Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Elder, Handa Ba Kayong Magsanay sa Iba?

Mga Elder, Handa Ba Kayong Magsanay sa Iba?

“Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon.”—ECLES. 3:1.

1, 2. Ano ang napapansin ng mga tagapangasiwa ng sirkito sa maraming kongregasyon?

SA PAGTATAPOS ng pakikipagpulong ng isang tagapangasiwa ng sirkito sa isang lupon ng matatanda, tumingin siya sa kanila. Damang-dama niya ang pagmamahal sa masisipag na pastol na iyon, na ang ilan ay parang tatay na niya. Pero may ikinababahala siya, kaya tinanong niya sila, “Mga kapatid, may ginagawa na ba kayo para sanayin ang iba na humawak ng mga pananagutan sa kongregasyon?” Naalaala nila na noong huling dalaw niya, tinagubilinan niya silang asikasuhin ang pagsasanay sa iba. Sumagot ang isa sa mga elder, “Ang totoo, konting-konting pa lang.” Tumango lang ang ibang elder.

2 Kung isa kang elder sa kongregasyon, malamang na ganoon din ang isasagot mo. Napapansin ng mga tagapangasiwa ng sirkito na sa maraming kongregasyon, marami pang kailangang gawing pagsasanay sa mga brother—nakababata man o nakatatanda—para tumulong sa pag-aalaga sa kawan. Pero maaaring hindi ito madaling gawin. Bakit?

3. (a) Paano ipinakikita ng Bibliya na mahalagang sanayin ang iba, at bakit dapat maging interesado rito ang lahat? (Tingnan ang talababa.) (b) Bakit nahihirapan ang ilang elder na magsanay ng iba?

3 Bilang isang pastol, tiyak na alam mong mahalaga ang pagsasanay sa iba. * Alam mo na mas maraming brother pa ang kailangan para maalagaan sa espirituwal ang mga kongregasyon at makabuo ng bagong mga kongregasyon. (Basahin ang Isaias 60:22.) Alam mo rin na pinapayuhan ka ng Salita ng Diyos na “magturo . . . sa iba.” (Basahin ang 2 Timoteo 2:2.) Pero gaya ng mga elder na binanggit sa simula, baka nahihirapan ka ring gawin ito. Matapos mong asikasuhin ang pangangailangan ng iyong pamilya, ang iyong trabaho, pananagutan sa kongregasyon, at iba pang mahahalagang gawain, parang wala ka nang panahon na magsanay ng iba sa kongregasyon. Kaya talakayin natin ngayon kung gaano kahalaga ang pagsasanay sa iba.

PRIYORIDAD ANG PAGSASANAY

4. Bakit ipinagpapaliban ng ilang elder ang pagsasanay sa iba?

4 Bakit kaya nahihirapan ang ilang elder na maglaan ng panahon para sanayin ang iba? Baka iniisip nila: ‘Mahalaga ang pagsasanay, pero may ibang mga gawain sa kongregasyon na dapat unahin. Kung ipagpapaliban ko muna ang pagsasanay, hindi naman maaapektuhan ang kongregasyon.’ Bagaman talagang may mga gawain na kailangang asikasuhin agad, ang pagpapaliban sa pagsasanay ay maaaring makaapekto sa espirituwalidad ng kongregasyon.

5, 6. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa tungkol sa isang drayber at sa pananaw niya sa maintenance ng makina ng sasakyan? Paano ito maikakapit sa pagsasanay sa iba sa kongregasyon?

5 Pag-isipan ang halimbawang ito: Para manatiling maayos ang takbo ng sasakyan, alam ng isang drayber na dapat niyang regular na palitan ang langis ng makina nito. Pero baka isipin niya na mas mahalaga kaysa rito ang pagkakarga ng gasolina. Totoo naman na kapag naubusan ng gasolina ang sasakyan, hindi na ito tatakbo. Baka ikatuwiran niya, ‘Kung wala akong panahong magpalit ng langis ngayon, aandar pa rin naman ang makina.’ Pero bakit ito mapanganib? Kung laging ipagpapaliban ng drayber ang maintenance ng makina, balang-araw ay masisira ang sasakyan niya at hindi na ito tatakbo. Kapag nangyari iyan, mas malaking panahon at pera ang kailangan niya sa pagpapaayos ng sasakyan. Ano ang aral dito?

