam natin na imposibleng si Jehova ang sanhi ng mga problemang ito. Nilalang niya ang planetang ito para maging napakagandang paraiso. (Gen. 2:8, 15) Si Jehova ay Diyos ng pag-ibig. (1 Juan 4:8) Natutuhan natin sa pag-aaral ng Bibliya kung sino ang talagang sanhi ng karamihan sa mga problema ng daigdig—si Satanas na Diyablo, “ang tagapamahala ng sanlibutan.”—Juan 14:30; 2 Cor. 4:4.

3. Paano maaaring mapilipit ang ating kaisipan?

3 Gayunman, hindi natin puwedeng isisi kay Satanas ang lahat ng ating problema. Bakit? Dahil ang ilan dito ay resulta ng sarili nating mga pagkakamali. (Basahin ang Deuteronomio 32:4-6.) Maaaring tanggap natin iyan, pero dahil sa ating di-kasakdalan, baka magkaroon tayo ng pilipit na kaisipan na aakay sa atin sa landasing hahantong sa kapahamakan. (Kaw. 14:12) Paano? Sa halip na isisi sa ating sarili o kay Satanas ang ating mga problema, baka si Jehova na ang sisihin natin. Baka nga ‘magngalit pa tayo laban kay Jehova mismo.’—Kaw. 19:3.

4, 5. Paano maaaring ‘magngalit laban kay Jehova’ ang isang Kristiyano?

 4 Posible ba talagang ‘magngalit tayo laban kay Jehova’? Tiyak na walang mangyayari kung gagawin natin iyan. (Isa. 41:11) Ang sabi nga ng isang makata: “Hindi makaaabot sa Diyos ang iyong mga suntok.” Baka hindi nga natin deretsahang sasabihin na may reklamo tayo laban kay Jehova. Pero sinasabi ng Kawikaan 19:3 na ang kamangmangan ng tao “ang pumipilipit sa kaniyang lakad, kung kaya ang kaniyang puso ay nagngangalit laban kay Jehova mismo.” Oo, sa kaniyang puso, puwedeng magngalit ang isa laban kay Jehova. Mahahalata’t mahahalata iyan sa kaniya. Ang isa ay posibleng magkimkim ng sama ng loob laban kay Jehova. Sa kalaunan, ang taong iyon ay maaaring lumayo sa kongregasyon o hindi lubusang sumuporta sa mga kaayusan para sa pagsamba kay Jehova.

5 Ano ang posibleng mag-udyok sa atin na ‘magngalit laban kay Jehova’? Paano natin maiiwasan ang silong iyan? Napakahalagang malaman ang sagot sa mga tanong na ito. Kaugnayan natin kay Jehova ang nakataya!

ANO ANG POSIBLENG MAG-UDYOK SA ATIN NA ‘MAGNGALIT LABAN KAY JEHOVA’?

6, 7. Noong panahon ni Moises, bakit nagreklamo ang mga Israelita laban kay Jehova?

6 Ano ang posibleng mag-udyok sa puso ng isang tapat na lingkod ni Jehova na magreklamo laban sa kaniyang Diyos? Isaalang-alang natin ang limang salik at suriin ang mga halimbawa sa Bibliya na nagpapakita kung paano nahulog ang ilan sa ganitong silo.—1 Cor. 10:11, 12.

Maaari kang maapektuhan ng pakikinig sa negatibong pananalita ng iba (Tingnan ang parapo 7)

7 Maaari tayong maapektuhan ng negatibong pananalita ng iba. (Basahin ang Deuteronomio 1:26-28.) Hindi pa natatagalan mula nang iligtas ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Ehipto. Nagpadala si Jehova ng sampung salot sa mapaniil na bansang iyon at pagkatapos ay nilipol si Paraon at ang kaniyang hukbong militar sa Dagat na Pula. (Ex. 12:29-32, 51; 14:29-31; Awit 136:15) Malapit na sanang pumasok sa Lupang Pangako ang bayan ng Diyos. Pero sa kritikal na panahong iyon, nagreklamo ang mga Israelita laban kay Jehova. Bakit sila nawalan ng pananampalataya? Pinanghinaan sila ng loob dahil sa negatibong ulat ng ilan na isinugo para maniktik sa lupain. (Bil. 14:1-4) Ano ang resulta? Isang buong salinlahi ang hindi pinahintulutang pumasok sa “mabuting lupain.” (Deut. 1:34, 35) May pagkakataon ba na dahil sa negatibong pananalita ng iba ay humihina ang ating pananampalataya at nagrereklamo tayo sa pakikitungo sa atin ni Jehova?

