MULA SA AMING ARCHIVE
“Para Akong Pagong —Lagi Kong Dala ang Bahay Ko”
SA ISANG mabilisang kampanya ng pagpapatotoo na tumagal lang ng siyam na araw sa pagitan ng Agosto at Setyembre 1929, mahigit 10,000 mangangaral ang nangalat sa buong Estados Unidos. Mga 250,000 aklat at buklet ang naipamahagi nila. Kabilang sa mga mangangaral na iyon ng Kaharian ang mga isang libong colporteur. Napakabilis ng pagdami ng mga ito! Ayon sa Bulletin, * “halos hindi kapani-paniwala” na natriple ang bilang ng payunir mula 1927 hanggang 1929.
Sa pagtatapos ng 1929, gumuho ang ekonomiya ng bansa. Noong Black Tuesday
Sa gitna ng gayong krisis, paano kaya makakaraos ang mga buong-panahong mangangaral? Ang isang solusyon ay bahay na de-gulong. Maraming payunir ang nakatipid sa house car o trailer dahil wala silang kailangang bayarang upa o buwis. * Kapag may kombensiyon, ang mobile home ay nagsisilbing libreng hotel. Noong 1934, ang Bulletin ay naglaan ng detalyadong mga plano para sa maliit pero komportableng tirahan na may instalasyon para sa tubig, isang lutuan, natitiklop na higaan, at insulasyon.
Ang mapamaraang mga mangangaral sa iba’t ibang lugar sa daigdig ay gumawa ng sarili nilang bahay na de-gulong. “Walang karanasan si Noe sa paggawa ng bangka,” ang sabi ni Victor Blackwell, “at wala rin akong karanasan o alam sa paggawa ng house trailer.” Pero gumawa pa rin si Victor.
Isang house car ang gamit noon nina Avery at Lovenia Bristow. Sinabi ni Avery, “Para akong pagong
Ang mga Battaino rin ay payunir noon. Nang malaman nina Giusto at Vincenza na magkakaanak sila, ang kanilang trak na 1929 Model A Ford ay ginawa nilang tirahan. Ito’y “parang magandang hotel” kumpara sa toldang dati nilang tinitirhan. Kasama ang kanilang munting anak na babae, nagpatuloy sila sa atas na gustung-gusto nila, ang mangaral sa mga Italyano sa Estados Unidos.
Maraming nakikinig noon sa mabuting balita, pero ang mahihirap at mga walang trabaho ay bihirang makapagbigay ng perang donasyon para sa mga literatura tungkol sa Bibliya. Sa halip, iba’t ibang bagay ang ibinibigay nila. Dalawang payunir ang nakapaglista ng 64 na bagay na natanggap nila mula sa mga interesado. Ang listahang iyon ay parang “imbentaryo ng isang tindahang-bayan.”
Si Fred Anderson ay may nakilalang magbubukid na kumuha ng isang set ng mga aklat natin at ibinigay nito bilang donasyon ang lumang salamin ng nanay niya. Sa katabing farm naman, isang lalaking interesado sa ating literatura ang nagsabi, “Wala akong salamin na pambasa.” Pero sukát sa kaniya ang salaming ibinigay kay Fred kaya masaya siyang nagbigay ng donasyon para sa mga aklat pati na sa salamin.
Si Herbert Abbott ay nagdadala ng maliit na kulungan ng manok sa sasakyan niya. Kapag may tatlo o apat na manok na siya, ibinebenta niya iyon sa palengke, at saka nagpapagasolina. “Nauubusan din ba kami ng pera? Oo naman,” ang isinulat niya, “pero hindi dahilan ’yon para tumigil kami. Hangga’t may gasolina sa tangke, nagpapatuloy kami at lubos na nagtitiwala kay Jehova.”
Sa mahirap na panahong iyon, nakatulong sa bayan ni Jehova ang pagtitiwala sa kaniya at matatag na determinasyon. Minsan, habang bumabagyo, nabagsakan ng puno ang trailer nina Maxwell at Emmy Lewis. Mabuti na lang at nakalabas na sila. “Hindi hadlang ang mga bagay na iyon,” ang isinulat ni Maxwell, “talagang nangyayari ’yon, at ni minsan ay hindi namin naisip na tumigil. Malaki pa ang gawain, at determinado kaming gawin iyon.” Sa tulong ng mapagmahal na mga kaibigan, inayos nina Maxwell at Emmy ang kanilang bahay na de-gulong.
Sa mahirap na panahon ding ito, gayunding espiritu ng pagsasakripisyo ang makikita sa milyun-milyong masisigasig na Saksi ni Jehova. Gaya ng mga payunir noon, determinado tayong magpatuloy sa pangangaral hanggang sa sabihin ni Jehova na tapos na ang gawain.