Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maglingkod kay Jehova Bago ang Kapaha-pahamak na mga Araw

Maglingkod kay Jehova Bago ang Kapaha-pahamak na mga Araw

“Alalahanin mo . . . ang iyong Dakilang Maylalang.”ECLES. 12:1.

1, 2. (a) Anong kinasihang payo ang isinulat ni Solomon para sa mga kabataan? (b) Bakit dapat ding maging interesado sa payo ni Solomon ang mga Kristiyanong nasa edad 50 pataas?

SI Haring Solomon ay kinasihang isulat para sa mga kabataan: “Alalahanin mo . . . ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan, bago dumating ang kapaha-pahamak na mga araw.” Ano ang “kapaha-pahamak na mga araw”? Gumamit si Solomon ng makasagisag na pananalita para ilarawan ang nararanasan ng mga may-edad na—nanginginig na kamay, mahihinang tuhod, pagkalagas ng ngipin, malabong mata, mahinang pandinig, puting buhok, at pagkahukot. Kaya naman bago pa dumating sa ganiyang kalagayan, makabubuting maglingkod na tayo kay Jehova.Basahin ang Eclesiastes 12:1-5.

2 Maraming Kristiyano na nasa edad 50 pataas ang malalakas pa. Maaaring may mga puting buhok na sila, pero baka hindi pa sila katulad ng inilarawan ni Solomon. Puwede bang makinabang ang nagkakaedad nang mga Kristiyanong ito sa payo ni Solomon sa mga kabataan: “Alalahanin mo . . . ang iyong Dakilang Maylalang”? Ano ang ibig sabihin nito?

3. Ano ang nasasangkot sa pag-alaala sa ating Dakilang Maylalang?

 3 Kahit matagal na tayong naglilingkod kay Jehova, makabubuting pag-isipan pa rin paminsan-minsan kung gaano kadakila ang ating Maylalang. Hindi ba’t kamangha-mangha ang buhay? Napakasalimuot ng pagkakadisenyo sa mga nilalang at hindi natin ito lubusang mauunawaan. Ang sari-saring paglalaan ni Jehova ay nagdudulot sa atin ng malaking kasiyahan. Kapag binubulay-bulay natin ang mga nilalang ni Jehova, higit nating napahahalagahan ang kaniyang pag-ibig, karunungan, at kapangyarihan. (Awit 143:5) Sa pag-alaala sa ating Dakilang Maylalang, dapat din nating seryosong pag-isipan ang ating mga pananagutan sa kaniya. Sa gayong pagbubulay-bulay, tumitibay ang determinasyon nating pasalamatan siya sa pamamagitan ng lubusang paglilingkod habang nabubuhay tayo.Ecles. 12:13.

NATATANGING MGA OPORTUNIDAD NG MGA NAGKAKAEDAD NA

4. Ano ang maaaring itanong sa sarili ng makaranasang mga Kristiyano, at bakit?

4 Kung isa kang adulto na marami nang karanasan sa buhay, tanungin ang sarili, ‘Ano ang puwede kong gawin habang malakas pa ako at masigla?’ Bilang makaranasang Kristiyano, may mga oportunidad ka na wala sa iba. Maibabahagi mo sa mga nakababata ang mga natutuhan mo kay Jehova. Mapatitibay mo ang iba kung ikukuwento mo ang iyong mga karanasan sa paglilingkod sa Diyos. Nanalangin si Haring David para sa gayong mga oportunidad. Sumulat siya: “O Diyos, tinuruan mo ako mula pa sa aking pagkabata . . . Maging hanggang sa katandaan at pagiging may-uban, O Diyos, huwag mo akong iwan, hanggang sa masabi ko sa salinlahi ang tungkol sa iyong bisig, sa kanilang lahat na darating, ang tungkol sa iyong kalakasan.”Awit 71:17, 18.

5. Paano maibabahagi ng nagkakaedad nang mga Kristiyano ang mga natutuhan nila?

5 Paano mo maibabahagi sa iba ang karunungang naipon mo sa mahabang panahon? Puwede mo bang imbitahan sa bahay ang mga nakababatang lingkod ng Diyos para sa nakapagpapatibay na kuwentuhan? Maaari mo ba silang yayain na samahan ka sa ministeryo para maipakita sa kanila ang kagalakang nararanasan mo sa paglilingkod? Sinabi ni Elihu na nabuhay noong sinaunang panahon: “Ang mga araw ang dapat magsalita, at ang karamihan ng mga taon ang dapat maghayag ng karunungan.” (Job 32:7) Hinimok ni apostol Pablo ang makaranasang mga babaing Kristiyano na patibayin ang iba sa pamamagitan ng salita at halimbawa. Isinulat niya: “Ang matatandang babae ay maging . . . mga guro ng kabutihan.”Tito 2:3.

