Ipagbunyi sa Iyong Puso ang mga Paalaala ni Jehova
“Tinanggap ko ang iyong mga paalaala bilang pag-aari hanggang sa panahong walang takda.”—AWIT 119:111.
1. (a) Anu-ano ang reaksiyon ng mga tao sa mga paalaala, at bakit? (b) Paano maaaring makaapekto ang pride sa pagtugon ng isa kapag napayuhan?
HINDI pare-pareho ang pagtugon ng mga tao sa tagubilin. Ang paalaala ng isang may awtoridad ay maaaring malugod na tanggapin, pero kung galing ito sa isa na kapantay lang o nakabababa, baka tahasan itong tanggihan. Sari-sari din ang reaksiyon ng mga tao sa disiplina at payo. Ang isa ay maaaring manlumo, malungkot, o mapahiya kapag napayuhan, o maaari siyang mapasigla at mapakilos. Bakit iba-iba ang reaksiyon? Ang isang dahilan ay pride o pagmamataas. Oo, dahil sa pride, posibleng bale-walain ng isa ang payo at hindi makinabang dito.—Kaw. 16:18.
2. Bakit pinahahalagahan ng mga tunay na Kristiyano ang mga payo mula sa Salita ng Diyos?
2 Sa kabilang dako naman, pinahahalagahan ng mga tunay na Kristiyano ang mabubuting payo, lalo na kung batay ito sa Salita ng Diyos. Ang mga paalaala ni Jehova ay nagbibigay ng kaunawaan; tinuturuan tayo nito kung paano iiwasan ang mga silong gaya ng materyalismo, imoralidad, at pag-abuso sa droga o sa alak. (Kaw. 20:1; 2 Cor. 7:1; 1 Tes. 4:3-5; 1 Tim. 6:6-11) Bukod diyan, nagkakaroon tayo ng “mabuting kalagayan ng puso” kapag sinusunod natin ang mga paalaala ng Diyos.—Isa. 65:14.
3. Anong saloobin ng salmista ang dapat nating tularan?
3 Napakahalaga ng ating kaugnayan sa ating makalangit na Ama, at para maingatan ito, dapat nating laging sundin ang matalinong mga tagubilin ni Jehova. Angkop ngang tularan ang saloobin ng salmista na sumulat: “Tinanggap ko ang iyong mga paalaala bilang pag-aari hanggang sa panahong walang takda, sapagkat ang mga iyon ang ipinagbubunyi ng aking puso”! (Awit 119:111) Masaya ba nating sinusunod ang mga utos ni Jehova, o kung minsan ay itinuturing nating pabigat ang mga ito? Mahirap man sa atin ang tumanggap ng payo kung minsan, huwag masiraan ng loob. Puwede tayong makapaglinang ng di-natitinag na tiwala sa nakahihigit na karunungan ng Diyos! Talakayin natin ang tatlong paraan para magawa ito.
PATIBAYIN ANG PAGTITIWALA SA PAMAMAGITAN NG PANALANGIN
4. Ano ang hindi kailanman nagbago kay David?
4 Maraming mabubuti at masasamang pangyayari sa buhay ni Haring David, pero may isang bagay na hindi kailanman nagbago sa kaniya—ang kaniyang lubos na pagtitiwala sa kaniyang Maylalang. Sinabi niya: “Sa iyo, O Jehova, ay itinataas ko ang akin mismong kaluluwa. O Diyos ko, sa iyo ako naglalagak ng aking tiwala.” (Awit 25:1, 2) Ano ang nakatulong kay David para malinang ang gayong tiwala sa kaniyang makalangit na Ama?
5, 6. Ano ang ipinakikita ng Salita ng Diyos tungkol sa kaugnayan ni David kay Jehova?
5 Maraming tao ang nananalangin lang sa Diyos kapag may problema sila. Pero paano kaya kung kinakausap ka lang ng isang kaibigan kapag kailangan niya ng pera o may hihilingin siya sa iyo? Di-magtatagal, baka pagdudahan mo na kung mahal ka nga talaga ng kaibigan mo. Pero hindi ganiyan ang pakikipagkaibigan ni David kay Jehova. Kitang-kita sa kaniyang mga panalangin ang kaniyang pananampalataya at pag-ibig sa Diyos sa buong buhay niya—may problema man siya o wala.—Awit 40:8.
