Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Puwede Ka Bang Magbabala Nang Higit Pa?

Puwede Ka Bang Magbabala Nang Higit Pa?

Sa isang magandang silent film na pinamagatang A Trip Down Market Street, ipinakikita ang buhay sa San Francisco, E.U.A., noong pasimula ng ika-20 siglo. Isang manu-manong kamera ang ikinabit ng mga gumawa ng film sa unahan ng isang umaandar na cable car at kinunan ang kahabaan ng mataong kalsada. Kasama sa mga nakunan ang mga kalesa at awto, gayundin ang mga mamimíli at mga nagtitinda ng diyaryo na abala sa kanilang ginagawa.

Ang nakalulungkot nito, ang film ay malamang na ginawa noong Abril 1906, ilang araw bago nangyari ang malakas na lindol at malaking sunog noong Abril 18 na kumitil ng libu-libong buhay at sumira sa bahaging iyon ng lunsod. Posibleng ang ilan sa masasayang tao sa film ay kasama sa mga namatay. “Pinanonood ko ang mga tao roon,” ang sabi ni Scott Miles, apo ng isa sa mga gumawa ng film, “at wala silang kamalay-malay sa mangyayari sa kanila. Kaya maaawa ka talaga sa kanila.”

Noong 1906, malaking bahagi ng lunsod ng San Francisco ang biglang nawasak dahil sa lindol na nasundan pa ng sunog

Ganiyan din ang sitwasyon sa ngayon. Naaawa rin tayo sa mga tao. Abala sila sa araw-araw at walang kamalay-malay sa kapahamakang malapit nang dumating—ang pagkapuksa ng masamang sistemang ito ng mga bagay. Hindi tayo makapagbababala sa pagdating ng isang lindol, pero may pagkakataon pa tayong magbabala sa mga tao tungkol sa araw ng paghatol ni Jehova. Malamang na linggu-linggo ay sinisikap mong makapangaral sa bahay-bahay, pero puwede ka bang magbabala nang higit pa?

LAGING HANDANG MANGARAL SI JESUS

Isang magandang halimbawa si Jesus dahil lagi siyang handang mangaral. Nangaral siya sa lahat, sa maniningil man ng buwis na nakita niya sa daan o sa isang babaing nakausap niya sa tabi ng balon habang nagpapahinga siya sa katanghaliang-tapat. (Luc. 19:1-5; Juan 4:5-10, 21-24) Kahit noong gustong magpahinga ni Jesus, ipinagpaliban niya iyon para turuan ang iba. Dahil sa awa sa mga tao, ginawa niya ang kaniyang buong makakaya para makapagpatotoo. (Mar. 6:30-34) Paano tinutularan ng iba sa ngayon ang pagkaapurahan ni Jesus?

SINASAMANTALA NILA ANG BAWAT PAGKAKATAON

Si Melika ay nakatira sa isang apartment building na mahigpit ang seguridad. Marami sa mga kapitbahay niya ay mga estudyante mula sa ibang bansa; ang numero ng telepono nila ay wala sa  directory at wala rin sa directory ng lobby ang pangalan nila. Sinasamantala ni Melika ang pagkakataong magpatotoo sa kanila sa lobby at elebeytor. Sinabi niya, “Itinuturing kong teritoryo ko iyon.” Nagdadala si Melika ng mga literaturang nasa iba’t ibang wika, at marami ang tumatanggap ng mga tract at magasin. Binabanggit din niya sa kanila ang ating Web site na jw.org. Nakapagpasimula siya ng ilang pag-aaral sa Bibliya.

Si Sonia ay alisto rin sa pagpapatotoo sa iba. Nagtatrabaho siya sa isang klinika ng doktor at tunguhin niyang lubusang makapagpatotoo sa lahat ng katrabaho niya. Una, inaalam muna niya kung ano ang mga pangangailangan at interes nila. Pagkatapos, isa-isa niya silang kinakausap tungkol sa Bibliya kapag lunch break. Dahil dito, nakapagpasimula si Sonia ng dalawang pag-aaral sa Bibliya. Pinaplano rin niyang magpunta paminsan-minsan sa lobby ng medical center kapag breaktime para makausap ang naghihintay na mga pasyente.

SAMANTALAHIN MO RIN ANG IYONG MGA PAGKAKATAON

Ayon sa isang nakaligtas sa lindol noong 1906, iyon ang “pinakamatinding sakuna na nangyari sa isang estado o lunsod.” Pero walang sakuna ang hihigit pa sa araw ng paghihiganti na malapit nang dumating sa lahat ng “hindi nakakakilala sa Diyos.” (2 Tes. 1:8) Gustung-gusto ni Jehova na magbago ang mga tao at tumugon sa babalang ibinibigay ng kaniyang mga Saksi.—2 Ped. 3:9; Apoc. 14:6, 7.

Sa araw-araw, maaari mo bang samantalahin ang bawat pagkakataong magpatotoo?

Pribilehiyo mong tulungan ang mga tao na maunawaang nabubuhay tayo sa isang mapanganib na panahon at hanapin si Jehova sa halip na ang kanilang pansariling interes. (Zef. 2:2, 3) Sa araw-araw, maaari mo bang samantalahin ang bawat pagkakataong magpatotoo sa iyong mga katrabaho, kapitbahay, at sa iba pang mga taong makakausap mo? Puwede ka bang magbabala nang higit pa?