Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ang ating mga publikasyon ay madalas bumanggit noon ng mga tipiko at antitipiko, pero bihira na itong gawin nitong nakalipas na mga taon. Bakit?

Sa The Watchtower ng Setyembre 15, 1950, ganito binigyang-kahulugan ang “tipiko” at “antitipiko”: “Ang tipiko ay isang larawan o paglalarawan ng isang bagay na mangyayari sa hinaharap. Ang antitipiko ay ang katuparan ng inilalarawan ng tipiko. Ang tipiko ay matatawag na anino; ang antitipiko naman, ang katuparan.”

Maraming taon na ang nakararaan, binabanggit sa ating mga publikasyon na ang tapat na mga taong sina Debora, Elihu, Jepte, Job, Rahab, Rebeka, at maraming iba pa, ay mga tipiko, o anino, ng mga pinahiran o ng “malaking pulutong.” (Apoc. 7:9) Halimbawa, sina Jepte, Job, at Rebeka ay ipinalagay na lumalarawan sa mga pinahiran, at sina Debora at Rahab naman ay lumalarawan sa malaking pulutong. Pero nitong nakalipas na mga taon, hindi na natin ginagawa ang gayong mga paghahambing. Bakit?

TIPIKO

Ang kordero ng Paskuwa na inihahain ng sinaunang Israel ay nagsilbing tipiko.—Bil. 9:2

ANTITIPIKO

Tinukoy ni Pablo si Kristo bilang ang “ating [kordero ng] Paskuwa.”—1 Cor. 5:7

Totoo, ipinakikita ng Kasulatan na ang ilang indibiduwal sa Bibliya ay nagsilbing tipiko, o paglalarawan, ng mas dakilang bagay. Binanggit ni apostol Pablo sa Galacia 4:21-31 ang “isang makasagisag na drama” na nagsasangkot sa dalawang babae. Si Hagar, aliping babae ni Abraham, ay lumalarawan sa literal na Israel, na may pakikipagtipan kay Jehova sa pamamagitan ng Kautusang Mosaiko. Si Sara naman, ang “malayang babae,” ay tumutukoy sa makasagisag na asawang babae ng Diyos, ang makalangit na bahagi ng kaniyang organisasyon. Sa liham ni Pablo sa mga Hebreo, iniugnay niya ang haring-saserdoteng si Melquisedec kay Jesus, at itinampok ang maraming pagkakatulad ng dalawa. (Heb. 6:20; 7:1-3) Inihalintulad din ni Pablo si Isaias at ang mga anak nito kay Jesus at sa mga pinahirang tagasunod niya. (Heb. 2:13, 14) Yamang si Pablo ay sumulat sa ilalim ng patnubay ng Diyos, makatitiyak tayo na tama ang mga binanggit niyang tipiko at antitipiko.

Gayunman, kapag sinasabi ng Bibliya na nagsisilbing tipiko ang isang indibiduwal, hindi natin dapat ipalagay na ang bawat detalye o insidente sa buhay nito ay may inilalarawang mas dakilang bagay. Halimbawa, kahit binanggit ni Pablo na si Melquisedec ay lumalarawan kay Jesus, walang sinabi si Pablo tungkol sa paghahain ni Melquisedec ng tinapay at alak kay Abraham matapos nitong matalo ang apat na hari. Kaya walang batayan sa Kasulatan ang paghahanap ng nakatagong kahulugan ng pangyayaring iyon.—Gen. 14:1, 18.

Ang ilang manunulat noong sumunod na mga siglo pagkamatay ni Kristo ay nahulog sa silo na ituring na tipiko ang halos lahat ng ulat sa Bibliya. Tungkol sa mga turo nina Origen, Ambrose, at Jerome, ipinaliwanag ng The International Standard Bible Encyclopaedia: “Naghanap sila ng mga tipiko, at siyempre nakakita sila, sa bawat insidente at pangyayari, gaanuman kaliit, na nakaulat sa Kasulatan. Kahit ang pinakasimple at pinakaordinaryong pangyayari ay ipinalagay na may nakatagong malalim na katotohanan . . . , maging ang bilang ng isdang nahuli ng mga alagad noong gabing magpakita sa kanila ang binuhay-muling Tagapagligtas—gayon na lang ang pagsisikap ng ilan na bigyang-kahulugan ang bilang na iyon, na 153!”

