Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Magulang—Sanayin ang Inyong Anak Mula sa Pagkasanggol

Mga Magulang—Sanayin ang Inyong Anak Mula sa Pagkasanggol

“NARITO! Ang mga anak ay mana mula kay Jehova; ang bunga ng tiyan ay isang gantimpala,” ang sabi ng Bibliya. (Awit 127:3) Kaya hindi kataka-takang napakasaya ng mga magulang na Kristiyano kapag isinilang ang kanilang anak.

Ang kagalakang ito sa pagkakaroon ng anak ay may kasamang mabigat na responsibilidad. Para lumaking malusog ang isang bata, kailangan niya ng masustansiyang pagkain araw-araw. Para makapanindigan naman siya sa tunay na pagsamba, kailangan niya ang espirituwal na pagkain at patnubay ng mga magulang na nagsisikap na itimo sa kaniyang puso ang makadiyos na mga simulain. (Kaw. 1:8) Kailan dapat simulan ang gayong pagsasanay, at ano ang dapat na kasama rito?

 KAILANGAN NG MGA MAGULANG NG TAGUBILIN

Pansinin ang karanasan ni Manoa, isang Danita na nakatira sa bayan ng Zora sa sinaunang Israel. Siya at ang kaniyang asawa ay hindi magkaanak, pero sinabi ng anghel ni Jehova sa asawa ni Manoa na magkakaroon sila ng isang anak na lalaki. (Huk. 13:2, 3) Siguradong tuwang-tuwa ang mag-asawa nang malaman ito. Pero may ikinababahala sila. Kaya nanalangin si Manoa: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova. Ang lalaki ng tunay na Diyos na kasusugo mo lamang, pakisuyo, paparituhin mo siyang muli sa amin at turuan niya kami kung ano ang dapat naming gawin sa bata na ipanganganak.” (Huk. 13:8) Nababahala ang mag-asawa kung paano nila palalakihin ang kanilang anak. Tiyak na itinuro nila sa kanilang anak na si Samson ang kautusan ng Diyos, at nagtagumpay naman ang kanilang pagsisikap. “Sa kalaunan ay pinasimulan [si Samson na] udyukan ng espiritu ni Jehova,” ang sabi ng Bibliya. Kaya nakagawa si Samson ng maraming makapangyarihang gawa bilang isa sa mga hukom sa Israel.—Huk. 13:25; 14:5, 6; 15:14, 15.

Nanalangin si Manoa para humingi ng tagubilin kung paano palalakihin ang magiging anak nila

Gaano kaaga dapat simulan ang pagsasanay sa anak? “Mula sa pagkasanggol,” si Timoteo ay sinanay sa “banal na mga kasulatan” ng kaniyang inang si Eunice at lolang si Loida. (2 Tim. 1:5; 3:15) Oo, sanggol pa lang si Timoteo, sinanay na siya sa Kasulatan.

Isang katalinuhan para sa mga magulang na Kristiyano na manalangin para sa patnubay at patiunang magplano para masimulan nila ang pagsasanay sa kanilang anak “mula sa pagkasanggol.” “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan,” ang sabi sa Kawikaan 21:5. Bago pa man isilang ang kanilang anak, siguradong nagpaplano na nang husto ang mga magulang. Baka mayroon pa nga silang listahan ng mga bagay na kakailanganin ng kanilang sanggol. Mahalaga rin na planuhin nila ang kanilang mga espirituwal na aktibidad. Dapat na ang layunin nila ay simulan ang gayong pagsasanay sa kanilang anak mula sa pagkasanggol.

Sinabi sa aklat na Early Childhood Counts—A Programming Guide on Early Childhood Care for Development: “Napakahalaga sa pagdebelop ng utak ang unang mga buwan pagkasilang ng sanggol. Sa panahong ito, ang bilang ng mga synapse—mga koneksiyon na mahalaga sa pagkatuto—ay dumarami nang dalawampung ulit.” Kaya sa maikling panahong ito ng pagdebelop ng kaisipan ng kanilang anak, napakahalagang simulan na ng mga magulang ang pagkikintal ng espirituwal na mga ideya at pamantayan sa kaniyang isip!

