Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TALAMBUHAY

Talagang Tinulungan Ako ni Jehova

Talagang Tinulungan Ako ni Jehova

Ako at ang asawa kong si Evelyn ay bumaba ng tren sa Hornepayne, isang liblib na bayan sa hilagang Ontario sa Canada. Maaga pa noon at napakalamig. Isang brother na tagaroon ang sumundo sa amin, at pagkatapos mag-agahan kasama niya at ng kaniyang asawa’t anak na lalaki, nangaral kami sa bahay-bahay kahit maraming snow. Kinahapunan, nagpahayag ako sa unang pagkakataon bilang tagapangasiwa ng sirkito. Lima lang kaming dumalo sa pulong.

ANG totoo, okey lang sa akin na kakaunti ang dumalo sa pahayag kong iyon noong 1957. Napakamahiyain ko kasi. Noon ngang bata pa ako, nagtatago ako kapag may mga bisita kami sa bahay, kahit kilala ko sila.

Pero baka magulat ka dahil kadalasan sa mga atas ko, kinailangan kong makisalamuha sa iba’t ibang tao—kakilala ko man o hindi. Patuloy kong pinaglalabanan ang pagiging mahiyain at kakulangan ng kumpiyansa sa sarili, kaya hindi ko puwedeng angkinin ang kredito sa anumang tagumpay ko sa mga atas na iyon. Sa halip, napatunayan kong totoo ang pangako ni Jehova: “Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.” (Isa. 41:10) Kadalasan, mga kapuwa ko Kristiyano ang ginagamit ni Jehova para tulungan ako. Hayaan ninyong ikuwento ko ang tungkol sa ilan sa kanila, simula noong bata pa ako.

BIBLIYA LANG AT ISANG MALIIT AT ITIM NA NOTEBOOK ANG GAMIT NIYA

Sa farm namin sa timog-kanlurang Ontario

Isang maaliwalas na Linggo ng umaga noong dekada ’40, nagpunta si Elsie Huntingford sa farm namin sa timog-kanluran ng Ontario. Si Nanay ang nakipag-usap sa kaniya sa pinto habang kami ni Tatay—na mahiyain  ding gaya ko—ay nakaupo sa loob at nakikinig. Sa pag-aakalang ahente si Sister Huntingford at baka may bilhin si Nanay na hindi namin kailangan, lumapit na si Tatay sa may pinto para sabihing hindi kami interesado. “Hindi ba kayo interesadong mag-aral ng Bibliya?” ang tanong ni Sister Huntingford. “Siyempre interesado kami diyan,” ang sagot ni Tatay.

Tamang-tama ang pagdalaw na iyon ni Sister Huntingford. Kaaalis lang ng mga magulang ko sa United Church of Canada kung saan dati silang aktibo. Bakit sila umalis? Isang listahan kasi ng lahat ng nag-aabuloy ang ipinapaskil ng kanilang ministro sa may entrada ng kapilya. Dahil mahirap lang ang mga magulang ko, kadalasan nang nasa ibaba sila ng listahan, at ginigipit sila ng mga namumuno na dagdagan ang kanilang donasyon. Inamin din ng isang ministro na ayaw niyang matanggal sa trabaho kaya hindi niya itinuturo kung ano talaga ang pinaniniwalaan niya. Dahil dito ay iniwan namin ang relihiyong iyon, pero gusto pa rin naming masapatan ang aming espirituwal na pangangailangan.

Bawal noon ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Canada, kaya Bibliya lang at ilang nota sa kaniyang maliit at itim na notebook ang gamit ni Sister Huntingford kapag nagtuturo sa amin. Nang makita niyang hindi namin siya isusumbong sa mga awtoridad, binigyan na niya kami ng mga literatura sa Bibliya. Itinatago naming mabuti ang mga iyon pagkatapos ng bawat pag-aaral. *

Tinanggap ng mga magulang ko ang katotohanan at nabautismuhan sila noong 1948

Kahit may mga hadlang at pagsalansang, masigasig pa ring ipinangaral ni Sister Huntingford ang mabuting balita. Humanga ako sa sigasig niya kaya napakilos ako na manindigan sa katotohanan. Isang taon pagkatapos mabautismuhan ang mga magulang ko bilang mga Saksi ni Jehova, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos. Noong Pebrero 27, 1949, sa edad na 17, nabautismuhan ako sa isang lalagyang metal na inuman ng mga hayop. Pagkatapos nito, pinlano kong pumasok sa buong-panahong ministeryo.

TINULUNGAN AKO NI JEHOVA NA MAGPAKALAKAS-LOOB

Nasorpresa ako nang anyayahan ako sa Bethel noong 1952

Nag-alangan akong magpayunir agad. Nagtrabaho muna ako sa bangko at sa isang opisina dahil iniisip kong kailangan kong makapag-ipon para  masuportahan ang aking pagpapayunir. Pero dahil kabataan pa ako at wala pang gaanong karanasan, nagagastos ko rin agad ang kinikita ko. Kaya sinabihan ako ng isang brother, si Ted Sargent, na magpakalakas-loob at magtiwala kay Jehova. (1 Cro. 28:10) Sa tulong ng pampatibay na iyon, nagsimula akong magpayunir noong Nobyembre 1951. Mayroon lang akong 40 dolyar, isang lumang bisikleta, at isang bagong briefcase. Pero laging inilalaan ni Jehova ang mga kailangan ko. Talagang nagpapasalamat ako na pinatibay ako ni Ted na magpayunir! Pinagpala ako sa desisyong iyon.