PAG-ISIPAN ANG MAGAGAWA MO PARA MAKATULONG SA IBA

6. Bakit maraming magagawa ang makaranasang mga Kristiyano para makatulong sa iba?

6 Kung isa kang makaranasang Kristiyano, marami kang magagawa para makatulong sa iba. May mga nauunawaan ka ngayon na hindi mo alam 30 o 40 taon ang nakararaan. Alam mo na kung paano epektibong ikakapit ang maraming simulain ng Bibliya. Tiyak na may kakayahan kang abutin ang puso ng iba sa pamamagitan ng katotohanan sa Bibliya. Kung isa kang elder, alam mo na kung paano tutulungan ang mga kapatid na nakagawa ng maling hakbang. (Gal. 6:1) Baka natutuhan mo kung paano mangasiwa ng mga gawain sa kongregasyon, mga department sa asamblea, o ng pagtatayo ng Kingdom Hall. Maaaring alam mo kung paano hihimukin ang mga doktor na gumamit ng mga pamamaraang hindi kailangan ang pagsasalin ng dugo. Kung baguhan ka naman sa katotohanan, may kapaki-pakinabang na mga karanasan ka sa buhay. Halimbawa, baka nagpalaki ka ng mga anak kaya malamang na marami kang praktikal na karunungan. Malaking tulong ang maibibigay ng nagkakaedad nang mga Kristiyano sa kongregasyon sa pamamagitan ng pagtuturo, pangunguna, at  pagpapatibay sa mga kapatid.Basahin ang Job 12:12.

7. Anong kapaki-pakinabang na pagsasanay ang maibibigay ng nagkakaedad nang mga Kristiyano sa mga nakababata?

7 Paano ka pa makakatulong sa iba? Marahil ay maipakikita mo sa mga nakababata kung paano magpapasimula at magdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Kung sister ka, mapapayuhan mo ba ang nakababatang mga ina kung paano babalansehin ang espirituwal na mga gawain at ang pag-aalaga sa maliliit na anak? Kung brother ka naman, matuturuan mo ba ang nakababatang mga brother kung paano magpapahayag nang may sigla at magiging mas epektibo sa pangangaral? Puwede kayang ipakita mo sa kanila kung paano dadalawin at patitibayin ang may-edad nang mga kapatid? Kahit hindi ka na kasinlakas ng dati, marami kang oportunidad na sanayin ang mga nakababata. Sinasabi ng Bibliya: “Ang kagandahan ng mga kabataang lalaki ay ang kanilang kalakasan, at ang karilagan ng matatandang lalaki ay ang kanilang ulong may uban.”Kaw. 20:29.

PAGLILINGKOD KUNG SAAN MAS MALAKI ANG PANGANGAILANGAN

8. Ano ang ginawa ni Pablo kahit noong nagkakaedad na siya?

8 Si apostol Pablo ay lubusang naglingkod sa Diyos kahit noong nagkakaedad na siya. Nang palayain siya mula sa bilangguan sa Roma noong mga 61 C.E., maraming taon na siyang nakapaglingkod bilang misyonero, at puwede sanang nanatili na lang sa Roma at doon nangaral. (2 Cor. 11:23-27) Tiyak na pahahalagahan ng mga kapatid sa malaking lunsod na iyon ang kaniyang suporta. Pero nakita ni Pablo na mas malaki ang pangangailangan sa ibang lupain. Kasama sina Timoteo at Tito, ipinagpatuloy niya ang kaniyang paglalakbay bilang misyonero; naglakbay siya patungong Efeso, Creta, at malamang na hanggang Macedonia. (1 Tim. 1:3; Tito 1:5) Hindi natin alam kung nagpunta siya sa Espanya, pero binalak niyang gawin iyon.Roma 15:24, 28.

9. Kailan posibleng lumipat si Pedro sa teritoryong mas malaki ang pangangailangan? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulong ito.)

9 Si apostol Pedro ay maaaring lampas 50 na nang lumipat sa teritoryong mas malaki ang pangangailangan. Bakit natin nasabi iyan? Kung kaedad niya si Jesus o mas matanda siya nang kaunti, malamang na mga 50 na siya nang makipagpulong sa iba pang mga apostol sa Jerusalem noong 49 C.E. (Gawa 15:7) Ilang panahon pagkaraan nito, nanirahan si Pedro sa Babilonya, tiyak na para mangaral sa maraming Judio na naroon. (Gal. 2:9) Doon siya nakatira nang isulat niya ang kaniyang unang kinasihang liham noong mga 62 C.E. (1 Ped. 5:13) Hindi madaling manirahan sa banyagang lupain, pero hindi hinayaan ni Pedro na makahadlang ang edad niya sa lubusang paglilingkod kay Jehova.

