Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sinabi ni Jesus sa mga Saduceo na ang mga bubuhaying muli ay “hindi mag-aasawa ni ibibigay man sa pag-aasawa.” (Luc. 20:34-36) Ang tinutukoy ba niya ay pagkabuhay-muli dito sa lupa?
Mahalaga ang tanong na iyan, lalo na para sa mga namatayan ng minamahal na kabiyak. Malamang na gustong-gusto nila na sila pa rin ang maging mag-asawa sa bagong sanlibutan. Sinabi ng isang biyudo: “Hindi namin ginusto ng asawa ko na maputol ang pagsasama namin. Hangad namin noon na manatili kaming magkasama sa pagsamba bilang mag-asawa magpakailanman. Iyan pa rin ang damdamin ko.” May makatuwiran bang dahilan para umasang makapag-aasawa ang mga bubuhaying muli? Ang simpleng sagot, hindi natin tiyak.
Sa loob ng maraming taon, sinasabi ng ating mga publikasyon na ang mga salita ni Jesus tungkol sa pagkabuhay-muli at pag-aasawa ay malamang na tumutukoy sa pagkabuhay-muli dito sa lupa at na ang mga bubuhaying muli sa bagong sanlibutan ay malamang na hindi makapag-aasawa. * (Mat. 22:29, 30; Mar. 12:24, 25; Luc. 20:34-36) Gayunman, posible kayang ang tinutukoy ni Jesus ay pagkabuhay-muli tungo sa langit? Bagaman hindi tayo makapagbibigay ng tiyak na sagot, makakatulong ang pagsusuri sa sinabi ni Jesus.
Pansinin ang tagpo. (Basahin ang Lucas 20:27-33.) Ang mga Saduceo, na hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli, ay nagtanong kay Jesus tungkol sa pagkabuhay-muli at pag-aasawa bilang bayaw para hulihin siya. * Sumagot si Jesus: “Ang mga anak ng sistemang ito ng mga bagay ay nag-aasawa at ibinibigay sa pag-aasawa, ngunit yaong mga ibinilang na karapat-dapat magkamit ng sistemang iyon ng mga bagay at ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay ay hindi mag-aasawa ni ibibigay man sa pag-aasawa. Sa katunayan, hindi na rin sila maaaring mamatay pa, sapagkat sila ay tulad ng mga anghel, at sila ay mga anak ng Diyos dahil sa pagiging mga anak ng pagkabuhay-muli.”—Luc. 20:34-36.
Bakit sinasabi noon ng ating mga publikasyon na malamang na ang tinutukoy ni Jesus ay pagkabuhay-muli sa lupa? May dalawang pangunahing dahilan. Una, malamang na ang nasa isip ng mga Saduceo ay pagkabuhay-muli sa lupa, kaya waring makatuwirang isipin na ang isasagot sa kanila ni Jesus ay kaayon ng iniisip nila. Ikalawa, tinapos ni Jesus ang sagot niya sa pagtukoy kina Abraham, Isaac, at Jacob—mga tapat na patriyarka na bubuhaying muli dito sa lupa.—Luc. 20:37, 38.
Pero may posibilidad na pagkabuhay-muli tungo sa langit ang nasa isip ni Jesus. Bakit natin masasabi iyan? Isaalang-alang natin ang dalawang mahahalagang parirala.
“Yaong mga ibinilang na karapat-dapat magkamit . . . ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay.” Ang tapat na mga pinahiran ay ‘ibinilang na karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.’ (2 Tes. 1:5, 11) Ipinahayag silang matuwid para sa buhay salig sa pantubos; kaya hindi sila mamamatay bilang mga nahatulang makasalanan. (Roma 5:1, 18; 8:1) Sila ay tinatawag na “maligaya at banal” at ibinibilang na karapat-dapat sa pagkabuhay-muli tungo sa langit. (Apoc. 20:5, 6) Sa kabilang dako, kasama sa mga bubuhaying muli sa lupa ang “mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Ang mga ito ba ay ‘maibibilang na karapat-dapat’ sa pagkabuhay-muli?
“Hindi na rin sila maaaring mamatay pa.” Hindi sinabi ni Jesus: “Hindi na sila mamamatay.” Sa halip, sinabi niya: “Hindi na rin sila maaaring mamatay pa.” Ang ibang salin sa pananalitang iyan ay “hindi na sila mapananaigan ng kamatayan” at “wala nang kapangyarihan sa kanila ang kamatayan.” Ang mga pinahiran na mamamatay nang tapat sa lupa ay bubuhaying muli tungo sa langit at pagkakalooban ng imortalidad—isang buhay na walang kasiraan ni wakas. (1 Cor. 15:53, 54) Hindi na mamamatay pa ang mga tatanggap ng pagkabuhay-muli sa langit. *
Batay sa mga natalakay, ano ang konklusyon natin? Posibleng ang mga salita ni Jesus tungkol sa pag-aasawa at pagkabuhay-muli ay tumutukoy sa pagkabuhay-muli sa langit. Kung gayon, batay sa sinabi niya, may ilan tayong matututuhan tungkol sa mga bubuhaying muli tungo sa langit: Hindi sila mag-aasawa, hindi sila maaaring mamatay, at may pagkakatulad sila sa mga anghel—mga espiritung nilalang na naninirahan sa dako ng mga espiritu. Pero bumabangon ang ilang tanong.
