Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isaalang-alang at Patibaying-Loob ang Isa’t Isa

Isaalang-alang at Patibaying-Loob ang Isa’t Isa

“Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.”—HEB. 10:24.

1, 2. Ano ang nakatulong sa 230 Saksi ni Jehova na makaligtas sa death march sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II?

NANG pabagsak na ang rehimeng Nazi sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ipinag-utos na patayin ang libu-libong bilanggo na nakakulong pa rin sa mga kampong piitan. Ang mga bilanggo sa kampo sa Sachsenhausen ay dadalhin sa mga daungan at isasakay sa mga barkong palulubugin sa dagat. Bahagi ito ng plano na nang maglaon ay tinawag na death march.

2 Ang 33,000 bilanggo mula sa kampong piitan sa Sachsenhausen ay maglalakad nang 250 kilometro hanggang sa daungan sa Lübeck, isang lunsod sa Germany. Kasama rito ang 230 Saksi ni Jehova mula sa anim na bansa, na pinalakad nang magkakasama. Lahat ng bilanggo ay nanghihina dahil sa gutom at sakit. Paano nakapanatiling buháy ang ating mga kapatid? “Patuloy naming pinatibay-loob ang isa’t isa upang magpatuloy sa paglakad,” ang sabi ng isa sa kanila. Ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa, bukod pa sa bigay-Diyos na “lakas na higit sa karaniwan,” ang nakatulong sa kanila na makaligtas sa malagim na karanasang iyon.—2 Cor. 4:7.

3. Bakit kailangan nating patibayin ang isa’t isa?

3 Sa ngayon, bagaman wala tayo sa gayong death march, napapaharap tayo sa maraming hamon. Matapos itatag ang Kaharian ng Diyos noong 1914, inihagis si Satanas dito sa lupa, kaya siya’y “may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apoc. 12:7-9, 12) Habang papalapit ang Armagedon, sinusubok at ginigipit tayo ni Satanas para pahinain tayo sa espirituwal. Nariyan din ang stress sa pang-araw-araw na buhay. (Job 14:1; Ecles. 2:23) Kung minsan, dahil sa patung-patong na problema, baka masagad ang ating emosyonal at espirituwal na lakas at madaig tayo ng pagkasira ng loob. Kuning halimbawa ang karanasan ng isang brother na sa nagdaang ilang dekada ay nakatulong sa marami sa espirituwal. Nang magkaedad ang  brother na ito, nagkasakit siya at ang asawa niya kaya labis siyang nasiraan ng loob. Tulad niya, lahat tayo ay nangangailangan ng “lakas na higit sa karaniwan” mula kay Jehova at ng pampatibay-loob mula sa isa’t isa.

4. Para mapatibay natin ang iba, anong payo ni apostol Pablo ang dapat nating pag-isipan?

4 Para mapatibay natin ang iba, dapat nating pag-isipan ang payo ni apostol Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo. Sinabi niya: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Heb. 10:24, 25) Paano natin maikakapit ang mahalagang payong ito?

“ISAALANG-ALANG . . . ANG ISA’T ISA”

5. Ano ang ibig sabihin ng ‘pagsasaalang-alang sa isa’t isa’? Paano natin ito magagawa?

5 Ang ‘pagsasaalang-alang sa isa’t isa’ ay nangangahulugang “pag-alam sa pangangailangan ng iba, pag-iisip tungkol sa kanila.” Malalaman ba natin ang pangangailangan ng iba kung saglit lang natin silang babatiin sa Kingdom Hall, o nakikipag-usap nga tayo pero tungkol lang sa mga bagay na hindi mahalaga? Hindi nga. Siyempre pa, ayaw naman nating manghimasok sa buhay ng iba. (1 Tes. 4:11; 1 Tim. 5:13) Ngunit para mapatibay natin ang mga kapatid, kailangang makilala natin silang mabuti—ang kanilang kalagayan sa buhay, ugali, espirituwalidad, magagandang katangian, at mga kahinaan. Dapat madama ng mga kapatid na mga kaibigan nila tayo at na mahal natin sila. Kaya kailangan tayong maglaan ng panahon sa kanila—hindi lang kapag mayroon silang problema kundi sa ibang pagkakataon din.—Roma 12:13.