10, 11. Magbigay ng karanasan ng isang nagkakaedad nang kapatid na naglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan.

10 Sa ngayon, dahil sa nagbagong kalagayan ng maraming Kristiyano na edad 50 o higit pa, nakita nilang puwede silang makapaglingkod kay Jehova sa ibang paraan. Ang ilan ay lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan. Halimbawa, sumulat si Robert: “Mga edad 55 na kami ng asawa ko nang maisip namin ang mga oportunidad na bukás sa amin. Bumukod na ang kaisa-isa naming anak, wala na kaming inaalagaang matatanda nang magulang, at may tinanggap kaming kaunting mana. Nakita ko ring sapat ang mapagbebentahan ng aming bahay para makumpleto ang hulog doon at may magagastos kami hanggang sa magpensiyon ako. Nabalitaan namin na maraming tumatanggap ng Bible study sa Bolivia at hindi magastos mamuhay roon. Kaya nagdesisyon kaming lumipat. Hindi madaling mag-adjust sa bago naming tahanan. Lahat ay ibang-iba sa nakasanayan namin sa Hilagang Amerika. Pero sulit na sulit ang aming pagsisikap.”

 11 Dagdag pa ni Robert: “Ang buhay namin ay nakasentro ngayon sa mga gawain ng kongregasyon. Nabautismuhan na ang ilan sa mga tinuruan namin sa Bibliya. Isang pamilyang tinuruan namin ang mahirap lang at nakatira sa isang malayong nayon. Pero linggu-linggo, matiyaga silang nagpupunta sa bayan para sa mga pulong. Tuwang-tuwa kaming makita ang pagsulong ng pamilyang iyon, at nagpayunir pa nga ang panganay sa mga anak na lalaki!”

PANGANGARAL SA MGA BANYAGA ANG WIKA

12, 13. Magbigay ng karanasan tungkol sa isang kapatid na naglingkod kay Jehova sa ibang paraan nang magretiro na siya.

12 Ang mga kongregasyon at grupo na banyaga ang wika ay makikinabang nang husto sa halimbawa ng nagkakaedad nang mga kapatid. Kasiya-siya ring maglingkod sa gayong mga teritoryo. Halimbawa, sumulat si Brian: “Wala na kaming gaanong pinagkakaabalahan ng misis ko nang mag-65 ako, ang edad ng pagreretiro sa Britanya. Bumukod na ang mga anak namin, at bihira na kaming makatagpo ng interesadong mag-aral ng Bibliya. Pagkatapos, may nakilala akong isang lalaking Chinese na nagre-research sa unibersidad sa lugar namin. Tinanggap niya ang paanyayang dumalo sa pulong, at sinimulan ko siyang turuan sa Bibliya. Pagkaraan ng ilang linggo, nagsama siya ng isang kababayan niya. Pagkaraan ng dalawang linggo, nagsama siya ng isa pa, at ng isa pa pagkatapos nito.

13 “Nang may ikalimang Chinese researcher na humiling ng pag-aaral sa Bibliya, naisip ko, ‘Hindi dahil 65 na ako, magreretiro na ako sa paglilingkod kay Jehova.’ Kaya tinanong ko ang asawa ko, na mas bata sa akin nang dalawang taon, kung gusto niyang matuto ng Chinese. Gumamit kami ng nakarekord na kurso sa wika. Sampung taon na ngayon ang nakalipas. Pakiramdam namin, bumata uli kami dahil sa pangangaral sa mga banyaga ang wika. Sa ngayon, 112 Chinese na ang naturuan namin sa Bibliya! Karamihan ay nakadalo na sa pulong. Payunir na sa kongregasyon namin ang isa sa kanila.”

