Ano ang Papel ng mga Babae sa Layunin ni Jehova?
“Ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.”—AWIT 68:11.
1, 2. (a) Anong mga regalo ang ibinigay ng Diyos kay Adan? (b) Bakit binigyan ng Diyos si Adan ng asawa? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
MAY layunin si Jehova nang lalangin niya ang lupa. Inanyuan niya ito “upang tahanan.” (Isa. 45:18) Ang unang taong nilalang niya, si Adan, ay sakdal, at binigyan siya ng Diyos ng isang napakagandang tahanan—ang hardin ng Eden. Tiyak na nasiyahan si Adan sa nagtataasang mga puno, dumadaloy na mga batis, at naglalarong mga hayop! Pero isang bagay na napakaimportante ang kulang sa kaniya. Tinukoy ito ni Jehova nang sabihin Niya: “Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa. Gagawa ako ng isang katulong para sa kaniya, bilang kapupunan niya.” Kaya pinatulog ng Diyos si Adan nang mahimbing, kinuha ang isa sa mga tadyang nito, at “ang tadyang . . . ay ginawa niyang isang babae.” Paggising ni Adan, tuwang-tuwa siya! “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman,” ang sabi ni Adan. “Ito ay tatawaging Babae, sapagkat kinuha ito mula sa lalaki.”—Gen. 2:18-23.
2 Natatanging regalo mula sa Diyos ang babae dahil ito ay magiging sakdal na katuwang ng lalaki. May espesyal na pribilehiyo rin ang babae na manganak. Kaya naman “tinawag ni Adan na Eva ang pangalan ng kaniyang asawa, sapagkat siya ang magiging ina ng lahat ng nabubuhay.” (Gen. 3:20) Isa ngang napakagandang regalo para sa unang mag-asawa! May kakayahan silang magkaanak ng iba pang sakdal na tao. Sa ganitong paraan, ang lupa ay magiging paraiso na tinitirhan ng sakdal na mga taong mangangasiwa sa iba pang nilalang na buháy.—Gen. 1:27, 28.
3. (a) Para pagpalain ng Diyos, ano ang kailangang gawin nina Adan at Eva? Pero ano ang nangyari? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
3 Para tamasahin nina Adan at Eva ang mga pagpapalang ito, kailangan nilang sumunod kay Jehova at magpasakop sa kaniyang pamamahala. (Gen. 2:15-17) Sa ganitong paraan lang nila matutupad ang layunin ng Diyos para sa kanila. Pero nakalulungkot, naimpluwensiyahan sila ng “orihinal na serpiyente,” si Satanas, at nagkasala sa Diyos. (Apoc. 12:9; Gen. 3:1-6) Ano ang naging epekto ng rebelyong ito sa mga babae? Anong magandang halimbawa ang ipinakita ng makadiyos na mga babae noon? Bakit matatawag na “isang malaking hukbo” ang mga Kristiyanong babae sa ngayon?—Awit 68:11.
ANG RESULTA NG REBELYON
4. Sino ang itinuring na responsable sa kasalanan ng unang mag-asawa?
4 Nang kausapin ng Diyos si Adan tungkol sa ginawa niya, nagdahilan siya: “Ang babae na ibinigay mo upang maging kasama ko, siya ang nagbigay sa akin ng bunga mula sa punungkahoy kung kaya ako kumain.” (Gen. 3:12) Imbes na aminin ang kaniyang pagkakasala, isinisi pa iyon ni Adan sa babaing ibinigay ng Diyos sa kaniya—pati na sa mismong Tagapagbigay! Parehong nagkasala sina Adan at Eva, pero si Adan ang itinuring na responsable sa kanilang ginawa. Kaya isinulat ni apostol Pablo na “sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan.”—Roma 5:12.
