Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Ito ay Magiging Pinakaalaala sa Inyo’

‘Ito ay Magiging Pinakaalaala sa Inyo’

“Ang araw na ito ay magsisilbing pinakaalaala sa inyo, at ipagdiriwang ninyo iyon bilang isang kapistahan para kay Jehova.”EX. 12:14.

1, 2. Sa anong anibersaryo dapat maging interesado ang lahat ng Kristiyano, at bakit?

KAPAG narinig mo ang salitang “anibersaryo,” ano ang una mong naiisip? “Anibersaryo ng kasal namin,” baka sabihin ng isang may-asawa. Baka ang maisip naman ng iba ay isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan, gaya ng araw ng kalayaan ng kanilang bansa. Pero may alam ka bang anibersaryo na mahigit 3,500 taon nang ipinagdiriwang ng isang bansa?

2 Ang anibersaryong iyon ay ang Paskuwa. Ginugunita rito ang paglaya ng sinaunang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Dapat maging mahalaga sa iyo ang pangyayaring iyon. Bakit? Dahil nakaaapekto ito sa ilang mahahalagang pitak ng buhay mo. Gayunman, baka maisip mo, ‘Pero mga Judio ang nagdiriwang ng Paskuwa at hindi naman ako Judio. Kaya bakit ako dapat maging interesado sa anibersaryong iyon?’ Ang sagot ay matatagpuan sa makahulugang pananalitang ito: “Si Kristo nga na ating paskuwa ay inihain na.” (1 Cor. 5:7) Para maunawaan iyan, kailangan tayong maging pamilyar sa Paskuwa ng mga Judio at sa kaugnayan nito sa isang utos na ibinigay sa lahat ng Kristiyano.

ANG PASKUWA—BAKIT IPINAGDIWANG?

3, 4. Ano ang mga nangyari bago ang unang Paskuwa?

3 Sa buong daigdig, milyun-milyong di-Judio ang may ideya tungkol sa mga nangyari bago ang unang Paskuwa. Maaaring nabasa nila ito sa Bibliya sa aklat ng Exodo, naikuwento sa kanila, o napanood nila sa isang pelikula.

4 Mahabang panahon nang alipin ang mga Israelita sa Ehipto nang isugo ni Jehova si Moises at ang kaniyang kapatid, si Aaron, para sabihin kay Paraon na palayain ang Kaniyang bayan. Pero nagmatigas ang hambog na tagapamahala ng Ehipto, kaya nagpasapit si Jehova ng sunud-sunod na salot sa lupain. Sa ikasampung salot, pinatay  ang mga panganay sa Ehipto, at napilitan si Paraon na palayain ang mga Israelita.Ex. 1:11; 3:9, 10; 5:1, 2; 11:1, 5.

5. Ano ang kinailangang gawin ng mga Israelita bago sila palayain? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulong ito.)

5 Pero ano ang kinailangang gawin ng mga Israelita bago sila pinalaya? Tagsibol noon ng 1513 B.C.E., sa buwan ng Abib, na tinawag na Nisan nang maglaon. * Sinabi ng Diyos na sa ikasampung araw ng buwang iyon, ang mga Israelita ay kailangan nang maghanda para sa magaganap sa Nisan 14. Ang araw ng mga Hebreo ay nagsisimula at nagtatapos sa paglubog ng araw, kaya ang Nisan 14 ay nagsimula pagkalubog ng araw. Pagsapit ng Nisan 14, ang bawat sambahayan ay magpapatay ng isang lalaking tupa (o kambing) at iwiwisik nila ang dugo nito sa mga poste at biga ng pinto ng bahay. (Ex. 12:3-7, 22, 23) Ang mga pamilya ay kakain ng inihaw na kordero, tinapay na walang lebadura, at mga yerba. Daraan sa lupain ang anghel ng Diyos at papatayin niya ang mga panganay sa Ehipto, pero ang masunuring mga Israelita ay poprotektahan at pagkatapos ay palalayain.Ex. 12:8-13, 29-32.

