Kung Paano Tayo Makakatulong sa mga Nangangailangan
“SUMIKLAB ang kaguluhan matapos ang isang kinukuwestiyong eleksiyon at libu-libong Saksi ni Jehova ang napilitang umalis sa kanilang tahanan,” ang kuwento ni François, elder sa isang papaunlad na lupain. “Halos naubos ang pagkain at gamot, at ang mga natira naman ay napakamahal. Nagsara ang mga bangko, at ang mga ATM ay naubusan ng pondo o kaya’y nag-off-line.”
Ang mga kapatid sa tanggapang pansangay ay agad na naghatid ng pera at suplay sa mga Saksing lumikas sa mga Kingdom Hall sa bansa. Ang magkalabang grupo ay nagbarikada sa mga daan, pero dahil alam nilang neutral ang mga Saksi, kadalasan ay pinararaan nila ang mga sasakyan ng sangay.
“Habang papunta kami sa isang Kingdom Hall sakay ng van, pinaulanan kami ng bala ng mga sniper,” ang sabi ni François. “Pero walang tinamaan sa amin. Nang makakita kami ng armadong sundalo na tumatakbo papunta sa amin, agad kaming umatras, bumuwelta, at humarurot pabalik ng sangay. Laking pasasalamat namin kay Jehova at buháy kami. Kinabukasan, ang 130 kapatid sa Kingdom Hall na iyon ay lumikas sa mas ligtas na lugar. Ang ilan ay nagpunta sa tanggapang pansangay, at inasikaso namin ang espirituwal at materyal na pangangailangan nila hanggang sa matapos ang kaguluhan.”
“Nang maglaon, ang tanggapang pansangay ay tumanggap ng maraming sulat ng pasasalamat mula sa mga kapatid sa iba’t ibang panig ng bansa,” ang sabi ni François. “Dahil sa pagtulong ng mga kapatid mula sa ibang mga lugar, lalong tumibay ang pagtitiwala nila kay Jehova.”
Sa panahon ng sakuna, ang mga nangangailangang kapatid ay hindi lang natin sinasabihang “magpainit kayo at magpakabusog.” (Sant. 2:15, 16) Sa halip, sinisikap nating ilaan ang kanilang pisikal na pangangailangan. Ganiyan ang ginawa ng mga alagad noong unang siglo. Nang mababalaan tungkol sa dumarating na taggutom, ang “mga alagad ay nagpasiya, bawat isa sa kanila ayon sa makakayanan ng sinuman, na magpadala ng tulong bilang paglilingkod sa mga kapatid na nakatira sa Judea.”
Bilang mga lingkod ni Jehova, handa tayong tumulong sa mga nangangailangan sa materyal na paraan. Pero ang mga tao ay may espirituwal na pangangailangan din. (Mat. 5:3) Para tulungan silang matugunan ang pangangailangang iyon, inatasan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Bilang indibiduwal, higit nating ginagamit ang ating panahon, lakas, at ari-arian sa pagtupad sa atas na ito. Bilang organisasyon naman, ginagamit natin ang mga donasyon para maglaan ng materyal na tulong, pero pangunahin natin itong ginagamit sa pagsuporta sa Kaharian at pagpapalaganap ng mabuting balita. Sa gayon, ipinakikita natin ang ating pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa.
Ang mga sumusuporta sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova ay makatitiyak na ginagamit nang tama at sa pinakamabuting paraan ang mga donasyon nila. Makakatulong ka ba sa iyong mga kapatid na nangangailangan? Gusto mo bang suportahan ang paggawa ng mga alagad? Kung oo, “huwag mong ipagkait ang mabuti doon sa mga kinauukulan, kapag nasa kapangyarihan ng iyong kamay na gawin ito.”