Isang gabi noong Agosto 1952, nakatanggap ako ng tawag mula sa Toronto. Inanyayahan ako ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Canada na maglingkod doon pasimula sa Setyembre. Kahit mahiyain ako at hindi pa nakakapunta sa sangay, gustong-gusto kong makapagtrabaho roon dahil maraming magagandang kuwento ang mga payunir tungkol sa Bethel. At hindi naman ako masyadong nahirapang mag-adjust doon.

“IPADAMA MO SA MGA KAPATID NA NAGMAMALASAKIT KA SA KANILA”

Dalawang taon mula nang dumating ako sa Bethel, naging kahalili ako ni Bill Yacos bilang lingkod ng kongregasyon (tinatawag ngayong koordineytor ng lupon ng matatanda) ng Shaw Unit sa Toronto. * Dahil 23 anyos lang ako, pakiramdam ko’y isa akong walang-muwang na tagabukid. Pero mapagpakumbaba at may-kabaitang ipinakita sa akin ni Brother Yacos ang dapat kong gawin. At talagang tinulungan ako ni Jehova.

Si Brother Yacos—isang matipunong brother na palangiti—ay mapagmalasakit sa mga tao. Mahal niya ang mga kapatid, at mahal din nila siya. Regular siyang dumadalaw sa kanilang bahay, hindi lang kapag may problema sila. Pinasigla ako ni Bill Yacos na gayon din ang gawin at samahan ang mga kapatid sa ministeryo sa larangan. “Ken,” ang sabi niya, “ipadama mo sa mga kapatid na nagmamalasakit ka sa kanila. Mapagtatakpan niyan ang maraming pagkukulang.”

NANATILING TAPAT ANG AKING ASAWA

Mula noong Enero 1957, tinulungan ako ni Jehova sa espesyal na paraan. Noong buwan na iyon, nagpakasal kami ni Evelyn. Nagtapos siya sa ika-14 na klase ng Paaralang Gilead. Bago kami ikasal, naglilingkod siya sa probinsiya ng Quebec kung saan Pranses ang wikang ginagamit. Noong panahong iyon, ang kalakhan ng Quebec ay kontrolado ng Simbahang Romano Katoliko, kaya napakahirap mangaral sa teritoryo ni Evelyn. Pero nanatili siyang tapat sa kaniyang atas at kay Jehova.

Ikinasal kami ni Evelyn noong 1957

Nanatili ring tapat si Evelyn sa pagsuporta sa akin. (Efe. 5:31) Nasubok ang katapatan niya pagkatapos mismo ng kasal namin! Plano sana naming magbakasyon sa Florida, E.U.A., pero kinabukasan pagkatapos ng kasal, pinadadalo ako ng sangay sa isang-linggong miting sa Bethel sa Canada. Kaya hindi natuloy ang plano namin para sa aming honeymoon, pero gusto naming gawin ni Evelyn ang anumang ipinagagawa ni Jehova. Sa loob ng isang linggo, nangaral si Evelyn malapit sa  Bethel. Kahit ibang-iba ang teritoryong iyon kumpara sa Quebec, ginawa niya ang kaniyang buong makakaya.

Sa pagtatapos ng linggong iyon, isang sorpresa ang natanggap ko—inatasan akong maging tagapangasiwa ng sirkito sa hilagang Ontario. Bagong-kasal ako, 25 anyos lang at kulang na kulang sa karanasan, pero nagtiwala kami kay Jehova. Sa kasagsagan ng taglamig sa Canada, magdamag kaming nagbiyahe sakay ng tren. Kasama namin ang makaranasang mga naglalakbay na tagapangasiwa na pabalik sa kani-kanilang atas. Pinatibay nila kami nang husto! Pinilit pa nga kami ng isang brother na lumipat sa puwesto niya na may higaan para hindi kami magdamag na nakaupo. Kinabukasan, 15 araw lang pagkatapos ng aming kasal, dumadalaw na kami sa isang maliit na grupo sa Hornepayne, gaya ng ikinuwento ko sa umpisa.

Nagkaroon pa ng mga pagbabago sa buhay namin ni Evelyn. Habang nasa pandistritong gawain kami noong huling bahagi ng 1960, inanyayahan ako sa ika-36 na klase ng Paaralang Gilead, isang 10-buwang kurso na magsisimula sa Pebrero 1961 sa Brooklyn, New York. Tuwang-tuwa ako, pero nalungkot din dahil hindi inanyayahan si Evelyn. Sa halip, pinasulat siya para sabihin na payag siyang magkalayo kami nang sampung buwan o higit pa. Umiyak si Evelyn, pero napagkasunduan namin na mag-aaral ako, at natutuwa siya na tatanggap ako ng pagsasanay sa Gilead.

