MULA SA AMING ARCHIVE
“Eureka Drama” —Nakatulong sa Marami Para Matagpuan ang Katotohanan
“EUREKA!” Ibig sabihin niyan ay “Natagpuan ko na!” Iyan ang isinisigaw ng mga minero kapag may natagpuan silang ginto noong panahon ng gold rush sa California, E.U.A., noong ika-19 na siglo. Pero si Charles Taze Russell at ang mga kasama niyang Estudyante ng Bibliya ay may natagpuang di-hamak na mas mahalaga—ang katotohanan sa Bibliya. At sabik silang ibahagi ito sa iba.
Pagsapit ng tag-araw ng 1914, milyon-milyon katao sa malalaking lunsod ang nakapanood ng “Photo-Drama of Creation,” isang walong-oras na produksiyon ng International Bible Students Association (I.B.S.A.). Ang presentasyong ito na salig sa Bibliya ay may kahanga-hangang mga pelikula, makukulay na slide, kapana-panabik na narration, at magagandang klasikal na musika. Iniharap nito ang kasaysayan mula sa paglalang hanggang sa pagtatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo.—Apoc. 20:4. *
Paano naman kaya ang mga nakatira sa maliliit na bayan at liblib na lugar? Para maabot ang lahat ng uháw sa katotohanan, inilabas ng I.B.S.A. noong Agosto 1914 ang “Eureka Drama”—isang bersiyon ng “Photo-Drama” na walang kasamang pelikula at madaling bitbitin. May tatlong klase nito na makukuha sa iba’t ibang wika: Ang set na “Eureka X” ay may kumpletong rekording ng narration at musika. Ang set na “Eureka Y” ay may kumpletong rekording at makukulay na slide. At ang “Eureka Family Drama,” na puwedeng patugtugin sa bahay, ay may ilang pilíng narration at awit. May makukuha ring murang mga ponograpo at aparato para sa pagpapalabas ng slide.
Dahil hindi na kailangan ang film projector o malaking screen, puwedeng dalhin ng mga Estudyante ng Bibliya ang libreng presentasyong ito sa maliliit na bayan na hindi pa napapaabutan ng mensahe ng Kaharian. Ang “Eureka X” na puro audio ay puwedeng patugtugin araw o gabi. Ang “Eureka Y” ay may slide projector na puwedeng paganahin kahit walang kuryente, gamit ang isang carbide lamp. “Kahit saan puwede naming ipalabas ang mga larawang ito,” ang sabi sa isang report ng The Watch Tower sa wikang Finnish. Ganiyan nga ang nangyari!
Imbes na umarkila ng malalaking teatro, nakakahanap ang mga Estudyante ng Bibliya ng mga libreng pasilidad, gaya ng mga silid-aralan, hukuman, istasyon ng tren, at kahit mga sala ng malalaking bahay. Pero madalas na sa labas lang ginagawa ang presentasyon, na ang pinaka-screen ay isang malapad na puting tela na isinasabit sa dingding ng kamalig. Isinulat ni Anthony Hambuch: “Ang mga magbubukid ay gumagawa ng parang maliit na istadyum sa kanilang mga taniman. Naghahanay sila ng mga troso na mauupuan ng mga tao habang nanonood.” Ang grupong ito ni Anthony Hambuch ay may karwaheng hila ng kabayo para sa kanilang mga kagamitan, bagahe, at kasangkapan sa kamping at pagluluto.
Kung minsan, iilan lang ang nanonood ng “Eureka,” pero minsan ay daan-daan. Sa Estados Unidos, 400 ang nakapanood sa paaralan ng isang bayan na 150 lang ang mamamayan. Sa ibang lugar naman, ang ilan ay naglalakad nang mga 16 na kilometro balikan para mapanood ang “Eureka Drama.” Sa Sweden, ang mga kapitbahay ni Charlotte Ahlberg na nagtipon sa kaniyang maliit na bahay ay “talagang naantig” sa narinig nilang rekording. Sa Australia, mga 1,500 ang nanood nang minsang ipalabas ito sa isang malayong lunsod na may minahan. Iniulat ng The Watch Tower na sa mga high school at kolehiyo, “namamangha ang mga propesor at estudyante sa mga larawan at magagandang rekording sa ponograpo.” Sikát ang “Eureka Drama” kahit sa mga lugar na may sinehan.
PAGDIDILIG SA MGA BINHI NG KATOTOHANAN
Malaki ang naitulong ng “Eureka Drama” sa “Class Extension Work.” Para makabuo ng mga bagong klase, ang mga Estudyante ng Bibliya ay nagpapadala ng mga tagapagsalita para magpahayag at magpalabas ng “Eureka Drama.” Mahirap alamin kung gaano karami ang nakapanood ng “Eureka Drama.” Kahit maraming set ng “Drama” ang paulit-ulit na nagamit, 14 lang sa 86 na grupong nagpapalabas ng “Drama” ang regular na nag-ulat noong 1915. Sa kabila nito, ayon sa ulat sa pagtatapos ng taon, mahigit isang milyon ang nakapanood ng “Drama.” Mga 30,000 sa mga ito ang humiling ng literatura sa Bibliya.
Maaaring hindi gaanong tumatak sa kasaysayan ang “Eureka Drama,” pero mula Australia hanggang Argentina, mula South Africa hanggang British Isles, India, at Caribbean, lumilitaw na milyon-milyon ang nakapanood ng natatanging presentasyong ito. Natagpuan ng marami sa kanila ang katotohanan sa Bibliya—na mas mahalaga kaysa ginto—at maisisigaw nila, “Eureka!”
^ par. 4 Tingnan ang “Mula sa Aming Archive—Ika-100 Taon ng Obra Maestra ng Pananampalataya” sa Bantayan, isyu ng Pebrero 15, 2014, pahina 30-32.