Ayon kay Augustine ng Hippo, ang ulat tungkol sa pagpapakain ni Jesus ng limang tinapay na sebada at dalawang isda sa mga 5,000 lalaki ay may makasagisag na kahulugan. Ang sebada ay itinuturing na mas nakabababa kaysa sa trigo, kaya ipinalagay ni Augustine na ang limang tinapay ay lumalarawan sa limang aklat ni Moises (ang mas nakabababang “sebada” ay lumalarawan sa diumano’y pagiging mas nakabababa ng “Lumang Tipan” kaysa sa “Bagong Tipan”). Ipinaliwanag din niya na ang dalawang isda ay lumalarawan sa isang hari at isang saserdote. Isa pang iskolar ang nagsabi na ang pagbili ni Jacob sa pagkapanganay ni Esau sa pamamagitan ng isang mangkok ng pulang nilaga ay lumalarawan sa pagbili ni Jesus sa makalangit na mana para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kaniyang pulang dugo.

Kung ang gayong mga interpretasyon ay parang di-kapani-paniwala, makikita mo ang problema. Hindi matutukoy ng mga tao kung aling ulat sa Bibliya ang anino ng mga bagay na darating at kung alin ang hindi. Kaya ano ang matalinong gawin? Kapag itinuturo ng Kasulatan na ang isang indibiduwal, pangyayari, o bagay ay nagsisilbing tipiko ng isa pang bagay, tinatanggap natin iyon. Pero kung wala namang batayan sa Kasulatan para bigyan ng makasagisag na kahulugan ang isang tao o ulat sa Bibliya, hindi natin dapat gawin iyon.

Kaya paano tayo makikinabang sa mga pangyayari at halimbawa sa Kasulatan? Sa Roma 15:4, isinulat ni apostol Pablo: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” Sinasabi ni Pablo na ang mga pinahirang kapatid niya noong unang siglo ay may matututuhang mahahalagang aral mula sa mga ulat ng Kasulatan. Pero ang mga lingkod ng Diyos sa lahat ng salinlahi, pinahiran man o “ibang mga tupa,” nabubuhay man sa “mga huling araw” o hindi, ay makikinabang—o nakinabang—sa mga aral mula sa “lahat ng bagay na isinulat noong una.”—Juan 10:16; 2 Tim. 3:1.

Sa halip na isiping ang karamihan sa mga ulat ng Bibliya ay kumakapit lang sa mga pinahiran, sa “ibang mga tupa,” o sa mga Kristiyano sa isang espesipikong panahon, puwedeng ikapit ng lahat ng lingkod ng Diyos sa kanilang sarili ang maraming aral sa mga ulat na ito. Halimbawa, ang mga pagdurusa ni Job ay hindi lang natin dapat ikapit sa paghihirap ng mga pinahiran noong Digmaang Pandaigdig I. Marami sa mga lingkod ng Diyos, lalaki at babae, pinahiran man o “ibang mga tupa,” ang dumanas ng mga pagdurusang gaya ng kay Job at “nakita [nila] ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova, na si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.”—Sant. 5:11.

Sa ating mga kongregasyon ngayon, hindi ba’t mayroon ding mga babaeng may-edad na pero tapat na gaya ni Debora, mga elder na bata pa pero marunong na gaya ni Elihu, mga payunir na masigasig at malakas ang loob na gaya ni Jepte, at mga lalaki’t babaeng tapat at matiisin na gaya ni Job? Laking pasasalamat natin na iningatan ni Jehova ang rekord ng “lahat ng bagay na isinulat noong una,” upang “sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa”!

Dahil sa mga nabanggit, hindi natin sinisikap na hanapan ng tipiko at antitipikong paglalarawan ang bawat ulat ng Bibliya. Sa halip, mas idiniriin ng mga publikasyon natin ngayon ang mga aral na matututuhan natin sa Kasulatan.