6. Bakit dapat ipagdiwang ng mga Israelita ang Paskuwa taun-taon?

6 Ganiyan nga ang nangyari, at dapat patuloy na alalahanin ng mga Israelita ang kanilang paglaya. Sinabi ng Diyos sa kanila: “Ang araw na ito ay magsisilbing pinakaalaala sa inyo, at ipagdiriwang ninyo iyon bilang isang kapistahan para kay Jehova sa lahat ng inyong mga salinlahi. Bilang isang batas hanggang sa panahong walang takda ay dapat ninyong ipagdiwang iyon.” Ang pagdiriwang sa ika-14 ng buwan ay susundan ng pitong-araw na kapistahan. Nisan 14 ang mismong araw ng Paskuwa, pero ang buong walong-araw na kapistahan ay maaari ding tawaging Paskuwa. (Ex. 12:14-17; Luc. 22:1; Juan 18:28; 19:14) Isa ito sa mga itinakdang kapistahan (“anibersaryo,” The Bible in Living English) na dapat ipagdiwang ng mga Israelita taun-taon.2 Cro. 8:13.

7. Anong pagdiriwang ang pinasimulan ni Jesus noong kaniyang huling Paskuwa kasama ng mga apostol?

7 Bilang mga Judio na nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ipinagdiwang ni Jesus at ng kaniyang mga apostol ang taunang Paskuwa. (Mat. 26:17-19) Sa huling Paskuwa na magkakasama sila, pinasimulan ni Jesus ang isang bagong pagdiriwang na gagawin ng kaniyang mga tagasunod taun-taon—ang Hapunan ng Panginoon. Pero anong araw nila ito gagawin?

ANONG ARAW ANG HAPUNAN NG PANGINOON?

8. Ano ang maaaring itanong ng ilan tungkol sa Paskuwa at sa Hapunan ng Panginoon?

8 Ang Hapunan ng Panginoon ay pinasimulan ni Jesus matapos niyang ipagdiwang ang Paskuwa kasama ng mga apostol, kaya ang bagong pagdiriwang na ito ay isinagawa noong araw din ng Paskuwa. Pero baka napansin mong sa ilang modernong kalendaryo, ang petsa kung kailan ipinagdiriwang ng mga Judio ang Paskuwa ay hindi laging katapat ng mismong petsa ng pag-alaala natin sa kamatayan ni Kristo. Bakit? Para masagot iyan, makakatulong kung isasaalang-alang natin ang utos ng Diyos sa mga Israelita. Matapos sabihin ni Moises na dapat ‘patayin ng buong kongregasyon ng kapulungan ng Israel’ ang kordero, espesipiko niyang binanggit kung kailan sa araw ng Nisan 14 dapat itong gawin.Basahin ang Exodo 12:5, 6.

9. Ayon sa Exodo 12:6, kailan dapat patayin ang kordero ng Paskuwa? (Tingnan din ang kahong  “Anong Bahagi ng Araw?”)

9 Ayon sa The Pentateuch and Haftorahs, sinasabi ng Exodo 12:6 na ang kordero ay dapat patayin “sa pagitan ng dalawang gabi.” Ganiyan  din ang pananalitang ginamit sa ibang mga bersiyon ng Bibliya. Isinalin naman ito ng iba, kabilang na ang Tanakh ng mga Judio, bilang “sa takipsilim.” Mayroon ding gumamit ng “sa dapit-hapon,” “pagkagat ng dilim,” o “paglubog ng araw.” Kaya ang kordero ay papatayin pagkalubog ng araw pero habang may liwanag pa, sa pasimula ng Nisan 14.

