‘Ang Pagkain Ko ay Gawin ang Kalooban ng Diyos’
Ano ang nagpapasaya sa iyo? Kaugnayan mo ba sa iyong asawa, pamilya, o mga kaibigan? Malamang na nag-e-enjoy ka kapag sama-sama kayong kumakain ng mga mahal mo sa buhay. Pero bilang lingkod ni Jehova, hindi ba’t mas masaya ka kapag ginagawa mo ang kalooban ng Diyos, nag-aaral ka ng kaniyang Salita, at nangangaral ng mabuting balita?
Sa isang awit ng papuri sa Maylalang, si Haring David ng sinaunang Israel ay nagsabi: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko, at ang iyong kautusan ay nasa aking mga panloob na bahagi.” (Awit 40:8) Kahit may mga problema sa buhay, naging maligaya si David sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Pero hindi lang si David ang mananamba ni Jehova na naging maligaya sa paglilingkod sa tunay na Diyos.
Ikinapit ni apostol Pablo sa Mesiyas, o Kristo, ang mga salita sa Awit 40:8. Isinulat niya: “Nang pumarito siya [si Jesus] sa sanlibutan ay sinabi niya: ‘“Ang hain at handog ay hindi mo ninais, ngunit naghanda ka ng katawan para sa akin. Hindi mo sinang-ayunan ang mga buong handog na sinusunog at ang handog ukol sa kasalanan.” Nang magkagayon ay sinabi ko, “Narito! Ako ay dumating (sa balumbon ng aklat ay nakasulat iyon tungkol sa akin) upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos.”’”
Noong nasa lupa si Jesus, nagpapasaya sa kaniya ang pagmamasid sa mga nilalang ng Diyos, pakikisama sa mga kaibigan, at pakikipagsalo-salo sa iba. (Mat. 6:26-29; Juan 2:1, 2; 12:1, 2) Pero ang paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama ang naging priyoridad niya at ang higit na nagpasaya sa kaniya. Sa katunayan, sinabi ni Jesus: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” (Juan 4:34; 6:38) Mula kay Jesus, natutuhan ng kaniyang mga alagad ang sekreto ng tunay na kaligayahan. May kagalakan at pananabik nilang ipinangaral sa iba ang mensahe ng Kaharian.
‘HUMAYO AT GUMAWA NG MGA ALAGAD’
Iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 28:19, 20) Kasama sa atas na ito ang pangangaral sa mga tao kahit saan, pagdalaw-muli sa mga interesado, at pagdaraos sa kanila ng pag-aaral sa Bibliya. Ang mga ito ay tiyak na makapagpapasaya sa atin.
Dahil sa pag-ibig, patuloy tayong nangangaral kahit marami ang hindi nakikinig
Interesado man ang mga tao sa ating mensahe o hindi, mahalaga ang tamang saloobin para maging masaya tayo sa ministeryo. Bakit ba tayo patuloy na nangangaral kahit marami ang hindi nakikinig? Dahil alam natin na sa pangangaral tungkol sa Kaharian at paggawa ng alagad, naipapakita natin ang pag-ibig natin sa Diyos at sa kapuwa. Buhay ang nakataya rito
SAMANTALAHIN ANG BAWAT PAGKAKATAON
Nakakatulong sa ating ministeryo ang paggamit ng angkop na mga tanong. Isang umaga, nilapitan ni Amalia ang isang lalaking nagbabasa ng diyaryo sa parke. Tinanong niya ito kung may nabasa itong magandang balita. Nang sabihin nitong wala, sinabi ni Amalia, “Meron akong mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos.” Nagkainteres ang lalaki at pumayag na mag-aral ng Bibliya. Sa katunayan, tatlong pag-aaral sa Bibliya ang nasimulan ni Amalia sa parkeng iyon.
Si Janice ay nangangaral naman sa pinagtatrabahuhan niya. Nagustuhan ng isang security guard at isang katrabaho nito ang isang artikulo sa Bantayan, kaya sinabi ni Janice na regular niya silang dadalhan ng mga magasin. Ganoon din ang ginawa niya sa isang katrabaho niya, na humanga dahil iba’t ibang paksa ang tinatalakay sa Bantayan at Gumising! Dahil dito, isa pang empleado ang humingi ng mga magasin. “Napakalaki ngang pagpapala mula kay Jehova!” ang sabi ni Janice. Umabot sa 11 ang regular niyang binibigyan ng magasin sa trabaho.
MAGING POSITIBO
Sinabi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa na sa pagbabahay-bahay, bago magpaalam sa kausap, hindi sapat na basta sabihin ng mamamahayag na babalik siya sa ibang araw. Sa halip, puwede niyang itanong sa may-bahay: “Gusto mo bang ipakita ko sa iyo kung paano ginagawa ang pag-aaral sa Bibliya?” o, “Anong araw at oras kaya kita puwedeng balikan para makapag-usap tayo uli?” Iniulat ng naglalakbay na tagapangasiwa na sa paggamit ng ganitong pamamaraan, ang mga kapatid sa isang kongregasyong dinadalaw niya ay nakapagpasimula ng 44 na pag-aaral sa Bibliya sa loob ng isang linggo.
Epektibo ang pagdalaw-muli agad
Puwede mong itanong sa may-bahay, “Gusto mo bang ipakita ko sa iyo kung paano ginagawa ang pag-aaral sa Bibliya?”
Di-nagtagal matapos mag-aral sa Pioneer Service School, si Madaí ay nagkaroon ng 15 Bible study at nakapagbigay pa ng 5 Bible study sa ibang mamamahayag. Regular nang dumadalo sa mga pulong ang ilang tinuturuan niya. Ano ang nakatulong kay Madaí para makapagpasimula ng maraming pag-aaral? Natutuhan niya sa Pioneer Service School na kailangan niyang paulit-ulit na bumalik hanggang sa makausap niya uli ang taong interesado. Isa pang Saksi na marami nang natulungang matuto ng katotohanan ang nagsabi, “Natutuhan kong ang matiyagang pagdalaw-muli ang susi para matulungan ang mga taong gustong makilala si Jehova.”
Kapag agad tayong dumadalaw-muli, ipinakikita natin na talagang interesado tayong tulungan ang mga gustong mag-aral ng Bibliya
Ang pagdalaw-muli at pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya ay nangangailangan ng malaking pagsisikap. Pero sulit iyon. Kung masigasig tayong mangangaral tungkol sa Kaharian, matutulungan natin ang iba na “sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan” at maligtas. (1 Tim. 2:3, 4) Bukod diyan, ang gawaing ito ay lubusang magpapasaya sa atin.