Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Parangalan ang mga May-edad Na

Parangalan ang mga May-edad Na

‘Pakundanganan mo ang isang matanda.’LEV. 19:32.

1. Ano ang masaklap na kalagayan ng mga tao sa ngayon?

HINDI nilayon ni Jehova na tumanda ang mga tao at unti-unting manghina. Sa katunayan, ang orihinal na layunin niya para sa kanila ay magtamasa ng perpektong kalusugan sa Paraiso. Pero sa ngayon, “ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing . . . at nasasaktang magkakasama.” (Roma 8:22) Ano sa palagay mo ang nadarama ng Diyos kapag nakikita niyang nagdurusa ang mga tao dahil sa mga epekto ng kasalanan? Nakalulungkot, maraming may-edad ang napapabayaan sa panahong mas kailangan nila ang pagkalinga.Awit 39:5; 2 Tim. 3:3.

2. Bakit pinahahalagahan ng mga Kristiyano ang mga may-edad na?

2 Ang mga lingkod ni Jehova ay nagpapasalamat na may kasama silang mga may-edad sa kongregasyon. Nakikinabang tayo sa kanilang karunungan at napasisigla ng kanilang matibay na pananampalataya. Marami sa atin ang kapamilya ng mga kapatid na ito. Pero kamag-anak man natin sila o hindi, nagmamalasakit tayo sa kanila. (Gal. 6:10; 1 Ped. 1:22) Makikinabang tayong lahat kung susuriin natin ang pananaw ng Diyos sa mga may-edad na. Tatalakayin din natin ang pananagutan ng mga kapamilya at ng kongregasyon sa ating may-edad nang mga kapatid.

“HUWAG MO AKONG ITAKWIL”

3, 4. (a) Ano ang hiniling kay Jehova ng manunulat ng Awit 71? (b) Ano ang maaaring ipanalangin ng may-edad nang mga miyembro ng kongregasyon?

3 “Huwag mo akong itakwil sa panahon ng katandaan; kapag  nanghihina na ang aking kalakasan ay huwag mo akong iwan,” ang pakiusap sa Diyos ng manunulat ng Awit 71:9. Lumilitaw na ang awit na ito ay karugtong ng Awit 70, na may superskripsiyong “Ni David.” Kaya malamang na si David ang bumigkas ng pakiusap na nasa Awit 71:9. Naglingkod siya sa Diyos mula pagkabata hanggang sa kaniyang pagtanda, at ginamit siya ni Jehova sa maraming paraan. (1 Sam. 17:33-37, 50; 1 Hari 2:1-3, 10) Pero nadama pa rin ni David na kailangan niyang hilingin kay Jehova na patuloy siyang alalayan.Basahin ang Awit 71:17, 18.

4 Marami sa ngayon ang gaya ni David. Sa kabila ng pagtanda at ng kaakibat nitong “kapaha-pahamak na mga araw,” patuloy silang pumupuri sa Diyos sa abot ng kanilang makakaya. (Ecles. 12:1-7) Marami sa kanila ang limitado na ang nagagawa, maging sa ministeryo. Pero gaya ni David, mahihiling din nila kay Jehova na patuloy silang pagpalain at pangalagaan. Makatitiyak ang gayong tapat na mga kapatid na sasagutin ng Diyos ang kanilang mga panalangin. Alam natin iyan dahil si Jehova ang umakay kay David para ipanalangin ang gayon ding mga bagay.

5. Ano ang pananaw ni Jehova sa tapat na mga may-edad na?

5 Ipinakikita sa Kasulatan na talagang pinahahalagahan ni Jehova ang tapat na mga may-edad na at inaasahan niyang pararangalan sila ng kaniyang mga lingkod. (Awit 22:24-26; Kaw. 16:31; 20:29) “Sa harap ng may uban ay titindig ka, at pakukundanganan mo ang pagkatao ng isang matanda, at matakot ka sa iyong Diyos. Ako ay si Jehova,” ang sabi sa Levitico 19:32. Oo, ang pagpaparangal sa mga may-edad nang mananamba ni Jehova ay seryosong pananagutan noon at hanggang sa ngayon. Pero kumusta naman ang pangangalaga sa kanila? Kaninong pananagutan iyan?

ANG PANANAGUTAN NG PAMILYA

6. Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus sa pangangalaga sa magulang?

6 Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos: “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina.” (Ex. 20:12; Efe. 6:2) Idiniin ni Jesus ang utos na ito nang tuligsain niya ang mga Pariseo at mga eskriba na ayaw maglaan sa kanilang mga magulang. (Mar. 7:5, 10-13) Si Jesus mismo ay nagpakita ng mabuting halimbawa sa bagay na ito. Noong malapit na siyang mamatay sa pahirapang tulos, inihabilin niya ang kaniyang ina, na lumilitaw na balo na noon, sa kaniyang mahal na alagad na si Juan.Juan 19:26, 27.