10. Ayon sa ilan, kailan isinasagawa ang pagpatay sa kordero, pero anong tanong ang bumabangon?

10 Nang maglaon, ipinalagay ng ilang Judio na maraming oras ang kinailangan para patayin ang lahat ng korderong dinadala noon sa templo. Kaya inisip nila na ang Exodo 12:6 ay tumutukoy sa pagtatapos ng Nisan 14, kapag nagsimula nang bumaba ang araw (pagkaraan ng katanghaliang-tapat) hanggang sa lumubog na ito. Pero kung gayon nga, kailan magsasalu-salo ang mga Israelita? Ayon kay Propesor Jonathan Klawans, isang eksperto sa sinaunang Judaismo, lumilitaw na gagawin nila iyon nang Nisan 15. Pero inamin niya na hindi ito direktang binabanggit sa aklat ng Exodo. Sinabi rin niya na hindi tinatalakay sa mga isinulat ng mga rabbi kung paano ipinagdiriwang ang Paskuwa bago winasak ang templo noong 70 C.E.

11. (a) Ano ang mga nangyari kay Jesus noong araw ng Paskuwa ng 33 C.E.? (b) Bakit tinawag na ‘dakilang’ Sabbath ang Nisan 15 ng 33 C.E.? (Tingnan ang talababa.)

11 Kaya maitatanong natin, Kumusta naman ang Paskuwa noong 33 C.E.? Noong Nisan 13, bago ang araw ‘kung kailan dapat ihain ang hayop na pampaskuwa,’ sinabi ni Kristo kina Pedro at Juan: “Yumaon kayo at ihanda ang paskuwa upang ating kainin.” (Luc. 22:7, 8) “Sa kalaunan . . . dumating ang oras” para ipagdiwang ang Paskuwa, pagkalubog ng araw noong Nisan 14, na pumatak ng Huwebes ng gabi. Nagsalu-salo si Jesus at ang kaniyang mga apostol sa hapunan ng Paskuwa, at pagkatapos ay pinasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon. (Luc. 22:14, 15) Nang gabing iyon, inaresto siya at nilitis. Ibinayubay si Jesus nang bandang tanghali noong Nisan 14 at namatay nang hapong iyon. (Juan 19:14) Kaya “si Kristo nga na ating paskuwa ay inihain” noon ding araw na pinatay ang kordero ng Paskuwa. (1 Cor. 5:7; 11:23; Mat. 26:2) Sa pagtatapos ng araw na iyon, inilibing si Jesus—bago magsimula ang Nisan 15. *Lev. 23:5-7; Luc. 23:54.

ISANG PINAKAALAALA NA MAY MGA ARAL PARA SA INYO

12, 13. Paano nagiging bahagi ng pagdiriwang ng Paskuwa ang mga batang Judio?

12 Balikan natin ang unang Paskuwa sa Ehipto. Sinabi ni Moises na dapat alalahanin  iyon ng bayan ng Diyos “hanggang sa panahong walang takda.” Taun-taon tuwing Paskuwa, posibleng itinatanong ng mga anak sa kanilang mga magulang kung bakit nila ipinagdiriwang iyon. (Basahin ang Exodo 12:24-27; Deut. 6:20-23) Kaya ang Paskuwa ay nagsisilbi ring “pinakaalaala” kahit sa mga bata.Ex. 12:14.

13 Sa sumunod na mga henerasyon, itinuro ng mga ama sa kanilang mga anak ang mahahalagang aral tungkol sa Paskuwa. Isa na rito ang tungkol sa kakayahan ni Jehova na protektahan ang kaniyang mga mananamba. Natutuhan ng mga bata na si Jehova ay totoo at buháy na Diyos na nagmamalasakit sa kaniyang bayan at kumikilos alang-alang sa kanila. Pinatunayan niya ito nang ingatan niyang buháy ang mga panganay na Israelita noong “salutin niya ang mga Ehipsiyo.”