6 Maraming mahahalagang gawain ang kailangang asikasuhin agad ng mga elder; kung hindi nila ito gagawin, maaapektuhan ang kongregasyon. Kaya gaya ng drayber na regular na nagkakarga ng gasolina sa tangke ng sasakyan, dapat tiyakin ng mga elder “ang mga bagay na higit na mahalaga.” (Fil. 1:10) Pero dahil abalang-abala ang ilang elder sa mahahalagang bagay, baka mapabayaan nila ang pagsasanay sa iba—ang maintenance ng makina, wika nga. Kung laging ipagpapaliban ng mga elder ang pagsasanay sa iba, darating ang panahon na kukulangin ang kongregasyon ng kuwalipikadong mga brother na mag-aasikaso ng mga kailangang gawin.

7. Ano ang dapat na maging pananaw natin sa mga elder na nagbibigay ng panahon para sa pagsasanay?

7 Maliwanag na hindi natin dapat isipin na hindi gaanong mahalaga ang pagsasanay. Ang mga elder na malawak ang pananaw at nagbibigay ng panahon para sanayin ang hindi pa gaanong makaranasang mga brother ay mahuhusay na katiwala at tunay na pagpapala sa buong kongregasyon. (Basahin ang 1 Pedro 4:10.) Paano nakikinabang ang kongregasyon?

SULIT NA PAGGAMIT NG PANAHON

8. (a) Bakit dapat sanayin ng mga elder ang iba? (b) Ano ang mahalagang pananagutan ng mga elder na naglilingkod sa mga lugar na malaki ang pangangailangan? (Tingnan ang kahong “ Isang Apurahang Gawain.”)

8 Dapat tanggapin kahit ng pinakamakaranasang mga elder na habang nagkakaedad sila, unti-unting nalilimitahan ang nagagawa nila para sa kongregasyon. (Mik. 6:8) Dapat din nilang isipin na dahil sa ‘panahon at di-inaasahang pangyayari,’ maaaring biglang magbago ang kakayahan nilang bumalikat ng mga pananagutan sa kongregasyon. (Ecles. 9:11, 12; Sant. 4:13, 14) Kaya udyok ng pagmamalasakit sa mga tupa ni Jehova, sinisikap ng palaisip na mga elder na ituro sa nakababatang mga brother ang natutuhan nila sa mga taon ng kanilang tapat na paglilingkod.—Basahin ang Awit 71:17, 18.

9. Anong pangyayari sa hinaharap ang nagpapakitang mahalaga ang pagsasanay sa iba?

9 Kapag sinasanay ng mga elder ang iba, napatatatag din nila ang kongregasyon. Dahil sa ginagawa nilang pagsasanay, mas maraming brother ang nagiging handang tumulong para tumibay at magkaisa ang kongregasyon, hindi lang ngayon kundi lalo na sa maligalig na panahon pagdating ng malaking kapighatian. (Ezek. 38:10-12; Mik. 5:5, 6) Kaya mahal naming mga elder, pakisuyong gawing regular na bahagi ng inyong ministeryo ngayon ang pagsasanay sa iba.

10. Ano ang maaaring gawin ng isang elder para magkaroon ng panahon sa pagsasanay sa iba?

10 Siyempre, nauunawaan namin na dahil marami kang inaasikasong mahahalagang gawain sa kongregasyon, baka nadarama mong punô na ang iskedyul mo. Pero baka kailangan mong gamitin ang ibang panahong ginugugol mo sa pag-aasikaso sa kongregasyon para sanayin ang iba. (Ecles. 3:1) Sulit ang ganitong paggamit ng panahon.

IHANDA ANG PUSO NG SINASANAY

11. (a) Ano ang kapansin-pansin sa mga mungkahing ibinigay ng mga elder mula sa iba’t ibang lupain? (b) Ayon sa Kawikaan 15:22, bakit mahalagang talakayin ang mga mungkahi ng ibang elder?