7. (a) Anong simulain ang ibinigay ni apostol Pablo tungkol sa paglalaan sa mga magulang? (b) Ano ang konteksto ng sinabi ni Pablo?

7 Sa patnubay ng banal na espiritu, isinulat ni apostol Pablo na ang mga mananampalataya ay dapat na maglaan sa kanilang sariling sambahayan. (Basahin ang 1 Timoteo 5:4, 8, 16.) Pag-isipan ang konteksto ng isinulat ni Pablo kay Timoteo. Tinalakay niya kung sino ang kuwalipikadong tumanggap ng pinansiyal na tulong mula sa kongregasyon. Nilinaw niya na ang mga nananampalatayang anak, apo, at iba pang kamag-anak ng mga may-edad nang babaing balo ang pangunahing dapat maglaan sa kanila. Sa gayon ay hindi mapabibigatan ang kongregasyon. Ang mga Kristiyano rin sa ngayon ay nagpapakita ng “makadiyos na debosyon” sa pamamagitan ng materyal na paglalaan sa mga kamag-anak na nangangailangan.

8. Bakit isang katalinuhan na hindi nagbigay ang Bibliya ng espesipikong tagubilin pagdating sa pangangalaga sa may-edad nang mga magulang?

8 Sa simpleng pananalita, obligasyon ng mga adultong Kristiyano na tiyaking natutugunan ang materyal na pangangailangan ng kanilang mga magulang. Bagaman ang tinalakay ni Pablo ay tungkol sa nananampalatayang mga kamag-anak, ang mga magulang na di-kapananampalataya ay hindi rin dapat pabayaan. Iba-iba ang kakayahan ng mga anak pagdating sa pangangalaga sa magulang. Iba-iba rin ang pangangailangan, disposisyon, at kalusugan ng mga indibiduwal. Ang ilang may-edad na ay maraming anak;  ang iba naman ay iisa lang. Ang ilan ay may tinatanggap na suporta mula sa gobyerno, at ang iba naman ay wala. Iba-iba rin ang gusto ng mga may-edad na. Kaya hindi natin dapat husgahan ang ginagawa ng mga nagsisikap na alagaan ang kanilang may-edad nang mga kamag-anak. Tandaan na puwedeng pagpalain ni Jehova at gawing matagumpay ang anumang maka-Kasulatang desisyon, gaya noong panahon ni Moises.Bil. 11:23.

9-11. (a) Anong mahirap na sitwasyon ang maaaring mapaharap sa ilan? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulong ito.) (b) Bakit hindi dapat magpadalus-dalos ang mga anak sa pag-alis sa buong-panahong paglilingkod? Magbigay ng halimbawa.

9 Kapag ang mga anak ay nakatira malayo sa kanilang may-edad nang mga magulang, maaaring maging hamon ang paglalaan ng kinakailangang tulong. Baka biglang humina ang kalusugan ng isa sa mga magulang dahil sa pagkadapa, pagkabali ng buto, o iba pang malubhang problema, kaya kailangan silang dalawin. Baka mangailangan sila ng tulong—marahil ay pansamantala lang o sa loob ng mahabang panahon. *

10 Ang mga nasa buong-panahong paglilingkod na nasa malayo dahil sa kanilang teokratikong atas ay maaaring mapaharap sa mas mahihirap na desisyon. Para sa mga Bethelite, misyonero, at mga naglalakbay na tagapangasiwa, mahalaga ang kanilang atas, isang pagpapala mula kay Jehova. Pero kapag nagkasakit ang kanilang mga magulang, baka isipin nila agad, ‘Kailangan na naming iwan ang aming atas para alagaan ang aming mga magulang.’ Pero makabubuting manalangin muna at pag-isipan kung ito nga talaga ang kailangan o gusto ng kanilang mga magulang. Hindi sila dapat magpadalus-dalos sa pag-alis sa pribilehiyo, at baka hindi naman ito kailangan. Posible kayang pansamantala lang ang pagkakasakit na iyon at handa namang tumulong ang mga kakongregasyon ng mga magulang nila?Kaw. 21:5.

