TALAMBUHAY
Nawalan ng Ama —Nakahanap ng Ama
IPINANGANAK ang tatay ko sa Graz, Austria, noong 1899, kaya tin-edyer na siya noong Digmaang Pandaigdig I. Ipinatala siya sa hukbong Aleman di-nagtagal pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II noong 1939. Nasawi siya sa pakikipaglaban noong 1943 habang nasa Russia. Ang masakit, dalawang taóng gulang pa lang ako noon; ni hindi ko man lang nakilala ang tatay ko. Naiinggit ako sa ibang kaeskuwela ko kasi wala akong tatay. Pero noong tin-edyer ako, naaliw akong makilala ang ating Ama sa langit, isang makapangyarihang Ama na hindi mamamatay.
MGA KARANASAN BILANG BOY SCOUT
Noong pitong taóng gulang ako, naging miyembro ako ng Boy Scouts youth movement. Ang Boy Scouts ay isang pandaigdig na organisasyon na itinatag noong 1908 sa Great Britain ng tinyente heneral ng hukbo ng Britain, si Robert Stephenson Smyth Baden-Powell. Noong 1916, itinatag niya ang Wolf Cubs (o Cub Scouts) para sa mga batang kaedaran ko.
Gustong-gusto ko ang mga kamping namin kapag dulo ng sanlinggo
Ang mga Boy Scout ay pinasisiglang gumawa ng isang kabutihan araw-araw. Ito ang motto nila. Binabati namin ang isa’t isa ng “Laging Handa.” Iyon ang gusto ko sa pagiging Boy Scout. Sa grupo namin ng mahigit 100 batang lalaki, halos kalahati ay Katoliko, kalahati ay Protestante, at may isang Budista.
Simula noong 1920, nagkaroon ng mga international Scout meeting, o jamboree, na ginaganap kada ilang taon. Kasali ako sa ikapitong World Scout Jamboree sa Bad Ischl, Austria, noong Agosto 1951. Kasali rin ako sa ikasiyam na World Scout Jamboree sa Sutton Park, malapit sa Birmingham, England, noong Agosto 1957, na dinaluhan ng mga 33,000 Boy Scout mula sa 85 bansa at lupain. Mga 750,000 rin ang bumisita sa amin sa jamboree, pati na si Queen Elizabeth ng England. Para akong nasa isang pandaigdig na kapatiran. Wala akong kamalay-malay na mapapabilang ako sa isang di-hamak na mas kamangha-manghang kapatiran
UNANG BESES NA MAY NAKILALANG SAKSI NI JEHOVA
Patapos na ang pag-aaprentis ko noong mga Marso o Abril ng 1958 bilang waiter sa Grand
Hotel Wiesler sa Graz, Austria, nang magpatotoo sa akin ang katrabaho kong pastry chef na si Rudolf Tschiggerl. Noon ko unang narinig ang katotohanan. Doktrina ng Trinidad ang pinag-usapan namin. Sinabi niyang hindi ito turo ng Bibliya. Ipinagtanggol ko naman ang Trinidad. Nababaitan ako sa katrabaho ko kaya gusto ko siyang hikayating manumbalik sa Simbahang Katoliko.Ikinuha ako ng Bibliya ni Rudolf, na tinatawag naming Rudi. Sinabi ko na dapat ay bersiyong Katoliko. Sinimulan kong basahin iyon. Napansin kong nag-ipit siya ng tract na inilimbag ng Watchtower Society. Hindi ko iyon tinanggap kasi iniisip kong isinulat iyon para magmukhang tama pero hindi naman pala. Pero gusto ko pa ring makipag-usap sa kaniya tungkol sa Bibliya. Naging mataktika si Rudi. Hindi na siya nagbigay ng iba pang literatura. Paminsan-minsan, sa loob ng mga tatlong buwan, nagkakausap kami tungkol sa Bibliya at inaabot ng halos hatinggabi.