11 Kamakailan, tinanong ang ilang elder na matagumpay sa pagtulong sa mga brother kung paano nila sinasanay ang iba. * Kahit magkakaiba ang sitwasyon ng mga elder na ito, kapansin-pansing halos pare-pareho ang kanilang mga ipinayo. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ang salig-Bibliyang pagsasanay ay kapit sa mga tinuturuan “sa lahat ng dako sa bawat kongregasyon”—gaya noong panahon ni apostol Pablo. (1 Cor. 4:17) Kaya sa artikulong ito at sa kasunod, tatalakayin natin ang ilang mungkahi mula sa mga elder na ito. (Kaw. 15:22) Para mapasimple ang pagtalakay, tutukuyin natin ang elder na nagtuturo bilang “tagapagsanay” at ang tinuturuan naman bilang “sinasanay.”

12. Ano ang kailangang ihanda ng isang tagapagsanay, at bakit?

12 Kailangang ihanda ng isang tagapagsanay ang tamang mga kalagayan. Kung paanong kailangang bungkalin ng hardinero ang lupa bago magtanim ng binhi, kailangan ding ihanda ng tagapagsanay ang puso ng sinasanay bago ito turuan. Kaya paano ihahanda ng mga tagapagsanay ang puso ng sinasanay? Sa pamamagitan ng pagtulad sa ginawa ng isang sinaunang propeta. Ano iyon?

13-15. (a) Anong atas ang ibinigay kay propeta Samuel? (b) Paano inihanda ni Samuel si Saul sa bagong atas nito? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (c) Bakit dapat maging interesado ang mga elder sa ulat na ito ng Bibliya tungkol kay Samuel?

13 Isang araw, mahigit 3,000 taon na ang nakalilipas, sinabi ni Jehova sa matanda nang propetang si Samuel: “Bukas sa ganitong oras ay magsusugo ako sa iyo ng isang lalaki mula sa lupain ng Benjamin, at papahiran mo siya bilang lider sa aking bayang Israel.” (1 Sam. 9:15, 16) Naunawaan ni Samuel na hindi na siya ang lider ng Israel at inatasan siya ni Jehova na pahiran ang hahalili sa kaniya. Maaaring naisip ni Samuel, ‘Paano ko maihahanda ang taong iyon sa kaniyang atas?’ Nakaisip siya ng paraan.

14 Kinabukasan, nang makita ni Samuel si Saul, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Narito ang lalaki.” Kaagad niyang ginawa ang naisip niyang paraan. Inanyayahan niya si Saul na kumain sa bulwagang kainan. Pinaupo niya ito at ang tagapaglingkod nito sa pinakamagandang puwesto, binigyan ng pinakamainam na parte ng karne, at sinabi kay Saul: “Kainin mo, sapagkat sa takdang panahon ay itinaan nila ito para sa iyo.” Pagkatapos, naglakad sina Samuel at Saul papunta sa bahay ng propeta habang nag-uusap. Gustong samantalahin ni Samuel ang mga kalagayang iyon. Inanyayahan niya si Saul sa bubungan ng bahay. Sa malamig at mahanging gabing iyon, si Samuel ay ‘patuloy na nakipag-usap kay Saul sa bubungan ng bahay’ hanggang sa matulog na sila. Kinabukasan, pinahiran ni Samuel si Saul, hinalikan ito, at binigyan ito ng karagdagang tagubilin. Pagkatapos, pinayaon niya si Saul na handa na para sa mangyayari.—1 Sam. 9:17-27; 10:1.

15 Siyempre pa, iba ang pagpapahid sa isang tao para maging lider ng isang bansa kaysa sa pagsasanay ng mga brother para maging elder o ministeryal na lingkod. Pero may matututuhan ang mga elder sa ginawa ni Samuel. Talakayin natin ang dalawa sa mga ito.

KUSANG-LOOB NA MAGTURO AT MAGING TUNAY NA KAIBIGAN

16. (a) Ano ang nadama ni Samuel nang humiling ang Israel ng isang hari? (b) Ano ang saloobin ni Samuel sa pagtupad sa atas na pahiran si Saul?

16 Kusang-loob na magturo, huwag mag-atubili. Nang marinig ni Samuel na gusto ng mga Israelita na magkaroon ng taong hari, minasama niya iyon at pakiramdam niya ay itinatakwil siya ng bayan. (1 Sam. 8:4-8) Sa katunayan, atubili siyang gawin kung ano ang hinihiling ng bayan kaya tatlong beses na sinabi ni Jehova sa kaniya na pakinggan sila. (1 Sam. 8:7, 9, 22) Pero hindi sumama ang loob niya ni nagalit man siya sa taong hahalili sa kaniya. Nang sabihin ni Jehova sa propeta na pahiran si Saul, sumunod siya. Ginawa niya iyon hindi lang dahil obligasyon niya kundi udyok ng pag-ibig.