11 Pag-isipan ang sitwasyon ng dalawang magkapatid na lalaki na naglilingkod malayo sa kanilang mga magulang. Ang isa ay misyonero sa South America, at ang isa ay nagtatrabaho sa punong tanggapan sa Brooklyn, New York. Nangailangan ng tulong ang kanilang may-edad nang mga magulang. Ang magkapatid at ang kani-kanilang asawa ay dumalaw sa mga magulang nila sa Japan para malaman kung ano ang maitutulong nila. Nang maglaon, pinag-isipan ng mag-asawang misyonero kung dapat na nilang iwan ang kanilang atas. Pero tinawagan sila ng koordineytor ng lupon ng matatanda sa kongregasyon ng kanilang mga magulang. Pinag-usapan pala ng mga elder ang sitwasyon at gusto nilang magpatuloy ang mga misyonerong iyon sa kanilang atas hangga’t posible. Pinahahalagahan ng mga elder ang paglilingkod ng mag-asawa at determinado silang tumulong sa pangangalaga sa mga magulang ng mga iyon. Laking pasasalamat ng pamilya sa gayong pagmamalasakit!

12. Ano ang dapat isaisip ng Kristiyanong pamilya kapag nagdedesisyon hinggil sa pangangalaga sa may-edad nang mga magulang?

12 Anuman ang maging desisyon ng Kristiyanong pamilya hinggil sa pangangalaga sa may-edad nang mga magulang, dapat tiyakin ng lahat na hindi ito magdudulot ng kadustaan sa pangalan ng Diyos. Ayaw nating maging gaya ng mga lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus. (Mat. 15:3-6) Gusto nating magdulot ng papuri sa Diyos at sa kongregasyon ang ating mga desisyon.2 Cor. 6:3.

ANG PANANAGUTAN NG KONGREGASYON

13, 14. Paano ipinakikita ng Bibliya na dapat tumulong ang kongregasyon sa pangangalaga sa may-edad nang mga kapatid?

13 Hindi lahat ay makakatulong sa mga  nasa buong-panahong paglilingkod sa paraang gaya ng nabanggit na. Pero makikita sa sitwasyon noong unang siglo na ang mga kongregasyon ay dapat tumulong sa pangangalaga sa tapat na mga kapatid na may-edad na. Tungkol sa kongregasyon sa Jerusalem, sinabi ng Bibliya na “walang isa man sa kanila ang nangangailangan.” Hindi ito nangangahulugang mayaman silang lahat. Maliwanag na dukha ang ilan sa kanila, pero may ‘ginawang pamamahagi sa bawat isa ayon sa kaniyang pangangailangan.’ (Gawa 4:34, 35) Nang maglaon, isang sitwasyon ang bumangon. Iniulat na may “mga babaing balo [na] napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi” ng pagkain. Kaya iniutos ng mga apostol ang pag-aatas ng mga kuwalipikadong lalaki, na gumawa naman ng mga kaayusan para matiyak na napaglalaanan nang sapat at pantay-pantay ang mga babaing balo. (Gawa 6:1-5) Totoo, ang araw-araw na pamamahagi ay pansamantalang kaayusan lang para mapaglaanan ang mga indibiduwal na naging Kristiyano noong Pentecostes 33 C.E. at nanatili nang ilang panahon sa Jerusalem para mapatibay sa espirituwal. Gayunman, ipinakikita ng ginawa ng mga apostol na makakatulong ang kongregasyon sa mga kapatid na nangangailangan.

14 Gaya ng binanggit na, binigyan ni Pablo si Timoteo ng mga tagubilin para malaman kung sino sa mga Kristiyanong babaing balo ang kuwalipikadong tumanggap ng tulong mula sa kongregasyon. (1 Tim. 5:3-16) Kinilala rin ng kinasihang manunulat ng Bibliya na si Santiago ang obligasyon ng mga Kristiyano na alagaan ang mga ulila, mga babaing balo, at ang iba pang nangangailangan. (Sant. 1:27; 2:15-17) Sinabi rin ni apostol Juan: “Ang sinuman na may panustos-buhay ng sanlibutang ito at nakikitang nangangailangan ang kaniyang kapatid at gayunma’y pinagsasarhan siya ng pinto ng kaniyang magiliw na pagkamahabagin, sa anong paraan nananatili sa kaniya ang pag-ibig sa Diyos?” (1 Juan 3:17) Kung ang indibiduwal na mga Kristiyano ay may pananagutang maglaan sa mga nangangailangan, hindi ba’t makatuwirang isipin na may gayon ding pananagutan ang kongregasyon?