Habang nasa Brooklyn ako, naglilingkod naman si Evelyn sa sangay ng Canada. Nagkapribilehiyo siyang maging roommate ng isang pinahirang sister, si Margaret Lovell. Miss na miss namin ni Evelyn ang isa’t isa. Pero sa tulong ni Jehova, nagampanan namin ang aming pansamantalang mga atas. Handang magsakripisyo si Evelyn para kay Jehova at sa kaniyang organisasyon, kaya lalo akong humanga sa kaniya.

Pagkaraan ng mga tatlong buwan sa Gilead, isang di-inaasahang paanyaya ang natanggap ko mula kay Brother Nathan Knorr, na siyang nangangasiwa noon sa pambuong-daigdig na gawain. Itinanong niya kung handa akong huminto sa pag-aaral at bumalik sa Canada para pansamantalang magturo sa Kingdom Ministry School sa sangay. Sinabi ni Brother Knorr na puwede naman akong tumanggi. Maaari kong tapusin ang pag-aaral kung gusto ko at pagkatapos ay baka maatasan kami bilang misyonero. Ipinaliwanag din niya na kung babalik ako sa Canada, baka hindi na ako maanyayahan uli sa Gilead at malamang na sa kalaunan ay pababalikin kami sa larangan sa Canada. Sinabi niya na pag-usapan muna namin ito ni Evelyn at saka ako magpasiya.

Dahil alam ko na ang pananaw ni Evelyn sa mga teokratikong atas, sinabi ko agad kay Brother Knorr, “Kahit ano’ng ipagawa sa amin ng organisasyon ni Jehova, gagawin namin.” Para sa amin, hindi mahalaga kung ano ang gusto namin. Pupunta kami kahit saan kami atasan ng organisasyon ni Jehova.

 Kaya noong Abril 1961, bumalik ako sa Canada para magturo sa Kingdom Ministry School. Nang maglaon, naging mga miyembro kami ng pamilyang Bethel. Pero nasorpresa ako nang anyayahan ako sa ika-40 klase ng Gilead, na magsisimula sa taóng 1965. Pinasulat uli si Evelyn para sabihin na payag siyang magkalayo kami. Pero pagkalipas ng ilang linggo, tuwang-tuwa kami nang anyayahan din siyang mag-aral kasama ko!

Pagdating namin sa Paaralang Gilead, sinabi ni Brother Knorr na ang mga estudyanteng nag-aaral ng wikang Pranses, gaya namin, ay ipadadala sa Africa. Pero noong araw ng gradwasyon, inatasan kaming muli sa Canada! Hinirang ako bilang bagong tagapangasiwa ng sangay (tinatawag ngayon na koordineytor ng Komite ng Sangay). Dahil 34 anyos lang ako, sinabi ko kay Brother Knorr, “Napakabata ko pa.” Pero pinalakas niya ang loob ko. Mula noon, bago gumawa ng mabibigat na desisyon, sinisikap kong kumonsulta muna sa mas may edad at mas makaranasang mga brother sa Bethel.

BETHEL—ISANG LUGAR PARA MATUTO AT MAGTURO

Marami akong natutuhan sa iba habang naglilingkod sa Bethel. Malaki ang respeto at paghanga ko sa iba pang mga miyembro ng Komite ng Sangay. Naging magandang impluwensiya rin sa akin ang daan-daang mahuhusay na brother at sister—bata’t matanda—na nakasama namin dito sa sangay at sa iba’t ibang kongregasyon na kinaugnayan namin.

Nangangasiwa sa pang-umagang pagsamba ng pamilyang Bethel sa Canada

Sa Bethel, nagkaroon din ako ng pagkakataong turuan ang iba at patibayin ang kanilang pananampalataya. Sinabi ni apostol Pablo kay Timoteo: “Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan.” Sinabi rin niya: “Ang mga bagay na narinig mo sa akin na sinuhayan ng maraming saksi, ang mga bagay na ito ay ipagkatiwala mo sa mga taong tapat, na magiging lubusang kuwalipikado na magturo naman sa iba.” (2 Tim. 2:2; 3:14) Kung minsan, tinatanong ako ng mga kapatid kung anong mga aral ang natutuhan ko sa 57-taóng paglilingkod ko sa Bethel. Simple lang ang sagot ko, “Maging handang gawin anuman ang ipagawa sa iyo ng organisasyon ni Jehova, at magtiwala na tutulungan ka ni Jehova.”

Parang kahapon lang nang una akong dumating sa Bethel, isang kabataang mahiyain at walang gaanong karanasan. Pero sa lahat ng panahon, si Jehova ay ‘nakahawak sa aking kanang kamay.’ Kadalasan, ang maibiging mga kapatid ang ginagamit niya sa panahong nangangailangan ako ng tulong. Sa gayon, patuloy na tinitiyak sa akin ni Jehova: “Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.”Isa. 41:13.

^ par. 10 Noong Mayo 22, 1945, inalis ng gobyerno ng Canada ang pagbabawal sa ating gawain.

^ par. 16 Noon, kapag mahigit sa isa ang kongregasyon sa isang siyudad, tinatawag na unit ang bawat kongregasyon.