6 Pansinin ang sinabi ni David bilang papuri at pasasalamat kay Jehova: “O Jehova na aming Panginoon, pagkaringal ng iyong pangalan sa buong lupa, ikaw na ang dangal ay isinasalaysay sa ibabaw ng langit!” (Awit 8:1) Napansin mo ba ang malapít na kaugnayan ni David sa kaniyang makalangit na Ama? Ang pagpapahalaga ni David sa kadakilaan at karingalan ng Diyos ang nag-udyok sa kaniya na purihin si Jehova “buong araw.”—Awit 35:28.
7. Paano tayo nakikinabang sa paglapit sa Diyos sa panalangin?
7 Tulad ni David, kailangan nating regular na makipag-usap kay Jehova para mapatibay ang ating pagtitiwala sa kaniya. Sinasabi ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Sant. 4:8) Ang paglapit sa Diyos sa panalangin ay isa ring mahalagang paraan para makatanggap tayo ng banal na espiritu.—Basahin ang 1 Juan 3:22.
8. Bakit natin dapat iwasan na paulit-ulit na lang ang sinasabi natin sa panalangin?
8 Kapag nananalangin ka, paulit-ulit na lang ba ang mga sinasabi mo? Kung oo, bago ka manalangin, gumugol ng ilang sandali para pag-isipan kung ano ang gusto mong sabihin. Bilang paglalarawan: Kung pare-pareho ang sinasabi natin sa ating kaibigan o kapamilya sa tuwing makikipag-usap tayo sa kaniya, magugustuhan niya kaya iyon? Baka hindi na niya tayo pakinggan. Siyempre pa, lagi namang dinirinig ni Jehova ang taimtim na panalangin ng kaniyang mga tapat na lingkod. Pero makabubuting iwasan na iyo’t iyon din ang sinasabi natin kapag nananalangin tayo.
9, 10. (a) Ano ang maaari nating isama sa ating mga panalangin? (b) Ano ang makakatulong para maging makabuluhan ang ating mga panalangin?
9 Maliwanag, hindi dapat na mababaw o wala sa loob ang mga panalangin natin kung gusto nating mápalapít sa Diyos. Miyentras ibinubuhos natin kay Jehova ang nilalaman ng ating puso, higit tayong nápapalapít at nagtitiwala sa kaniya. Pero ano ang dapat nating isama sa ating mga panalangin? Sinasagot ito ng Salita ng Diyos: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.” (Fil. 4:6) Ang totoo, anumang may kaugnayan sa pakikipagkaibigan natin sa Diyos o sa ating buhay bilang mga lingkod niya ay angkop na ipanalangin.
10 Marami tayong matututuhan sa panalangin ng tapat na mga lalaki’t babae na iniulat sa Bibliya. (1 Sam. 1:10, 11; Gawa 4:24-31) Ang aklat ng Mga Awit ay isang koleksiyon ng taos-pusong mga panalangin at awit kay Jehova. Masasalamin sa mga ito ang bawat emosyon ng tao—mula sa matinding pamimighati hanggang sa masidhing kagalakan. Ang pagsusuri sa gayong kapahayagan ng mga taong tapat ay makakatulong para maging makabuluhan ang ating mga panalangin kay Jehova.
BULAY-BULAYIN ANG MGA PAALAALA NG DIYOS
11. Bakit kailangan nating bulay-bulayin ang mga payo ng Bibliya?
11 Sinabi ni David: “Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, na nagpaparunong sa walang-karanasan.” (Awit 19:7) Oo, kahit hindi tayo gaanong makaranasan, maaari tayong maging marunong kung susundin natin ang mga utos ng Diyos. Pero may mga payo sa Bibliya na kailangan munang bulay-bulayin para lubusan tayong makinabang. Kailangan nating gawin iyan para makapanatili tayong tapat kapag ginigipit tayo sa paaralan o sa trabaho, kapag pinipilit tayong labagin ang pamantayan ng Diyos sa dugo o ikompromiso ang ating neutralidad, at kapag sinisikap nating sundin ang mga simulain ng Bibliya pagdating sa pananamit at pag-aayos. Ang pagbubulay-bulay sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga ito ay makakatulong sa atin na mapaghandaan ang mga problema. Pagkatapos, makapagpapasiya tayo kung ano ang gagawin natin sakaling bumangon ang gayong mga sitwasyon. Ang gayong pagbubulay-bulay at patiunang paghahanda ay tutulong sa atin na maiwasan ang masaklap na bunga ng pagkakamali.—Kaw. 15:28.