Nang matapos ko ang pag-aaprentis sa hotel sa Graz, pinag-aral ako ng nanay ko ng hotel management sa isang eskuwelahan sa Bad Hofgastein, isang bayan sa libis ng kabundukan ng Alps. Konektado iyon sa Grand Hotel sa Bad Hofgastein. Paminsan-minsan, nagtatrabaho ako doon para magkaroon ng higit na karanasan.
DINALAW NG DALAWANG MISYONERA
Ipinadala ni Rudi ang bago kong adres sa tanggapang pansangay sa Vienna. Nagpadala naman ang sangay ng dalawang misyonera, sina Ilse Unterdörfer at Elfriede Löhr. * Minsan, tinawagan ako ng receptionist ng hotel at sinabing may dalawang babae na naghihintay sa akin sa labas at gusto raw akong makausap. Hindi ko alam kung sino sila, pero lumabas ako para makilala sila. Nalaman kong mga Saksi sila na palihim na nagpapasok ng mga literatura noong panahon ng Nazi sa Germany at ipinagbabawal ang gawain. Bago pa man magsimula ang Digmaang Pandaigdig II, nahuli sila ng sekreta ng Germany (Gestapo) at ipinasok sa kampong piitan ng Lichtenburg. Pagkatapos, noong digmaan, inilipat sila sa kampo sa Ravensbrück, malapit sa Berlin.
Kaedaran nila ang nanay ko, kaya iginagalang ko sila. Ayokong masayang ang panahon nila sa akin, kasi baka pagkalipas lang ng ilang linggo o buwan, sabihin kong ayoko nang magpatuloy sa pakikipag-usap tungkol sa Bibliya. Kaya humingi na lang ako ng mga teksto sa Bibliya tungkol sa doktrina ng Katoliko na apostolikong paghahalili. Sabi ko sa kanila, itatanong ko iyon sa pari namin para malaman ko kung ano talaga ang katotohanan.
NAKILALA KO ANG TUNAY NA AMANG BANAL
Ayon sa turo ng mga Katoliko na apostolikong paghahalili, mula kay apostol Pedro ay tuloy-tuloy ang paghahalili ng mga papa bilang lider ng simbahan. (Mali ang interpretasyon ng simbahan sa pananalita ni Jesus na nasa Mateo 16:18, 19.) Inaangkin din ng Katolisismo na hindi nagkakamali ang papa kapag nagtuturo ito ng doktrina sa bisa ng awtoridad na ipinagkaloob sa kaniya, o ex cathedra. Naniniwala ako rito. Kung ang papa, na tinatawag na Holy Father (Amang Banal) ng mga Katoliko, ay hindi nagkakamali pagdating sa doktrina at sinasabi niyang totoo ang Trinidad, siguradong tama nga ang Trinidad. Pero kung nagkakamali siya, baka mali rin ang doktrina. Kaya pala gayon na lang kahalaga sa mga Katoliko ang turo ng apostolikong paghahalili. Kasi nakasalalay rito ang pagiging tumpak ng iba pang turong Katoliko!
Pagpunta ko sa pari, hindi niya masagot ang mga tanong ko, pero may ipinahiram siyang aklat tungkol sa apostolikong paghahalili. Iniuwi ko iyon at binasa. Pagbalik ko sa pari, mas marami pa akong itinanong. Nang hindi na niya masagot ang mga tanong ko, sinabi niya: “Hindi kita makukumbinsi, at hindi mo rin ako makukumbinsi. . . . Bahala ka na!” Ayaw na niyang makipag-usap sa akin.
Sa pagkakataong iyon, handa na akong makipag-aral ng Bibliya kina Ilse at Elfriede. Marami silang itinuro tungkol sa tunay na Amang Banal sa langit, ang Diyos na Jehova. (Juan 17:11) Wala pang kongregasyon sa lugar namin, kaya nagsaayos ng mga pulong ang mga sister na iyon sa tahanan ng isang interesadong pamilya. Kaunti lang ang dumadalo. Ang dalawang sister lang ang tumatalakay sa mga materyal sa pulong, dahil walang bautisadong brother na mangunguna. Kung minsan, isang brother mula sa ibang lugar ang nagpapahayag sa isang nirentahang lugar.