Kapag naaksidente ang isang may-edad, paano makakatulong ang kongregasyon? (Tingnan ang parapo 15, 16)

15. Anu-ano ang dapat isaalang-alang sa pagtulong sa may-edad nang mga kapatid?

15 Sa ilang bansa, ang gobyerno ay naglalaan ng pensiyon, welfare program, at mga tagapag-alaga sa mga senior citizen. (Roma 13:6) Pero walang gayong mga serbisyo sa ibang bansa. Kaya naman hindi pare-pareho ang tulong na kailangang ilaan ng mga kamag-anak at ng kongregasyon sa mga kapatid na may-edad na. Kung malayo ang nananampalatayang mga anak sa kanilang mga magulang,  makaaapekto ito sa tulong na maibibigay nila. Makabubuting makipag-usap sila sa mga elder sa kongregasyon ng kanilang mga magulang para matiyak na nauunawaan ng lahat ang kalagayan ng pamilya. Halimbawa, baka matutulungan ng mga elder ang mga magulang para makakuha ng benepisyo mula sa lokal na gobyerno o mga welfare program. Baka may maobserbahan din silang ilang bagay—gaya ng mga di-naaasikasong bayarin o di-naiinom na gamot—na kailangang malaman ng mga anak. Ang malinaw na pag-uusap na may tamang motibo ay makakatulong para masolusyonan agad ang problema at hindi na lumala ang sitwasyon. Maliwanag, kapag may tumitingin-tingin at umaalalay sa kanilang may-edad nang mga magulang, makakabawas iyon sa alalahanin ng pamilya.

16. Paano tumutulong ang ilang Kristiyano sa may-edad nang mga kapatid sa kongregasyon?

16 Dahil sa pagmamalasakit sa mga may-edad na, ang ilang Kristiyano ay naglalaan ng kanilang panahon at lakas para makatulong sa abot ng makakaya nila. Sinisikap nilang magpakita ng higit na pagmamalasakit sa may-edad nang mga kapatid sa kongregasyon. Ang ilan ay may kani-kaniyang toka sa pag-aalaga at naghahalinhinan sa pag-aasikaso sa mga may-edad na. Maaaring wala sila sa kalagayang pumasok sa buong-panahong paglilingkod, pero nasisiyahan silang tumulong sa mga anak ng mga may-edad na para makapanatili ang mga ito sa gayong pribilehiyo hangga’t posible. Napakaganda nga ng saloobin ng gayong mga kapatid! Gayunman, pananagutan pa rin ng mga anak na gawin ang makakaya nila para sa kanilang mga magulang.

PATIBAYIN ANG MGA MAY-EDAD NA

17, 18. Paano nakaaapekto ang saloobin pagdating sa pag-aalaga sa mga may-edad na?

17 Mapagagaan ng mga may-edad na at ng mga nag-aalaga sa kanila ang mahirap na sitwasyon kung magtutulungan sila at mananatiling positibo. Sa ilang kaso, ang mga may-edad na ay nagiging malungkutin o nadedepres pa nga. Kaya baka kailangan mong higit na magsikap para maparangalan at mapatibay ang mga may-edad nang kapatid. Magagawa mo iyan kung lagi kang positibo kapag nakikipag-usap sa kanila. Ang mga may mahusay na rekord ng tapat na paglilingkod ay dapat komendahan. Hindi kalilimutan ni Jehova, at maging ng kanilang mga kapuwa Kristiyano, ang mga ginawa nila para sa Kaniya.Basahin ang Malakias 3:16; Hebreo 6:10.

18 Magiging mas magaan din ang rutin sa araw-araw kung ang lahat ay magiging masayahin at hindi laging seryoso. (Ecles. 3:1, 4) Maraming may-edad na ang nagsisikap na huwag maging masyadong mapaghanap. Alam nila na mas maraming dadalaw sa kanila at mag-aasikaso kung mabait silang makitungo. Marami sa mga dumadalaw sa mga may-edad na ang nagsasabi, “Dinalaw ko ang isang kaibigang may-edad na para patibayin siya, pero ako mismo ay napatibay.”Kaw. 15:13; 17:22.

19. Ano ang makakatulong sa atin para makapanatiling matatag sa ilalim ng mahihirap na kalagayan?

19 Inaasam-asam natin ang panahon na mawawala na ang pagdurusa at ang mga epekto ng di-kasakdalan. Samantala, ang mga lingkod ng Diyos ay dapat na manatiling nakapokus sa pag-asang buhay na walang hanggan. Alam natin na makakatulong ang pananampalataya sa mga pangako ng Diyos para maging matatag tayo sa ilalim ng mahihirap na kalagayan. Dahil sa pananampalatayang iyan, ‘hindi tayo nanghihimagod, kundi kahit ang pagkatao natin sa labas ay nanghihina, tiyak namang ang pagkatao natin sa loob ay nababago sa araw-araw.’ (2 Cor. 4:16-18; Heb. 6:18, 19) Pero bukod sa matibay na pananampalataya sa mga pangako ng Diyos, ano pa ang makakatulong sa iyo sa pag-aalaga sa mga may-edad na? Tatalakayin sa susunod na artikulo ang ilang praktikal na mungkahi.

^ par. 9 Tatalakayin sa susunod na artikulo ang ilang opsyon sa pangangalaga na maaaring pag-isipan ng may-edad nang mga magulang at ng kanilang mga anak.