Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ano ang ibig sabihin ni Jeremias nang banggitin niyang si Raquel ay tumangis dahil sa kaniyang mga anak?

Mababasa natin sa Jeremias 31:15: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Sa Rama ay naririnig ang isang tinig, pagtaghoy at mapait na pagtangis; si Raquel ay tumatangis dahil sa kaniyang mga anak. Siya ay tumangging maaliw dahil sa kaniyang mga anak, sapagkat sila ay wala na.’”

Naunang namatay si Raquel kaysa sa dalawang anak niya. Kaya naman parang mali ang isinulat ni Jeremias 1,000 taon pagkamatay ni Raquel.

Ang panganay na anak ni Raquel ay si Jose. (Gen. 30:22-24) Nang maglaon, nagkaanak siya ng isa pa, si Benjamin. Pero namatay si Raquel nang ipanganak niya ito. Kaya ang tanong: Bakit sinasabi ng Jeremias 31:15 na si Raquel ay tumangis dahil “wala na” ang kaniyang mga anak?

Pansinin na ang panganay na si Jose ay nagkaroon ng mga anak, sina Manases at Efraim. (Gen. 41:50-52; 48:13-20) Nang maglaon, ang tribo ni Efraim ang naging pinakaprominente at pinakamaimpluwensiyang tribo sa buong hilagang kaharian ng Israel at kumatawan sa 10 tribo. Ang tribo naman na nagmula sa pangalawang anak ni Raquel na si Benjamin ay naging bahagi ng timugang kaharian, kasama ng Juda. Kaya masasabing si Raquel ay lumalarawan sa lahat ng ina sa Israel, kapuwa sa hilaga at timugang kaharian.

Nang isulat ang aklat ng Jeremias, ang 10-tribong kaharian sa hilaga ay bumagsak na sa mga Asiryano at marami sa mga mamamayan nito ay dinalang bihag. Pero ang ilan sa mga inapo ni Efraim ay posibleng tumakas patungo sa teritoryo ng Juda. Noong 607 B.C.E., sinakop ng mga Babilonyo ang dalawang-tribong kaharian ng Juda sa timog. Lumilitaw na sa pananakop na iyon, maraming bihag ang tinipon sa Rama, mga walong kilometro sa hilaga ng Jerusalem. (Jer. 40:1) Marahil ang ilan sa kanila ay pinatay sa Rama na nasa teritoryo ng Benjamin kung saan inilibing si Raquel. (1 Sam. 10:2) Kaya ang pagtangis ni Raquel sa kaniyang mga anak ay maaaring nagpapahiwatig ng makasagisag na pagdadalamhati niya para sa mga Benjamita sa pangkalahatan o partikular na para sa mga dinala sa Rama. Posible ring ipinahihiwatig nito na ang lahat ng ina sa bayan ng Diyos ay tumangis dahil sa pagkamatay o pagkabihag ng mga Israelita.

Anuman ang totoo, ang sinabi ni Jeremias may kinalaman sa pagtangis ni Raquel dahil sa kaniyang mga anak ay nagsilbing hula tungkol sa nangyari makalipas ang ilang siglo nang manganib ang buhay ng batang si Jesus. Iniutos ni Haring Herodes na lahat ng batang lalaki na dalawang taon pababa ang edad sa Betlehem, na nasa timugang bahagi ng Jerusalem, ay patayin. Kaya ang mga anak na iyon ay wala na; namatay sila. Isip-isipin ang pagtangis ng mga inang namatayan ng anak! Ang mga pagtangis na iyon ay para bang maririnig hanggang sa Rama, na nasa hilagang bahagi ng Jerusalem.—Mat. 2:16-18.

Kaya naman kapuwa noong panahon ni Jeremias at panahon ni Jesus, ang pagtangis ni Raquel dahil sa kaniyang mga anak ay angkop na paglalarawan sa pagdadalamhati ng mga inang Judio dahil sa kanilang mga anak na pinatay. Siyempre pa, ang mga namatay at napunta sa “lupain ng kaaway” na kamatayan ay makababalik mula sa pagiging bihag ng kaaway na ito kapag binuhay-muli ang mga patay.—Jer. 31:16; 1 Cor. 15:26.