UNANG PAKIKIBAHAGI SA MINISTERYO
Nagsimula akong makipag-aral ng Bibliya kina Ilse at Elfriede noong Oktubre 1958. Nabautismuhan ako pagkalipas ng tatlong buwan, noong Enero 1959. Bago ako mabautismuhan, tinanong ko sila kung puwede akong sumama sa bahay-bahay para makita kung paano mangaral. (Gawa 20:20) Matapos sumama sa kanila sa unang pagkakataon, nagtanong ako kung puwede akong magkaroon ng sariling teritoryo. Isang nayon ang iniatas nila sa akin. Mag-isa akong nagbahay-bahay roon at dumalaw-muli sa mga interesado. Ang kauna-unahang nakapartner ko sa bahay-bahay ay ang tagapangasiwa ng sirkito na dumalaw sa amin.
Noong 1960, pagkatapos kong mag-aral ng hotel management, bumalik ako sa bayan namin at sinubukan kong mangaral sa mga kamag-anak ko. Hanggang ngayon, wala pang isa man sa kanila ang nasa katotohanan, bagaman may ilan na nagpapakita ng interes.
BUONG-PANAHONG PAGLILINGKOD
Noong 1961, sumulat ang tanggapang pansangay sa mga kongregasyon para pasiglahin ang mga kapatid na magpayunir. Binata ako at malakas pa, kaya walang dahilan para hindi ako magpayunir. Tinanong ko ang aming tagapangasiwa ng sirkito na si Kurt Kuhn kung ano ang masasabi niya sa pagtatrabaho ko nang ilang buwan para makabili ako ng kotse na magagamit sa pagpapayunir. Ang sagot niya? “Gumamit ba ng kotse si Jesus at ang mga apostol sa buong-panahong paglilingkod?” Dahil sa sinabi niyang iyon, nagsimula agad akong magpayunir. Pero dahil nagtatrabaho ako nang 72 oras kada linggo, kailangan kong gumawa ng mga pagbabago.
Tinanong ko ang boss ko kung papayagan niya akong magtrabaho nang 60 oras na lang. Pumayag naman siya at hindi binawasan ang suweldo ko. Nang maglaon, tinanong ko siya kung puwedeng 48 oras na lang. Pumayag uli siya at wala pa ring nagbago sa suweldo ko. Nang bandang huli, hiniling ko kung puwedeng 36 na oras na lang bawat linggo, o 6 na oras sa 6 na araw. Pumayag uli siya.
At ganoon pa rin ang suweldo ko! Siguro, ayaw niya talaga akong umalis. Bilang resulta, nakapag-regular pioneer ako. Noon, ang kahilingan pang oras ay 100 bawat buwan.Pagkalipas ng apat na buwan, inatasan ako bilang special pioneer at lingkod ng kongregasyon sa isang maliit na kongregasyon sa probinsiya ng Carinthia, sa bayan ng Spittal an der Drau. Noon, 150 pa ang kahilingang oras sa mga special pioneer. Wala akong partner na payunir, pero malaking tulong sa akin sa ministeryo ang isang sister na nagngangalang Gertrude Lobner, na siyang katulong na lingkod ng kongregasyon. *
SUNOD-SUNOD NA PAGBABAGO NG ATAS
Noong 1963, inanyayahan akong maging tagapangasiwa ng sirkito. Kung minsan, sumasakay ako ng tren kapag lumilipat ng mga kongregasyon dala ang mabibigat na maleta. Karamihan sa mga kapatid ay walang kotse, kaya walang sumusundo sa akin sa istasyon. Para hindi magmukhang “nagyayabang,” naglalakad na lang ako papunta sa tuluyan sa halip na mag-taxi.
