“Kung Kaya ni Kingsley, Kaya Ko Rin!”
NANG tapikin siya sa balikat, nagsimula nang magbasa ng Bibliya si Kingsley—ito ang una niyang bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa kongregasyon. Malinaw niyang binigkas ang bawat salita. Pero teka! Bakit hindi siya nakatingin sa Bibliya?
Si Kingsley, na nakatira sa Sri Lanka, ay bulag. May diperensiya rin siya sa pandinig at naka-wheelchair. Paano siya natuto tungkol kay Jehova at naging kuwalipikado sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo? Ikukuwento ko sa inyo.
Nang una kong makilala si Kingsley, humanga ako sa kaniya dahil gustong-gusto niyang matuto ng katotohanan sa Bibliya. Nakipag-aral na siya noon ng Bibliya sa ilang Saksi, at halos luma na ang aklat niyang Braille na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. * Pumayag siyang ituloy namin ang pag-aaral niya, pero may dalawang problema.
Una, nakatira si Kingsley sa isang tahanan para sa matatanda at mga may-kapansanan. Dahil maingay ang paligid at mahina ang pandinig ni Kingsley, kailangan kong lakasan ang boses ko. Dinig ng lahat ang pag-aaral namin linggo-linggo!
Ikalawa, kaunti lang ang kayang basahin at maintindihan
ni Kingsley sa bawat pag-aaral. Para maging mas produktibo ang pag-aaral namin, naghahandang mabuti si Kingsley. Paulit-ulit niyang binabasa ang pag-aaralan, hinahanap ang mga teksto sa Bibliya niyang Braille, at binubuo sa isip ang sagot sa mga tanong. Napakaepektibo nito. Kapag nag-aaral kami, umuupo si Kingsley sa isang sapin sa sahig. Napapatuktok siya sa sahig habang masiglang ipinaliliwanag sa malakas na boses kung ano ang natutuhan niya. Di-nagtagal, dalawang beses na kaming nag-aaral bawat linggo, at dalawang oras sa bawat sesyon!PAGDALO AT PAKIKIBAHAGI SA PULONG
Gustong-gusto ni Kingsley na makadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall, pero hindi ito madali. Kailangan niya ng tulong para makasakay sa wheelchair at sa sasakyan, papunta at pauwi ng Kingdom Hall. Pero marami sa kongregasyon ang nagpapalitan para tulungan siya, at itinuturing nilang pribilehiyo iyon. Sa panahon ng pulong, itinatapat ni Kingsley ang tainga niya sa isang speaker, nakikinig siyang mabuti, at nagkokomento pa nga!
Di-nagtagal, nagpatala si Kingsley sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Dalawang linggo bago ang bahagi niya, tinanong ko kung nagpapraktis siya. Sinabi niya, “Oo, mga 30 beses na.” Kinomendahan ko siya at tinanong kung puwede kong pakinggan ang pagbabasa niya. Binuksan niya ang kaniyang Bibliya, inilagay ang mga daliri sa Braille, at nagsimulang magbasa. Pero napansin ko na hindi gumagalaw ang mga daliri niya. Kabisado na niya ang buong bahagi niya!
Napaluha ako at hindi makapaniwala. Tinanong ko si Kingsley kung paano niya nasaulo iyon kung 30 beses lang siyang nagpraktis. Sumagot siya: “Hindi, mga 30 beses bawat araw akong nagpapraktis.” Sa loob ng mahigit isang buwan, paulit-ulit na binasa ni Kingsley, habang nakaupo sa isang sapin sa sahig, ang mga teksto hanggang sa masaulo niya ang mga ito.
Dumating ang araw ng bahagi ni Kingsley sa Kingdom Hall. Nagpalakpakan sa tuwa ang kongregasyon pagkatapos ng bahagi niya. Marami ang naiyak dahil sa nakita nilang determinasyon ng bagong estudyanteng ito. Isang sister, na tumigil sa pagganap ng bahagi dahil sa nerbiyos, ang muling nagpatala sa paaralan. Bakit? Sinabi niya, “Kung kaya ni Kingsley, kaya ko rin!”
Noong Setyembre 6, 2008, matapos mag-aral ng Bibliya sa loob ng tatlong taon, nagpabautismo si Kingsley bilang sagisag ng pag-aalay niya kay Jehova. Nanatili siyang tapat na Saksi hanggang sa mamatay siya noong Mayo 13, 2014. Nagtitiwala si Kingsley na sa Paraiso, ipagpapatuloy niya ang kaniyang tapat na paglilingkod taglay ang sakdal na kalusugan at kalakasan. (Isa. 35:5, 6)—Ayon sa salaysay ni Paul McManus.
^ par. 4 Inilathala noong 1995; hindi na inililimbag.