6. Ano ang makakatulong sa isang elder para ‘maisaalang-alang’ ang mga kapatid na nasa kaniyang pangangalaga?

6 Pinapayuhan ang mga elder sa kongregasyon na ‘pastulan ang kawan ng Diyos na nasa kanilang pangangalaga’ at gawin iyon nang maluwag sa kalooban at may pananabik. (1 Ped. 5:1-3) Pero paano sila mabisang makapagpapastol kung hindi nila talaga kilala ang mga kapatid? (Basahin ang Kawikaan 27:23.) Kung ang mga elder ay naglalaan ng panahon sa mga kapatid at nasisiyahang makasama sila, mas malamang na lapitan sila ng mga kapatid kapag nangangailangan ng tulong ang mga ito. Mas magiging madali rin sa mga kapatid na ipagtapat ang kanilang niloloob at ikinababahala, na makakatulong naman sa mga elder para ‘maisaalang-alang’ sila at makapagbigay ng angkop na tulong.

7. Ano ang dapat nating isaisip kapag nakapagbibitiw ng “padalus-dalos na pananalita” ang mga nasisiraan ng loob?

7 Sa kaniyang liham sa kongregasyon sa Tesalonica, sinabi ni Pablo: “Alalayan ang mahihina.” (Basahin ang 1 Tesalonica 5:14.) Kabilang sa “mahihina” ang mga nanlulumo at nasisiraan ng loob. Sinasabi sa Kawikaan 24:10: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” Kapag lumung-lumo ang isa, baka makapagbitiw siya ng “padalus-dalos na pananalita.” (Job 6:2, 3) Sa ‘pagsasaalang-alang’ sa gayong mga tao, kailangan nating isaisip na posibleng hindi nila sinasadyang magbitiw ng gayong mga salita. Personal itong naranasan ni Rachelle, na ang ina ay nagkaroon ng matinding depresyon. Sinabi niya: “Madalas magbitiw si Inay ng masasakit na salita. Sa ganitong mga pagkakataon, iniisip ko na lang ang tunay na pagkatao ni Inay—mapagmahal, mabait, at mapagbigay. Nalaman ko na ang mga taong nanlulumo ay nakapagsasalita ng mga bagay na hindi nila sinasadya. Mas lalala lang ang sitwasyon kapag ginantihan mo ng masama ang masama.” Ayon sa Kawikaan 19:11: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at kagandahan sa ganang kaniya na palampasin ang pagsalansang.”

8. Kanino natin lalo nang dapat “pagtibayin” ang ating pag-ibig, at bakit?

 8 Paano natin ‘maisasaalang-alang’ ang isa na nanlulumo pa rin at hiyang-hiya dahil sa nagawang pagkakasala, kahit may ginawa na siyang mga hakbang para maituwid ang sitwasyon? Tungkol sa isang kapatid sa Corinto na nagkasala at nagsisi, sumulat si Pablo: “May-kabaitan ninyo siyang patawarin at aliwin, upang sa paanuman ang gayong tao ay huwag madaig ng kaniyang labis-labis na kalungkutan. Kaya nga pinapayuhan ko kayo na pagtibayin ang inyong pag-ibig sa kaniya.” (2 Cor. 2:7, 8) Dito, ang salitang “pagtibayin” ay nangangahulugang “ipakita” o “patunayan.” Huwag ipagpalagay na alam na ng taong iyon na minamahal at pinagmamalasakitan natin siya. Kailangan niyang makita iyon sa ating sinasabi at ginagawa.

“MAG-UDYUKAN SA PAG-IBIG AT SA MAIINAM NA GAWA”

9. Ano ang ibig sabihin ng payo na “mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa”?

9 “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa,” ang payo ni Pablo. Kailangan nating pasiglahin ang ating mga kapatid na magpakita ng pag-ibig at makibahagi sa maiinam na gawa. Bilang paglalarawan: Kapag malapit nang mamatay ang apoy, kailangan nating paypayan ang baga para magningas ito. (2 Tim. 1:6) Sa katulad na paraan, mapasisigla natin ang ating mga kapatid para patuloy silang maglingkod kay Jehova nang may sigasig. Ang isang magagawa natin ay bigyan sila ng angkop na komendasyon.