Noong 1965, inanyayahan akong dumalo sa ika-41 klase ng Paaralang Gilead. Gaya ko, walang asawa ang karamihan sa mga kaklase ko. Pagkatapos ng klase, laking gulat ko nang atasan akong bumalik sa Austria para magpatuloy sa gawaing pansirkito. Pero inatasan muna akong sumama sa isang tagapangasiwa ng sirkito na si Anthony Conte sa Estados Unidos sa loob ng apat na linggo. Napakalaking bagay sa akin ang pagsama sa kaniya. Mahal na mahal niya ang ministeryo at napakaepektibo niya rito. Naglingkod kami sa upstate New York sa lugar ng Cornwall.
Pagbalik ko sa Austria, inatasan ako sa isang sirkito kung saan nakilala ko si Tove Merete, isang magandang dalaga. Pinalaki siya sa katotohanan mula noong limang taóng gulang siya. Kapag tinatanong kami ng mga kapatid kung paano kami nagkakilala, pabiro kaming sumasagot, “Pinagtagpo kami ng sangay.” Ikinasal kami pagkalipas ng isang taon, noong Abril 1967, at inatasan kaming magpatuloy sa gawaing paglalakbay.
Nang sumunod na taon, naramdaman kong inampon ako ni Jehova bilang kaniyang espirituwal na anak. Dahil sa di-sana-nararapat na kabaitang ito, nagkaroon ako ng espesyal na kaugnayan sa aking Ama sa langit pati na sa lahat ng ‘sumisigaw ng “Abba, Ama!” ’ gaya ng sinasabi ng Roma 8:15.
Naglingkod ako bilang tagapangasiwa ng sirkito at distrito kasama si Merete hanggang noong 1976. Kapag taglamig, may mga pagkakataong kailangan naming matulog sa mga kuwartong walang heater na halos nagyeyelo sa ginaw. Minsan, paggising namin, halos magyelo ang bandang itaas ng kumot namin dahil sa sobrang lamig ng aming hininga! Nang maglaon, nagdadala na kami ng maliit na heater para hindi kami masyadong ginawin. Sa ibang lugar naman, kailangan mo pang lumabas ng bahay at maglakad sa niyebe para lang makapunta sa palikuran na karaniwan nang pinapasok din ng malamig na hangin. Wala rin kaming apartment na pinakatuluyan namin kaya inaabot
kami ng Lunes sa dinadalaw naming kongregasyon. Martes ng umaga na kami nagbibiyahe papunta sa susunod na kongregasyon.Lagi akong sinusuportahan ng mahal kong asawa. Gustong-gusto niya ang paglabas sa larangan. Kahit kailan, hindi ko kinailangang yayain pa siya sa paglilingkod. Mapagmahal din siya sa mga kapatid at mapagmalasakit sa iba. Talagang isa siyang malaking tulong!
Noong 1976, inanyayahan kaming maglingkod sa tanggapang pansangay ng Austria sa Vienna. Inatasan akong maging miyembro ng Komite ng Sangay. Noong panahong iyon, ang sangay ng Austria ang nangangasiwa sa gawain sa ilang bansa sa Silangang Europa at nag-oorganisa sa patagong pagpapasok ng mga literatura sa mga bansang iyon. Mahusay itong pinangasiwaan ni Brother Jürgen Rundel. Magkasama kaming naglingkod. Nang maglaon, inatasan akong mangasiwa sa gawaing pagsasalin sa 10 wika sa Silangang Europa. Si Jürgen at ang kaniyang asawang si Gertrude ay naglilingkod ngayon bilang special pioneer sa Germany. Noong 1978, ang sangay ng Austria ay nagsimulang mag-phototypeset ng mga magasin at maglimbag nito sa anim na wika gamit ang maliit na imprentahan. Nagpapadala rin kami ng mga suskripsiyon sa iba’t ibang bansa na humihiling nito. Si Otto Kuglitsch naman ang nangasiwa rito. Siya at ang kaniyang asawang si Ingrid ay naglilingkod ngayon sa tanggapang pansangay sa Germany.