14. Anong aral tungkol sa Paskuwa ang maituturo ng Kristiyanong mga magulang sa kanilang mga anak?

14 Hindi kailangang ikuwento taun-taon ng Kristiyanong mga magulang sa kanilang mga anak ang tungkol sa Paskuwa. Pero itinuturo mo ba sa iyong mga anak ang aral na ito—na pinoprotektahan ng Diyos ang kaniyang bayan? Nakikita ba nila na talagang naniniwala kang si Jehova ay Tagapagsanggalang ng kaniyang bayan hanggang ngayon? (Awit 27:11; Isa. 12:2) At itinuturo mo ba iyan sa iyong mga anak sa pamamagitan ng masayang pag-uusap at hindi parang naglelektyur ka sa kanila? Kung ituturo mo sa iyong pamilya ang aral na iyan, higit silang magtitiwala kay Jehova.

Anong mga aral ang maituturo mo sa iyong mga anak tungkol sa Paskuwa? (Tingnan ang parapo 14)

15, 16. Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova may kaugnayan sa Paskuwa at sa ulat ng Exodo?

15 Matututuhan din natin sa Paskuwa na kayang iligtas ni Jehova ang kaniyang bayan, gaya noong ‘ilabas niya mula sa Ehipto’ ang mga Israelita. Isip-isipin ang mga nangyari. Pinatnubayan sila ng haliging ulap at ng haliging apoy. Nahawi ang Dagat na Pula at nakalakad sila sa sahig ng dagat. Pagkatawid nila, nakita nilang bumagsak sa hukbong Ehipsiyo ang tubig ng dagat. Pagkatapos, umawit ang iniligtas na mga Israelita: “Aawit ako kay Jehova . . . Ang kabayo at ang sakay nito ay ibinulid niya sa dagat. Ang aking lakas at ang aking kalakasan ay si Jah, sapagkat siya ang naging aking kaligtasan.”Ex. 13:14, 21, 22; 15:1, 2; Awit 136:11-15.

16 Kung may mga anak ka, tinutulungan mo ba silang magtiwala kay Jehova bilang Tagapagligtas? Nakikita ba nila sa iyong mga sinasabi at desisyon ang gayong pagtitiwala? Maaari mong isama sa inyong Pampamilyang Pagsamba ang pagtalakay sa Exodo kabanata 12-15 at itampok kung paano iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan. Maaari mo ring itawag-pansin ang puntong iyan kapag tinatalakay ninyo ang Gawa 7:30-36 o ang Daniel 3:16-18, 26-28. Oo, bata’t matanda ay dapat magtiwalang si Jehova ay Tagapagligtas hanggang ngayon. Kung paanong iniligtas niya ang kaniyang bayan noong panahon ni Moises, ililigtas din niya tayo sa hinaharap.Basahin ang 1 Tesalonica 1:9, 10.

 ALALAHANIN NATIN

17, 18. Ano ang ipinaaalaala sa atin ng paggamit ng dugo noong unang Paskuwa?

17 Hindi ipinagdiriwang ng mga tunay na Kristiyano ang Paskuwa. Ang anibersaryong iyon ay bahagi ng Kautusang Mosaiko, at wala naman tayo sa ilalim ng Kautusan. (Roma 10:4; Col. 2:13-16) Sa halip, ibang anibersaryo ang inaalaala natin, ang kamatayan ng Anak ng Diyos. Pero marami tayong matututuhan sa pagdiriwang ng Paskuwa na pinasimulan sa Ehipto.

18 Ang dugo ng kordero na iwinisik sa mga poste at biga ng pinto ay nagligtas ng buhay. Sa ngayon, hindi tayo naghahandog sa Diyos ng mga haing hayop—sa araw man ng Paskuwa o sa ibang petsa. Pero may nakahihigit na hain na permanenteng makapag-iingat ng buhay. Sumulat si apostol Pablo tungkol sa “kongregasyon ng panganay na nakatala sa langit.” Ang buhay ng mga pinahirang Kristiyanong iyon ay iniligtas sa pamamagitan ng “dugo ng pagwiwisik,” ang dugo ni Jesus. (Heb. 12:23, 24) Dahil din sa dugong iyon, ang ibang mga tupa ay nagkaroon ng pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Dapat nating laging alalahanin: “Sa pamamagitan niya ay taglay natin ang paglaya sa pamamagitan ng pantubos dahil sa dugo ng isang iyon, oo, ang kapatawaran ng ating mga pagkakamali, ayon sa kayamanan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan.”Efe. 1:7.