5. Ano ang napatunayan nang pahintulutan ng Diyos na magpatuloy nang ilang panahon ang pamamahalang hiwalay sa kaniya?
5 Napaniwala ang unang mag-asawa na hindi nila kailangan si Jehova bilang kanilang Tagapamahala. Kaya isang napakahalagang tanong tungkol sa soberanya ang bumangon: Sino ang may karapatang mamahala? Para masagot iyan nang lubusan, pinahintulutan ng Diyos na magpatuloy nang ilang panahon ang pamamahalang hiwalay sa kaniya. Alam niyang mapatutunayang bigo ang ganitong uri ng pamamahala. Sa paglipas ng daan-daang taon, sunod-sunod na trahedya ang naranasan ng sangkatauhan sa ilalim ng gayong pamamahala. Nitong nagdaang siglo, mga 100,000,000 ang namatay sa mga digmaan—kabilang na ang milyon-milyong inosenteng lalaki, babae, at mga bata. Kaya matibay ang ebidensiya na “hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jer. 10:23) Alam natin ito kaya kinikilala natin si Jehova bilang ating Tagapamahala.—Basahin ang Kawikaan 3:5, 6.
6. Sa maraming bansa, paano tinatrato ang mga babae?
6 Kapuwa mga lalaki at babae ay nakakaranas ng kalupitan sa sanlibutang ito na nasa kapangyarihan ni Satanas. (Ecles. 8:9; 1 Juan 5:19) Ilan sa pinakamatitinding kalupitan ay may kaugnayan sa pag-abuso sa mga babae. Sa buong daigdig, mga 30 porsiyento ng mga babae ang nagreport na inabuso sila ng kanilang asawa o ng lalaking kinakasama nila. Sa ilang kultura, mas pinapaboran ang mga lalaki dahil sila ang inaasahang magdadala ng pangalan ng pamilya at mag-aalaga sa may-edad na mga magulang at lolo’t lola. Sa ilang bansa, ayaw ng mga magulang na magkaanak ng babae, at di-hamak na mas maraming sanggol na babae ang ipinalalaglag kaysa sanggol na lalaki.
7. Anong uri ng buhay ang ibinigay ng Diyos kapuwa sa lalaki at babae?
7 Tiyak na ikinalulungkot ng Diyos ang pagmamalupit sa mga babae. Patas at makatuwiran ang pakikitungo niya sa mga babae, at nirerespeto niya sila. Kitang-kita ito nang lalangin niya si Eva na sakdal at may kakayahang maging kapupunan, hindi alipin, ni Adan. Isang dahilan iyan kung bakit sa pagtatapos ng ikaanim na araw ng paglalang, “nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.” (Gen. 1:31) Oo, “bawat bagay” na ginawa ni Jehova ay “napakabuti.” Binigyan niya kapuwa ang lalaki at babae ng napakagandang uri ng buhay!
MGA BABAING MAY PAGSANG-AYON NI JEHOVA
8. (a) Ano ang pag-uugali ng mga tao sa pangkalahatan? (b) Sa buong kasaysayan, kanino nagpapakita ng pagsang-ayon ang Diyos?
8 Sa pangkalahatan, ang pag-uugali ng mga lalaki at babae ay sumamâ pagkatapos ng rebelyon sa Eden, at lalo pa itong lumala sa nakalipas na siglo. Inihula ng Bibliya na ang masasamang pag-uugali ay lalaganap sa “mga huling araw.” Palasak ngayon ang paggawa ng masama kaya masasabing ito na ang “mga panahong mapanganib.” (2 Tim. 3:1-5) Pero sa buong kasaysayan ng tao, may mga lalaki at babae na sinasang-ayunan ng “Soberanong Panginoong Jehova” dahil nagtitiwala sila sa kaniya, sumusunod sa kaniyang mga utos, at nagpapasakop sa kaniya bilang kanilang Tagapamahala.—Basahin ang Awit 71:5.