Pasiglahin ang iba na sumama sa iyo sa paglilingkod sa larangan

10, 11. (a) Sinu-sino ang nangangailangan ng komendasyon? (b) Magbigay ng halimbawa kung paano nakakatulong ang komendasyon sa isa na ‘nakagawa ng maling hakbang.’

10 Lahat tayo ay nangangailangan ng komendasyon, nasisiraan man tayo ng loob o hindi. “Kailanman ay hindi nasabi ng aking ama na may mabuti akong ginawa,” ang sabi ng isang elder. “Kaya lumaki akong walang pagpapahalaga sa sarili. . . . Bagaman 50 taóng gulang na ako ngayon, pinahahalagahan ko pa rin ang pagsasabi ng mga kaibigan na nagagampanan kong mabuti ang pagiging isang elder. . . . Natutuhan ko buhat sa sariling karanasan kung gaano kahalaga ang  magbigay ng pampatibay-loob sa iba, at sinisikap kong gawin iyon.” Mapasisigla ng komendasyon ang lahat—kahit ang mga payunir, mga may-edad, at ang mga nasisiraan ng loob.—Roma 12:10.

11 Kapag ‘ang mga may espirituwal na kuwalipikasyon ay nagsisikap na ibalik sa ayos ang isang taong nakagawa ng maling hakbang,’ mapakikilos ng maibiging payo at angkop na komendasyon ang nagkasala para muling makibahagi sa maiinam na gawa. (Gal. 6:1) Nangyari ito kay Miriam. Nanlumo nang husto ang sister na ito nang iwan ng ilang matatalik niyang kaibigan ang katotohanan. Noong panahon ding iyon, nagka-brain hemorrhage ang tatay niya. Dahil dito, na-depress si Miriam. Nakipag-boyfriend siya sa isang di-kapananampalataya sa pag-aakalang ito ang makapagpapasaya sa kaniya. Pero sa halip, nadama niyang hindi na siya karapat-dapat sa pag-ibig ni Jehova, at naisip niyang iwan ang katotohanan. Nang ipaalala sa kaniya ng isang elder ang tapat niyang paglilingkod noon, naantig ang damdamin niya. Tinanggap ni Miriam ang tulong ng mga elder at tiniyak nila sa kaniya na mahal siya ni Jehova. Kaya naman nanumbalik ang pag-ibig niya sa Diyos. Nakipaghiwalay siya sa kaniyang boyfriend at nagpatuloy sa paglilingkod kay Jehova.

Pasiglahin ang iba na magpakita ng pag-ibig at makibahagi sa maiinam na gawa

12. Kapag pinasisigla natin ang iba, bakit hindi tamang ikumpara siya sa ibang kapatid, punahin siya, o konsensiyahin?

12 Kung ikukumpara natin sa iba ang isang kapatid para ipadama ang pagkukulang niya, pupunahin siya dahil hindi niya naaabot ang itinakda nating pamantayan, o kokonsensiyahin siya dahil kulang ang nagagawa niya, baka pansamantala siyang mapakilos pero babalik din siya sa dating gawi. Samantala, kung ang kapatid ay bibigyan ng komendasyon at ipapaalala sa kaniya ang pag-ibig niya sa Diyos, maaari itong magbunga ng nagtatagal at positibong resulta.—Basahin ang Filipos 2:1-4.

‘PATIBAYING-LOOB ANG ISA’T ISA’

13. Ano ang kasama sa pagpapatibay-loob sa iba? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulong ito.)

13 Kailangan nating ‘patibaying-loob ang isa’t isa, lalung-lalo na samantalang nakikita natin na papalapit na ang araw.’ Kasama sa pagpapatibay-loob sa iba ang pagpapasigla sa kanila na magpatuloy sa paglilingkod sa Diyos. Kung ang pag-uudyok sa pag-ibig at maiinam na gawa ay maikukumpara sa pagpapaningas sa apoy na malapit nang mamatay, ang pagpapatibay-loob naman ay maikukumpara sa pagdadagdag ng gatong sa apoy para patuloy itong magningas o magliyab. Kaya kasama sa pagpapatibay-loob sa iba ang pagpapalakas at pag-aliw sa isa na nasisiraan ng loob. Kapag pinatitibay natin ang loob ng gayong tao, dapat na magiliw at mahinahon ang ating pananalita. (Kaw. 12:18) Dapat din tayong maging “matulin sa pakikinig” at “mabagal sa pagsasalita.” (Sant. 1:19) Kung makikinig tayo at magiging maunawain, malamang na maintindihan natin kung bakit nasisiraan ng loob ang ating kapatid at mabigyan natin siya ng payo na makakatulong sa kaniya.