Una, kung ang nasa isip ng mga Saduceo ay pagkabuhay-muli sa lupa, bakit pagkabuhay-muli tungo sa langit ang tutukuyin ni Jesus sa sagot niya? Hindi laging sinasagot ni Jesus ang mga mananalansang kaayon ng iniisip nila. Halimbawa, sa mga Judio na humihingi sa kaniya ng tanda, sinabi niya: “Gibain ninyo ang templong ito, at sa tatlong araw ay itatayo ko ito.” Malamang na alam ni Jesus na ang iniisip nila ay pagtatayo ng templo, “ngunit nagsasalita siya tungkol sa templo ng kaniyang katawan.” (Juan 2:18-21) Marahil, iniisip ni Jesus na hindi niya kailangang sagutin ang mapagpaimbabaw na mga Saduceo, na hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli ni sa pag-iral ng mga anghel. (Kaw. 23:9; Mat. 7:6; Gawa 23:8) Sa halip, posibleng gusto niyang ihayag ang ilang detalye tungkol sa pagkabuhay-muli sa langit para sa kapakinabangan ng kaniyang tapat na mga alagad, na sa hinaharap ay tatanggap ng gayong pagkabuhay-muli.
Ikalawa, bakit kaya sa pagtatapos ng sagot ni Jesus ay tinukoy niya sina Abraham, Isaac, at Jacob, na bubuhaying muli sa lupa? (Basahin ang Mateo 22:31, 32.) Bago banggitin ang tapat na mga lalaking ito, sinabi muna ni Jesus ang pananalitang “kung tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay.” Maaaring ipinahihiwatig niyan na nagbago ang pokus ng pagtalakay—mula sa pagkabuhay-muli sa langit tungo sa pagkabuhay-muli sa lupa. Alam ni Jesus na naniniwala ang mga Saduceo sa mga isinulat ni Moises, kaya sinipi niya ang sinabi ng Diyos kay Moises sa nagniningas na palumpong para patunayan sa kanila na ang pagkabuhay-muli—dito sa lupa—ay bahagi ng layunin ng Diyos na tiyak na matutupad.—Ex. 3:1-6.
Ikatlo, kung ang pananalita ni Jesus tungkol sa pagkabuhay-muli at pag-aasawa ay tumutukoy sa pagkabuhay-muli tungo sa langit, nangangahulugan ba ito na makapag-aasawa ang mga bubuhaying muli sa lupa? Walang tuwirang sagot ang Bibliya sa tanong na iyan. Kung ang talagang tinutukoy ni Jesus ay pagkabuhay-muli tungo sa langit, ang pananalita niya ay walang anumang sinasabi kung ang mga bubuhaying muli sa lupa ay makapag-aasawa sa bagong sanlibutan.
Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na pinuputol ng kamatayan ang buklod ng pag-aasawa. Kaya hindi dapat makonsiyensiya ang isang biyudo o biyuda kung ipasiya man niyang mag-asawang muli. Personal na desisyon iyan, at hindi siya dapat husgahan kung maghanap siya ng pagmamahal ng isang kabiyak.—Roma 7:2, 3; 1 Cor. 7:39.
Totoo naman, marami tayong gustong malaman tungkol sa buhay sa bagong sanlibutan. Pero sa halip na bumuo ng mga espekulasyon, maghintay na lang tayo. Ito ang tiyak: Ang masunuring mga tao ay magiging maligaya dahil talagang ibibigay ni Jehova ang lahat ng kanilang pangangailangan at ninanasa.—Awit 145:16.
^ par. 4 Tingnan ang Bantayan, isyu ng Hunyo 1, 1987, pahina 30-31.
^ par. 5 Noong panahon ng Bibliya, ang pag-aasawa bilang bayaw ay isang kaugalian kung saan kinukuha ng isang lalaki bilang asawa ang walang-anak na balo ng kaniyang namatay na kapatid upang makapagluwal ng supling na magpapanatili sa angkan ng kaniyang kapatid.—Gen. 38:8; Deut. 25:5, 6.
^ par. 9 Ang mga bubuhaying muli sa lupa ay may pag-asang tumanggap ng buhay na walang hanggan, hindi ng imortalidad. Para higit pang masuri ang pagkakaiba ng imortalidad at ng buhay na walang hanggan, tingnan ang Bantayan, Oktubre 1, 1984, pahina 29-30.