Sinabi ng isang sister na regular pioneer tungkol sa kaniyang anak: “Isang buwan pa lang ang anak ko, isinasama ko na siya sa ministeryo. Kahit hindi niya naiintindihan ang nangyayari, naniniwala ako na ang maagang pagsasanay na ito ay nakatulong sa kaniya. Nang magdalawang taóng gulang siya, nakapag-aalok na siya ng mga tract sa mga nakakausap namin sa larangan.”

Maganda ang resulta ng maagang pagsasanay sa anak. Pero alam ng mga magulang na hindi madali ang pagtuturo ng espirituwal na mga bagay sa kanilang mga anak.

‘BILHIN ANG NAAANGKOP NA PANAHON’

Maaaring malaking hamon sa mga magulang ang pagiging malikot at mainipin ng mga bata. Madaling gumala ang atensiyon nila. Dahil likas na mausisa, gustung-gusto nilang alamin ang tungkol sa mga nakikita nila sa paligid. Ano ang puwedeng gawin ng mga magulang para matulungan ang kanilang anak na magpokus sa itinuturo nila?

Pansinin ang sinabi ni Moises. Mababasa sa Deuteronomio 6:6, 7: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” Ang salitang “ikikintal” ay nagpapahiwatig ng ideya ng pagtuturo sa pamamagitan ng madalas na pag-uulit. Ang isang paslit ay parang isang bagong-sibol na puno na kailangang diligin nang regular. Kung nakatutulong sa mga adulto ang pag-uulit para matandaan ang mahahalagang bagay, tiyak na makatutulong din ito sa mga bata!

Kailangan ng mga magulang na maglaan ng panahon sa kanilang anak para maituro ang katotohanan mula sa Diyos. Hindi ito madaling gawin sa panahon ngayon na napakabilis lumipas ng oras. Pero ipinayo ni apostol Pablo na ‘bilhin ang naaangkop na panahon’ para sa mahahalagang Kristiyanong gawain. (Efe. 5:15, 16) Paano ito gagawin? Isang elder ang napaharap sa hamon na pagsabay-sabayin ang sekular na trabaho, pagsasanay sa anak, at pagganap sa mga teokratikong responsibilidad. Abala rin ang asawa niya bilang regular pioneer. Paano sila nakapaglalaan  ng panahon para turuan ang kanilang anak? Sinabi ng ama: “Tuwing umaga, bago ako pumasok sa trabaho, binabasahan namin siya ng kuwento mula sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya o sa buklet na Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw. Binabasahan uli namin siya sa gabi bago matulog, at kapag lumalabas kami sa larangan, isinasama namin siya. Ayaw naming sayangin ang mga unang taóng ito ng kaniyang buhay.”

‘ANG MGA ANAK AY TULAD NG MGA PALASO’

Gusto nating lumaking responsable ang ating mga anak. Pero ang pangunahin nating layunin sa pagsasanay sa kanila ay para matutuhan nilang ibigin ang Diyos nang buong puso.—Mar. 12:28-30.

Sinasabi sa Awit 127:4: “Tulad ng mga palaso sa kamay ng makapangyarihang lalaki, gayon ang mga anak ng kabataan.” Ang mga anak ay inihambing sa mga palaso na kailangang itutok nang mabuti sa target. Minsang pakawalan ng mámamanà ang palaso, hinding-hindi na niya ito mababawi. Hawak ng mga magulang ang kanilang “mga palaso”—ang mga anak—sa sandaling panahon lang. Kaya dapat nilang samantalahin ang panahong iyon para ikintal sa isip at puso ng kanilang mga anak ang makadiyos na mga simulain.

Sumulat si apostol Juan tungkol sa kaniyang espirituwal na mga anak: “Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” (3 Juan 4) Ang mga Kristiyanong magulang ay makapagpapasalamat din kapag nakikita nila ang kanilang mga anak na “patuloy na lumalakad sa katotohanan.”