Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Kanlurang Aprika

Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Kanlurang Aprika

HABANG lumalaki si Pascal sa isang mahirap na lugar sa Côte d’Ivoire, nangarap siyang umangat sa buhay. Dahil isang amatyur na boksingero, naisip niya, ‘Saan kaya ako sisikat at yayaman?’ Noong mga 25 anyos siya, naisip niyang sa Europa matutupad ang pangarap niya. Pero wala siyang mga dokumento para makapagbiyahe, kaya kailangan niyang pumasok nang ilegal sa Europa.

Noong 1998, sa edad na 27, nagsimulang maglakbay si Pascal. Tumawid siya ng border patungong Ghana, dumaan sa Togo at Benin, at nakarating sa bayan ng Birni Nkonni sa Niger. Mula roon, mapanganib na ang kaniyang paglalakbay. Para makarating sa hilaga, makikiangkas siya sa isang trak at tatawid ng Sahara Desert. Pagdating sa Mediteraneo, sasakay siya ng bangka papuntang Europa. Iyan ang plano niya, pero may mga nangyari sa Niger na pumigil sa kaniya.

Una, naubusan siya ng pera. Ikalawa, nakilala niya si Noé, isang payunir, na nag-Bible study sa kaniya. Tumagos sa kaniyang puso ang mga natutuhan niya at binago nito ang pananaw niya sa buhay. Ang plano niyang magpayaman ay napalitan ng interes sa espirituwal na mga bagay. Noong Disyembre 1999, nabautismuhan si Pascal. Bilang pasasalamat kay Jehova, nagsimula siyang magpayunir noong 2001 sa Niger—sa bayan kung saan niya nalaman ang katotohanan. Ano ang nadarama niya sa paglilingkod? Sinabi niya, “Napakasaya ng buhay ko ngayon!”

MAS MASAYANG BUHAY—SA APRIKA

Anne-Rakel

Tulad ni Pascal, napatunayan ng marami na mas masaya ang buhay na nakasentro sa espirituwal na mga tunguhin. Para maabot ang mga iyon, iniwan ng ilan ang Europa at lumipat sa Aprika para maglingkod sa mga lugar na nangangailangan ng karagdagang mangangaral. Sa katunayan, mga 65 Saksi mula sa Europa—edad 17 hanggang 70—ang lumipat sa Kanlurang Aprika sa mga bansang Benin, Burkina Faso, Niger, at Togo. * Tinatawag silang mga “need greater.” Ano ang nagpakilos sa kanila na gawin iyon, at ano ang resulta?

Sinabi ni Anne-Rakel na mula sa Denmark: “Ang mga magulang ko ay misyonero noon sa Senegal. Bukambibig nila ang buhay-misyonero, kaya pinangarap ko rin ang gano’ng buhay.” Mga 15 taon na ang nakaraan, si Anne-Rakel, na lampas 20 anyos noon, ay lumipat sa Togo at naglingkod sa isang sign-language congregation. Paano napatibay ang iba sa ginawa niya? Sinabi niya: “Di-nagtagal, sumunod sa  akin sa Togo ang nakababata kong kapatid na babae at kapatid na lalaki.”

Albert-Fayette at Aurele

Si Aurele, 70-anyos na brother na may asawa at mula sa France, ay nagsabi: “Limang taon na ang nakalipas, nang maging pensiyonado ako, naisip kong puwede akong mamuhay na lang nang tahimik sa France at hintayin ang Paraiso o kaya’y magpalawak ng ministeryo ko.” Pinili ni Aurele na palawakin ang ministeryo niya. Mga tatlong taon na ang nakaraan, siya at ang asawa niyang si Albert-Fayette ay lumipat sa Benin. “Ang paglilingkod kay Jehova dito ang pinakamagandang ginawa namin,” ang sabi ni Aurele. “Nagkataon naman,” nakangiti niyang sinabi, “may teritoryo kaming tabing-dagat na parang Paraiso.”

