Paano Natin Mapananatili ang “Mapaghintay na Saloobin”?
“Ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin.”
1. Bakit posibleng mainip tayo?
NANG itatag ang Mesiyanikong Kaharian noong 1914, nagsimula na ang mga huling araw ng sistema ni Satanas. Bilang resulta ng digmaan sa langit, inihagis ni Jesus sa lupa ang Diyablo at ang mga demonyo. (Basahin ang Apocalipsis 12:7-9.) Alam ni Satanas na mayroon na lang siyang “maikling yugto ng panahon.” (Apoc. 12:12) Gayunman, ang “maikling yugto” na iyon ay inabot na ng maraming dekada, at baka iniisip ng ilan na masyadong nagtatagal ang mga huling araw. Habang hinihintay nating kumilos si Jehova, naiinip ba tayo?
2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
2 Mapanganib ang mainip. Bakit? Dahil baka kumilos tayo nang padalus-dalos. Kaya paano natin mapananatili ang mapaghintay na saloobin? Tutulungan tayo ng artikulong ito na magawa iyan sa pamamagitan ng pagsagot sa sumusunod na mga tanong. (1) Ano ang matututuhan natin sa pagiging mapaghintay ni propeta Mikas? (2) Anong mga pangyayari ang magiging hudyat na tapós na ang ating paghihintay? (3) Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa pagkamatiisin ni Jehova?
ANO ANG MATUTUTUHAN NATIN SA HALIMBAWA NI MIKAS?
3. Ano ang kalagayan ng Israel noong panahon ni Mikas?
3 Basahin ang Mikas 7:2-6. Nakita ni Mikas ang paglala ng espirituwal na kalagayan ng Israel hanggang sa umabot ito sa sukdulan sa ilalim ng pamamahala ng napakasamang si Haring Ahaz. Inihalintulad ni Mikas ang di-tapat na mga Israelita sa “matinik na palumpong” at “bakod na tinik.” Kung paanong nasusugatan ng matitinik na palumpong o mga bakod na tinik ang sinumang dumaraan sa mga iyon, napipinsala ng masasamang Israelita ang sinumang nakikisama sa kanila. Lalo pang lumala ang kasamaan ng Israel anupat kahit ang relasyon ng magkakapamilya ay nasira. Alam ni Mikas na hindi niya mababago ang sitwasyon kaya ibinuhos niya ang laman ng kaniyang puso kay Jehova. Pagkatapos, may-pagtitiis siyang naghintay sa pagkilos ng Diyos. Nagtiwala si Mikas na kikilos si Jehova sa Kaniyang takdang panahon.
4. Anu-anong hamon ang napapaharap sa atin?
4 Gaya ni Mikas, namumuhay tayo sa gitna ng mga taong makasarili. Marami ang “walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal.” (2 Tim. 3:2, 3) Mahirap makisama sa makasariling mga katrabaho, kaklase, at kapitbahay. Pero mas mahirap ang sitwasyon ng ilang lingkod ng Diyos. Sinabi ni Jesus na ang mga tagasunod niya ay sasalansangin ng mga kapamilya. Gumamit siya ng pananalitang kahawig ng nakaulat sa Mikas 7:6. Sinabi niya: “Pumarito ako upang magpangyari ng pagkakabaha-bahagi, ng lalaki laban sa kaniyang ama, at ng anak na babae laban sa kaniyang ina, at ng kabataang asawang babae laban sa kaniyang biyenang babae. Tunay nga, ang magiging mga kaaway ng isang tao ay mga tao sa kaniyang sariling sambahayan.” (Mat. 10:35, 36) Napakahirap ngang tiisin ang panunuya at pananalansang ng mga kapamilyang di-kapananampalataya! Sa harap ng gayong pagsubok, huwag tayong magpadala sa panggigipit nila. Sa halip, manatili nawa tayong tapat at may-pagtitiis na maghintay kay Jehova na ayusin ang sitwasyon. Kung palagi nating hihingin ang kaniyang tulong, ibibigay niya ang lakas at karunungan na kailangan natin para makapagtiis.
5, 6. Paano ginantimpalaan ni Jehova si Mikas? Pero ano ang hindi nakita ni Mikas?
