Paglilingkod sa Diyos ang Gamot Niya!
Nang papasukin ang dalawang payunir sa isang bahay sa Kenya, nagulat sila nang makita nila ang isang maliit na lalaking nakahiga. Napakaigsi ng katawan at mga braso niya. Nang sabihin nila sa kaniya ang pangako ng Diyos na “aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa,” napangiti siya.
Nalaman ng mga payunir na si Onesmus, malapit nang mag-40 anyos ngayon, ay isinilang na may osteogenesis imperfecta, o brittle bone disease. Napakarupok ng mga buto niya kaya madiinan lang nang kaunti ay posible na itong mabali. Dahil hindi nalulunasan o nagagamot ang sakit niya, alam ni Onesmus na habambuhay na siyang magtitiis ng kirot at mananatili sa wheelchair.
Pumayag si Onesmus na mag-Bible study. Pero ayaw ng nanay niya na dumalo siya sa mga pulong sa Kingdom Hall dahil baka mabalian siya at lalong lumala ang kalagayan niya. Kaya inirerekord na lang ng mga kapatid ang mga pulong para mapakinggan ni Onesmus sa bahay. Pagkatapos makipag-aral nang limang buwan, nagpasiya si Onesmus na dumalo ng pulong kahit medyo delikado.
Lumala ba ang kalagayan ni Onesmus dahil sa pagdalo sa mga pulong? Hindi. “Kapag nasa pulong ako, parang nababawasan ang kirot na nararamdaman ko,” ang sabi ni Onesmus. Para sa kaniya, dahil ito sa natutuhan niyang bagong pag-asa. Napansin ng nanay ni Onesmus na nagbago ang disposisyon ng anak niya. Kaya sa sobrang tuwa, pumayag din siyang mag-aral ng Bibliya. “Paglilingkod sa Diyos ang gamot ng anak ko,” ang madalas niyang sinasabi.
Di-nagtagal, si Onesmus ay naging di-bautisadong mamamahayag. Pagkatapos, nabautismuhan siya at isa nang ministeryal na lingkod ngayon. Hindi nagagamit ni Onesmus ang kaniyang mga binti at isang braso, pero gusto niyang maglingkod kay Jehova sa abot ng makakaya niya. Inisip niyang mag-auxiliary pioneer pero atubili siyang mag-aplay. Bakit? Dahil alam niyang mangangailangan siya ng tagatulak ng wheelchair. Nang sabihin niya ito sa mga kapatid, nangako silang susuportahan nila siya. Tinupad nila iyon at tinulungan si Onesmus na makapag-auxiliary pioneer.
Gusto rin ni Onesmus na mag-regular pioneer, pero iniisip pa rin niya ang kaniyang sitwasyon. Gayunman, napatibay siya nang minsang talakayin sa pang-araw-araw na teksto ang Awit 34:8: “Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti.” Matapos bulay-bulayin ang talatang iyon, ipinasiya ni Onesmus na mag-regular pioneer. Sa ngayon, apat na araw siyang nangangaral kada linggo at mayroon na siyang ilang masulong na Bible study. Noong 2010, nakapag-aral siya sa Pioneer Service School. Tuwang-tuwa si Onesmus dahil instruktor nila ang isa sa mga brother na unang dumalaw sa kaniya!
Namatay na ang mga magulang ni Onesmus, kaya ang mga kapatid sa kongregasyon ang naglalaan ng pangangailangan niya sa araw-araw. Laking pasasalamat niya sa lahat ng pagpapalang tinatanggap niya, at gustung-gusto niyang dumating na ang araw na “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”