19. Paanong ang hindi pagbali sa mga buto ng kordero ng Paskuwa ay nagpapatibay sa pagtitiwala natin sa hula ng Bibliya?

19 Nang patayin ang kordero para sa hapunan ng Paskuwa, tinagubilinan ang mga Israelita na huwag baliin ang alinmang buto nito. (Ex. 12:46; Bil. 9:11, 12) Kumusta naman ang “Kordero ng Diyos” na naglaan ng pantubos? (Juan 1:29) Ibinayubay siya sa pagitan ng dalawang kriminal. Hiniling ng mga Judio kay Pilato na ipabali ang mga buto ng mga nakabayubay. Mapabibilis nito ang pagkamatay nila para maibaba sila sa tulos bago ang Nisan 15, na dobleng Sabbath. Binali ng mga kawal ang mga binti ng dalawang kriminal, “ngunit pagparoon kay Jesus, nang makita nilang patay na siya, hindi nila binali ang kaniyang mga binti.” (Juan 19:31-34) Ang nangyaring ito kay Jesus ay katulad ng hindi pagbali sa mga buto ng kordero ng Paskuwa, kaya sa gayong paraan, ang korderong iyon ay “anino” ng bagay na darating noong Nisan 14, 33 C.E. (Heb. 10:1) Natupad din sa nangyari kay Jesus ang sinasabi sa Awit 34:20, na dapat magpatibay sa pagtitiwala natin sa hula ng Bibliya.

20. Ano ang kapansin-pansing pagkakaiba ng Paskuwa at ng Hapunan ng Panginoon?

20 Pero may mga pagkakaiba rin ang Paskuwa at ang Hapunan ng Panginoon. Ipinakikita ng mga iyon na ang Paskuwang aalalahanin ng mga Judio ay hindi lumalarawan sa ipinag-utos ni Kristo na gawin ng kaniyang mga tagasunod bilang pag-alaala sa kamatayan niya. Sa Ehipto, kinain ng mga Israelita ang karne ng kordero pero hindi ang dugo nito. Naiiba iyan sa iniutos ni Jesus sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya na ang mga mamamahala “sa kaharian ng Diyos” ay dapat kumain ng tinapay at uminom ng alak, na mga sagisag ng kaniyang katawan at dugo. Tatalakayin natin iyan nang mas detalyado sa susunod na artikulo.Mar. 14:22-25.

21. Bakit kapaki-pakinabang na maging pamilyar tayo sa Paskuwa?

21 Walang alinlangang ang Paskuwa ay isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Israel, at marami tayong matututuhan dito. Kaya kahit ang Paskuwa ay nagsilbing “pinakaalaala” sa mga Judio, hindi sa mga Kristiyano, dapat tayong maging pamilyar dito at isapuso natin ang ilang mahahalagang aral na itinuturo nito bilang bahagi ng ‘lahat ng Kasulatan na kinasihan ng Diyos.’2 Tim. 3:16.

^ par. 5 Ang unang buwan sa kalendaryong Hebreo ay Abib, pero tinawag itong Nisan pagkabalik ng mga Israelita mula sa pagkatapon. Sa artikulong ito, Nisan ang gagamitin natin.

^ par. 11 Ang araw pagkaraan ng Paskuwa, Nisan 15, ay ang unang araw ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa at laging sabbath. Noong 33 C.E., ang Nisan 15 ay pasimula rin ng lingguhang Sabbath (Sabado). Dahil dalawang Sabbath ang nagkasabay, iyon ay ‘dakilang’ Sabbath.Basahin ang Juan 19:31, 42.