5 Ginantimpalaan ni Jehova ang pagiging mapaghintay ni Mikas. Nasaksihan ni Mikas ang wakas ni Haring Ahaz at ng masamang pamamahala nito. Nakita niya na naging hari ang anak ni Ahaz na si Hezekias at isinauli nito ang dalisay na pagsamba. At ang inihula ni Mikas na kahatulan ni Jehova laban sa Samaria ay natupad nang salakayin ng mga Asiryano ang hilagang kaharian ng Israel.
6 Gayunman, hindi nakita ni Mikas ang katuparan ng ibang hula na ipinasulat ni Jehova sa kaniya. Halimbawa, isinulat ni Mikas: “Sa huling bahagi ng mga araw . . . ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok, at iyon ay mátataás pa nga sa mga burol; at doon ay huhugos ang mga bayan. At maraming bansa ang yayaon nga at magsasabi: ‘Halikayo, at umahon tayo sa bundok ni Jehova.’” (Mik. 4:1, 2) Matagal nang patay si Mikas nang matupad ang hulang iyan. Pero naging determinado siyang manatiling tapat kay Jehova hanggang kamatayan, anuman ang ginagawa ng iba. Isinulat niya: “Ang lahat ng mga bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos; ngunit tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.” (Mik. 4:5) Sa mahirap na panahong iyon, nakapaghintay si Mikas nang may pagtitiis dahil kumbinsido siyang tutuparin ni Jehova ang lahat ng Kaniyang pangako. Nagtiwala siya kay Jehova.
7, 8. (a) Bakit may dahilan tayong magtiwala kay Jehova? (b) Ano ang makakatulong para hindi natin mamalayan ang paglipas ng panahon?
7 Nagtitiwala rin ba tayo kay Jehova? May matibay na dahilan para magtiwala tayo sa kaniya. Nasasaksihan natin mismo ang katuparan ng hula ni Mikas. “Sa huling bahagi ng mga araw,” milyun-milyon mula sa lahat ng bansa at tribo at wika ang humuhugos sa “bundok ng bahay ni Jehova.” Bagaman nagmula sila sa magkakalabang bansa, pinukpok ng mga mananambang ito “ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod,” at tumanggi silang ‘mag-aral ng pakikipagdigma.’ (Mik. 4:3) Isa ngang pribilehiyo na mapabilang sa mapayapang bayan ni Jehova!
8 Siyempre pa, gusto nating wakasan na ni Jehova ang masamang sistemang ito. Pero para makapaghintay tayo nang may pagtitiis, kailangan nating tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pangmalas ni Jehova. Nagtakda siya ng araw kung kailan hahatulan niya ang sangkatauhan “sa pamamagitan ng isang lalaki na kaniyang inatasan,” si Jesu-Kristo. (Gawa 17:31) Pero bago mangyari iyon, binibigyan ng Diyos ng pagkakataon ang lahat ng uri ng tao na kumuha ng “tumpak na kaalaman sa katotohanan,” mamuhay ayon sa kaalamang iyon, at maligtas. Buhay ang nakataya! (Basahin ang 1 Timoteo 2:3, 4.) Kung abala tayo sa pagtulong sa iba na magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi natin mamamalayan ang paglipas ng panahon hanggang sa dumating ang paghatol ni Jehova. Kapag dumating na ang wakas, tiyak na laking pasasalamat natin na nanatili tayong abala sa pangangaral!
ANONG MGA PANGYAYARI ANG MAGIGING HUDYAT NG KAWAKASAN?
9-11. Natupad na ba ang 1 Tesalonica 5:3? Ipaliwanag.
9 Basahin ang 1 Tesalonica 5:1-3. Di-magtatagal, ang mga bansa ay magdedeklara ng “Kapayapaan at katiwasayan!” Kung ayaw nating madaya nito, kailangang “manatili tayong gising at panatilihin ang ating katinuan.” (1 Tes. 5:6) Para makapanatili tayong gising sa espirituwal, makakatulong kung rerepasuhin natin sa maikli ang mga kaganapang hahantong sa deklarasyong ito.