9. Ilang tao ang nakaligtas sa Baha, at bakit sila nakaligtas?
9 Nang puksain ng Diyos ang marahas na sanlibutan noong panahon ni Noe sa pamamagitan ng Baha, kaunti lang ang nakaligtas. Kung buháy pa noon ang mga kapatid na lalaki at babae ni Noe, tiyak na namatay rin sila sa baha. (Gen. 5:30) Magkasindaming lalaki at babae ang nakaligtas sa Delubyo—si Noe, ang kaniyang asawa, ang kaniyang tatlong anak na lalaki, at ang kani-kanilang asawa. Iningatan silang buháy dahil may takot sila sa Diyos at ginawa nila ang kaniyang kalooban. Ang bilyon-bilyong nabubuhay ngayon ay nagmula sa walong indibiduwal na iyon na may pagsang-ayon ni Jehova.—Gen. 7:7; 1 Ped. 3:20.
10. Bakit tumanggap ng pagsang-ayon ni Jehova ang makadiyos na asawa ng tapat na mga patriyarka?
10 Makalipas ang maraming taon, ang makadiyos na asawa ng mga patriyarka ay tumanggap din ng pagsang-ayon ng Diyos. Hindi mangyayari iyan kung mapagreklamo sila. (Jud. 16) Tiyak na hindi nagreklamo ang magalang na asawa ni Abraham, si Sara, nang iwan nila ang kanilang komportableng buhay sa Ur at manirahan sa mga tolda sa ibang lupain. Sa halip, “[sumunod si] Sara kay Abraham, na tinatawag itong ‘panginoon.’” (1 Ped. 3:6) Nariyan din si Rebeka, na isang pagpapala mula kay Jehova at naging mabuting asawa. Hindi kataka-takang inibig siya ng asawa niyang si Isaac, at ito ay “nakasumpong ng kaaliwan matapos na mawala ang kaniyang ina.” (Gen. 24:67) Talagang nagpapasalamat tayo na may makadiyos na mga babae sa kongregasyon na tumutulad kina Sara at Rebeka!
11. Paano nagpakita ng lakas ng loob ang dalawang komadronang Hebreo?
11 Lubhang dumami ang mga Israelita noong panahong alipin sila sa Ehipto. Kaya iniutos ni Paraon na patayin ang lahat ng sanggol na lalaki na isisilang ng mga babaing Hebreo. Pero pansinin ang ginawa ng mga komadronang Hebreo na sina Sipra at Pua, na malamang na nangangasiwa sa mga komadrona. Dahil may takot sila kay Jehova, lakas-loob nilang sinuway ang utos na patayin ang mga sanggol. Bilang resulta, ginantimpalaan sila ng Diyos ng sarili nilang mga pamilya.—Ex. 1:15-21.
12. Ano ang kahanga-hanga kina Debora at Jael?
12 Noong panahon ng mga hukom ng Israel, isa sa mga babaing may pagsang-ayon ng Diyos ang propetisang si Debora. Pinatibay niya si Hukom Barak at tumulong siya para makalaya sa paniniil ang Israel. Pero inihula niya na hindi kay Barak mapupunta ang kaluwalhatian ng tagumpay laban sa mga Canaanita. Sa halip, ibibigay ni Jehova ang pinuno ng hukbong Canaanita na si Sisera “sa kamay ng isang babae.” Iyan mismo ang nangyari. Si Sisera ay pinatay ni Jael, isang babaing di-Israelita.—Huk. 4:4-9, 17-22.
13. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Abigail?