Makipagsamahan sa mga kapatid sa kongregasyon

14. Paano natulungan ng isang elder ang isang brother na nanghina?

 14 Pansinin kung paano natulungan ng isang mapagmalasakit na elder ang isang brother na ilang taon nang di-aktibo. Habang pinakikinggan ng elder ang brother na iyon, nakita niyang mahal na mahal pa rin nito si Jehova. Pinag-aaralan nitong mabuti ang bawat isyu ng Bantayan at sinisikap na regular na makadalo sa mga pulong. Pero natisod pala siya sa ilang kapatid sa kongregasyon. Naging maunawain ang elder, pinakinggan ang brother nang hindi nanghuhusga, at ipinakitang nagmamalasakit siya rito at sa pamilya nito. Unti-unti, napag-isip-isip ng brother na hinahayaan niyang makahadlang sa paglilingkod niya sa Diyos ang kaniyang masasamang karanasan. Niyaya ng elder ang brother na sumama sa kaniya sa pangangaral. Sa tulong ng elder na iyon, muling naging aktibo sa ministeryo ang brother at nang maglaon ay muling nakapaglingkod bilang elder.

Matiyagang pakinggan ang isa na nangangailangan ng pampatibay-loob (Tingnan ang parapo 14, 15)

15. Ano ang matututuhan natin kay Jehova tungkol sa pagpapatibay sa mga nanlulumo?

15 Ang isang taong nasisiraan ng loob ay maaaring hindi agad sumigla o tumugon sa ibinigay na tulong. Baka kailangan natin siyang patuloy na suportahan. Sinabi ni Pablo: “Patuloy na alalayan ang mahihina, maging matiisin sa lahat.” (1 Tes. 5:14, An American Translation) Kaya sa halip na sumuko agad, patuloy na tulungan ang mahihina. Naging matiyaga si Jehova sa pakikitungo sa kaniyang sinaunang mga lingkod na nasiraan ng loob. Halimbawa, naging napakabait ni Jehova kay Elias at inunawa niya ang damdamin nito. Inilaan ni Jehova ang kailangan ng propeta para patuloy itong makapaglingkod sa kaniya. (1 Hari 19:1-18) Dahil taimtim na nagsisi si David, pinatawad siya ni Jehova. (Awit 51:7, 17) Tinulungan din ng Diyos ang manunulat ng Awit 73, na muntik nang huminto sa paglilingkod. (Awit 73:13, 16, 17) Si Jehova ay magandang-loob at mabait sa atin, lalo na kapag nanlulumo tayo. (Ex. 34:6) Ang kaniyang kaawaan ay “bago sa bawat umaga,” at “tiyak na hindi [ito] magwawakas.” (Panag. 3:22, 23) Inaasahan ni Jehova na tutularan natin siya at magiliw na pakikitunguhan ang mga nanlulumo.

PATIBAYIN ANG ISA’T ISA NA MANATILI SA DAAN NG BUHAY

16, 17. Habang papalapit ang wakas ng sistemang ito, ano ang dapat na maging determinasyon natin, at bakit?

16 Sa 33,000 bilanggo na lumabas sa kampong piitan sa Sachsenhausen, libu-libo ang namatay. Pero ang bawat isa sa 230 Saksi ni Jehova ay nakaligtas. Malaki ang naitulong ng pampatibay-loob at suporta nila sa isa’t isa para makaligtas sa death march.

17 Tayo ngayon ay nasa “daan na umaakay patungo sa buhay.” (Mat. 7:14) Hindi na magtatagal, lahat ng mananamba ni Jehova ay magkakasamang lalakad papasók sa bagong sanlibutan ng katuwiran. (2 Ped. 3:13) Maging determinado nawa tayong tulungan ang isa’t isa na manatili sa daang patungo sa buhay na walang hanggan.