Ang mag-asawang Clodomir at Lysiane, taga-France, ay lumipat sa Benin 16 na taon na ang nakalipas. Noong una, miss na miss nila ang kanilang pamilya at mga kaibigan sa France at nag-aalala silang baka hindi sila makapag-adjust. Pero walang dahilan para mag-alala sila. Malaking kagalakan ang naranasan nila. “Sa nagdaang 16 na taon,” sabi ni Clodomir, “karaniwan nang isang tao bawat taon ang naaakay namin sa katotohanan.”

Sina Lysiane at Clodomir kasama ang ilang natulungan nilang matuto ng katotohanan

Johanna at Sébastien

Sina Sébastien at Johanna, mag-asawa mula sa France, ay lumipat sa Benin noong 2010. “Napakaraming gawain sa kongregasyon,” ang sabi ni Sébastien. “Ang paglilingkod dito ay parang pag-aaral sa pinabilis na teokratikong pagsasanay!” Kumusta naman ang pagtugon ng mga tao? Sinabi ni Johanna: “Uháw sa katotohanan ang mga tao. Kahit sa panahong hindi kami nangangaral, tinatanong kami ng mga tao sa kalsada tungkol sa Bibliya at humihingi ng mga publikasyon natin.” Ano ang epekto ng paglipat na ito sa pagsasama nila? Sinabi ni Sébastien: “Tumibay ang relasyon namin. Napakasayang makasama nang maghapon sa ministeryo ang misis ko.”

Ang mag-asawang Eric at Katy ay nagpapayunir sa hilagang Benin na kaunti ang populasyon. Mga sampung taon na ang nakaraan, noong nasa France pa sila, nagbasa sila ng mga artikulo tungkol sa paglilingkod sa mga lugar na may malaking pangangailangan at nakipag-usap sa mga naglilingkod nang buong panahon. Dahil dito, nagkainteres silang lumipat sa ibang bansa, na ginawa nila noong 2005. Kahanga-hanga ang nakita nilang pagsulong. Sinabi ni Eric: “Noong nakaraang dalawang taon, 9 ang mamamahayag sa grupo namin sa bayan ng Tanguiéta; ngayon ay 30 na kami. Tuwing Linggo, 50 hanggang  80 ang dumadalo sa pulong. Nakakatuwang makita ang gayong pagsulong!”

Katy at Eric

ALAMIN AT PAGTAGUMPAYAN ANG MGA HAMON

Benjamin

Ano ang mga hamon sa ilang “need greater”? Si Benjamin, edad 33, ay kapatid ni Anne-Rakel. Noong 2000, nakilala niya sa Denmark ang isang dating misyonero sa Togo. Ikinuwento ni Benjamin: “Nang banggitin ko sa misyonerong iyon na gusto kong magpayunir, sinabi niya: ‘Puwede kang magpayunir sa Togo.’ ” Pinag-isipan iyon ni Benjamin. Sinabi niya: “Wala pa akong 20 anyos noon, pero dahil naglilingkod na sa Togo ang dalawa kong ate, madali na sa akin ang magpunta roon.” Kaya lumipat siya sa Togo. Pero may hamon. Sinabi niya: “Hindi ako marunong mag-Pranses. Hirap na hirap akong makipag-usap noong unang anim na buwan.” Pero sumulong din si Benjamin. Naglilingkod na siya ngayon sa Bethel sa Benin, nagde-deliver ng mga literatura at tumutulong sa computer department.

Marie-Agnès at Michel

Sina Eric at Katy, binanggit na, ay nagboluntaryong mangaral sa mga banyaga sa France bago lumipat sa Benin. Ano ang kaibahan ng Kanlurang Aprika? Sinabi ni Katy: “Nahirapan kaming humanap ng maayos na tirahan. Ilang buwan kaming tumira sa isang bahay na walang kuryente at instalasyon ng tubig.” Sinabi naman ni Eric: “Kahit gabing-gabi na, napakalakas ng musika ng mga kapitbahay. Kailangan mong pagtiisan ang gan’ong mga bagay at dapat handa kang mag-adjust.” Pero sinabi nila: “Bale-wala ang anumang hirap kumpara sa kagalakang maglingkod sa teritoryong halos hindi pa napapangaralan.”

