Maglingkod Nang Tapat sa Kabila ng “Maraming Kapighatian”
“Kailangan tayong pumasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.”
1. Bakit hindi ikinagugulat ng mga lingkod ng Diyos na mapapaharap sila sa kapighatian?
NAKAKAGULAT bang malaman na mapapaharap ka sa “maraming kapighatian” bago mo matamo ang gantimpalang buhay na walang hanggan? Tiyak na hindi. Ikaw man ay bago sa katotohanan o matagal nang naglilingkod kay Jehova, alam mong ang mahihirap na kalagayan ay bahagi ng buhay sa sanlibutan ni Satanas.
2. (a) Bukod sa mga problemang nakaaapekto sa lahat ng di-sakdal na tao, ano pang kapighatian ang napapaharap sa mga Kristiyano? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Sino ang nasa likod ng ating mga kapighatian, at paano natin iyon nalaman?
2 Bukod sa mga problemang “karaniwan sa mga tao”
KAPIGHATIAN SA LISTRA
3-5. (a) Anong kapighatian ang naranasan ni Pablo sa Listra? (b) Paano naging nakapagpapatibay ang sinabi niya tungkol sa darating na mga kapighatian?
3 Maraming beses na pinag-usig si Pablo dahil sa kaniyang pananampalataya. (2 Cor. 11:23-27) Isa na rito ang nangyari sa Listra. Matapos pagalingin ang isang taong ipinanganak na pilay, si Pablo at ang kasama niyang si Bernabe ay napagkamalang mga diyos at gustong sambahin ng mga tao. Kaya nakiusap sila sa pulutong na huwag gawin iyon. Di-nagtagal, dumating ang mga mananalansang na Judio at siniraan sina Pablo. Biglang nagbago ang sitwasyon! Pinagbabato ng mga tao si Pablo at iniwang halos patay na.
4 Pagkatapos dumalaw sa Derbe, sina Pablo at Bernabe ay “bumalik . . . sa Listra at sa Iconio at sa Antioquia, na pinalalakas ang mga kaluluwa ng mga alagad, na pinatitibay-loob sila na manatili sa pananampalataya at sinasabi: ‘Kailangan tayong pumasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.’” (Gawa 14:21, 22) Baka magtaka tayo sa pananalitang iyan. Parang hindi naman nakapagpapatibay kung sasabihin sa atin na daranas tayo ng “maraming kapighatian.” Kaya paano napatibay nina Pablo at Bernabe ang mga alagad sa sinabi nila tungkol sa darating na mga kapighatian?
5 Makikita natin ang sagot kung susuriin nating mabuti ang sinabi ni Pablo. Hindi niya sinabi: “Kailangan tayong magbata ng maraming kapighatian.” Sa halip, sinabi niya: “Kailangan tayong pumasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.” Dahil idiniin ni Pablo ang positibong resulta ng pananatiling tapat, napalakas niya ang mga alagad. At hindi ilusyon ang gantimpalang iyan. Sa katunayan, sinabi ni Jesus: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”
6. Ano ang gantimpala para sa mga makapagbabata?
6 Kung magbabata tayo, tatanggap tayo ng gantimpala. Para sa mga pinahirang Kristiyano, ang gantimpala ay imortal na buhay sa langit kasama ni Jesus bilang mga tagapamahala. Para naman sa “ibang mga tupa,” ito ay buhay na walang hanggan sa lupa kung saan “tatahan ang katuwiran.” (Juan 10:16; 2 Ped. 3:13) Pero gaya ng sinabi ni Pablo, mapapaharap muna tayo sa maraming kapighatian. Talakayin natin ang dalawang uri ng pagsubok na maaari nating maranasan.
HARAPANG PAGSALAKAY
7. Anong uri ng kapighatian ang maituturing na harapang pagsalakay?
7 Inihula ni Jesus: “Ibibigay kayo ng mga tao sa mga lokal na hukuman, at hahampasin kayo sa mga sinagoga at patatayuin sa harap ng mga gobernador at mga hari.” (Mar. 13:9) Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang iyan, ang isang uri ng kapighatiang daranasin ng mga Kristiyano ay pisikal na pag-uusig, marahil sa panunulsol ng mga lider ng relihiyon o politika. (Gawa 5:27, 28) Pag-isipang muli ang halimbawa ni Pablo. Natakot ba siya sa posibilidad na mapaharap sa gayong pag-uusig? Hindi.
8, 9. Paano ipinakita ni Pablo na determinado siyang magbata? Paano ipinakikita ng ilan sa ngayon ang gayon ding determinasyon?
8 Handang harapin ni Pablo nang buong tapang ang pagsalakay ni Satanas. Sinabi niya: “Hindi ko itinuturing ang aking kaluluwa na may anumang halaga at waring mahal sa akin, matapos ko lamang ang aking takbuhin at ang ministeryo na tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus, na lubusang magpatotoo sa mabuting balita tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.” (Gawa 20:24) Maliwanag, hindi takót si Pablo sa pag-uusig. Sa kabaligtaran, determinado siyang magbata anuman ang mangyari. Ang pinakamahalaga sa kaniya ay ang “lubusang magpatotoo” sa kabila ng anumang kapighatian.
