Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Puwede ba sa mga Kristiyano ang cremation?
Walang binabanggit ang Kasulatan na tutol ito sa cremation.
May mga ulat sa Bibliya na nagsasabing ang bangkay o mga buto ng mga taong namatay ay sinunog. (Jos. 7:25; 2 Cro. 34:4, 5) Maaaring ipinahihiwatig nito na hindi karapat-dapat sa disenteng libing ang mga taong iyon. Pero hindi laging ganiyan ang kahulugan noon ng pagsusunog sa bangkay ng namatay.
Makikita natin iyan sa ulat tungkol sa pagkamatay ni Haring Saul at ng tatlo niyang anak na lalaki. Namatay sila habang nakikipagdigma sa mga Filisteo. Ang isa sa tatlong anak ay si Jonatan, ang matalik na kaibigan at tapat na tagasuporta ni David. Nang mabalitaan ng magigiting na Israelita sa Jabes-gilead ang nangyari, kinuha nila ang bangkay ng mga ito, sinunog, at inilibing ang mga buto. Pinapurihan ni David ang mga Israelitang iyon sa ginawa nila.
Sa Bibliya, ang pag-asa ng mga patay ay ang pagkabuhay-muli
Hindi kailangang ibalik ni Jehova ang dating katawan ng isang tao para mabuhay niya itong muli. Makikita iyan sa paraan ng Diyos ng pagbuhay-muli sa mga pinahirang Kristiyano patungo sa langit. Tulad ni Jesus, na “binuhay sa espiritu,” ang mga pinahirang Kristiyano ay binubuhay-muli bilang espiritu taglay ang dati nilang personalidad. Hindi sila aakyat sa langit na may pisikal na katawan.
Anuman ang gawin sa ating katawan kapag namatay tayo, hindi dito nakadepende ang pag-asa natin sa pagkabuhay-muli, kundi sa pananampalataya natin na kaya ng Diyos at gusto niyang tuparin ang kaniyang mga pangako. (Gawa 24:15) Hindi natin lubos na maiintindihan kung paano ginawa noon ng Diyos ang pagbuhay-muli sa ilang namatay o kung paano niya ito gagawin sa hinaharap. Pero nagtitiwala tayo kay Jehova. Naglaan siya ng “garantiya” nang buhayin niyang muli si Jesus.
Makabubuting isaalang-alang ng mga Kristiyano ang mga kaugalian sa kanilang lugar at ang mga hinihiling ng batas pagdating sa kung ano ang dapat gawin sa labí ng namatay. (2 Cor. 6:3, 4) I-cremate man o hindi ang namatay, desisyon na iyon ng isa o ng pamilya.