8. Noong panahon ni Isaias, bakit sinisi ng bayan ng Diyos si Jehova?

8 Puwedeng manghina ang ating loob dahil sa mga problema at paghihirap. (Basahin ang Isaias 8:21, 22.) Noong panahon ni Isaias, nasa kagipitan ang bansang Juda. Napalilibutan sila ng mga kaaway. Nagkakaubusan ng pagkain. Marami ang nagugutom. Pero ang mas malala, may espirituwal na taggutom sa lupain. (Amos 8:11) Gayunman, sa halip na humingi ng tulong kay Jehova, ‘isinumpa’ nila ang kanilang hari at ang kanilang Diyos. Oo, si Jehova ang sinisi nila sa kanilang problema. Kapag dumaranas tayo ng trahedya o personal na mga problema, sinasabi rin ba natin sa ating puso, ‘Nasaan si Jehova nang kailangan ko siya?’

9. Bakit nagkaroon ng maling kaisipan ang mga Israelita noong panahon ni Ezekiel?

9 Hindi natin alam ang lahat ng detalye. Noong panahon ni Ezekiel, palibhasa’y hindi alam ng mga Israelita ang lahat ng detalye, inisip nila na ang daan ni Jehova ay “hindi nakaayos nang wasto.” (Ezek. 18:29) Nag-asta silang mga hukom. Itinuring nila na ang kanilang mga pamantayan ng katarungan ay nakahihigit sa pamantayan ni Jehova at hinatulan siya batay sa limitado nilang pagkaunawa sa mga pangyayari. Kung hindi natin  lubusang nauunawaan ang isang ulat ng Bibliya o ang mga nangyayari sa ating buhay, iisipin ba natin na ang daan ni Jehova ay hindi makatarungan, o “hindi nakaayos nang wasto”?—Job 35:2.

10. Sa paanong paraan natutularan ng isang tao ang masamang halimbawa ni Adan?

10 Isinisisi natin sa iba ang ating mga kasalanan at pagkakamali. Nang magkasala ang unang taong si Adan, sinisi niya ang Diyos. (Gen. 3:12) Bagaman sinadya ni Adan na suwayin ang utos ng Diyos at alam niya ang kahihinatnan nito, si Jehova ang sinisi niya. Para bang sinasabi niya na binigyan siya ni Jehova ng masamang asawa. Mula noon, may iba pang tumulad sa ginawa ni Adan—isinisi nila sa Diyos ang ginawa nilang mga pagkakamali. Makabubuting itanong natin, ‘Dahil ba sa pagkadismaya ko sa aking mga pagkakamali, iisipin ko nang napakahigpit ng mga pamantayan ni Jehova?’

11. Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Jonas?

11 Masyado tayong nagpopokus sa sarili. Hindi nagustuhan ni propeta Jonas ang desisyon ni Jehova na pagpakitaan ng awa ang mga Ninevita. (Jon. 4:1-3) Bakit? Malamang na inisip ni Jonas na mapapahiya siya kapag hindi nangyari ang inihayag niyang pagkawasak ng lunsod. Dahil sa sobrang pagkabahala sa kaniyang reputasyon, nakalimutan na niyang magpakita ng awa sa nagsisising mga Ninevita. Posible kayang labis din tayong magpokus sa ating sarili at ‘magngalit laban kay Jehova’ dahil hindi pa niya pinasasapit ang wakas? Kung maraming taon na nating ipinangangaral na malapit na ang araw ni Jehova, madidismaya ba tayo sa kaniya kapag may nanunuya sa atin sa paghahayag ng mensahe ng Bibliya?—2 Ped. 3:3, 4, 9.

KUNG PAANO NATIN MAIIWASANG ‘MAGNGALIT LABAN KAY JEHOVA’

12, 13. Kung nagkakaroon na tayo ng tendensiyang kuwestiyunin ang ilang ginagawa ni Jehova, ano ang dapat nating gawin?