9 Sa ngayon, marami sa ating mga kapatid ang nagpapakita ng gayon ding determinasyon. Halimbawa, sa isang bansa, may mga Saksi na nagtiis ng halos 20-taóng pagkabilanggo dahil sa kanilang neutralidad. Walang ginawang paglilitis dahil walang probisyon ang bansang iyon para sa mga tumatangging sumali sa digmaan. Habang nakabilanggo, hindi sila pinayagang tumanggap ng dalaw kahit mula sa kanilang pamilya, at ang ilan ay binugbog at pinahirapan sa iba’t ibang paraan.
10. Bakit hindi tayo dapat matakot sa mga kapighatiang biglang dumarating?
10 Ang iba nating mga kapatid ay nagbabata ng mga kapighatiang biglang dumarating. Mangyari man iyan sa iyo, huwag matakot. Pag-isipan ang nangyari kay Jose. Ipinagbili siya sa pagkaalipin, pero “hinango . . . siya [ni Jehova] mula sa lahat ng kaniyang mga kapighatian.” (Gawa 7:9, 10) Magagawa rin iyan ni Jehova sa iyo. Tandaan, “alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.” (2 Ped. 2:9) Kaya niyang iligtas ka sa masamang sistemang ito ng mga bagay at bigyan ng buhay na walang hanggan sa ilalim ng kaniyang Kaharian. Hindi ba sapat na dahilan iyan para magtiwala sa kaniya at lakas-loob na magbata ng pag-uusig?
TUSONG PAGSALAKAY
11. Ano ang pagkakaiba ng tusong pagsalakay at harapang pagsalakay?
11 Ang isa pang uri ng kapighatian na maaaring mapaharap sa atin ay ang tusong pagsalakay. Ano ang kaibahan nito sa harapang pagsalakay gaya ng pisikal na pag-uusig? Ang harapang pagsalakay ay tulad ng buhawi na kayang wasakin nang biglaan ang iyong bahay. Ang tusong pagsalakay naman ay gaya ng mga anay na unti-unting sumisira sa bahay mo hanggang sa bumagsak ito. Ang ganitong pagsalakay ay maaaring hindi mahalata ng isa hanggang sa maging huli na ang lahat.
12. (a) Ano ang isa sa tusong pagsalakay ni Satanas, at bakit ito napakaepektibo? (b) Paano nakaapekto kay Pablo ang pagkasira ng loob?
12 Gustong sirain ni Satanas ang kaugnayan mo kay Jehova, sa harapang pagsalakay man gaya ng pag-uusig o sa tusong pagsalakay na unti-unting magpapahina sa iyong pananampalataya. Ang isa sa pinakaepektibong tusong pagsalakay ni Satanas ay ang pagkasira ng loob. Inamin ni apostol Pablo na may mga pagkakataong nakadama siya nito. (Basahin ang Roma 7:21-24.) Bakit kaya nasabi ni Pablo
13, 14. (a) Ano ang maaaring dahilan kung bakit nasisiraan ng loob ang ilang lingkod ng Diyos? (b) Sino ang may gustong humina ang pananampalataya natin, at bakit?
13 Maraming kapatid ang nasisiraan ng loob, nababalisa, at nakadarama pa nga ng kawalang-halaga kung minsan. Halimbawa, isang masigasig na payunir na tatawagin nating Deborah ang nagsabi: “Lagi kong naiisip ang pagkakamaling nagawa ko at lalo akong nanlulumo. Kapag naaalala ko ang lahat ng nagawa kong pagkakamali, pakiramdam ko hindi na ako kayang mahalin ninuman, kahit ni Jehova.”
14 Bakit nasisiraan ng loob ang ilang masisigasig na lingkod ni Jehova gaya ni Deborah? May iba’t ibang dahilan. Ang ilan ay maaaring may tendensiyang mag-isip nang negatibo sa kanilang sarili at sa kalagayan nila. (Kaw. 15:15) Ang iba naman ay nagkakaroon ng negatibong damdamin dahil sa isang problema sa kalusugan na nakaaapekto sa emosyon. Anuman ang dahilan, dapat nating tandaan na may gustong magsamantala sa ganitong damdamin. Sino ba ang may gustong masiraan tayo ng loob para sumuko tayo? Sino ba ang may gustong magpadama sa iyo na kondenado ka ring gaya niya? (Apoc. 20:10) Siyempre, si Satanas. Ang totoo, ang gamitin man niya ay harapang pagsalakay o tusong pagsalakay, wala siyang ibang gusto kundi ang mag-alala tayo, manghina, at tuluyan nang sumuko. Tandaan, ang bayan ng Diyos ay sangkot sa isang espirituwal na pakikipagdigma!