10 Pagkatapos ng mga digmaang pandaigdig, sinikap ng mga bansa na makapagtatag ng kapayapaan. Binuo ang Liga ng mga Bansa pagkaraan ng unang digmaang pandaigdig, at ang United Nations naman pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig. Umasa ang mga lider ng gobyerno at relihiyon na magdudulot ng kapayapaan ang mga organisasyong iyon. Halimbawa, ang taóng 1986 ay idineklara ng United Nations bilang Internasyonal na Taon ng Kapayapaan. Nang taóng iyon, ang mga lider ng maraming bansa at relihiyon ay nagtipon sa Assisi, Italy, kasama ng pinuno ng Simbahang Katoliko, upang magdasal para sa kapayapaan.
11 Gayunman, hindi ang deklarasyong iyon ni ang iba pang katulad nito ang katuparan ng hula sa 1 Tesalonica 5:3 tungkol sa “kapayapaan at katiwasayan.” Bakit? Dahil ang inihulang “biglang pagkapuksa” ay hindi naganap.
12. Ano ang alam natin tungkol sa pagdedeklara ng “Kapayapaan at katiwasayan”?
12 Sino ang magdedeklara ng “Kapayapaan at katiwasayan”? Anong papel ang gagampanan ng mga lider ng Sangkakristiyanuhan at ng iba pang mga relihiyon? Ano ang magiging bahagi ng mga lider ng iba’t ibang gobyerno sa deklarasyong iyon? Walang sinasabi ang Bibliya tungkol dito. Pero paano man isasagawa ang gayong deklarasyon at kahit pa kapani-paniwala iyon, alam nating hindi iyon totoo. Ang sistemang ito ay mananatiling kontrolado ni Satanas. Bulok na bulok ito at hindi na magbabago. Nakalulungkot nga kung may sinuman sa atin na maniniwala sa propaganda ni Satanas at hindi mananatiling neutral!
13. Bakit pinipigilan ng mga anghel ang mapangwasak na mga hangin?
13 Basahin ang Apocalipsis 7:1-4. Habang hinihintay natin ang katuparan ng 1 Tesalonica 5:3, pinipigilan ng makapangyarihang mga anghel ang mapangwasak na mga hangin ng malaking kapighatian. Ano ang hinihintay nila? Inilarawan ni apostol Juan ang isang pangyayari na kailangan munang maganap
14. Ano ang nagpapakitang malapit na ang katapusan ng Babilonyang Dakila?
14 Ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay pupuksain gaya ng nararapat sa kaniya. Sa panahong iyon, hindi siya matutulungan ng “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika.” Nakikita na nating malapit na ang kaniyang katapusan. (Apoc. 16:12; 17:15-18; 18:7, 8, 21) Ngayon pa lang, ang kawalan ng suporta sa kaniya ay mapapansin sa mga ulat tungkol sa tumitinding pagbatikos sa mga relihiyon at mga lider nito. Pero para sa mga lider ng Babilonyang Dakila, wala silang dapat ipag-alala. Nagkakamali sila! Pagkatapos ng deklarasyon ng “Kapayapaan at katiwasayan!” ang pulitikal na mga elemento ng sistema ni Satanas ay biglang babaling sa huwad na relihiyon at pupuksain ito. Tuluyan nang maglalaho ang Babilonyang Dakila! Hindi ba’t sulit na maghintay nang may pagtitiis hanggang sa maganap ang mahahalagang pangyayaring ito?
PAANO NATIN MAIPAKIKITA ANG PAGPAPAHALAGA SA PAGKAMATIISIN NG DIYOS?
15. Bakit naghihintay si Jehova nang may pagtitiis?
15 Sa kabila ng pandurusta ng mga tao sa kaniyang pangalan, may-pagtitiis na hinihintay ni Jehova ang tamang panahon para kumilos. Ayaw ni Jehova na mapuksa ang sinumang tapat-puso. (2 Ped. 3:9, 10) Ganiyan din ba ang nadarama natin? Bago dumating ang araw ni Jehova, maipakikita natin ang ating pagpapahalaga sa kaniyang pagkamatiisin sa sumusunod na mga paraan.