13 Si Abigail ay isang kahanga-hangang babae na nabuhay noong ika-11 siglo B.C.E. May kaunawaan siya, pero ang asawa niyang si Nabal ay mabagsik, walang kabuluhan, at hangal. (1 Sam. 25:2, 3, 25) Pinrotektahan ni David at ng kaniyang mga tauhan ang mga pag-aari ni Nabal, pero nang humingi sa kaniya ng panustos sina David, “sinigawan niya sila ng mga panlalait” at hindi nagbigay ng anuman. Sa galit ni David, nagplano siyang patayin si Nabal at ang mga tauhan nito. Nang mabalitaan ito ni Abigail, nagdala siya ng mga pagkain at inumin kay David at sa mga tauhan nito, kaya naiwasan ang pagdanak ng dugo. (1 Sam. 25:8-18) Nang maglaon, sinabi ni David kay Abigail: “Pagpalain si Jehova na Diyos ng Israel, na siyang nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako!” (1 Sam. 25:32) Pagkamatay ni Nabal, napangasawa ni David si Abigail.—1 Sam. 25:37-42.
14. Sa ano tumulong ang mga anak na babae ni Salum? Paano ito tinutularan ng mga Kristiyanong babae sa ngayon?
14 Nang wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem at ang templo nito noong 607 B.C.E., maraming lalaki, babae, at mga bata ang namatay. Sa pangangasiwa ni Nehemias, itinayong muli ang mga pader ng lunsod noong 455 B.C.E. Kabilang sa mga tumulong sa pagkukumpuni ng mga pader ang mga anak na babae ni Salum, isang prinsipe sa kalahati ng distrito ng Jerusalem. (Neh. 3:12) Handa silang magtrabaho nang mano-mano kahit mga anak sila ng isang prinsipe. Sa ngayon, maraming Kristiyanong babae ang masayang sumusuporta sa iba’t ibang proyekto ng pagtatayo, at talagang pinahahalagahan natin sila!
MAKADIYOS NA MGA BABAE NOONG UNANG SIGLO
15. Anong pribilehiyo ang ibinigay ng Diyos sa isang babaing nagngangalang Maria?
15 May mga babae noong unang siglo na binigyan ni Jehova ng natatanging mga pribilehiyo. Isa sa kanila ang dalagang si Maria. Noong katipan niya si Jose, makahimala siyang nagdalang-tao sa pamamagitan ng banal na espiritu. Bakit siya ang pinili ng Diyos para maging ina ni Jesus? Tiyak na dahil mayroon siyang espirituwal na mga katangian na kailangan para mapalaki nang tama ang kaniyang sakdal na anak. Isa ngang pribilehiyo na maging ina ng pinakadakilang tao na nabuhay kailanman sa lupa!—Mat. 1:18-25.
16. Magbigay ng halimbawa ng pakikitungo ni Jesus sa mga babae.
16 Napakabait ni Jesus sa mga babae. Kuning halimbawa ang pakikitungo niya sa isang babae na 12 taon nang inaagasan ng dugo. Sa gitna ng mga tao, lumapit siya kay Jesus mula sa likuran at hinawakan ang damit nito. Imbes na pagalitan siya, mabait na sinabi ni Jesus: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Yumaon kang payapa, at magkaroon ka ng mabuting kalusugan mula sa iyong nakapipighating sakit.”—Mar. 5:25-34.
17. Anong makahimalang pangyayari ang naganap noong Pentecostes 33 C.E.?
17 May mga babaing alagad si Jesus na naglingkod sa kaniya at sa kaniyang mga apostol. (Luc. 8:1-3) At noong Pentecostes 33 C.E., mga 120 lalaki’t babae ang tumanggap ng banal na espiritu sa makahimalang paraan. (Basahin ang Gawa 2:1-4.) Ganito inihula ang gayong pagbubuhos ng banal na espiritu: “Ibubuhos ko [ni Jehova] ang aking espiritu sa bawat uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay tiyak na manghuhula . . . At maging sa mga alilang lalaki at sa mga alilang babae . . . ay ibubuhos ko ang aking espiritu.” (Joel 2:28, 29) Sa pamamagitan ng makahimalang pangyayaring iyon noong Pentecostes, ipinakita ng Diyos na inalis na niya ang kaniyang pagsang-ayon sa apostatang Israel at ibinaling iyon sa “Israel ng Diyos” na binubuo ng mga lalaki at babae. (Gal. 3:28; 6:15, 16) Kabilang sa mga Kristiyanong babae na nakibahagi sa ministeryo noong unang siglo ang apat na anak na babae ni Felipe na ebanghelisador.—Gawa 21:8, 9.