12. Anong mga tanong ang mapag-iisipan natin para maingatan ang mga paalaala ng Diyos?
12 Habang hinihintay natin ang katuparan ng mga pangako ng Diyos, makikita ba sa ating pamumuhay na lagi tayong gisíng sa espirituwal? Halimbawa, talaga bang naniniwala tayo na malapit nang wasakin ang Babilonyang Dakila? Ang mga pagpapala ba, tulad ng buhay na walang hanggan sa paraisong lupa, ay totoong-totoo pa rin sa atin ngayon gaya noong una natin itong matutuhan? Masigasig pa rin ba tayo sa ministeryo at hindi hinahayaang maging priyoridad ang pansariling kapakanan? Mahalaga pa rin ba sa atin ang pag-asang pagkabuhay-muli, ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova, at ang pagbabangong-puri sa kaniyang soberanya? Makakatulong sa atin ang pagbubulay-bulay sa gayong mga tanong para maingatan ang “mga paalaala [ng Diyos] bilang pag-aari hanggang sa panahong walang takda.”—Awit 119:111.
13. Bakit may mga bagay na hindi agad naunawaan ng mga Kristiyano noong unang siglo? Magbigay ng halimbawa.
13 May mga binabanggit sa Bibliya na hindi pa lubusang nauunawaan ngayon dahil hindi pa dumarating ang itinakdang panahon ni Jehova para linawin iyon. Maraming beses na sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol na kailangan siyang magdusa at mamatay. (Basahin ang Mateo 12:40; 16:21.) Pero hindi naintindihan ng mga apostol kung ano ang ibig niyang sabihin. Naunawaan lang nila ito nang siya’y buhaying muli at magkatawang-tao, magpakita sa ilang alagad, at ‘lubusang buksan ang kanilang mga pag-iisip upang maintindihan ang kahulugan ng Kasulatan.’ (Luc. 24:44-46; Gawa 1:3) Gayundin, naintindihan lang ng mga tagasunod ni Kristo na sa langit itatatag ang Kaharian ng Diyos nang ibuhos sa kanila ang banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E.—Gawa 1:6-8.
14. Anong magandang halimbawa ang ipinakita ng ating mga kapatid noong pasimula ng ika-20 siglo?
14 Sa pasimula naman ng ika-20 siglo, may ilang maling akala ang mga tunay na Kristiyano tungkol sa “mga huling araw.” (2 Tim. 3:1) Halimbawa, noong 1914, iniisip ng ilan na malapit na silang umakyat sa langit. Nang hindi matupad ang kanilang inaasahan, sinuri nilang muli ang Kasulatan at nakita nila na isang malawakang pangangaral ang kailangan munang isagawa. (Mar. 13:10) Kaya noong 1922, si J. F. Rutherford, na nangunguna sa gawaing pangangaral, ay nagpahayag sa mga dumalo sa internasyonal na kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, E.U.A.: “Masdan, namamahala na ang Hari! Kayo ang kaniyang mga kinatawang tagapagbalita. Kung gayon, ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Mula noon, ang mga lingkod ni Jehova ay nakilala sa pangangaral ng “mabuting balita ng kaharian.”—Mat. 4:23; 24:14.
15. Paano tayo makikinabang sa pagbubulay-bulay sa pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan?
15 Kung bubulay-bulayin natin ang kamangha-manghang pakikitungo ni Jehova sa kaniyang bayan, kapuwa noon at ngayon, titibay ang pagtitiwala natin sa kakayahan niyang tuparin ang kaniyang kalooban at layunin sa hinaharap. Gayundin, ang mga paalaala ng Diyos ay tutulong sa atin na ingatan sa ating isip at puso ang mga hula na malapit nang matupad. Sa gayon, tiyak na titibay ang ating pagtitiwala sa kaniyang mga pangako.
MAGING AKTIBO SA GAWAING PANGKAHARIAN
16. Anong mga pagpapala ang dulot ng pananatiling abala sa ministeryo?
16 Ang ating Diyos, si Jehova, ay isang makapangyarihang Diyos, isang Diyos na aktibo o laging may ginagawa. “Sino ang malakas na tulad mo, O Jah?” ang tanong ng salmista. Sinabi pa niya: “Ang iyong kamay ay malakas, ang iyong kanang kamay ay dinadakila.” (Awit 89:8, 13) Kaya hindi kataka-taka na pinahahalagahan at pinagpapala ni Jehova ang mga pagsisikap natin sa gawaing pang-Kaharian. Nakikita niya na ang kaniyang mga lingkod—lalaki’t babae, bata’t matanda—ay hindi paupu-upo lang at kumakain ng “tinapay ng katamaran.” (Kaw. 31:27) Bilang pagtulad sa ating Maylalang, lagi tayong abala sa mga teokratikong gawain. Masaya tayong naglilingkod sa Diyos nang buong puso, at tuwang-tuwa si Jehova na pagpalain ang ating ministeryo.—Basahin ang Awit 62:12.
