Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili —Sa Micronesia
LUMAKI sa United States si Katherine. Sa edad na 16, nabautismuhan siya bilang isang Saksi ni Jehova. Masipag siya sa ministeryo, pero walang gaanong interesado sa kanilang teritoryo. Sinabi niya: “May mga nababasa akong karanasan tungkol sa mga taong nananalangin na sana’y magpadala ang Diyos ng tutulong sa kanila na makilala siya. Gusto ko ring makatagpo ng gayong tao, pero hindi iyon nangyari.”
Pagkalipas ng maraming taon, napag-isip-isip ni Katherine na baka puwede siyang lumipat sa ibang lugar kung saan mas marami ang interesado sa mensahe ng Kaharian. Kaso, nag-aalala siya kung kakayanin niya iyon. Kasi isang beses pa lang siyang napalayo sa pamilya. Kahit dalawang linggo lang iyon, araw-araw niya silang nami-miss. Pero gusto talaga niyang maranasan ang kaligayahang tumulong sa iba na makilala si Jehova. May mga pinagpilian siyang lipatan. Nang bandang huli, nagtanong siya sa sangay sa Guam kung saan puwedeng maglingkod. Noong Hulyo 2007, sa edad na 26, lumipat siya sa Saipan, isang isla sa Pasipiko, mga 10,000 kilometro mula sa lugar na kinalakhan niya. Sulit ba ang paglipat niya?
SAGOT SA DALAWANG PANALANGIN
Pagdating ni Katherine sa bago niyang kongregasyon, nakatagpo siya agad ng Bible study
“Bago ko pa masabi iyon kay Doris,” ang pagpapatuloy ni Katherine, “sinabi niyang may ilalapit siyang problema. Matapos ko siyang pakinggan, ikinuwento ko kung paano ako tinulungan ni Jehova na harapin ang gayon ding sitwasyon. At nagpasalamat siya.” Pagkatapos, sinabi ni Doris kay Katherine: “Ginagamit ka ni Jehova para tulungan ako. Alam mo bang bago ka dumating sa bahay ko noon, ilang oras ko nang binabasa ang Bibliya? Umiiyak ako. Hinihiling ko sa Diyos na magpadala siya ng tutulong sa akin na maunawaan ang Bibliya. Saka ka
kumatok. Sinagot ni Jehova ang panalangin ko!” Naluluha si Katherine habang ikinukuwento ang karanasang iyon. Sinabi niya: “Ang mga salitang iyon ni Doris ang sagot sa panalangin ko. Ipinakita sa akin ni Jehova na kaya kong ipagpatuloy ang pakikipag-aral sa kaniya.”Nabautismuhan si Doris noong 2010. Ngayon, mayroon na rin siyang mga Bible study. Sinabi ni Katherine: “Tuwang-tuwa ako dahil natupad ang matagal ko nang pangarap na makatulong sa isang tao na maging lingkod ni Jehova!” Maligayang naglilingkod ngayon si Katherine bilang special pioneer sa isla ng Kosrae sa Pasipiko.
TATLONG HAMON —KUNG PAANO ITO HAHARAPIN
Mahigit 100 kapatid mula sa ibang lupain (edad 19 hanggang 79) ang naglilingkod sa mga lugar sa Micronesia na malaki ang pangangailangan. Ang saloobin ng masisigasig na kapatid na ito ay gaya ng nadama ni Erica, na lumipat sa Guam noong 2006 sa edad na 19. Sinabi niya: “Napakasarap magpayunir sa teritoryong marami ang uháw sa katotohanan. Taos-puso akong nagpapasalamat kay Jehova dahil tinulungan niya akong makapaglingkod sa ganitong paraan. Ito na ang pinakamagandang buhay!” Special pioneer ngayon si Erica sa Ebeye sa Marshall Islands. Pero siyempre, may mga hamon din ang paglilingkod sa isang banyagang lupain. Tingnan natin ang tatlong hamon at alamin kung paano ito hinarap ng mga lumipat sa Micronesia.
Istilo ng pamumuhay. Pagdating ng 22-anyos na si Simon sa isla ng Palau noong 2007, natuklasan niyang barya lang ang kikitain niya kumpara sa suweldo niya noon sa England. “Natutuhan kong huwag basta-basta bumili. Iniisip ko munang mabuti kung anong pagkain ang bibilhin ko. Naglilibot din ako para makahanap ng mga murang bilihin. Kapag may gamit na nasira, naghahanap ako ng segunda-manong piyesa at nagpapatulong ako sa pagkukumpuni.” Ano ang epekto nito kay Simon? Sinabi niya: “Natutuhan ko kung ano talaga ang mga kailangan ko sa buhay at kung paano makaraos. Maraming pagkakataong kitang-kita ko ang pangangalaga sa akin ni Jehova. Pitong taon na akong naglilingkod dito, pero kailanma’y hindi ako nawalan ng makakain at matutulugan.” Talaga ngang inaalalayan ni Jehova ang mga namumuhay nang simple para unahin ang Kaharian!