17. Paano tinutularan ng mga elder ang saloobin ni Samuel? Paano ito nagdudulot sa kanila ng kagalakan?

17 Gaya ni Samuel, ang makaranasang mga elder ay nagpapakita ng kabaitan sa mga sinasanay nila. (1 Ped. 5:2) Handa silang magbigay ng pagsasanay sa iba dahil hindi sila nangangambang maagaw ng mga sinasanay ang mga pribilehiyo nila sa kongregasyon. Para sa bukas-palad na mga tagapagsanay, ang mga sinasanay ay hindi mga karibal kundi “mga kamanggagawa”—mahahalagang regalo sa kongregasyon. (2 Cor. 1:24; Heb. 13:16) At kapag nakikita ng di-makasariling mga elder na ginagamit ng mga sinasanay ang kakayahan ng mga ito sa kapakanan ng kongregasyon, nagdudulot iyon ng kagalakan sa kanila.—Gawa 20:35.

18, 19. Paano maihahanda ng isang elder ang puso ng sinasanay? Bakit mahalagang gawin iyan?

18 Maging kaibigan, hindi lang tagapagsanay. Nang araw na makilala ni Samuel si Saul, puwede sanang basta lang niya ilabas ang prasko ng langis, agad na pahiran ng langis si Saul sa ulo, at payaunin ang bagong hari—napahiran pero hindi naihanda. Sa halip, magiliw na naglaan si Samuel ng panahon para unti-unting maihanda ang puso ni Saul. Matapos kumain ng masarap na pagkain, maglakad, makapag-usap, at makapagpahingang mabuti, saka naisip ng propeta na iyon na ang tamang panahon para pahiran si Saul.

Ang pagsasanay sa iba ay nagsisimula sa pakikipagkaibigan (Tingnan ang parapo 18, 19)

19 Sa katulad na paraan, sinisimulan ng tagapagsanay ang pagtuturo sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa sinasanay niya at paghahanda sa puso nito. Para magawa iyan, iba-iba ang mga hakbang na kailangang gawin ng isang elder, depende sa lugar, sitwasyon, at mga kaugalian. Pero saan ka man nakatira, kapag naglalaan ka ng panahon para sa iyong sinasanay sa kabila ng pagiging abala, parang sinasabi mo sa kaniya, “Mahalaga ka sa akin.” (Basahin ang Roma 12:10.) Ang mensaheng iyan ay madarama at pahahalagahan ng mga sinasanay.

20, 21. (a) Paano mo ilalarawan ang isang matagumpay na tagapagsanay? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

20 Mga elder, tandaan: Ang matagumpay na tagapagsanay ay interesado hindi lang sa pagbibigay ng pagsasanay, kundi pati sa taong sinasanay niya. (Ihambing ang Juan 5:20.) Bakit ito mahalaga? Dahil kung madarama ng sinasanay na taimtim ang pagmamalasakit mo sa kaniya, magiging handa siyang matuto mula sa iyo. Kaya mahal naming mga elder, habang nagtuturo kayo, huwag lang basta magturo—maging kaibigan din.—Kaw. 17:17; Juan 15:15.

21 Matapos ihanda ng isang elder ang puso ng sinasanay, gusto niyang turuan ito ng kinakailangang mga kasanayan. Paano niya ito magagawa? Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.

^ par. 3 Ang artikulong ito at ang kasunod ay para sa mga elder, pero dapat maging interesado rito ang lahat ng nasa kongregasyon. Bakit? Mapasisigla nito ang lahat ng bautisadong lalaki na maunawaang kailangan nila ng pagsasanay para makatulong sa mga gawain sa kongregasyon. Sa gayon, makikinabang ang lahat.

^ par. 11 Ang mga elder na ito ay nakatira sa Australia, Bangladesh, Belgium, Brazil, France, French Guiana, Japan, Korea, Mexico, Namibia, Nigeria, Réunion, Russia, South Africa, at United States.