17, 18. Paano tumitibay ang ating pagtitiwala kay Jehova kapag sinusunod natin ang kaniyang mga tagubilin? Magbigay ng halimbawa.
17 Paano tumitibay ang ating pagtitiwala kay Jehova kapag may-katapatan nating ginagampanan ang ating atas? Kuning halimbawa ang ulat ng Bibliya tungkol sa pagpasok ng Israel sa Lupang Pangako. Inutusan ni Jehova ang mga saserdoteng tagabuhat ng kaban ng tipan na lumusong sa Ilog Jordan. Pero habang papalapít ang mga Israelita, nakita nila na ang tubig ay mataas at rumaragasa. Ano ang gagawin nila? Magkakampo sa pampang at maghihintay nang ilang linggo o mas mahaba pa hanggang sa humupa ang tubig? Hindi. Lubos silang nagtiwala kay Jehova at sinunod ang kaniyang mga tagubilin. Ang resulta? Sinasabi ng ulat: “Pagtuntong ng mga paa ng mga saserdote sa tubig, huminto ang agos ng ilog, . . . at ang mga saserdote ay tumayo sa gitna ng tuyong ilog malapit sa Jerico habang tumatawid ang bayan.” (Jos. 3:12-17, Contemporary English Version) Tiyak na nabuhayan sila ng loob nang makita nilang huminto ang rumaragasang tubig! Oo, napatibay ang pananampalataya ng mga Israelita kay Jehova dahil sinunod nila ang kaniyang mga tagubilin.
18 Totoo, hindi na gumagawa ng gayong himala si Jehova para sa kaniyang bayan ngayon, pero pinagpapala niya sila sa pagiging masunurin. Pinalalakas sila ng aktibong puwersa ng Diyos para magampanan ang atas na mangaral tungkol sa Kaharian sa buong mundo. At ang pangunahing Saksi ni Jehova, ang binuhay-muling si Kristo Jesus, ay nangako sa kaniyang mga alagad na tutulungan niya sila sa mahalagang gawaing ito: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa . . . Ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 28:19, 20) Maraming Saksi na mahiyain o kimi ang makapagpapatunay na sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos, lumakas ang loob nilang magpatotoo kaninuman.—Basahin ang Awit 119:46; 2 Corinto 4:7.
19. Sa kabila ng ating mga limitasyon, ano ang natitiyak natin?
19 May mga kapatid na limitado ang nagagawa sa ministeryo dahil sa sakit o katandaan. Pero makatitiyak sila na nauunawaan ng ‘Ama ng magiliw na kaawaan at Diyos ng buong kaaliwan’ ang kalagayan ng bawat tapat na Kristiyano. (2 Cor. 1:3) Pinahahalagahan niya ang lahat ng ginagawa natin para sa Kaharian. Pero tandaan na ang pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo ang pangunahing makapagliligtas sa atin habang ginagawa natin ang ating buong makakaya.—Heb. 10:39.
20, 21. Ano ang ilang paraan para maipakita natin na nagtitiwala tayo kay Jehova?
20 Kasama sa ating pagsamba ang paggamit ng ating panahon, lakas, at materyal na pag-aari sa abot ng ating makakaya. Oo, gusto nating gawin nang buong puso “ang gawain ng isang ebanghelisador.” (2 Tim. 4:5) Ang totoo, masaya nating ginagawa ito dahil natutulungan natin ang iba na “sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Maliwanag, nagiging mayaman tayo sa espirituwal kapag pinararangalan at pinupuri natin si Jehova. (Kaw. 10:22) At natutulungan tayo nito na lubusang magtiwala sa ating Maylalang, anuman ang mangyari.—Roma 8:35-39.
21 Gaya ng tinalakay natin, ang pagtitiwala sa matalinong patnubay ni Jehova ay hindi awtomatiko; kailangan nating magsikap para malinang ito. Kaya patibayin ang iyong pagtitiwala kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin. Bulay-bulayin kung paano tinupad noon ni Jehova ang kaniyang kalooban at kung paano niya ito tutuparin sa hinaharap. At patuloy na patibayin ang tiwala kay Jehova sa pamamagitan ng pagiging aktibo sa gawaing pang-Kaharian. Oo, ang mga paalaala ni Jehova ay mananatili magpakailanman. At ikaw rin kung susundin mo ang mga ito!