12 Ano ang puwede nating gawin kung nagkakaroon na tayo ng tendensiyang kuwestiyunin ang ilang ginagawa ni Jehova? Tandaan na hindi isang katalinuhan na gawin iyan. Ganito ang ibang salin sa Kawikaan 19:3: “Ang kamangmangan ng tao ang nagwawasak  sa sariling buhay, ngunit ang Panginoon ang kanyang kinapopootan.” (Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Kaya isaalang-alang natin ngayon ang limang bagay na tutulong sa atin na iwasang sisihin si Jehova kapag napapaharap sa mga kabiguan sa buhay.

13 Panatilihing matibay ang iyong kaugnayan kay Jehova. Maiiwasan natin ang tendensiyang magngalit laban kay Jehova kung mananatili tayong malapít sa kaniya. (Basahin ang Kawikaan 3:5, 6.) Kailangan nating magtiwala kay Jehova. Huwag nating isipin na mas marunong tayo sa kaniya o kaya’y labis na magpokus sa ating sarili. (Kaw. 3:7; Ecles. 7:16) Ang ganitong saloobin ay tutulong sa atin na huwag sisihin si Jehova kapag may masamang nangyayari sa atin.

14, 15. Ano ang tutulong para hindi tayo maapektuhan ng negatibong pananalita ng iba?

14 Huwag magpaapekto sa negatibong pananalita ng iba. Maraming dahilan ang mga Israelita para magtiwalang kaya silang dalhin ni Jehova sa Lupang Pangako. (Awit 78:43-53) Pero nang marinig ang negatibong ulat ng sampung di-tapat na tiktik, hindi nila “inalaala ang kaniyang kamay.” (Awit 78:42) Kung bubulay-bulayin natin ang mga gawain ni Jehova at aalalahanin ang lahat ng mabubuting bagay na ginawa niya para sa atin, titibay ang ating kaugnayan sa kaniya. Makatutulong ito para hindi masira ng negatibong pangmalas ng iba ang ating kaugnayan kay Jehova.—Awit 77:11, 12.

15 Paano naman kung negatibo ang pangmalas natin sa ating mga kapananampalataya? Maaari din itong makaapekto sa kaugnayan natin kay Jehova. (1 Juan 4:20) Nang kuwestiyunin ng mga Israelita ang pag-aatas kay Aaron, itinuring iyon ni Jehova na pagbubulung-bulungan laban sa Kaniya. (Bil. 17:10) Kaya kung magrereklamo tayo at magbubulung-bulungan tungkol sa mga taong ginagamit ni Jehova para pangasiwaan ang kaniyang organisasyon sa lupa, para na rin tayong nagrereklamo laban kay Jehova.—Heb. 13:7, 17.

16, 17. Ano ang dapat nating tandaan kapag nagkakaproblema tayo?

16 Tandaan na hindi si Jehova ang sanhi ng ating mga problema. Bagaman nagrebelde kay Jehova ang mga Israelita noong panahon ni Isaias, gusto pa rin Niya silang tulungan. (Isa. 1:16-19) Anumang problema ang mapaharap sa atin, nakaaaliw malaman na nagmamalasakit si Jehova at gusto niya tayong tulungan. (1 Ped. 5:7) Ipinangako pa nga niya na bibigyan niya tayo ng lakas para patuloy na makapagbata.—1 Cor. 10:13.

17 Kung biktima tayo ng kawalang-katarungan—gaya ng tapat na si Job—tandaan na hindi si Jehova ang dapat sisihin. Kinapopootan ni Jehova ang kawalang-katarungan; iniibig niya ang katuwiran. (Awit 33:5) Tularan nawa natin ang saloobin ng kaibigan ni Job na si Elihu, na nagsabi: “Malayong gumawi nang may kabalakyutan ang tunay na Diyos, at na gumawi nang di-makatarungan ang Makapangyarihan-sa-lahat!” (Job 34:10) Hindi si Jehova ang sanhi ng ating mga problema. Sa halip, ibinibigay niya sa atin ang “bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo.”—Sant. 1:13, 17.

18, 19. Bakit hindi natin dapat pag-alinlanganan si Jehova? Magbigay ng ilustrasyon.