15. Paano natin maipapakita na determinado tayong huwag magpadaig sa pagkasira ng loob?
15 Maging determinadong huwag sumuko. Laging magpokus sa gantimpala. Sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto: “Hindi kami nanghihimagod, kundi kahit ang pagkatao namin sa labas ay nanghihina, tiyak namang ang pagkatao namin sa loob ay nababago sa araw-araw. Sapagkat bagaman ang kapighatian ay panandalian at magaan, ito ay gumagawa sa amin ng isang kaluwalhatian na may lalo pang nakahihigit na bigat at ito ay walang hanggan.”
MAGHANDA NA NGAYON PARA SA KAPIGHATIAN
16. Bakit mahalagang maghanda na ngayon para sa kapighatian?
16 Gaya ng nakita natin, gumagamit si Satanas ng iba’t ibang pakana. (Efe. 6:11) Bawat isa sa atin ay dapat sumunod sa paalala ng 1 Pedro 5:9: “Manindigan kayo laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya.” Para magawa iyan, kailangan nating ihanda ang ating isip at puso. Sanayin na ngayon ang sarili sa paggawa ng tama. Bilang paglalarawan: Ang mga sundalo ay puspusan nang nagsasanay bago pa man magkaroon ng giyera. Ganiyan din sa espirituwal na hukbo ni Jehova. Hindi natin alam kung ano ang nasasangkot sa pakikipagdigma natin sa hinaharap. Kaya hindi ba isang katalinuhan na magsanay na ngayon habang wala pang digmaan? Sumulat si Pablo sa mga taga-Corinto: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya, patuloy na patunayan kung ano nga kayo.”
17-19. (a) Paano natin masusuri ang ating sarili? (b) Paano maaaring maghanda ang mga kabataang nasa paaralan para ipagtanggol ang kanilang paniniwala?
17 Ang isang paraan para masunod natin ang payo ni Pablo ay ang maingat na pagsusuri sa sarili. Maaari nating itanong: ‘Lagi ba akong nananalangin? Kapag ginigipit ako ng mga kasama, sinusunod ko ba ang Diyos sa halip na ang mga tao? Regular ba akong dumadalo sa Kristiyanong mga pagpupulong? Lakas-loob ko bang ipinakikipag-usap sa iba ang mga paniniwala ko? Sinisikap ko bang pagtiisan ang kahinaan ng mga kapatid
18 Pansinin na dalawa sa mga tanong ay tungkol sa lakas-loob na pagtatanggol ng ating mga paniniwala at pagharap sa panggigipit ng mga kasama. Kailangang gawin iyan ng marami sa ating mga kabataan sa paaralan. Sa halip na ikahiya ang kanilang mga paniniwala, natutuhan nilang magsalita nang buong tapang. May mga mungkahi ang ating mga magasin para magawa ito. Halimbawa, iminumungkahi ng Gumising!, Hulyo 2009, na kapag tinanong ka ng kaklase mo: “Bakit hindi kayo naniniwala sa ebolusyon?” puwede mong sabihin: “Bakit naman ako maniniwala sa ebolusyon? Ang mga siyentipiko nga, iba-iba ang sinasabi, mga eksperto na ’yon!” Mga magulang, praktisin ang inyong mga anak para maging handa silang harapin ang gayong panggigipit sa paaralan.
19 Totoo, hindi laging madaling ipakipag-usap ang mga paniniwala natin o gawin ang iba pang bagay na hinihiling ni Jehova. Pagkatapos ng maghapong trabaho, baka kailangan nating pilitin ang ating sarili na dumalo sa pulong. Hindi madaling bumangon sa umaga para lumabas sa larangan lalo pa’t masarap ang tulog natin. Pero tandaan: Kapag may dumating na mas malalaking pagsubok, mas makakayanan mo iyon kung dati ka nang may mabuting espirituwal na rutin.
20, 21. (a) Paano makakatulong ang pagbubulay-bulay sa pantubos para madaig ang negatibong damdamin? (b) Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
20 Paano naman pagdating sa tusong pagsalakay? Halimbawa, paano natin madaraig ang pagkasira ng loob? Ang isa sa pinakaepektibong magagawa natin ay ang pagbubulay-bulay sa pantubos. Iyan ang ginawa ni apostol Pablo. Paminsan-minsan ay nadarama niyang miserable siya. Pero alam niya na namatay si Kristo, hindi para sa sakdal na mga tao, kundi para sa mga makasalanan. At isa si Pablo sa mga makasalanang iyon. Sa katunayan, sinabi niya: “Ang buhay na ipinamumuhay ko ngayon . . . ay ipinamumuhay ko sa pananampalataya sa Anak ng Diyos, na umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin.” (Gal. 2:20) Oo, tinanggap ni Pablo ang pantubos. Alam niyang para sa kaniya mismo ang pantubos.
21 Ang gayon ding pananaw