“ISANG MALAKING HUKBO” NG MGA BABAE
18, 19. (a) Kung tungkol sa tunay na pagsamba, anong pribilehiyo ang ibinigay ng Diyos kapuwa sa mga lalaki at babae? (b) Paano tinukoy ng salmista ang mga babae na naghahayag ng mabuting balita?
18 Noong dekada ng 1870, may ilang lalaki at babae na nagpakita ng taimtim na interes sa tunay na pagsamba. Sila ang unang nakibahagi sa modernong katuparan ng hula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mat. 24:14.
19 Ang maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya ay umabot na ngayon nang mga 8,000,000 Saksi ni Jehova. Mahigit 11,000,000 naman ang nagpapakita ng interes sa Bibliya at sa ating gawain sa pamamagitan ng pagdalo sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Sa maraming lupain, ang karamihan sa dumadalo ay mga babae. At sa mahigit 1,000,000 buong-panahong tagapaghayag ng Kaharian sa buong daigdig, mas marami ang babae. Maliwanag na binigyan ng Diyos ang tapat na mga babae ng pribilehiyong makibahagi sa katuparan ng mga salita ng salmista: “Si Jehova ang nagbibigay ng pananalita; ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.”—Awit 68:11.
PAGPAPALAIN ANG MAKADIYOS NA MGA BABAE
20. Anong proyekto sa pag-aaral ang puwede nating gawin?
20 Hindi natin matatalakay ngayon ang kuwento ng lahat ng tapat na babae sa Bibliya. Pero mababasa natin ang tungkol sa kanila sa Salita ng Diyos at sa ating mga literatura. Halimbawa, puwede nating bulay-bulayin ang tungkol sa pagkamatapat ni Ruth. (Ruth 1:16, 17) Ang pagbabasa tungkol kay Reyna Esther sa Bibliya at sa ating mga publikasyon ay makapagpapatibay ng ating pananampalataya. Magagawa natin ang gayong proyekto sa pag-aaral sa ating Pampamilyang Pagsamba. Kung nag-iisa lang tayo, puwede nating isaalang-alang ang gayong mga paksa sa ating personal na pag-aaral.
21. Paano ipinakita ng makadiyos na mga babae ang kanilang debosyon kay Jehova sa mahihirap na panahon?
21 Maliwanag na pinagpapala ni Jehova ang gawaing pangangaral ng Kristiyanong mga babae, at sinusuportahan niya sila sa mahihirap na panahon. Halimbawa, noong panahon ng mga Nazi at ng Komunismo, maraming makadiyos na babae ang pinahirapan at ang ilan ay pinatay pa nga dahil sa kanilang pagsunod sa Diyos. Pero sa tulong ni Jehova, nakapanatili silang tapat. (Gawa 5:29) Sa panahon din natin, naninindigan sa panig ni Jehova ang ating mga sister kasama ng lahat ng iba pang lingkod ng Diyos. Gaya ng ginawa niya sa sinaunang mga Israelita, waring hawak ni Jehova ang kanang kamay ng kaniyang mga mananamba at sinasabi: “Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.”—Isa. 41:10-13.
22. Anong mga pribilehiyo ang pinananabikan natin?
22 Hindi na magtatagal, ang makadiyos na mga lalaki at babae ay tutulong para gawing paraiso ang lupa at maturuan ang milyon-milyong bubuhaying-muli tungkol sa mga layunin ni Jehova. Habang hinihintay natin iyon, lalaki man o babae, pahalagahan natin ang ating pribilehiyong maglingkod sa kaniya “nang balikatan.”—Zef. 3:9.