18 Huwag pag-alinlanganan si Jehova. Ang Diyos ay sakdal, at ang mga kaisipan niya ay mas mataas kaysa sa atin. (Isa. 55:8, 9) Kung mapagpakumbaba tayo, kikilalanin natin na limitado ang ating kaunawaan. (Roma 9:20) Kadalasan, hindi natin alam ang lahat ng detalye sa isang sitwasyon. Malamang na sasang-ayon ka sa kawikaang ito: “Sa simula’y waring tama ang unang magdulog ng usapin, hanggang dumating ang kaaway at masuri siya.”—Kasabihan [o, Kawikaan] 18:17, Biblia ng Sambayanang Pilipino.

19 Ipagpalagay nang isang pinagtitiwalaang kaibigan ang gumagawa ng isang bagay  na hindi natin naiintindihan o sa tingin natin ay kakaiba, iisipin ba natin agad na may ginagawa siyang masama? O magtitiwala pa rin tayo sa kaniya, lalo pa’t matagal na natin siyang kilala? Kung may gayon tayong tiwala sa ating di-sakdal na mga kaibigan, hindi ba’t lalo tayong dapat magtiwala sa ating makalangit na Ama, na ang mga lakad at kaisipan ay mas mataas kaysa sa atin?

20, 21. Bakit hindi natin dapat sisihin si Jehova sa ating mga problema?

20 Tandaan kung sino ang dahilan ng ating mga problema. Kung minsan, tayo mismo ang may kagagawan ng ating mga problema. Dapat nating aminin iyan. (Gal. 6:7) Huwag isisi kay Jehova ang mga problema mo. Bakit hindi iyan makatuwiran? Pag-isipan ito: Puwedeng tumakbo nang napakabilis ang isang kotse. Ipagpalagay nang pinatakbo ito ng drayber sa may kurbada nang lampas sa speed limit, at bumangga ito. Dapat bang sisihin sa aksidenteng ito ang gumawa ng kotse? Siyempre hindi! Sa katulad na paraan, nilalang tayo ni Jehova na may kalayaang magpasiya. Pero binigyan din niya tayo ng mga tagubilin kung paano gagawa ng matatalinong desisyon. Kaya bakit natin sisisihin ang ating Maylalang sa ating mga pagkakamali?

21 Siyempre hindi lahat ng problema natin ay resulta ng ating mga pagkakamali. Kung minsan, nagiging biktima tayo ng ‘panahon at ng di-inaasahang pangyayari.’ (Ecles. 9:11) Pero huwag nating kalilimutan na si Satanas na Diyablo ang pangunahing sanhi ng kabalakyutan. (1 Juan 5:19; Apoc. 12:9) Siya ang kaaway—hindi si Jehova!—1 Ped. 5:8.

PAKAINGATAN ANG IYONG KAUGNAYAN KAY JEHOVA

Pinagpala sina Josue at Caleb dahil nagtiwala sila kay Jehova (Tingnan ang parapo 22)

22, 23. Ano ang dapat nating tandaan kung nanghihina ang loob natin dahil sa mga problema?

22 Kapag may mabibigat kang problema, alalahanin sina Josue at Caleb. Di-gaya ng sampung iba pang tiktik, ang dalawang tapat na lalaking ito ay nagbigay ng positibong ulat. (Bil. 14:6-9) Nanampalataya sila kay Jehova. Sa kabila nito, kinailangan nilang magpagala-gala sa ilang sa loob ng 40 taon kasama ng iba pang mga Israelita. Nagreklamo ba o nagalit sina Josue at Caleb, at inisip na hindi ito makatarungan? Hindi. Nagtiwala sila kay Jehova. Pinagpala ba sila? Oo! Isang buong henerasyon ng mga Israelita ang namatay sa ilang, pero nakapasok ang dalawang lalaking ito sa Lupang Pangako. (Bil. 14:30) Pagpapalain din tayo ni Jehova kung hindi tayo “manghihimagod” sa paggawa ng kaniyang kalooban.—Gal. 6:9; Heb. 6:10.

23 Kung nanghihina ang loob mo dahil sa mga problema, di-kasakdalan ng iba, o ng sarili mong di-kasakdalan, ano ang dapat mong gawin? Magpokus sa kahanga-hangang mga katangian ni Jehova. Bulay-bulayin ang pag-asang ibinigay niya sa iyo. Tanungin ang sarili, ‘Paano na ako kung wala si Jehova?’ Manatiling malapít sa kaniya, at huwag hayaang magngalit ang iyong puso laban kay Jehova!