Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MULA SA AMING ARCHIVE

Nakita Niyang Pag-ibig ang Nagpapatakbo sa Cafeteria

Nakita Niyang Pag-ibig ang Nagpapatakbo sa Cafeteria

ESPESYAL na okasyon para sa bayan ng Diyos ang espirituwal na mga pagtitipon kung saan magkakasama silang kumakain sa mesa ni Jehova. Nakadaragdag din sa kasayahan nila ang pagsasalo-salo sa materyal na pagkain.

Noong Setyembre 1919, ang mga Estudyante ng Bibliya ay nagdaos ng walong-araw na kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, E.U.A. Ang mga delegado ay tutuloy sa mga hotel at ito rin ang maglalaan ng pagkain nila. Pero libo-libo ang dumating at mas marami kaysa sa inaasahan. Dahil dito, umurong sa trabaho ang mga waiter at waitress. Nagtanong ang problemadong manedyer ng cafeteria kung may mga kabataang delegado na puwedeng tumulong, at marami ang nagboluntaryo. Isa rito si Sadie Green. “No’n ko pa lang nasubukang mag-waitress,” ang sabi niya, “pero nag-enjoy kami.”

Sierra Leone, 1982

Nang sumunod na mga taon, nagkaroon na ng cafeteria sa mga kombensiyon, kaya marami ang nakapagboluntaryo para maglingkod sa mga kapatid. Nakatulong din ito sa maraming kabataan na magkaroon ng espirituwal na mga tunguhin. Si Gladys Bolton ay nakapagboluntaryo sa cafeteria sa isang kombensiyon noong 1937. “May mga nakilala ako mula sa iba’t ibang lugar,” ang sabi niya, “at nalaman ko kung paano nila hinaharap ang kanilang mga problema. Noon ko unang pinangarap na magpayunir.”

Sinabi ni Beulah Covey, na dumalo sa isang kombensiyon: “Dahil sa dedikasyon ng mga boluntaryo, naging maayos ang lahat.” Pero may mga hamon din. Halimbawa noong 1969, pagdating ni Angelo Manera sa Dodger Stadium sa Los Angeles, California, saka lang niya nalaman na siya pala ang inatasang mangasiwa sa cafeteria. “Gulát na gulát ako!” ang sabi niya. Kailangan pa nilang maghukay noon ng halos kalahating kilometro para sa linya ng gas papuntang kusina!

Frankfurt, Germany, 1951

Sa Sierra Leone noong 1982, nilinis at hinawan muna ng masisipag na boluntaryo ang isang bukid para pagtayuan ng cafeteria, na ginawa gamit ang mga materyales na mayroon sila. Sa Frankfurt, Germany, noong 1951, ang mapamaraang mga kapatid ay nagrenta ng isang locomotive para maglaan ng singaw, o steam, na ginamit sa pagluluto sa 40 malalaking kaldero. Sa loob ng isang oras, 30,000 katao ang pinakakain nila. Para mapagaan ang trabaho ng 576 na boluntaryo sa paghuhugas, nagbaon ng sariling kutsilyo’t tinidor ang mga delegado. Sa Yangon, Myanmar, hindi gaanong pinaanghang ng mga tagapagluto ang pagkain ng mga delegado mula sa ibang bansa.

“NAKATAYO SILA KUNG KUMAIN”

Sa isang kombensiyon sa Estados Unidos noong 1950, ang mahabang pila sa cafeteria sa ilalim ng init ng araw ay naging pagpapala kay Annie Poggensee. Sinabi niya: “Nawili ako sa pakikinig sa masarap na kuwentuhan ng dalawang sister na nagbarko mula sa Europa.” Ikinuwento nila sa isa’t isa kung paano sila tinulungan ni Jehova para makadalo. “Sila na yata ang pinakamasayang kapatid doon,” ang sabi ni Annie. “Bale-wala sa kanila ang matagal na paghihintay sa pila at ang init.”

Seoul, Korea, 1963

Sa maraming malalaking kombensiyon, mga tolda na may nakahilerang mga mesa ang ginamit na cafeteria. Ang mga kumakain ay nakatayo at nagmamadali sa pagkain para makakain din ang iba. Hindi ba’t iyan ang pinakamagandang paraan para mapakain ng pananghalian ang libo-libong tao? Isang di-Saksi ang nagsabi: “Kakaiba ang relihiyong ’yan. Nakatayo sila kung kumain.”

Humanga ang militar at mga awtoridad sa pagiging maayos at organisado ng mga Saksi. Matapos mag-inspeksiyon sa cafeteria sa Yankee Stadium sa New York City, hinimok ng isang personel ng United States Army si Major Faulkner ng British War Department na mag-inspeksiyon din. Kaya noong 1955, dumalo siya at ang asawa niya sa asamblea na “Triumphant Kingdom” sa Twickenham, England. Sinabi niya na nakita niyang pag-ibig ang nagpapatakbo sa cafeteria doon.

Sa loob ng ilang dekada, ang mga boluntaryo ang maibiging naghahanda ng masusustansiya at murang pagkain sa mga dumadalo sa kombensiyon. Pero maraming boluntaryo ang kailangan dito. Kailangan nilang magtrabaho nang maraming oras at kung minsan ay hindi pa nga sila nakakapakinig ng buong programa. Noong huling mga taon ng dekada ’70, pinasimple sa maraming lugar ang kaayusan para sa pagkain sa kombensiyon. Pagkatapos, mula noong 1995, hiniling sa mga delegado na magdala na lang ng kani-kaniyang pagkain. Dahil dito, ang mga dating naghahanda at nagsisilbi ng mga pagkain ay mas nakikinabang na sa espirituwal na programa at pakikipagsamahan sa mga kapatid. *

Tiyak na pinahahalagahan ni Jehova ang mga nagsikap na paglingkuran ang mga kapananampalataya nila! Maaaring nami-miss ng ilan ang masasayang araw ng pagtatrabaho sa cafeteria. Pero isang bagay ang tiyak: Pag-ibig pa rin ang pangunahing sangkap ng ating mga kombensiyon.—Juan 13:34, 35.

^ par. 12 Marami pang bukás na pagkakataon sa mga boluntaryo para makatulong sa ibang mga departamento sa kombensiyon.