Ang mga kapatid sa Silangang Europa ay naglilimbag din ng literatura sa kanilang bansa gamit ang mga mimeograph machine o nag-iimprenta ng materyal mula sa mga film. Pero kailangan pa rin nila ang suporta ng mga kapatid sa labas ng kanilang bansa. Pinrotektahan ni Jehova ang kanilang gawain. Dahil sa katapatan ng mga kapatid na ito na dumaan sa mahihirap na sitwasyon at pagbabawal sa loob ng maraming taon, napamahal sila sa aming lahat na nasa sangay.
DI-MALILIMUTANG PAGBISITA SA ROMANIA
Noong 1989, nagkapribilehiyo ako na samahan si Brother Theodore Jaracz, miyembro ng Lupong Tagapamahala, sa pagpunta sa Romania. Ang layunin ng pagdalaw na ito ay para tulungang bumalik sa organisasyon ang isang malaking grupo ng mga kapatid. Mula noong 1949, sa iba’t ibang kadahilanan, pinutol nila ang kanilang kaugnayan sa
organisasyon at bumuo sila ng sarili nilang mga kongregasyon. Pero patuloy silang nangaral at nagbautismo. Nabilanggo rin sila dahil sa kanilang Kristiyanong neutralidad, gaya ng mga kapatid na bahagi ng organisasyong kinikilala ng pandaigdig na punong tanggapan. Bawal pa rin ang gawain sa Romania, kaya patago kaming nagkita sa tahanan ni Brother Pamfil Albu, kasama ang apat na pilíng mga elder at mga kinatawan ng Komite ng Bansa ng Romania. May kasama rin kaming interpreter mula sa Austria, si Rolf Kellner.Noong ikalawang gabi ng aming pag-uusap, hinikayat ni Brother Albu ang kaniyang apat na kasamang elder na makiisa sa amin. Sinabi niya: “Kung hindi natin ito gagawin ngayon, baka wala nang ibang pagkakataon.” Bilang resulta, mga 5,000 kapatid ang naibalik sa organisasyon. Isa ngang tagumpay para kay Jehova at sampal kay Satanas!
Noong patapos na ang 1989, bago bumagsak ang Komunismo sa Silangang Europa, inanyayahan kaming mag-asawa ng Lupong Tagapamahala na lumipat sa punong-tanggapan sa New York. Hindi namin ito inaasahan. Nagsimula kaming maglingkod sa Brooklyn Bethel noong Hulyo 1990. Noong 1992, inatasan akong maging katulong sa Service Committee ng Lupong Tagapamahala. At noong Hulyo 1994, naging miyembro ako ng Lupong Tagapamahala.
BALIK-TANAW SA NAKARAAN AT PAGTANAW SA HINAHARAP
Napakatagal nang panahon ang lumipas mula nang maging waiter ako sa isang hotel. Ngayon, pribilehiyo kong makibahagi sa paghahanda at pamamahagi ng espirituwal na pagkain sa ating pambuong-daigdig na kapatiran. (Mat. 24:45-47) Kapag binabalik-balikan ko ang mahigit 50 taon ng pantanging buong-panahong paglilingkod, punong-puno ako ng pasasalamat at kagalakan dahil talagang pinagpala ni Jehova ang ating pambuong-daigdig na kapatiran. Gustong-gusto kong dumalo sa ating mga internasyonal na kombensiyon. Doon, idiniriin ang pagkatuto tungkol sa ating Ama sa langit, si Jehova, at sa katotohanan sa Bibliya.
Dalangin ko na sana’y milyon-milyon pa ang mag-aral ng Bibliya, tumanggap ng katotohanan, at maglingkod kay Jehova kaisa ng ating pandaigdig na kapatirang Kristiyano. (1 Ped. 2:17) Nananabik din akong makita mula sa langit ang pagbuhay-muli sa mga patay sa lupa, kasama na ang tatay ko. Umaasa ako na siya, si Nanay, at ang iba ko pang kamag-anak ay magnais ding sumamba kay Jehova sa Paraiso.
Nananabik akong makita mula sa langit ang pagbuhay-muli sa mga patay sa lupa, kasama na ang tatay ko