Ang mag-asawang Michel at Marie-Agnès, parehong halos 60 anyos na at mula sa France, ay lumipat sa Benin mga limang taon na ang nakalipas. Nangamba sila noong una. Sinabi ni Michel: “Ikinukumpara ng ilan ang paglipat namin sa isa na tumutulay sa lubid habang may tulak na karetilya—at nakasakay kami sa karetilya! Nakakatakot iyon kung hindi mo alam na si Jehova y’ong tumutulay sa lubid. Kaya lumipat kami para kay Jehova at kasama siya.”

KUNG PAANO MAGHAHANDA

Ayon sa ilang naging “need greater,” mahalaga sa paghahanda ang mga ito: Magplano. Matutong mag-adjust. Magbadyet. Magtiwala kay Jehova.Luc. 14:28-30.

Si Sébastien, binanggit na, ay nagsabi: “Bago lumipat, dalawang taon kaming nag-ipon ni Johanna. Binawasan namin ang gastos sa paglilibang at hindi kami bumibili ng mga di-kailangan.” Para patuloy na  makapagpayunir sa Benin, nagtatrabaho sila sa Europa nang ilang buwan bawat taon.

Marie-Thérèse

Si Marie-Thérèse ay isa sa mga 20 sister na walang asawa at tagaibang bansa na naglilingkod sa Kanlurang Aprika. Drayber siya ng bus sa France; pero noong 2006, nag-leave siya nang isang taon para magpayunir sa Niger. Di-nagtagal, nakita niyang iyon ang gusto niyang buhay. Sinabi ni Marie-Thérèse: “Pagbalik sa France, hiniling ko sa amo ko na i-adjust ang iskedyul ko, at pumayag naman siya. Ngayon, mula Mayo hanggang Agosto, drayber ako ng bus sa France, at mula Setyembre hanggang Abril, payunir ako sa Niger.”

Saphira

Ang mga ‘humahanap muna sa kaharian’ ay makapagtitiwalang ilalaan ni Jehova ‘ang lahat ng iba pang bagay na kailangan nila.’ (Mat. 6:33) Halimbawa: Si Saphira, halos 30-anyos na sister na walang asawa at taga-France, ay nagpapayunir sa Benin. Noong 2011, bumalik siya sa France para mag-ipon ng magagamit sa paglilingkod nang isa pang taon (ikaanim na taon niya) sa Aprika. Ikinuwento niya: “Biyernes noon at huling araw ko na sa trabaho, pero kailangan ko pa ng sampung-araw na trabaho para makaipon nang sapat. Dalawang linggo na lang ako sa France. Ipinanalangin ko kay Jehova ang sitwasyon ko. Di-nagtagal, isang employment agency ang tumawag at nagtanong kung puwede kong palitan nang dalawang linggo ang isang trabahador.” Kinalunisan, pinuntahan ni Saphira ang lugar ng trabaho para sanayin ng papalitan niya. Sinabi niya: “Nagulat ako nang malaman kong isa siyang sister na kailangang mag-leave nang sampung araw para mag-aral sa Pioneer Service School! Ayaw siyang payagan ng boss niya hangga’t wala siyang kapalit. Hiniling niya kay Jehova na tulungan siya—gaya rin ng ginawa ko.”

NAGDUDULOT NG TUNAY NA KASIYAHAN

May mga kapatid na matagal nang naglilingkod sa Kanlurang Aprika at doon na nanirahan. Ang iba ay nanatili roon nang ilang taon at bumalik sa sarili nilang bayan. Pero hanggang ngayon, ang mga dating “need greater” na iyon ay nakikinabang sa panahong ipinaglingkod nila sa ibang bansa. Natutuhan nilang ang tunay na kasiyahan ay nagmumula sa paglilingkod kay Jehova.

^ par. 6 Ang sangay sa Benin ang nangangasiwa sa gawain sa mga bansang ito, kung saan ginagamit ang wikang Pranses.