Mapapalawak mo pa rin ang iyong ministeryo kahit may-edad ka na (Tingnan ang parapo 12, 13)

GAWIN KUNG ANO ANG KAYA MO

14. Ano ang dapat tandaan ng nagkakaedad nang mga Kristiyano? Paano sila mapapatibay ng halimbawa ni Pablo?

14 Hindi lahat ng Kristiyanong edad 50 pataas ay nasa kalagayang maglingkod kay  Jehova sa ibang mga paraan. Mahina ang kalusugan ng ilan, at ang iba ay nag-aalaga ng matatanda nang mga magulang o may mga anak pang sinusuportahan. Tandaan na pinahahalagahan ni Jehova ang anumang ginagawa mo sa paglilingkod sa kaniya. Kaya sa halip na malungkot dahil sa mga hindi mo nagagawa, gawin kung ano ang kaya mo. Isipin ang halimbawa ni apostol Pablo. Sa loob ng ilang taon, ikinulong siya sa kaniyang tirahan at hindi makapaglakbay bilang misyonero. Pero kapag may mga dumadalaw sa kaniya, kinakausap niya sila tungkol sa Kasulatan at pinatitibay ang kanilang pananampalataya.Gawa 28:16, 30, 31.

15. Bakit lubhang pinahahalagahan ang mga Kristiyanong may-edad na?

15 Pinahahalagahan din ni Jehova ang paglilingkod ng mga may-edad na. Bagaman ipinakita ni Solomon na hiráp na ang mga may-edad dahil sa mahinang kalusugan, mahalaga kay Jehova ang anumang nagagawa ng gayong mga Kristiyano sa pagpuri sa kaniya. (Luc. 21:2-4) Pinahahalagahan ng kongregasyon ang mahuhusay na halimbawa ng matatagal nang lingkod na kasama nila.

16. Anong mga pribilehiyo ang malamang na hindi naranasan ni Ana? Ano ang nagawa niya bilang pagsamba sa Diyos?

16 Iniulat ng Bibliya na si Ana ay patuloy na pumuri kay Jehova hanggang sa katandaan. Isa siyang 84-anyos na balo noong isilang si Jesus. Malamang na hindi na siya naging tagasunod ni Jesus, napahiran ng banal na espiritu, o nakapangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian. Pero nasiyahan si Ana na gawin kung ano ang kaya niya. “Hindi [siya] kailanman lumiliban sa templo, na nag-uukol ng sagradong paglilingkod gabi at araw.” (Luc. 2:36, 37) Habang naghahandog ng insenso sa templo ang saserdote sa umaga at sa gabi, si Ana ay nasa looban kasama ng iba pa at tahimik na nananalangin, marahil sa loob ng kalahating oras. Nang makita niya ang sanggol na si Jesus, “nagsalita [siya] tungkol sa bata sa lahat ng mga naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.”Luc. 2:38.

17. Paano natin matutulungan ang mga Kristiyanong may-edad na at mahihina na para makabahagi sa tunay na pagsamba?

17 Sa ngayon, dapat tayong maging alisto sa pagtulong sa mga kapatid na may-edad na o mahihina na. Baka gustung-gusto ng ilan sa kanila na dumalo sa mga pulong at asamblea pero hindi na nila kaya. Isinasaayos ng ilang kongregasyon na mapakinggan ng gayong mga kapatid ang mga pulong sa pamamagitan ng telepono. Maaaring hindi ito posible sa ibang lugar. Gayunman, ang mga Kristiyanong hindi na makadalo sa mga pulong ay makakasuporta pa rin sa tunay na pagsamba. Halimbawa, ang mga panalangin nila ay makakatulong para maging matagumpay ang mga gawain ng kongregasyon.Basahin ang Awit 92:13, 14.

18, 19. (a) Bakit maaaring hindi naiisip ng mga Kristiyanong may-edad na nakapagpapatibay sila sa iba? (b) Sino ang maaaring magkapit ng payong ito: “Alalahanin mo . . . ang iyong Dakilang Maylalang”?

18 Maaaring hindi naiisip ng mga Kristiyanong may-edad na kung gaano nila napapatibay ang iba. Pag-isipan ang halimbawa ni Ana, na hindi lumiban sa pagpunta sa templo sa loob ng mahabang panahon. Wala siyang kamalay-malay na pagkaraan ng maraming siglo, mapapatibay pa rin ng halimbawa niya ang iba. Ang pag-ibig ni Ana kay Jehova ay nakarekord sa Bibliya. Tiyak na ang pag-ibig mo sa Diyos ay ‘nakarekord’ din sa puso ng iyong mga kapuwa mananamba. Ang sabi nga ng Bibliya: “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran”!Kaw. 16:31.

19 Lahat tayo ay may limitasyon sa magagawa natin sa paglilingkod kay Jehova. Pero isapuso nawa ng lahat ng malalakas pa ang kinasihang pananalitang ito: “Alalahanin mo . . . ang iyong Dakilang Maylalang . . . bago dumating ang kapaha-pahamak na mga araw.”Ecles. 12:1.