Pagka-homesick. Sinabi ni Erica: “Malapít ako sa pamilya ko. Kaya nag-alala ako na baka makaapekto sa aking ministeryo ang pagka-homesick.” Ano ang nakatulong sa kaniya? “Bago ako lumipat, nagbasa ako ng mga artikulo sa Bantayan tungkol sa pagka-homesick. Nakatulong ito para maihanda kong mabuti ang aking puso. Sa isang artikulo, tiniyak ng isang ina sa kaniyang anak, ‘Maaalagaan ka ni Jehova nang higit kaysa sa makakaya ko.’ Talagang napatibay ako doon.” Si Hannah at ang kaniyang asawang si Patrick ay naglilingkod sa Majuro
sa Marshall Islands. Para mapagtagumpayan ang pagka-homesick, itinutuon ni Hannah ang kaniyang pansin sa mga kapatid sa kongregasyon. Sinabi niya: “Lagi akong nagpapasalamat kay Jehova dahil sa ating pambuong-daigdig na kapatiran. Pamilya ko na rin sila. Kung wala ang kanilang mapagmahal na suporta, hindi ko kakayaning maglingkod sa lugar na malaki ang pangangailangan.”Pakikibagay at pakikisama. “Kapag lumipat ka sa ibang bansa, halos lahat iba,” ang obserbasyon ni Simon. “Nakaka-miss y’ong makapag-joke na masasakyan ng lahat.” Sinabi naman ni Erica: “Sa simula, parang out-of-place ako, pero nakatulong ito para masuri ko ang aking motibo. Lumipat ako, hindi para sa akin, kundi para kay Jehova.” Idinagdag pa niya: “Di-nagtagal, nagkaroon ako ng mabubuting kaibigan, at talagang ipinagpapasalamat ko iyon.” Nagsikap mag-aral ng wikang Palauan si Simon. Kaya ‘nakapagpalawak’ siya sa mga kapatid sa nilipatan niyang lugar at napamahal siya sa kanila. (2 Cor. 6:13) Oo, kapag ang mga kapatid na bagong lipat at ang mga tagaroon ay magkakasamang naglilingkod, nabubuo ang mabubuting pagkakaibigan. Ano ang iba pang pagpapala para sa mga kusang-loob na naghahandog ng kanilang sarili sa mga lugar na malaki ang pangangailangan?
‘MAG-ANI NANG SAGANA’
Sinabi ni apostol Pablo: “Siya na naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana.” (2 Cor. 9:6) Ang simulaing ito ay tiyak na kumakapit sa mga nagpapalawak ng kanilang ministeryo. Anong mga bunga ang ‘inaani nila nang sagana’ sa Micronesia?
Sa Micronesia, marami pang pagkakataong makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya at makita mismo ang pagsulong ng mga nagkakapit ng katotohanan. Nangaral din sina Patrick at Hannah sa Angaur, isang maliit na isla na may populasyong 320. Pagkatapos mangaral doon nang dalawang buwan, nakatagpo sila ng isang nagsosolong ina. Nagpa-Bible study ito agad, isinapuso ang natutuhan, at gumawa ng mga pagbabago sa kaniyang buhay. Sinabi ni Hannah: “Tuwing matatapos ang study namin, habang nagbibisikleta kami ng mister ko pauwi, nagkakatinginan kami at sinasabi: ‘Salamat, Jehova!’ ” Idinagdag pa ni Hannah: “Alam ko namang maraming puwedeng gamitin si Jehova para ilapit sa kaniya ang taong ito, pero dahil naglilingkod kami sa lugar na malaki ang pangangailangan, natagpuan namin at natulungan ang tulad-tupang ito na makilala si Jehova. Ito ang isa sa pinakamagandang karanasan namin sa buhay!” Gaya ng sinabi ni Erica, “kapag may natutulungan kang tao na makilala si Jehova, mag-uumapaw ka sa kagalakan!”
KAYA MO RIN BANG TUMULONG?
Maraming lupain ang may malaking pangangailangan para sa mga mensahero ng Kaharian. Gusto mo bang mapabilang sa mga lumilipat sa gayong mga lugar? Ipanalangin kay Jehova na sumidhi ang pagnanais mong palawakin ang iyong ministeryo. Ipakipag-usap ito sa mga elder sa inyong kongregasyon, sa tagapangasiwa ng sirkito, o sa mga nakapaglingkod na sa lupaing malaki ang pangangailangan. Kapag nagpaplano ka na, sumulat sa sangay na nangangasiwa sa teritoryong gusto mong lipatan para sa higit na impormasyon. * Malay mo, maging isa ka sa libo-libong kapatid
^ par. 17 Tingnan ang artikulong “Maaari Ka Bang ‘Tumawid sa Macedonia’?” sa Ating Ministeryo sa Kaharian, isyu ng Agosto 2011.