16, 17. (a) Bakit gusto nating tulungan ang mga di-aktibo? (b) Bakit dapat nang manumbalik kay Jehova ang mga di-aktibo?
16 Tulungan ang mga di-aktibo. Sinabi ni Jesus na may kagalakan sa langit kapag nasumpungan ang kahit isang nawawalang tupa. (Mat. 18:14; Luc. 15:3-7) Maliwanag na nagmamalasakit si Jehova sa mga nagpakita ng pag-ibig sa kaniyang pangalan, hindi man sila aktibong naglilingkod ngayon sa kaniya. Kapag tinutulungan natin silang makabalik sa kongregasyon, napasasaya natin si Jehova at ang mga anghel.
17 Isa ka ba sa mga di-aktibo ngayon sa paglilingkod sa Diyos? Baka may isang kapatid na nakasakit ng iyong damdamin kaya huminto ka sa pakikisama sa organisasyon ni Jehova. Marahil matagal-tagal na rin iyon, kaya itanong sa sarili: ‘Mas makabuluhan ba at mas masaya ang buhay ko ngayon? Si Jehova ba ang nagkasala sa akin, o isang di-sakdal na tao? May ginawa na ba si Jehova na ikinapahamak ko?’ Ang totoo, lahat ng ginagawa niya ay para sa kabutihan natin. Kahit pa nga hindi tayo namumuhay kaayon ng ating pag-aalay sa kaniya, pinaglalaanan niya tayo ng mabubuting bagay. (Sant. 1:16, 17) Di-magtatagal at darating ang araw ni Jehova. Ngayon na ang panahon para manumbalik sa ating maibiging Ama at sa kongregasyon
18. Bakit dapat nating suportahan ang mga nangunguna?
18 Tapat na suportahan ang mga nangunguna. Bilang maibiging Pastol, pinapatnubayan at pinoprotektahan tayo ni Jehova. Inatasan niya ang kaniyang Anak bilang Punong Pastol ng kawan. (1 Ped. 5:4) Pinapastulan ng mga elder sa mahigit 100,000 kongregasyon ang bawat tupa ng Diyos. (Gawa 20:28) Kapag tapat nating sinusuportahan ang mga inatasang manguna, ipinakikita natin ang ating pagpapahalaga sa lahat ng ginagawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin.
19. Paano tayo bubuo ng matibay na depensa laban kay Satanas?
19 Maging malapít sa isa’t isa. Paano? Kapag inaatake ng kalaban ang isang sinanay na hukbo, ang mga sundalo nito ay nagtatabi-tabi. Sa gayon, bumubuo sila ng napakatibay na depensa. Pinatitindi ni Satanas ang mga pag-atake niya sa bayan ng Diyos. Kaya hindi ito panahon para mag-away-away tayo. Ito ang panahon para maging malapít tayo sa isa’t isa, palampasin ang pagkakamali ng iba, at ipakita ang pagtitiwala sa pangunguna ni Jehova.
20. Ano ang dapat nating gawin ngayon?
20 Lahat nawa tayo ay manatiling gising sa espirituwal at magpakita ng mapaghintay na saloobin. Hintayin natin nang may pagtitiis ang pagdedeklara ng “Kapayapaan at katiwasayan!” at ang pangwakas na pagtatatak sa mga pinili. Pagkatapos, pakakawalan na ng apat na anghel ang mapangwasak na mga hangin, at ang Babilonyang Dakila ay pupuksain. Habang hinihintay nating maganap ang mahahalagang pangyayaring ito, sumunod tayo sa tagubilin ng mga inatasang manguna sa organisasyon ni Jehova. Sama-sama tayong bumuo ng matibay na depensa laban sa Diyablo at sa mga demonyo! Ngayon na ang panahon para sundin ang sinabi ng salmista: “Magpakalakas-loob kayo, at magpakatibay nawa ang inyong puso, lahat kayong naghihintay kay Jehova.”
^ par. 13 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pagkakaiba ng una at ng pangwakas na pagtatatak sa mga pinahiran, tingnan ang Bantayan, isyu ng Enero 1, 2007, pahina 30-31.